BINALIKAN ni Father Fair ang basement sa simbahan at nang sapitin niya iyon ay nagmamadaling tiningnan ang photo album ni Father Philip.
Halos malamukos niya ang bibig nang makumpirma na ang larawan ng babae sa tabi ni Father Philip at ang babaeng iniligtas niya sa lighthouse ay iisa. Pero ang nagpaisip sa kaniya, kung ito ang kaibigang tinutukoy ni Emily, hindi ba at nasabi nito na matagal na itong wala sa isla?
Kung anu-ano ang mga bagay na naglaro sa isip niya habang nakatitig sa larawan. Pagkaraan ay itinupi niya ang photo album at lumabas sa basement.
Nang sapitin niya ang pasilyo sa ground floor ng presbytery ay nasalubong niya si Father David.
"Father Fair," tawag nito sa kaniya at nagmadaling lumapit. "Kanina pa kita hinahanap, mayroon akong nais sabihin sa iyo."
Tinitigan niya ito at napansin na nakikiramdam ito sa paligid, kaya naman naisip niya na confidential ang tungkol sa bagay na gusto nitong sabihin.
"Sige, Father David, mas mabuti kung doon tayo sa silid ko mag-usap," suhestiyon niya at nagpatiuna na lumakad patungo doon, sumunod ito.
Kaagad niyang inilapat ang dahon ng pintuan ng kaniyang silid nang makapasok sila.
"Nakausap ko ang isa sa mga miyembro ng choir kanina," pagsisimula nito sa halos paanas na paraan. "At nabanggit niya sa akin ang tungkol sa babaeng nakatayo sa tabi ni Father Philip sa larawang tinitingnan natin kanina lang umaga."
Halos hindi siya kumurap sa pagkakatitig dito habang hinihintay ang iba pa nitong sasabihin.
"Nasiraan daw ito ng bait pagkaraang magpatiwakal si Father Philip," pagpapatuloy nito na nagpakunot sa noo niya. "Sa tingin ko, may kaugnayan siya sa pagpapakamatay ni Father Philip, pati na rin sa kaso ng mga paring sinasabing nagpatiwakal. Pero alam mo ba kung ano talagang hinala ko? Wala talagang sumpa ang lighthouse, Father Fair, may tao sa likod ng lahat ng ito."
"Iyon din ang hinala ko, Father David." Napatiim-bagang siya habang nag-iisip.
Ngayon ay nadagdagan ang kaniyang pinagsususpetsahan.
___
KINAHAPUNAN ay nagtungo si Father Fair sa bahay nila Mang Edmund dala ang bible niya at rosaryo. Ipinagtanong niya kung saan ang bahay nito at natagpuan niya iyon sa dulo ng isla malapit lang sa kinaroroonan ng lighthouse.
Medyo liblib ang kinatatayuan ng bahay nito, malayo sa kabahayan at malayung-malayo kaysa sa inaasahan niya ang hitsura ng bahay na mayroon ito. Isa itong konkretong bungalow at may malawak na bakuran, napapaligiran ng namumulaklak na iba't ibang uri ng mga halaman, sinsil ang bakud na yari sa puno ng bangkal.
Lumapit siya sa gate at akmang tatawag ng tao nang bigla ay makarinig siya ng angil. Noon lang niya napansin ang aso sa loob ng bakuran, sa tabi ng gate, isa itong malusog na german shepard.
Nagsimula itong maging agresibo at tumahol nang tumahol.
"Mang Edmund!" tawag niya sa matanda imbes na masindak sa aso. "Tao po!"
Hindi siya nakadalawang tawag, lumabas ito na tila ba inaasahan na talaga ang kaniyang pagdating.
"Magandang hapon po, Father," malawak at magiliw ang ngiting bati nito sa kaniya habang papalapit. "Sandali lang po at aalisin ko lang itong aso."
Kinuha nito ang alaga at inilayo roon bago siya binalikan at pinapasok.
"Magandang hapon, Mang Edmund," bati niya nang makapasok sa bakuran.
"Halika, tuloy po kayo sa loob ng bahay." Nagpatiuna itong lumakad, sumunod siya habang iginagala ang mga mata sa paligid.
Nang ganap na silang makapasok ay magiliw siya nitong inalok ng upuan.
"Salamat po, Mang Edmund." Naupo siya sa pang-isahang sofa na yari sa puno ng narra habang iginagala pa rin ang mga mata.
Hindi ganoon kadami ang gamit sa loob ng bahay pero de narra ang mga cabinet at shelves.
Sinubukan niyang maghagilap ng mga larawan ng pamilya pero kataka-takang wala siyang makita.
"Sandali lang po, Pader at ikukuha po kita ng maiinom." Akmang tatalikod ito upang iwan siya subalit pinigil niya ito.
"Naku, Mang Edmund, salamat po pero huwag na po kayong mag-abala. May humiling po sa akin ng bible study at pray over malapit lang dito at inalok ako ng pagkain kaya busog po ako. Naisip ko po na pasyalan na rin kayo, baka nais mo ring magkaroon tayo ng bible study rito mismo sa bahay mo."
Tiningnan nito ang dala niyang bibliya bago muling ibinalik ang tingin sa kaniya.
"Maraming salamat po, Pader. Ilang kaparian na rin po ang napadpad dito sa bayan namin pero ikaw lang po ang gumawa ng biyayang ito."
Muntik na siyang masamid sa sinabi nito pero hindi siya nagpahata.
"Tama ka po, Mang Edmund, biyaya ang salita ng Diyos kaya dapat itong ipamahagi." Kunwa'y iginala niya ang paningin na parang may hinahanap. "Nag-iisa ka po yata, mas makabubuti po sana kung kayo ni Allan kasama ang kapatid niya ay makikinig sa salita ng Diyos."
Kita niya ang pagguhit ng pilit na ngiti sa labi nito. "Inutusan ko po si Allan at hanggang ngayon nga ay hindi pa bumabalik. Ang kapatid naman niya ay kasalukuyang nahihimbing sa kaniyang silid dahil sa gamot."
"Kung gayon, sa tingin ko po ay mas makabubuti kung gagawin natin ito sa ibang araw." Tumayo siya bilang pahiwatig na aalis na siya. "Mauuna na ho ako."
"Ay sige po, Father Fair, palagi lang pong bukas ang aming tahanan, natutuwa po ako at naisip mo rin kaming pasyalan dito para basahan ng bibliya."
Natigilan siya hindi dahil sa kung ano, kung hindi sa sinabi nito mismo.
'Naisip mo rin,' ulit niya sa sinabi nito sa pamamagitan ng kaniyang isip.
"Kung gayon po pala ay hindi lang ako ang bumisita rito," hindi iyan tonong patanong kun'di bilang pagkumpirma.
"Halos kaaalis lang po ng sakristan na si Joenard dito, Pader, halos hindi pa po natatagalan nang umalis siya bago ka po dumating," turan ng matanda na muntik na magpakunot sa noo niya.
Bigla ay naalala niya ang ipinadalang e-mail sa agency, kay Investigator Landasin Jr. Ang kuha ng body cam niya nang araw na iabot ni Joenard ang envelope sa kaniya na naglalaman ng kaniyang larawan. Hindi pa pala niya nasilip kung may sagot na sa e-mail niya.
Ngumiti siya kapagkuwan. "Naku, Mang Edmund, napakabait po talaga niyang si Joenard, madalas po ba siyang pumasyal dito?"
"Hindi naman po, ikalawang pagkakataon lang po kanina ang pagpasyal niya rito."
Napatango siya at marahang tinapik sa balikat ang matanda.
"Sige po, aalis na muna ako."
"Sige po, mag-iingat po kayo, Pader."
Nang tumalikod siya ay sinundan siya nito ng tingin.
___
DAHIL mabagal lang ang naging paglalakad ni Father Fair papalayo sa bahay ni Mang Edmund ay medyo madilim na ang paligid nang sapitin niya ang kabahayan.
Patuloy siya sa mabagal na paglakad habang nag-iisip nang mapansin ang bahay na pinasukan ni Lovely nang gabing makita niya ito sa lighthouse.
Huminto siya sa paglakad at sandaling minasdan ang nakapinid na full-paneled gate. Iniisip niya kung dapat ba niya itong katukin at kausapin tungkol sa nangyari sa lighthouse kanina, subalit hindi pa man niya napagdi-desisyunan ang tungkol sa bagay na iyon ay naagaw ang atensyon niya sa malaking bahay na nasa kabilang bakuran lang dahil sa ingay buhat sa kung anong bagay na nagbagsakan at nabasag.
Napatitig siya roon at medyo napaisip hindi lang dahil sa ingay na narinig kun'di dahil malaki ang bahay na ito at may tatlong palapag ngunit madilim ang malaking bahagi niyon kaysa sa natatanglawan ng ilaw, medyo kakaiba.
"Hay naku! Hayan na naman siya," wika ng lalaking lumabas pa buhat sa bakuran nito, nakatuon ang mga mata nito sa bahay na iyon. "Nababaliw na naman."
Malinaw na ang tao sa loob ng malaking bahay ang tinutukoy nito.
"Father?" boses na kaagad kumuha sa atensyon niya, si Lovely na noon ay nakatayo sa nakaawang na gate.
Hindi niya napigil ang sarili na mapahagod ng tingin dito lalo na at napakaikli ng suot nitong shorts at hapit ang blusang nagpahata sa maliit nitong baywang at impis na tiyan.
Kusang tumalim ang mga mata niya nang dalahin ang tingin sa mukha nito, at imbes na lapitan ito upang kausapin kagaya ng plano niya ay tumalikod siya at naglakad palayo. Masyadong mahalay ang hitsura nito sa paningin niya.
"Father, sandali!" tawag nito at mabilis na sumunod sa kaniya.
Huminto siya sa paglakad at marahas itong nilingon. "Lumayo ka sa akin!" mariing taboy niya kay Lovely.
Pero hindi ito nakinig. "Gusto ko lang sabihin sa 'yo, na ang babaeng iyon ang sumusunod sa akin sa kakahuyan kanina," halos ibulong nito iyon sa kaniya.
Napamata siya rito at mabilis na kinalimutan ang inis. "Saan mo siya nakita?" mahina ang boses na tanong niya.
"Hindi ko alam. Naglalakad lang ako kanina sa dalampasigan, basta nakita ko na lang siya sa likuran ko."
Tumingin siya sa paligid at nakita niyang may ilang napapatingin sa kanila.
"Hindi tayo p'wedeng mag-usap dito," anas niya saka tinalikuran ito, sumunod ito.
Tahimik silang naglakad hanggang sa makarating sila sa tabing-dagat. Naupo sila sa buhangin at tumanaw sa madilim ng karagatan. Pinakinggan ang paghampas ng maliliit na alon sa dalampasigan.
"Tungkol sa sinasabi mo kanina, gusto kong marinig," kapagkuwa'y sabi niya kay Lovely.
"Sinabi ko na sa iyo."
"Ano?" napakunot ang noo niya at mabilis na lumingon dito.
"Narinig mo na, sinabi ko na, hindi ba?"
Sarkastiko siyang napangiti sa dilim. "Iyon lang pala 'yon?" hindi niya itinago ang inis sa tono. "Kung ganoon pala, bakit nagpunta pa tayo rito?" Padarag siyang tumayo.
"Hinayaan mo akong sumunod sa 'yo tapos—"
"Hinayaan kitang sumunod sa akin dahil akala ko may sasabihin ka pang importante tungkol sa nangyari kanina!" paasik na putol niya kay Lovely.
Tumayo rin ito. "Father, pasensya ka na." At hinawakan siya sa kamay.
Nadama niya ang mainit nitong palad na kagyat nagpatamimi sa kaniya subalit mabilis siyang natauhan at pahaltak na binawi ang kamay buhat dito.
"Kung wala ka ng ibang sasabihin aalis na ako," mariing wika niya.
"Father, basta ang natatandaan ko lang, napansin ko siya na sumusunod sa akin matapos kung tumawid galing sa maliit na isla sa dulong bahagi."
"Tumawid ka ulit sa islang iyon?!" singhal niya rito na sumindak dito. "Tang ina! Delikado, 'di ba?!" at hindi niya napigil na pagmumura.
"F-Father, ang bibig mo. Baka may makarinig—"
"Wala akong pakialam!" galit na putol niya rito. "Bakit ba kase hindi ka na lang bumalik kung saan ka nanggaling, ha?!"
"Bakit? Nag-aalala ka?"
"Wala akong pakialam sa iyo!" mariin at gigil na sabi niya. "Kung may concern man ako 'yon ay hindi para sa 'yo!"
Tumungo ito at hindi nagsalita. Kumilos naman siya at tiim-bagang na tinalikuran ito.
"Isinulat ko ang aking pangalan at ng asawa ko sa tipak ng bato roon," wika nito na nagpahinto sa paghakbang niya pero hindi ito nilingon.
Sarkastiko siyang napatawa sa sinabi nito. "Ginagawa lang ng mga teenager ang ganoong bagay, immature ka, Lovely," nanunuya niyang sabi.
"Mayroong puso sa gitna ng aming mga pangalan," pagpapatuloy nito imbes na pansinin ang panunuya niya. "Pero nang tingnan ko iyon kanina, nakita kong nilagyan ng crack sa gitna ang pusong iyon."
"So?" Pumihit siya paharap dito. "Nagsusumbong ka at iiyak na parang bata dahil lang sinira ng kalaro ang kaniyang laruan?"
"Father, si Yu-jun lang ang nakakita nang iukit ko iyon sa batong iyon."
Nagkibit-balikat siya. "Hindi nakapagtataka, kapansin-pansing gusto ka niya. Well, bagay kayo, pareho kayong immature," pang-iinsulto niya.
Madilim na kaya hindi niya nabanaag ang pamamasa ng mga mata nito. "Hindi mo nakukuha ang pinupunto ko dahil ayaw mong intindihin," nagkaroon ng bahid ng inis sa tono nito. "Hindi niya gagawin iyon."
Hindi siya nagsalita pero itinuon ang mga mata rito.
"Father, nang gawin ko 'yon, pinagtawanan niya ako at sinabing para akong teenager na deadly in love sa crush ko. Naiintindihan mo ba? May ibang gumawa niyon."
Sarkastiko siyang napangisi. "Sino naman? At bakit?"
"Hindi ko alam, pero—"
"Walang kuwenta, umuwi na tayo," putol niya rito sa pantay na tono at muli itong tinalikuran.
Naramdaman niya ang pagsunod nito sa kaniya pero walang nagsalita pa hanggang sa makarating sila sa kalsada.
Huminto siya at tiningnan si Lovely. "Huwag ka na ulit lalakad na mag-isa, lalo na sa islang iyon, nagkakaintindihan ba tayo?"
Umakma ito na magsasalita pero pinigil niya ito sa pamamagitan ng kaniyang hintuturo sa labi nito.
"At p'wede ba, magsuot ka ng desenteng kasuotan hindi ganiyan na para kang hostess," wika niya habang nanunuya itong hinagod ng tingin.
Magsasalita pa sana ito para mangatwiran pero tinalikuran na niya ito.
Saglit siya nitong tinanaw sa tulong ng liwanag na nagmumula sa mga poste sa magkabilang gilid ng kalsada. Nang medyo makalayo siya ay pumihit ito at tinugpa ang daan pabalik sa bahay nila Hanna.
Nang maramdaman niya na wala na ang presensya ni Lovely ay huminto siya sa paglakad at nilingon ang kinatatayuan nito kanina. Ibinaba niya ang tingin sa kalsada habang napapakamot sa batok, binagabag siya ng konsensya para sa dalaga, kaya naman pumihit siya pabalik at sinundan ito sa daang tinugpa nito.
Natanaw niya ito sa 'di kalayuan. Sinundan lang niya ito sa malayong distansya hanggang sa marating ang gate ng bahay ni Hanna.
Bago ito pumasok sa bakuran ng bahay ng kaibigan ay lumingon pa ito na napaghandaan naman niya kaya maagap siyang nakapagkubli sa poste.
Tumitig siya sa kawalan habang nagbibilang ng benteng segundo sa isip upang matiyak na nakapasok na si Lovely sa gate.
Nang matapos ay lumabas siya sa poste na naging pagkakamali niya, sapagkat nakatayo pa pala ito sa labas ng gate at nakita siya.
Naimpit niya ang mga labi dahil sa inis lalo na nang sa tulong ng liwanag sa poste ay mabanaag niya ang ngiti ni Lovely.
"Buwisit!" Tumalikod siya at malalaki ang hakbang na kinuha palayo roon.