Four

1255 Words
IN-AMBUSHED ang Daddy niya. Ang balitang iyon ang yumanig sa buong mundo ni Wendy. Martes ng hapon nangyari iyon, pauwi ang daddy niya mula sa livelihood project na dinalaw nito sa Pajez, ang pinakamalayong barangay na sakop ng Victoria, ang lungsod na pinamumunuan nito.             Sugatan ang apat sa security team nito, critical ang dalawa at ligtas naman ang dalawa na daplis lang ang tinamo. Ang ama niya ay kasalukuyang nasa OR. May dalawang tama ng bala—isa sa mga balang iyon ay nagdala rito sa delikadong kondisyon. Hindi na nag-sink in sa kanya iba pang detalye.             Nasa waiting area si Wendy at hindi tumitinag. Pakiramdam niya ay manhid ang buong katawan niya. Nagsisikip rin ang dibdib niya habang nanginginig ang tuhod at mga kamay. Ilang beses siyang nagtanong sa Daddy niya kung bakit siya ikinukuha ng bodyguard, hindi niya naisip na bago pa man dumating ang bantay niya ay bibigyan na siya ng ama ng sagot sa tanong—sa pinakamasakit na paraan.             May banta ang buhay nito at siya ang unang gustong protektahan. Hindi lang siya nito gustong mag-alala at matakot kaya hindi nagbigay ng detalye. Ngayon ay naiintindihan na ni Wendy ang ibig sabihin ng ‘malalim na dahilang’ tinutukoy nito. Abut-abot man ang pagtanggi niya ay itinuloy pa rin nito ang pagkuha ng bodyguard para sa kanya. Hiling niyang sana ay hindi pa maging huli ang lahat para sa kanila. Marami pa siyang gustong sabihin—magso-sorry pa siya, ibibili pa niya ito ng vitamins na hindi pa niya nagagawa, matutulog pa siya sa silid nito para matigil ang pagtatrabaho nito magdamag, maglalambing pa siya rito, mag-aaway pa sila…             Tumulo na ang mga luha ni Wendy. Ang mga luhang iyon ang tila yelong bumuhos sa namamanhid niyang pakiramdam. Unti-unti siyang nakaramdam—ng takot, ng pag-aalala, ng sakit. Kumalat sa sistema niya ang mga pakiramdam na iyon hanggang bumigat ang dibdib niya at nahirapan siyang huminga. Nanlabo ang paningin niya kasabay ng naramdaman niyang panlalamig.             Nagdilim na ang paligid ni Wendy nang mga sumunod na sandali.             Paggising niya ay nasa hospital bed na siya, may dalawang nurse na tumitingin sa kanya. May dalawa pang hindi pamilyar na mukhang nakatunghay sa kanya na parang relative na dumating para magbantay. Hindi niya kilala ang dalawa.             Prince and Beast, iyon ang unang rumehistro sa isip ni Wendy, ang pinakatumpak na paglalarawan sa dalawang mukhang nakita niya. Ang isa ay parang prinsipeng lumabas sa fairy tale book—makisig, guwapo, light brown ang mga mata at mabait ang ngiti sa kanya. Ang ikalawa naman ay natakpan yata ng kaitiman ng balat ang lahat ng maganda rito—o wala talagang maganda rito liban sa puting-puting ngipin at malamlam na mga mata—dagling nagbago ang isip ni Wendy nang makita niya ang lamig ng ekspresyon nito. Mali siya ng basa. Hindi pala malamlam ang mga mata nito, masamang makatingin ang African na ito na mukhang naliligaw sa Pilipinas!             “Wendy?” tila paniniyak ng mukhang prinsipe. “We are the men from RRS. I am Rance,” pakilala nito at bumaling sa katabi. “And this is Shanely.”             Shanely Beast?             Napatitig lang siya.             “Kaibigan ako ng Daddy mo,” sabi ni Rance. “Bukas pa dapat ang dating namin, napaaga dahil sa nangyari sa Daddy mo. Si Shanely,” binalingan nito ang kasama. “Siya ang bago mong bodyguard.”             Gusto niyang mawalan ng malay uli sa narinig. ‘Beast’ ang bago niyang bodyguard! God save her!             Salamat na lang at good news ang sumunod niyang narinig nang mga sumunod na sandali—tapos na ang operasyon at ligtas na sa panganib ang ama niya. Nawala sa isip ni Wendy ang tungkol sa beast bodyguard niya. HINDI napaghandaan ni Rigorr na isang nanghihinang Wendy ang makakasama niya sa unang araw ng trabaho. Nasa recovery room na si Mayor Willard habang ang unica hija nito ay mukhang hindi pa nakakarecover mula sa pagka-shocked sa mga pangyayari.             Kaninang hindi pa ito pinayagang pumasok ay nakaupo lang ang babae sa waiting area. Halos tulala; tahimik na umiiyak. Sa mga unang segundo ay hindi siya makapaniwalang ito ang sikat na Wendy-Worst-Witch, ayun sa isang kilalang tabloid. Kung titingnan, tila napakahina nito at walang kahit anong kayang gawin. Kahit gagamba yata ay hindi nito magagawang patayin sa nakikita niyang kahinaan.             Nasa labas lang si Rigorr, magdamag na siyang magbabantay kasama ng dalawang miyembro ng security team ng alkalde. Ang dalawa ang pinalad na tumamo lang ng galos at daplis ng bala sa nangyaring ambush habang ang dalawang kasamahan ng mga ito ay malubhang nasugatan. Dalawa naman sa panig ng mga salarin ang napatay ng mga ito.             Nagpaalam na magkakape ang dalawa sa labas. Tumango lang siya. Paulit-ulit na binabalikan ng mga mata ang nasa loob na si Wendy—nakatulog na ito habang nakayupyop sa kama ng ama.             Walang sinuman sa dalawang bodyguard ng alkalde ang nag-alok ng pagkain kay Wendy. Pasimple siyang nagtanong sa mga ito. Tumawa ang dalawa. Magsasayang lang daw ang mga ito ng panahon. Ni minsan ay hindi raw kumain si Wendy ng pagkain mula sa sinuman sa security team ng ama nito. Masamang tao raw ang tingin ng babae sa mga bodyguards ng ama nito. Tumango na lang siya at iniba na ang usapan.             Pagdating ng hatinggabi ay dumating ang may katandaan nang babae. Pinalitan nito si Wendy sa pagbabantay. Pagkatapos nang maikling pag-uusap ng dalawa ay basta na lang lumabas ng silid si Wendy, nilampasan siya na parang hindi siya nag-eexist sa paningin nito. Kaswal na sumunod si Rigorr sa babae. Ang inaasahan niya ay diretsong papasok ito sa kotse pagdating sa parking area—mali siya. Sumandal lang ito sa tagiliran ng sasakyan na para bang nagpahinga. Eksakto nakalapit siya para kunin rito ang susi ay sinapo nito ang sikmura na parang sumama ang pakiramdam.             Inisip yata ni Wendy na hahawakan niya ito nang aabutin sana ni Rigorr ang susing hawak ng babae—tinabig nito agad ang braso niya, saka halos yumupyop sa tagiliran ng sasakyan.             She threw up.             Ang unang impulse ni Rigorr ay hawakan si Wendy pero pinigilan niya ang sarili. Hindi magiging mabuti ang epekto ng hawak niya rito, sigurado siya. Unang pagtatama pa lang ng tingin nila ay nahalata na niyang masamang halimaw ang tingin ni Wendy sa kanya.             Inilabas ni Rigorr ang panyo. “Baka mangamoy tayo sa kotse,” aniya sa pantay na tono. “Linisin mo na agad ang sarili mo para makauwi na tayo. Fatigue at stress lang `yan kaya ka nagsuka. Magpahinga ka muna—” Naudlot ang pangungusap niya nang sa halip na sundin ang sinabi niya ay kumapit si Wendy sa kanyang braso. Hinang-hina na yata kaya humilig na lang sa katawan niya. Napangiwi si Rigorr nang maramdamang nagsuka si Wendy sa dibdib niya!             Dumistansiya rin ang babae mayamaya. Parang walang anuman na lumayo sa kanya pero hindi sapat ang lakas kaya kinailangan niyang alalayan ito. Ilang minutong nagpaubaya si Wendy pero itinulak rin siya na parang siya pa ang masama.             “Unang gabi ko pa lang, traumatic na,” malamig na sabi ni Rigorr, hinubad niya ang t-shirt bago inabot rito ang panyo. “Linisin mo’ng sarili mo, baka mangamoy tayo sa kotse.” Isinalaksak niya sa loob ng backpack ang hinubad na t-shirt. “Sumakay ka na.”             “Inuutusan mo ba ako?”             Sa halip na sumagot ay nilapitan niya ito at sapilitang hinila papasok sa backseat. Nag-apoy ang mga mata ni Wendy nang walang nagawa laban sa lakas niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD