"Kyle-kyle? Ikaw na ba talaga 'yan?" hindi makapaniwalang tanong ng mama ni Nikki nang makita si Cedric.
Nangingilid ang luhang dinama nito ang pisngi niya. "Ang laki nang ipinagbago mo. Ang gwapo-gwapo na."
Natawa ang matanda. "Bakit? Gwapo rin naman si Kyle noon, ah? Payatot nga lang," biro nito.
Bigla silang nagtawanan.
"Siguradong magugulat si Nikki kapag nalaman niyang ikaw 'yan," sabi ng mama ni Nikki.
Agad siya nitong hinila paupo sa sofa at doon nila pinag-usapan ang tungkol kay Nikki. Hindi naman naging mahirap para sa kanya ang mapa-oo ang mga ito sa mga binabalak niyang gawin dahil malaki ang tiwala ng mga ito sa kanya.
“Good morning, Ma’am Nikki. Naka-ready na po ang almusal niyo ni Migui,” bungad ni Milly nang pagbuksan niya ng pinto.
Napakunot ang noo ni Nikki. “Ma’am?”
Ngumiti si Milly. “Alam na po namin ang totoo, Ma’am. Umamin na po si Sir Cedric sa amin kanina.”
Alanganing napangiti ang dalaga. “U-Umaming ano?”
“Na kayo po ang fiancée niya.”
“Ha?” tanging nasambit niya.
Natawa si Milly. “Okay lang po ‘yon, Ma’am. Huwag na po kayong mahiya sa amin.”
Hindi alam ni Nikki kung kokontrahin niya o aayunan ang sinabi ni Milly pero mas pinili niyang manahimik na lang.
“Ibinilin ni Cedric kay Dado na ihatid kayo sa office niya pagkatapos niyong kumain,” ani Manang habang dinudulutan siya ng pagkain. Ramdam niya noon ang special treatment na ibinibigay ng mga ito sa kanya kaya medyo naasiwasa siya.
“Ako na po riyan, Manang,” aniya nang makitang maglalagay ng tubig sa baso niya si Manang.
Ngumiti lang ito sa kanya at nagpatuloy sa ginagawa. “Huwag mo kaming alalahanin, parte ng trabaho namin ito.”
Walang nagawa si Nikki kundi sakyan na lang ang mga tao roon at ang nais mangyari ni Cedric. Komportable na siya sa lugar na ‘yon, gayundin sa mga tao roon kaya wala na siyang balak na lumipat pa ng ibang lugar para lang magtago.
Pagpasok palang sa gate, sinalubong na siya ng magigiliw na pagbati ng mga gwardiya. Kasunod niya noon si Dado na noo’y bitbit ang gamit ng bata habang naglalakad sila papunta sa opisina ni Cedric.
“Hi! Babe,” salubong ni Cedric sa kanya. Nagulat pa siya nang isaklit nito ang kamay sa baywang niya atsaka siya nito dinampian ng halik sa labi.
Nasa likod niya noon si Dado kaya hindi siya agad nakapag-react.
“Sir, saan ko po ilalagay ‘to?” tanong ni Mang Dado habang hawak ang bag.
Nakangiting inabot iyon ni Cedric atsaka nito isinukbit sa balikat.
“Para saan ‘yon?” kunot ang noong bulong niya nang makaalis si Mang Dado.
Nangingiting isinaklit ni Cedric ang mga kamay sa baywang niya atsaka siya nito niyakap. Naipit sa gitna nila noon ang bata.
"Ano'ng ginagawa mo?" mariing tanong niya.
“Look at your back,” bulong nito bago ito bumitiw sa kanya. Kinuha nito ang bata atsaka ito ngumuso sa likuran. Pasimpleng lumingon ang dalaga at doon niya lang napansin ang mga empleyado na nakatanaw sa kanila mula sa labas.
“Hindi mo ba ibaba ang blinds?” pilit ang ngiting tanong niya.
“Sanay ang mga tao ko na nakataas ‘yan. Kapag ibinaba ko ‘yan, iisipin nila na may gagawin tayong kakaiba,” nangingiting sabi ni Cedric.
“Pati ba rito kailangan kong umarte na fiancée mo?”
Tumango si Cedric. “Baka mag-imbestiga ang DSWD, kailangan nating maging handa. Parang hindi naman yata makatotohanan kung hindi magagawi sa opisina ko ang fiancée ko, hindi ba?”
Hindi na kumibo si Nikki na noo’y naupo na lang sa mahabang sofa. Nangingiting naupo si Cedric sa bilog na upuan atsaka nito iniusog papalapit sa dalaga. Itinuntong nito ang bata sa mga tuhod nito atsaka nito iniharap sa dalaga. “Wala ka pa nga palang mga damit,” anito nang mapansin ang suot niya.
Inabot ni Nikki ang kamay ni Migui atsaka niya ito nilaro. “Pinahiram lang ako ng t-shirt ni Manang,” aniya.
“Bagay naman pala sa’yo ang t-shirt ko.”
Namula ang pisngi ng dalaga. “Sa’yo ‘to?” namimilog ang mga matang tanong niya.
Pigil ang ngiting tumango-tango si Cedric.
Napatakip sa mukha si Nikki. “Grabe! Nakakahiya!”
“How is it feel na suot-suot mo ang damit ko?” nakangising tanong ni Cedric.
Mas lalo pang namula ang pisngi niya sa panunuksong ginagawa ni Cedric kaya sinipa niya ang paa nito atsaka siya muling nagtakip ng mukha.
Kinalong ni Cedric ang bata at natatawang binaklas sa pagkakatakip ang kamay niya. “It’s okay, Babe. You will get used to it,” anito.
Napakunot ang noo ni Nikki. “What do you mean? Why should I get used to it?”
Sa halip na sumagot, nangingiting inabot sa kanya ni Cedric ang bata. “Tatapusin ko lang ang ginagawa ko. Pagkatapos lalabas tayo para maipamili kita ng mga gamit mo.”
“Huwag na. Ayos lang ako!” mabilis niyang sagot.
Walang sabi-sabing dumukwang si Cedric at mabilis na dinampian ang pisngi niya. “Behave, kung ayaw mong ibalik kita sa inyo,” nakangiting sabi nito. Mula sa gilid ng mga mata niya, tanaw niya ang mga taong nagkukumpulan at nakatanaw sa kanila kaya hindi na siya nag-react sa ginawa nito. Batid niyang wala lang kay Cedric ang mga bagay na ‘yon. Pero lubos siyang nababagabag sa mga kinikilos nito. Unti-unti na kasing umeepekto sa kanya ang mga ginagawa nito.
Larawan sila ng isang masayang pamilya habang namamasyal sila sa mall. Bitbit ni Cedric ang mga pinamili habang karga-karga ni niya naman ang bata.
“Babe, saan mo gustong kumain?” tanong ni Cedric.
Napakunot ang noo niya. “Babe?”
“Bakit? Ayaw mo?” naniningkit ang mga matang tanong nito.
Natawa si Nikki. “Grabe, ‘yung mga pasabog mo, ah. Ang lawak pala ng covered ng mga condition mo. May endearment pa talaga. Baka naman mahulog ako sa’yo niyan.”
“Iyon nga ang gusto ko, eh,” mahinang sagot ni Cedric.
“Ano?”
“Wala.”
Malinaw sa pandinig niya ang isinagot ni Cedric kahit hindi nito kinonpirma.
Nagpatuloy lang sila sa paglalakad hanggang sa may madaanan silang bench. Tumigil si Cedric atsaka nito ibinaba ang mga bitbit na shopping bag. “Pagod ka na?” anito nang bumaling sa kanila ni Migui. Hindi pa siya nakakasagot kinuha na nito sa kanya ang bata. Pagod at nananakit na ang mga paa niya noon sa pag-ikot sa mall kaya napaupo na lang siya sa bench. Naiwang nakatayo sa harapan niya ang mag-ama.
“Babe, ano’ng gusto mong kainin?” ani Cedric na noo’y inayos pa ang nakaangat niyang buhok. Umakyat ang kilabot sa pisngi niya sa ginawa ni Cedric. At kahit hindi niya nakikita ang sarili, ramdam niya ang pamumula ng mga pisngi niya noon.
“Umayos ka nga! Ano ba’ng pinaggagagawa mo?” nakasimangot na sabi niya.
“Bakit? Ano ba’ng ginagawa ko?” nangingiting tanong ni Cedric. Kitang-kita kasi nito ang pamumula ng mukha niya.
“Alam ko ‘yang ginagawa mo. Nagpapa-fall ka, eh,” diretsahang sabi niya.
Natawa naman ito. “Nagpapa-fall? Napo-fall ka na sa ganun? Grabe! Ang rupok mo naman pala.”
Matalim ang tinging ipinukol niya sa binata..“Napipikon na ako sa’yo, ha? Kapag hindi ako nakapagpigil, iiwanan ko kayo rito!” hindi ngumingiting sabi niya.
Nangingiting naupo si Cedric sa tabi niya. Hinawakan nito ang isang kamay ni Migui atsaka nito ipinangkalabit sa kanya. “Sorry po,” parang batang naglalambing na sabi nito.
Napangiti na ang dalaga. “Baliw,” mahinang sabi niya habang kinukuha ang bata. Napabuga naman ng hangin si Cedric. Sabit ang first attempt niyang kuhanin ang loob ng dalaga. Mukhang kailangan niyang magpalit ng strategy bago pa ito ma-turn off sa kanya.