Chapter 4- Ano, Cedric? Natameme ka noh?

1378 Words
Kasalukuyang inihuhubad ni Cedric ang suot niyang long sleeve nang mapansin niya ang maliit na kahong nakapatong sa tokador. Napatigil siya sa ginagawa. Naglakad siya papalapit sa harapan ng salamin atsaka niya inabot ang maliit na box. Binuksan niya iyon at muli niyang sinipat sa pangalawang pagkakataon. Iyon sana ang singsing na ibibigay niya kay Nikki noong araw na itinakda ang pamamanhikan nila. Muling bumalik sa alaala niya ang araw na iyon kung saan siya excited na naghanda para sa muli nilang pagkikita ni Nikki. Pinauwi niya pa noon mula sa State ang mama niya para pormal nilang hingin ang kamay ni Nikki sa mga magulang nito. “Ma, ayos na ba ‘tong suot ko?” tanong niya sa inang noo’y kanina pa siya pinagmamasdan. Hindi kasi niya magawang mag-decide kung ano ang isusuot niyang damit. “Anak, kahit naman ano ang suotin mo, babagay sa’yo. Ang gwapo-gwapo mo kaya,” anang Mama niya habang inaayos ang collar ni ng damit niya. “Sa tingin mo ba, Ma, natatandaan pa ako ni Nikki?” tanong niya habang sinisipat ang sarili sa salamin. Bahagyang ngumiti ang mama niya. “Iyon ang hindi ko masasagot, Anak. Ang liliit niyo pa kasi noong huli kayong nagkita.” Biglang napatingin si Cedric sa ina. Paano nga kaya kung hindi na siya natatandaan ni Nikki? At paano kung tumanggi itong ipakasal sa kanya? Sikreto ang kasunduang iyon sa pagitan ng pamilya nila. Wala pa ni isa sa kamag-anak ng dalawang partido ang nakakaalam noon. Kaya hindi rin maiwasang kabahan ni Cedric lalo't ang mga lolo lang nila ang nagkasundo. Matagal na niyang gusto si Nikki kaya hindi na siya tumanggi nang sabihing ipapakasal sila. Matalik na magkaibigan ang mga lolo nila, na kapwa retired military officer. Sa tuwing magpi-fishing ang dalawang matanda, parati silang kasamang dalawa. Pitong taon palang si Cedric noon at limang taon naman si Nikki. Masaya ang naging childhood memories ng dalawa. Maging sa school ay hindi sila mapaghiwalay. Parating nakabuntot si Cedric kay Nikki saan man ito pumunta. At sa mura nitong edad, ipinangako nito sa sarili na balang araw ay pakakasalan niya si Nikki. Nadestino sa Tawi-tawi ang mga ama nila na kapwa sundalo rin. At sa kasamaang palad, nasawi sa isang engkwentro ang ama ni Nikki. Matapos mailibing ang ama ng dalaga nagpasya ang mama nito na lumuwas ng Maynila at doon na sila nanirahan. Naiwan sa Bataan si Cedric, sa poder ng lolo niya kaya hindi na sila muling nagkita pa. Twenty one years old na siya nang mamatay sa engkwentro ang papa niya kaya naninirahan na rin sila sa Manila. Sinubukan niyang hanapin si Nikki noon pero maging sa social media ay hindi niya ito makita. Masyado kasing pribado ang parehas na pamilya nila kaya hindi sila expose sa ganoong mundo. Matapos ang dalawampung taon, wala nang ideya si Cedric sa kung ano na ang hitsura ng dalaga. Napawi ang kaninang excitement sa mukha ni Cedric nang makatanggap siya ng tawag mula sa lolo ni Nikki. Kina-cancel na nito ang dapat sanang pamamanhikan nila dahil ilang araw na raw nawawala ang dalaga. Parang pinagbagsakan ng langit at lupa noon si Cedric nang ibaba niya ang phone. “What’s wrong?” tanong ng mama niya nang ibaba niya. Halata kasi sa mukha niya ang pagkadismaya. Malungkot na kinalas niya ang suot na necktie atsaka siya sumagot. “Hindi raw po tayo tuloy, Ma. Naglayas raw po si Nikki,” aniya. Lumapit sa kanya ang mama niya atsaka siya niyakap. “It’s okay, Anak. Baka nabigla lang ‘yon. Babalik din ‘yon kapag nakapag-isip-isip,” anito habang marahang tinatapik ang likod niya. Gumuhit ang mapait na ngiti sa mukha ni Cedric nang bumalik siya sa kasalukuyan. “Ang daya mo, Nikki! Hindi mo man lang ako binigyan ng chance na makita ka,” aniya habang tinititigan ang singsing. Tinuyo niya ang nangilid na luha sa mga mata niya atsaka niya hinila ang drawer. Bumuga pa siya ng hangin bago niya tuluyang itinago sa drawer ang singsing, tanda ng pagsuko niya. Gabi nang bumaba si Cedric at kumuha ng ilang lata ng beer sa ref. Iyon na ang nakagawian niyang pampatulog sa tuwing naalala niya si Nikki. Mahigit isang buwan na ang nakalilipas mula nang maudlot ang dapat sanang pamamanhikan nila pero hindi pa rin mawala-wala sa isip niya ang dalaga. Gusto niyang makita at marinig ang paliwanag nito kung bakit ito basta na lang tumakbo nang hindi man lang nakipag-usap sa kanya. “Naalala mo na naman siya, ano?” halos mapaigtad si Cedric nang biglang magsalita si Manang Beth. Kanina pa pala ito nakatayo sa gilid ng ref. Sa tagal nilang magkasama, pamilyar na sa mga kilos niya ang matanda. “Manang naman. Bigla-bigla ka namang sumusulpot diyan,” aniya habang isinasara ang ref. Natawa ang matanda. “Ano’ng bigla-bigla? Kanina pa ako rito nakatayo hindi mo man lang ako nakita. Ano na naman ba ‘yang iniisip mo at lutang ka na naman?” ani Manang. Napangiti si Cedric. “Gabi na ho, ah. Bakit hindi pa kayo natutulog?” “Sasadyain talaga sana kita sa kwarto mo. May gusto kasi akong sabihin sa’yo.” “Ano po ba ‘yon?” ani Cedric na noo’y naglakad na palabas sa garden. “Tungkol sa bago nating yaya,” anang matanda habang nakasunod sa kanya. Napalingon si Cedric. “Ano po ang tungkol sa kanya?” Inilapag ni Cedric ang apat na lata ng beer sa mesa atsaka niya hinila ang silya para kay Manang pagkatapos ay naupo na rin siya sa katapat nitong silya. “Ano po ang tungkol sa kanya?” tanong niya habang nagbubukas ng beer. Napabuga ng hangin si Manang Beth bago ito nagsalita. “Nag-uusisa kasi siya tungkol sa mama ni Migui.” Lumagok ng alak si Cedric atsaka ito tumingin sa matanda. “Ano ho ba ang tingin niyo kay Mika, Manang? Sa tingin niyo ho ba mapagkakatiwalaan siya?” “Mukha namang mabait ang isang ‘yon. Pinapanood ko sila sa monitoring mo, wala naman akong nakikitang ginagawa niyang masama sa bata. Para ngang anak kung tratuhin niya si Migui.” “Wala ho ba kayong napapansin na kakaiba sa kanya?” Napakunot ang noo ng matanda. “Maliban sa maganda niyang kutis at mukhang mamahaling damit, wala naman akong ibang napapansing kakaiba sa kanya.” Tumango-tango lang si Cedric. Iyon din kasi ang agad na napansin niya kay Mika. “Iniisip niya na anak mo si Migui,” dugtong ni Manang. Napangiti si Cedric. “Hayaan niyo lang po siyang isipin kung ano ang gusto niya. Pinaiimbestigahan ko na po siya kay Louie. Pero habang wala pa po ang resulta, medyo bantay-batayan niyo ho muna siya.” “Napansin ko nga pala na walang ibang dalang damit ang isang ‘yon. Pinahiram lang siya ni Milly nang pamalit na damit. Hindi ba parang nakapagtataka na wala man lang siyang dalang gamit?” ani Manang. Bigla napatigil sa paglagok ng alak si Cedric at napatingin sa matanda. Hindi niya kasi napansin ‘yon noon. Kung totoo man ‘yon, mukhang may dapat nga siyang alamin tungkol kay Mika. Napasulyap si Manang sa mga beer sa mesa. "Bakit umiinom ka na naman? Naaalala mo na naman si Nikki?" tanong nito. Kabisado na kasi nito ang alaga. Nilalasing nito ang sarili kapag hindi ito makatulog sa sobrang pag-iisip. "Medyo po," nakangiting sagot ni Cedric. "Kalimutan mo na si Nikki. Hindi na siya 'yung batang kilala mo noon. Ni hindi mo na nga alam kung ano na ang hitsura niya ngayon. Kung talagang kayo ang nakatadhana, gagawa at gagawa ng pagkakataon ang tadhana para paglapitin kayo. Bakit hindi mo na lang tanggapin na hindi kayo ang nakalaan sa isa’t isa? Malay mo may iba palang nakalaan sa’yo.” "Ewan ko po, Manang. Pero malakas po talaga ang tama ko kay Nikki." "Ibaling mo na lang sa iba 'yang pagmamahal mo. Iyong si Mika, hindi mo ba gusto?" diretsahang tanong ng matanda. Biglang naibuga ni Cedric ang tinutunggang beer. Natawa naman si Manang Beth. "Si Mika? Bakit naman po si Mika?" kunot ang noong tanong niya habang pinupunasan ang bibig. "Bakit hindi? Hindi ka ba nagagandahan sa kanya?" tanong nito. Hindi nakakibo si Cedric na noo’y napatingin lang sa matanda.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD