Nakaraan
Gigi
“Aba, Gigi! Para kang nag-imbak ng panggatong para sa isang buong bayan! Kawawa naman si Pareng Jose, paniguradong sasakit na naman ang ulo niya,” natatawang sabi ni Mang Damian, kaibigan ni Lolo.
“Mas maigi na rin po ang ulo lang ni Lolo ang sumakit, Mang Damian, kaysa mapahamak pa siya nang husto,” sabi ko, bahagyang humihinga dahil sa bigat ng mga panggatong na aking dinadala mula sa gubat.
Sanay na ako sa ganitong buhay simula pagkabata. Limang taon pa lamang ako nang mamatay ang nanay ko. Dinapuan kasi siya ng malubhang karamdaman na naging dahilan kaya naging ulila na ako sa ama at ina. Si tatay hindi ko na nakilala pa. Hindi na rin ako nagtatanong dahil sapat na ang nanay ko at ni Lolo Jose para maging pamilya ko.
Kaya simula nang mawala si Inay, si Lolo Jose na ang naging ina at ama ko. Hindi siya nagkulang, ginawa niya ang lahat para sa akin. Sa katunayan, sobra-sobra pa nga ang pagmamahal niya. Kahit sa mga Mother's Day sa paaralan, lagi siyang naroon. Hindi niya ako pinabayaan. Kaya naman sobra ko siyang mahal.
“Gigi, apo. Sigurado ka na ba sa desisyon mong huwag nang mag-aral sa susunod na pasukan?” malumanay na tanong ni Lolo. Magpapasukan na nga pala, at magiging kolehiyala na sana ako. Bente anyos na ako, at ngayon ko lang natapos ang high school. Ilang beses akong tumigil dahil hindi ko kayang iwanan si Lolo dito sa baryo. Masyadong malayo ang unibersidad.
Napahinto ako sa aking ginagawa. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko bago lumapit kay Lolo at niyakap siya nang mahigpit, gaya ng isang batang nagtatampo. “Lo, para niyo na po akong pinapaalis. Kapag umalis ako, wala na pong mag-aalaga sa inyo, wala na pong magmamasahe sa namamagang tuhod niyo.” Tinapik-tapik ni lolo ang aking likuran
Nang humarap ako, hinawakan niya ang aking mga balikat. “Apo, kaya ko na ang sarili ko. Pero isipin mo, paano kung mawala na ako? Ano na ang mangyayari sa ’yo? Pangarap kong makita kang umakyat sa entablado para tanggapin ang diploma mo, pero paano ‘yon kung nandito ka lang?” ang puno ng pag-aalala at lungkot na wika ni Lolo. Alam kong nababahala siya. Simula nang magdisi-otso ako’y panay na ang pasaring niya sa akin, natitigilan lang ito kapagka sinasabi kong nag-iipun lang ako ng pangmatrikula. Subalit heto’t dalawang taon na ang matulin na lumipas
“Lolo, alam ko naman po ‘yun. Pangako po, mag-aaral na ako sa susunod na pasukan pero sa isang kondisyon,” nakahalukipkip kong sagot. Bahagyang nakataas ang kabilang kilay at nagpipigil na matawa dahil sa reaksyon ng kan’yang mukha.
“Kung anuman ‘yan apo, pumapayag na ako,” mabilis niyang pagsang-ayon. Subalit nang sabihin ang aking kondisyon ay tuluyan akong natawa, kung hindi ko lamang pinigilan ang aking sarili’y baka nakatikim na ako sapak, mula sa kanya.
“Iba na lang apo, lahat kakayanin ko maliban lang sa isang ‘yan, naku! Baka maaga akong mamatay.” Ang tinutukoy kong suhestyon ay ang pumawag siyang pakasalan si Aling Linda, ang biyudang may gusto sa kaniya na umaangkat ng paninda dito sa amin upang maibenta sa bayan.
“Kung gano’n ho, e–”
“Oo na apo,hindi na ako mangungulit, matigil ka lang,” napapailing niyang pagsang-ayon. Kaya’t sabay kaming nagtawanan at buong maghapon na masayang nagkwentuhan.
Sa araw-araw, ganito lang palagi ang gawain namin ni lolo. Maghapon na abala sa kanya-kanyang gawain. Abala kami sa pagtatanim ng iba’t ibang klase ng mga gulay at prutas. Minsan ay nag-aani rin kami ng palay. Iniimbak namin ito upang maibenta ng mas mahal na halaga. Espesyal kasi ang palay namin dito na hindi mabibili sa palengke ng basta-basta. Ang tanging libangan namin ni lolo ay ang pakikinig sa debaterya naming radyo. Tumutugtog ng gitara na siya ring hilig namin na dalawa.
Masaya na ako at kuntento sa buhay. Salat man kami sa mga bagong kagamitan ay ayos na sa akin. Wala kaming touchcreen na cellphone. Ang tanging meron lamang ako ay ang de-keypad upang sa gayon ay matagawan ng mga umaangkat sa aming mga produkto. Kaya bihira lamang ako magawi sa bayan. Hindi naman ako ignorante, sadyang hindi ko lamang hilig ang karaniwang gawain ng mga kabataang kaedaran ko. May mga manliligaw, subalit malayo pa lamang sila’y naka-abang na si lolo. Hindi naman ako interesado kaya walang problema sa akin. Iilang bahay lamang ang nakatira dito sa amin at may kalayuan pa ang mga ito. Hanggang sa….
“Ma’am Agnes, mauuna na po ako. Lumalakas na ho kasi ang ulan,” paalam ko kay ma’am Agnes. Nandito ako sa eskwelahan upang tumulong sa paglilinis bilang paghahanda sa darating na pasukan.
Malapit lamang sa kalsada ang eskwelahang ito, kaya nasa trenta minutos pa ang kailangan kong lakarin pauwi ng bahay. Suot ang aking kamisadong pang-ulan at bota na siyang sapin sa paa ay sinalubong ko ang malakas na buhos ng ulan nang makarinig ako ng saklolo mula sa ‘di kalayuan. Nagdadalawang isip ako kung sino nga ba ang dapat unahin. Si lolo na naiwan mag-isa o ang narinig kong humihingi ng tulong. Hindi ko naman maatim na umalis kaya’t mabilis kong hinanap ang pinanggalingan ng boses.
Isang ginang ang aligaga na hindi mapakali sa kakasilip sa nagmamaneho ng sasakyan nila. Basang-basa siya, subalit halata sa itsura nito ang pag-aalala. Tiningnan ko ang paligid. Nanlaki ang mga mata sa punong natumba. Ang ilan sa sanga nito ay nasa harapan ng sinasakyan nila.
“Ano ho ang nangyari Ma’am?” may pag-aalala kong tanong sa ginang. Hindi kaagad ito nakasagot, mukhang naghahabol pa ng hininga, marahil ay kanina pa ito humihingi ng saklolo. Saktong may dala akong maliit na mineral water na dadalhin ko sana kay lolo. Bigay ito sa akin ni ma’am Agnes kanina. Kinuha ko ito sa bulsa ng suot ko at iniabot sa ginang. Mabilis naman niya ito ininum saka pa lamang nakapagsalita.
“T-Tulong! Tulungan mo ang asawa ko.” Ganoon lamang ang panlulumo ko nang makita ang asawang tinutukoy niya na siyang nagmamaneho. Walang malay tao ito, kaya naman mabilis akong lumapit upang yugyogin siya at tanungin kung ano ang nararamdaman niya. Nakahinga ako ng maluwag nang mapagtantong nawalan lamang siya ng lakas, gawa ng paa niyang naipit kaya hindi makalabas.
Lumingon ako sa ginang. “Ma’am, kung hihingi po ako ng tulong kay kapitan ay baka matatagalan pa ho tayo. Abala sila sa pag responde ng ibang naapektuhan ng bagyo. Kaya ganito na lang po, magtulungan tayo na tanggalin ang kahoy sa sasakyan po ninyo.”
Wala kaming sinayang na oras, hindi naman ito gaano malaki kaya’t buong lakas ko itong inangat sa abot ng aking makakaya at napagtagumpayan ko naman ito. Mabilis namin inilabas ang asawa ng ginang sa sasakyan nila. Dala ang mahahalagang gamit ng mag-asawa ay nagtulungan kami ng ginang na madala ang asawa niya sa center. Katabi lang ito ng barangay.
Nang dumating kami ay inasikaso kaagad ito ng nars. Nilagyan niya ng benda ang paa ng ginoo na mabuti na lang hindi naman masyadong naapektuhan kaya’t paika-ika na lang ito kung maglakad. Medyo humina na rin ang ulan, kaya nagpasya akong magpaalam.
“Nurse Che, mauuna na ho ako, kayo na ang bahala sa kanila.” Lumapit ako sa ginang na siyang kabababa lang nito ng tawag sa telepono upang magpaalam.
“Ma’am dumito na ho muna kayo, uuwi na po ako,” paalam ko sa ginang. Hinawakan niya ako sa magkabilaang kamay at masuyong tinitigan.
“Ineng, maraming salamat, paano ba ako makakabawi sa iyo?” Ang boses niya ay puno ng pasasalamat, mga matang kumikinang bunsod ng luhang hindi pa lumalabas.
‘Naku! Hindi na po kailangan,” sagot ko. Iwinagayway ang kamay, naramdaman ang pamumula ng aking pisngi.
“No! Hindi ako papayag,” giit niya, ang tono ay matatag pero malumanay. Isang bahagyang ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. “Ganito na lang, isama mo muna kami sa inyo para makapagpasalamat sa mga magulang mo, tamang-tama bukas pa ng hapon ang dating ng driver namin. Ano maari ba?” masuyo niyang pakiusap. Kung sa ganoong paraan lang sila magpapasalamat ay sino ako para tumanggi, kaya pumayag akong dalhin sila sa bahay.
Sa tulong ni Kapitan, mabilis naming naihatid sa bahay ang mag-asawa. Malakas ang sasakyan kaya’t sandali lamang ang biyahe. Ngunit agad akong sinakmal ng matinding kaba nang makarating kami sa bahay at wala si Lolo. Iniwan ko muna ang mag-asawa upang hanapin siya.
“Gigi, si Pareng Jose ba ang hinahanap mo?” tanong ni Mang Damian, na siyang sumalubong sa akin.
“Opo, wala po siya sa bahay,” ang pag-aalala kong tugon.
“Naku, pumunta sa gubat kahit umuulan! Ayaw talaga niyang magpaawat!” ang nababahalang sagot ni Mang Damian.
Isang maikling pasasalamat ang aking ibinulong bago tinakbo ang maputik at madulas na daan patungo sa gubat. Ang ulan ay patuloy na bumubuhos, ang hangin ay malamig at mabigat. Sa di kalayuan, natanaw ko si Lolo na nakahiga malapit sa batis, ang kanyang katawan ay halos natatakpan ng mga dahon.
“Lo!” ang sigaw ko, ang mga tuhod ko ay nangangatog habang tinatakbo ang natitirang distansya. Nang makalapit, hinawakan ko ang kanyang mukha, ang aking mga kamay ay nanginginig. “L-Lolo ko, g-gising po kayo… s-sige na po…” ang pagmamakaawa ko, ang aking boses ay halos hindi ko na marinig dahil sa paghikbi. “L-Lolo… papasok na po ako sa pasukan…” ang aking huling pag-asa, kahit alam ko na sa aking puso na wala na siya. Iniwan na ako ni lolo.
Kasalukuyan
“Gigi Ineng, huwag mo nang pansinin ang pagsusungit ni Mathew. Mabait na bata ‘yon, sadyang may pagka-suplado lang. Magkakasundo rin kayo, hayaan mo lang,” pag-aalo ni Nanay Cindy.
“Hindi naman po si Sir Mathew ang iniisip ko, Nay. Naalala ko lang po si lolo Jose.” Nagsasabi naman ako ng totoo, hindi nga lang isang daang pursyento. Ang bente pursyento kasi ng utak ko ay inakupa pa rin ni sir Mathew. At dahil nga hindi ko siya kilala kaya’t wala akong ginawa maghapon kundi ang manood ng pelikula na siya ang bida ayon na rin sa utos niya. Hinayaan din niya akong mabasa ang ibang mga artikulo patungkol sa kaniya. Ang talambuhay niya, sino-sino ang naging kasintahan niya. Ang mga nakatrabaho niya noon at kasalukuyan, lahat ng iyon ay itinatak ko sa utak ko at inaral dahil bukas na bukas rin ay isasama na niya ako sa taping na sinasabi niya.
Malakas akong bumuntunghininga, saka binalingan ng tingin ang matanda na halatang inaantok na. “Nay, ako na ho dito, magpahinga na po kayo.”
“Ganoon ba? Sige, mauuna na ako,” ang sagot niya, ang boses ay nanghihina na. “Huwag kang mag-alala, babalik na si Maria sa susunod na linggo.” Ang tinutukoy niya ay ang kasama naming kasambahay. Nagbakasyon daw ito kaya mag-isa lamang ang matanda dito sa mansyon. Pinatay ko ang mga ilaw ayon sa bilin ni nanay Cindy. Alas nuebe na rin ng gabi kaya’t inaantok na ako.
Humihikab akong naglalakad sa may kadilimang kusina nang makabunggo ako ng isang matigas na pader.
“Ai kabayo!” gulat kong bulalas. Mabuti na lamang at hindi naman masyadong matigas ito kaya’t kinapa-kapa ko muna hanggang sa mapagtanto kong – si sir Mathew pala.
“What are you doing, Kawa… tsk,” naputol ang sasabihin ni Sir Math, ang tingin niya ay nakatuon sa akin. Dalawang hakbang ang ginawa ko paatras, yumuko at humingi ng paumanhin. “Pasensya na po, Sir Math. Hindi ko po kayo napansin.” Hindi siya sumagot, dire-diretso siyang nagtungo sa refrigerator. Aalis na sana ako nang…
"Are you unable to offer anything other than an apology?” may bahid pagkairita ang kaniyang tono.
“Po?” maikli kong sagot nang lingunin siya.May bahid pagtataka sa aking mukha. Naiintindihan ko naman ang tanong niya, hindi nga lang malinaw sa akin kung bakit kailangan kong magbigay ng iba pang paliwanag maliban sa salitang ‘sorry’.
Inisang lagok muna nito ang beer na siyang kinuha niya sa pregider at pabagsak niya itong ibinaba. Saka dahan-dahan na naglakad… “ay, teka lang, mukhang palapit siya sa akin? Ano ba ang gagawin niya?” Kinabahan ako’t umatras nang umatras hanggang sa mabunggo ng aking likuran ang pader malapit sa lababo.
“S-Sir, ‘wag po,” nahihibang kong bulalas. Wala akong narinig na sagot at lalong hindi ko naramdaman ang presensya niya sa tabi ko. Kaya’t dahan-dahan kong minulat ang kaliwa kong mata, pagkatapos ay ang kanan.
“Sir?” may pagtataka kong tanong. Bigla kasi siyang naglaho. Inikot ko ang aking paningin hanggang sa matanaw ko ang papalayo niyang pigura.
“Matulog ka na, maaga pa tayo bukas, Miss Kawatan,” siyang habilin nito sa akin.
“Lupa, lamunin mo na ako.” Awang ang aking bibig. Hindi ako makapaniwala. Bakit ko nga ba naisip na hahalikan niya ako? Napahiya na naman ako! Si Mathew, isang sikat na artista, perpekto…ay malabong mapansin ang katulad kong hamak na katulong lamang.
: