LUNES ang araw ng meeting ni Dawn sa PP. Friday na ng gabi iyon pero nasa parehong sitwasyon pa rin ang dalaga—nakaupo at tagusan sa dingding ang titig.
Sa ilang araw na lumipas, naupuan na yata ni Dawn bawat sulok ng kuwarto, pati sa gitna ng kama at sa toilet. Sa tiled floor na lang ng banyo ang hindi.
Walang pagbabago sa mood ni Dawn. Ang writer's block na pilit niyang tinatalo bago ang meeting, hayun at nadoble. Ni ang tingnan ang kanyang laptop ay ayaw na niyang gawin. Nagkaka-rebolusyon na agad sa sikmura niya. Hindi siya acidic pero inaatake na yata siya ng acidity nitong mga nakaraang araw.
'Lakas maka-stress ni Sir Four, eh! Ano kayang nakain n'on?
Tumunog ang message alert ng smartphone niyang nasa kama. Mula sa pagkakaupo sa sahig, tumayo si Dawn at kinuha ang gadget. Si Dream ang nag-text.
'Musta naman tayo?
Agad siyang nag-reply.
Tulala pa rin. Ikaw diyan?
Ano pa, eh 'di tulala rin.
Grabe 'yang boss mo.
Boss mo rin 'yon, 'uy!
Ha-ha-ha!
See you, tom!
Yup. Kita-kits!
May nag-text uli bago pa nailapag ni Dawn ang gadget. Magkasunod lang ang text message nina Victoria at Belle—pareho lang ang message, nagtatanong kung kumusta na ang assignment.
Magkasunod na text messages ang reply niya sa dalawa.
Poorita na ako next month! Ang isa niyang text. No MS. Patay ang monthly bills, bhe!
Nagreply si VA. Sinabi mo pa, girl.
PM kaya natin si Sir Four? ang reply ni Belle.
Sus! 'Di na magbabago ang isip no'n! Reply niya kay Belle. 'Kita mo naman ang face sa meeting, ang serious niya! Gino-google ko na nga kung ano'ng nakain no'n at nakaisip nang ganoong twist, eh. Ano tayo, novel? May twist?
Nag-reply si Belle. #Stressed
Natahimik na uli ang smartphone niya. Bumalik si Dawn sa 'tulala moment'.
Kung nasa peak siya ng bundok, feel na feel siguro niyang sumigaw sa pinakamalakas na boses na maabot niya. Hindi nga lang siya puwedeng sumigaw sa kuwarto na iyon. Baka tumawag ng pulis ang mga kapitbahay niya.
Napapitlag si Dawn nang biglang may kumanta. Bilog na naman ang buwan...ilabas n'yo na ang kalokohan. 'Wag n'yo nang pipigilan pa...ang toyo niyo'y lalabas din lamang. 'Pag bilog na bilog na bilog na naman ang buwan...
Ang sama ng tingin ni Dawn sa nagri-ring na smartphone. Nahulog yata ang puso niya sa gulat. Tinanggap ng dalaga ang tawag nang makitang si Dream iyon. Inaaya siya nito na mag-hotel na lang sila malapit sa airport para hindi sila maipit ng traffic sa EDSA.
Pagkatapos ng tawag, naisip ni Dawn na mag-lip sync uli ng Chandelier pero wala nang effect. Mas naasar siya sa sitwasyon. Sinubukan rin niyang mag-Zumba nang ilang minuto—wala rin.
Sa huli, ang ginawa niya ay nag-emo sa bigay na bigay na pag lip-sync ng Wrecking Ball.
Bagay na bagay iyon. Malapit nang ma-wreck ang utak niya sa kunsumisyon. May urge siyang gumawa ng bagong horror story at may amnesia na kapre ang bida. Kung naa-amnesia ang kapre, hindi niya alam. Basta ang ipapangalan niya sa kapreng may amnesia ay Four.
'Lupit mo, Sir! 'Kainis ka!
Nag-lip synch uli si Dawn, nasa chorus na ang Wrecking Ball.
Ang ending scene niya ay nag-dive sa kama at paulit-ulit ang pagsubsob ng mukha sa malambot na unan.
THERE goes Miss February, sa isip ni Victor 'Thor' Victorio—at napangiwi nang pabalabag na isara ni Stellie ang pinto ng condo unit na may tatlong taon na niyang tirahan. Sa listahan ng mga properties na nasa pangalan niya, ang condo na iyon lang ang talagang kanya. Hindi rin siya magugutom kahit maupo lang siya. Sapat ang laman ng mga bank accounts niya—na iniwan lang din ng mga namatay na. Lahat ng iba pang properties ni Thor ay mga mana rin—mula sa mga grandparents sa side ng ina niyang nag-iisang anak lang, sa ama na hindi siya kinilalang anak pero nag-iwan ng mana, at ang pinakabago ay sa lola niya sa side ng ama. Hindi alam ni Thor kung bakit pa siya naging isa sa mga tagapagmana nito kung ang mismong ama nga ay hindi siya kinilalang anak noong nabubuhay pa.
Single mother ang ina ni Thor na si Miarah Victorio, isang dating artista na nawalan ng career nang ipagbuntis siya sa maling panahon. Doktor ang kanyang ama na may ibang pamilya. Naging home wrecker ang role ng kanyang ina sa paningin ng unang pamilya ng ama at ng publiko. Sa kontrabida roles pa naman nakilala ang ina kaya ang bilis manghusga ng publiko.
Si Criselle Caviller-Dupera ang legal wife ng ama niyang si Dr. Vicente Dupera. Isa sa dalawang anak ng isang influential na gobernador si Vicente Dupera. Marami yatang kaaway sa politika ang gobernador, pinatay sa isang ambush teenager pa lang siya. Ang biyuda ng gobernador na si Minchella Dupera ang nagpamana sa kanya ng mga properties sa Palawan. Five months ago lang nang mamatay si Lola Minchay. Isang beses pa lang silang nagkita at nagkausap—noong sinundo siya ng abogado nito six months ago.
Sa kuwento ng ina ni Thor, ginawa ni Criselle lahat para sirain ang Mama niya—sa publiko at sa lahat ng mga nakakakilala rito. Nagtagumpay si Criselle, nawala ang lahat sa Mama niya, siya lang ang tanging natira at ang pagmamahal ng ama. Pagmamahal na huli ay pinili rin daw nitong talikuran para sa kaligtasan nilang mag-ina.
Dagdag pa ng ina, pangalawang pamilya man sila ng ama ay sila ang mas minahal nito. Hindi iyon matanggap ni Criselle kaya ginawa ang lahat—kasama ang bantang kung hindi sila tuluyang lalayuan ng ama ay madali na lang silang 'iligpit'. Pamilya ng mga sundalo ang pinanggalingan nito. Parehong General ang lolo at ama. Pinili ng ng ama ni Thor ang buhay nilang mag-ina, ang rason kung bakit wala siyang amang nakagisnan. Pinaniwalaan ni Thor ang kuwento ng ina hanggang nakaharap niya mismo si Lola Minchay bago ito na-ospital at naging bed ridden.
Hindi pala totoo ang kuwento ng ina.
Ang totoong kuwento ay ginamit ng ina si baby Thor para tuluyang sirain ang mag-asawang Vicente at Criselle. Sa unang gabi ng tagumpay ng kanyang ina, namatay sa isang car accident si Criselle. Doon na tuluyang lumayo sa kanila ang ama. Ang sinasabi ng ina na pagmamahal nito sa kanyang ama ay obsession na.
Naging misyon na ng ina na makuha ang pagmamahal ng kanyang ama nang mga sumunod na taon. Hindi ito nagtagumpay. Mas lumayo ang loob ng ama. Nadamay pati siya. Hanggang namatay ito sa plane crash ay hindi na bumalik sa kanila.
Tuluyang nawala na sa katwiran at katinuan ang ina ni Thor. Mula sa rooftop ng thirty-floor building ng condo nito, tumalon ang ina at dead on the spot. Twenty one lang si Thor at bagong graduate noon. Kung hindi sa ginawa ng ina, hindi malalaman ni Thor na hindi na pala normal ang takbo ng isip nito. Hindi rin kasi halos sila nagkikita noon ng ina. Kung hindi nasa kuwarto lang at busy kaya ayaw siyang kausapin ay nasa biyahe naman—na ang totoo pala ay nagkukulong lang sa mga hotels.
Mula nang mawala ang ng ina ay pinilit na ni Thor na takasan ang pag-iisa. Ginawa niya ang lahat para maging kaibigan ang bagong kakilala, ma-reconnect sa mga dating kaklase at kaibigan at makilala ang mga kapitbahay sa condo. Ang mga nabuong pagkakaibigan ay pinilit niyang i-keep, taliwas sa mga affair na nagsisimula at natatapos ng isang buwan lang. Hindi maaring lumampas.
And Stellie was his February woman.
Sa mismong sandali na ibinagsak ni Thor ang sarili sa sofa ay nag-ring ang smartphone niya. Inabot niya ang gadget sa tabi—Four ang pangalan na nagbi-blink sa screen.
"Four?" bungad agad ni Thor, hindi inaasahan ang tawag na iyon. Mga two months na kasi na hindi umuuwi ang kanyang kapitbahay. Two months na rin ang huling tawag nito para pagbuksan niya ng pinto. Hindi kumakatok ang kaibigang gaya niyang guwapo. Instead na katok, tawag ang ginagawa nito. Aksaya sa oras ang pagkatok sa bahay na hindi nito alam kung may tao sa loob o wala, katwiran ni Four. Ang tawag, direct sa kanya—may sagot agad kung nasa bahay siya o wala.
"Thor?" masigla ang boses nito. "She hates you, man!"
"Hate me? Who?" nagtaka si Thor.
"Miss February."
Napamura siya bago natawa. "Nasaan ka, Four?"
"Home."
Mura uli.
Sa isip ay nakita ni Thor ang eksena—nasalubong ni Stellie si Four. Maraming paraan si Stellie para makuha ang atensiyon ng lalaking gustong makausap. Ginamit nito ang paraang ginamit rin sa kanya para mapansin ni Four. Pati ang pagiging Miss February nito, nasabi na agad sa kaibigan niya. Kung tama siya, nilait siya ni Stellie mula ulo hanggang paa kaya natatawa ang kaibigan.
Kinatok niya ang katabing unit.
At bumungad sa kanya ang walang emosyong mukha ng kaibigan, medyo nakaangat ang isang kilay at may ibang kislap ang mga mata. Parang iba ang mood nito ngayon.
Hinila nito ang pinto para papasukin siya. Napansin ni Thor na bihis na bihis pa si Four. Kararating lang pala ni Rafael Dimahingan IV, ang may anim na taon na niyang kaibigan.
Nakilala niya si Four sa libing ng kanyang ina noon. Naging kaibigan ng ina niya noong nasa showbiz pa ang ina nitong dating beauty queen. Three years ago, lumipat siya ng condo at nagulat na magkapitbahay pa pala sila ni Four. Hindi nga lang umuuwi lagi sa unit nito si Four. May iba pang bahay na inuuwian ang kaibigan.
"May plano ka for the next few weeks?" si Four sa kanya.
"Baka pumunta akong Palawan," sagot ni Thor.
"With Miss March?" naka-half smile ito, na minsan lang niyang makita. Mas madalas ay seryoso si Rafael Dimahingan IV.
Umiling si Thor. "May properties lang akong titingnan," sagot niya. "Pa-coffee naman? Naubusan ako ng brewed."
"Sige lang," sagot ni Four. Nag-ring ang cell phone nito. "Sa bahay ka na lang mags-stay. Papunta rin sina Harry." Ang idinugtong nito, naglakad na palayo sa kanya para sagutin ang tawag.