CHAPTER 20

1771 Words
INIWAN ni Cheska si Jerimie sa kusina at mabilis na pumanhik sa hagdan papunta sa kanyang silid. Nagkulong siya sa kuwarto. Wala siyang planong ubusin ang buong maghapon sal pakikipagdebate kay Jerimie tungkol kay Elsa. Pero hindi pa siya nagtatagal sa loob ng kuwarto ay nakarinig na siya ng sunod-sunod na katok. "Cheska..." Hindi siya sumagot. Pinabayaan niya lang ito para kusa na ring umalis. Ngunit kumatok lang ulit si Jerimie kasabay ang pagtawag sa kanya. "Cheska, galit ka ba? Buksan mo naman ang pinto. Mag-usap tayo." Naiinis na tumayo siya at binuksan ang pinto. "Bakit?" singhal niya kay Jerimie na ikinagulat nito. "Galit ka ba sa akin?" "May dahilan ba para magalit ako?" "Hindi ko alam," sagot ni Jerimie kasabay ang pag-iling. "Kaya nga tinatanong kita. Para kasing na-badtrip ka kanina habang nag-uusap tayo." "Pagod lang ako, gusto kong magpahinga." "Kagigising mo lang, ah. Kumain ka lang, napagod ka na?" "Okay, itatama ko, ha? Umalis ka na. Gusto kong mapag-isa." "Ahhh..." Napatango na lang si Jerimie. "Sige, nasa room lang din ako---" Isinara ni Cheska ang pinto at hindi na hinintay na matapos ang sinasabi ng kausap. Wala nang nagawa si Jerimie kundi umalis at magpunta na lang sa kanyang silid. Ang mga babae talaga, ang hirap ispelengin! Bago magtanghali ay lumabas ng silid si Jerimie para maghanda ng pananghalian. Nagulat pa siya na nasa kusina na si Cheska at abalang nagluluto. "Hindi mo ako tinawag. Sana natulungan kita." "Madali lang naman ito. At saka, ikaw na lang lagi ang nagluluto. Nakakahiya na sa'yo," sagot niya habang hinahalo ang nilagang baka sa kaserola. Sumilip si Jerimie sa niluluto niya. "Wow! Nilagang baka. Mapaparami ang kain ko nito," natatakam nitong sabi. "Paborito mo?" tanong ni Cheska. Sa wakas ay nakita ni Jerimie na ngumiti ang dalaga. Senyales ba ito na okay na ulit sila? Sana... "Oo, medyo matagal na nga akong hindi nakakakain ng nilagang baka." "Eh, 'di sulitin mo na ngayon. Sana lang magustuhan mo." Matagal na kitang gusto. Iyon ang naglalaro sa kanyang isip, pero iba ang lumabas sa kanyang bibig. "Magugustuhan ko 'yan. Ikaw ang nagluto, eh." "Owws? Hindi mo naman alam kung marunong ba akong magluto," sabi ni Cheska. "Hindi ka naman siguro magluluto niyan kung hindi ka marunong," sagot naman ni Jerimie. "At saka madali lang naman remedyuhan ang nilaga. 'Pag maalat, dagdagan ng sabaw. 'Pag matabang, dagdagan ng patis o asin. Ganoon kasimple." "Luto na ito. Maghahain na ako para makakain na tayo," excited na sabi ni Cheska. "Pwede ba tayong mag-grocery mamaya? Para makabili na tayo ng food for next week. At saka bili na rin tayo ng food na share natin sa outing bukas." Napatingin siya kay Jerimie, tapos ay nagsalita. "Sige, ikaw ang bahala." Nginitian siya ng lalaki. "Teka, tutulungan na kitang maghain." BANDANG HAPON na nang mag-grocery sina Cheska at Jerimie. Namili na rin si Cheska ng mga regalo para sa mga volunteer na ibibigay niya sa mga ito bago sila bumalik ng Maynila. Malaking tulong ang ibinigay ng mga volunteer nila at kahit sa munting regalong ito ay mapasaya nila ang mga taong hindi nagdamot ng oras para tulungan ang iba. Pagbalik nila sa bahay ay nakita nila si Elsa na nasa labas ng bahay nito. "Jerimie!" masiglang sigaw nito nang makita ang binata na bumaba ng sasakyan. "Saan kayo galing?" "Nag-grocery lang. Pagkain at kung anu-anong mapapakinabangan sa bahay," sagot niya. Saglit na tumingin si Elsa kay Cheska at tumango lang ang huli bilang pagbati. Tapos ay dumiretso na siya papasok sa loob ng bahay. "Bukas, ha? Maaga tayong aalis," muling sabi ng babae na abot tenga ang ngiti. "Oo, 'wag kang mag-alala. Maaga naman talaga akong nagigising." Kinawayan niya ito bago muling nagsalita, "Papasok na ako..." Pagtalikod ni Jerimie ay biglang nagbago ang itsura ni Elsa. Kung kanina ay masigla ito at nakangiti, ngayon naman ay umarko ang kilay nito at mataray na umismid bago tumalikod upang pumasok sa loob ng kanyang bahay. KINABUKASAN ay maagang kumatok si Elsa sa bahay na tinutuluyan nina Jerimie at Cheska. Si Jerimie ang nagbukas ng pinto. "Good morning! Mag-ready na kayo. Hinihintay lang 'yong sasakyan." As usual ay malapad ang ngiti ni Elsa. Kulang na lang ay umabot sa tenga ang pagkakangiti nito. "Good morning din. Sige, gigisingin ko na si Cheska." "Puwede bang sa inyo na lang ako makisabay?" hirit na tanong ni Kapitana. "Alam mo na, medyo puno na sila doon sa sasakyan," "Oo naman, walang problema." Wala nga ba? "Salamat. Aalis na ako. Babalik na lang ako rito 'pag aalis na tayo." Pakembot-kembot na naglakad si Elsa pabalik ng kanyang bahay. Tila sadyang ipinapakita kay Jerimie ang malantik na pag-imbay ng kanyang balakang. Isinara ng binata ang pinto at nagmamadaling pinuntahan sa kuwarto si Cheska. "Cheska! Bumangon ka na, malapit na tayong umalis," tawag niya rito. "Gising na ako. Nag-aayos lang ako ng mga gamit," sagot niya. "Lumabas ka na rito agad, ha?" Lumabi si Cheska na akala mo'y nakikita siya ni Jerimie at saka bumulong, "Excited!" Pagkatapos maglagay sa bag ng mga dadalhin ay lumabas na siya. Nasa kusina si Jerimie at inilalagay sa plastic bag ang niluto nitong seafoods carbonara at adobong baboy. Sa isang lalagyan naman ay naroon ang ilang pirasong itlog na maalat at malalaking hinog na kamatis. Noon naman kumatok ulit sa pinto si Elsa. "Jerimie! Cheska! Aalis na tayo." "Tara na," sabi ni Jerimie kay Cheska sabay bitbit ng mga pagkaing dadalhin nila sa outing. "Nasaan ang gamit mo?" tanong niya. "Nasa sasakyan na." Nilakad nila patungong pintuan at nabungaran pa nila si Elsa nang buksan nila ang pinto. Hindi mo iisiping barangay captain si Elsa sa suot nitong maikling maong shorts at puting t-shirt. Para lang itong college student na nakasuot ng pambahay. "Ano 'yan? Ba't nag-abala pa kayong magluto, andami na nating baong pagkain," sabi nito nang makita ang dala ni Jerimie. Pero mas nakatawag sa pansin nito ang suot ng binata na board shorts at black cotton sando. Hapit na hapit sa katawan ni Jerimie ang sando at mas lalong lumabas ang pagka-macho nito. "Okay na 'yung marami. Para 'di tayo kulangin. Mahirap magutom," pagbibiro ni Jerimie. Panakaw ding sinulyapan ni Elsa ang suot ni Cheska. At parang nainis ito nang bahagya dahil sa insecurity. Bakit hindi? Mas gumanda pa yata si Cheska sa suot nitong maroon bermuda shorts at gray cotton tops. Ang ganda pa ng flip flops na suot nito samantalang siya ay naka-ordinaryong tsinelas lang. "Cheska, sa likod ka na lang muna, ha? Dito na lang ako sa unahan." Muntik nang mapanganga si Cheska. Hindi siya na-inform na sa sasakyan ni Jerimie sasakay ang kapitanang ito. "Sige," pagsang-ayon niya. Wala naman siyang karapatang tumanggi kung pumayag si Jerimie sa sumabay sa kanila si Elsa. Nang nakasakay na sila ay saka umandar ang sinasakyan ng mga kasamahan nila. "Sundan mo na lang sila, Jerimie. Buntutan mo na lang," bilin pa ni Kapitana. Inabot din sila ng isang oras sa biyahe bago nila narating ang trailhead ng Tangadan Falls. Ipinarada nila ang dalang sasakyan at nagbayad ng entrance fee. Nag-hire din sila ng guide para sa trekking patungo sa eksaktong kinaroroonan ng talon. Bitbit ang kanilang mga gamit ay nilakbay nila ang daan patungo sa Tangadan Falls. "Akala ko ba malapit lang," bulong niya kay Jerimie habang naglalakad sila papunta sa talon. "Hayaan mo na. Maganda naman 'yung lugar. Tingnan mo, wala pa tayo sa falls pero ang ganda na nitong dinadaanan natin." "Sabagay... The beauty of nature," pagsang-ayon niya. Inabot din ng kalahating oras ang kanilang paglalakad bago nila narating ang talon. Iginala ni Cheska ang tingin at humanga siya sa ganda ng Tangadan Falls. Napakalinis nito at tahimik ang paligid. Marahil ay dahil natiyempong sila-sila lang ang naroon ngayon. "Ang ganda!"   "Halika na at nang makalangoy tayo." Hinawakan pa siya nito sa kamay. Pero biglang bumalik papalapit sa kanila si Elsa. "Ang bagal n'yo namang maglakad. Bilisan n'yo!" Hinawakan pa nito si Jerimie at hinila na para mas bumilis itong maglakad. Naiwan sa huli si Cheska na wala nang nagawa kundi sundan na lang ang dalawang nasa unahan niya. Pagkatapos ayusin sa isang cottage ang kanilang mga gamit ay nagkani-kaniya na silang lusong sa tubig. Parang silang mga batang sabik na nagtampisaw sa tubig. Kasama ni Elsa na masayang naliligo si Lourdes. Ang ibang mga barangay tanod ay abala na rin sa paglalangoy. Ang iba ay tumapat sa parteng binabagsakan ng tubig. Nanatili sa cottage si Cheska. Hindi niya type maligo. Actually, sumama lang siya para pagbigyan ang imbitasyon ni Elsa. Kahit naman naiinis siya sa babaing ito ay hindi pa rin maitatangging naging maayos ang pagtanggap nito sa kanila. Hindi nga ba't pinatira sila nito nang libre sa bakanteng bahay ng kamag-anak nito? Nararapat naman sigurong tumbasan niya kahit paano ang kabutihang ipinakita nito. Kausap ni Jerimie ang ilan sa mga barangay kagawad na pinagmamasdan ang magandang tanawin sa lugar na iyon nang mapansin niyang nag-iisa sa cottage si Cheska kaya naisipan niyang lapitan ito para yayaing maligo. "Tara, ligo tayo. Nagkakasayahan na sila, o. Sali tayo." "Ikaw na lang. Babantayan ko na lang itong mga gamit at pagkain natin dito." "Hindi mo naman kailangang magbantay. Wala namang kukuha ng mga 'yan," napapangiti niyang sabi. "Jerimie! Halika na. Maligo tayo." Hindi nila namalayang nakalapit na pala sa kanila si Elsa. Suot pa rin nito ang maong shorts at ang puting t-shirt ay hapit na sa katawan nito dahil sa pagkakabasa sa tubig. "Mamaya na lang ako maliligo," tanggi pa niya. "Sige na, samahan mo kami ni Lourdes," pamimilit pa nito sabay hawak sa braso niya. "Teka, teka! Maghuhubad lang ako ng sando." "Bilisan mo," excited na sabi ni Elsa na tila ba kinikilig pa. Abang na abang ito na makitang walang suot sa pang-itaas ang lalaking pinapantasya. Halos malaglag ang panty ni Elsa nang ganap nang mahubad ni Jerimie ang sando. Saang planeta ba galing ang lalaking ito at ganito kaganda ang katawan? Sa gym na ba ito nakatira? "Tara na?" tanong ni Jerimie sa babae. "O-oo, tara!" Bakas sa mukha nito ang sobrang excitement. Nilingon ni Jerimie si Cheska. "Tara na, Cheska." Umiling siya. "Sige, kayo na lang. Masama ang pakiramdam ko," pagdadahilan niya. "Hayaan mo na si Cheska rito para makapagpahinga siya. Sunod ka na lang doon, Cheska 'pag gusto mo nang mag-swimming." Tumango siya kasabay ang isang plastik na ngiti. Nang nasa talon na ang dalawa ay hindi inaalis ni Cheska ang tingin sa mga ito. Naghaharutan ang mga ito sa tubig. Babae siya at ramdam na ramdam niya ang kakaibang mga tingin ni Elsa kay Jerimie. Sigurado siyang gusto ng kapitanang ito ang lalaking babayaran niya upang magpanggap na kanyang boyfriend.          
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD