Chapter 9 (Nightmare)

1564 Words
“Hindi ka pa ba matutulog?”  Napapitlag siya dahil sa biglang pagsalita ng asawa na nasa likod niya. Nilingon nya si Sara at payak na nginitian ito. Muli niyang tiningnan ang anak-anakan na nakahiga sa papag na sinapinan ng mumurahing banig. Ang ilalim ng banig ay may magkakapatong na karton para makabawas sa tigas ng mabakong sahig. Huminga siya ng malalim. Naala kung paano napunta sa kanila si Dodong. Noong una ay inisip niya na tulungan lamang ito pansamantala dahil sa oras na makabalik na ito sa tunay na pamilya ay magiging maayos na rin ito. Pero… pero sa magtatatlong taon na nasa kanila ito ay walang nagpapakita para sunduin ito. Walang nagpapakita para kunin si Dodong sa kanila. Hindi niya alam kung matutuwa siya na hindi binabawi ang anak-abakan o malulungkot dahil mukhang wala na itong halaga sa pamilyang pinagmulan. “Ano ang iniisip mo, Yong?” tanong pa ni Sara sa kaniya. Yong ang nakagawian na itawag sa kaniya ng asawa mula pa ng kabataan nila.  “Naisip ko na kakausapin ko ang mga kapatid ko. Baka pwede nila tayo tulungan para sa pag-aaral ng anak natin sa kolehiyo.” Natigilan naman si Sara sa sinabi niya. Alam niya ang iniisip nito, hindi ito komportable na lumapit sila sa mga kapatid niya dahil simula nang mamatay ang nag-iisa nilang anak sa pneumonia ay hindi na sila muling humingi pa ng tulong sa mga ito.  Napapikit siya nang maalala ang masakit na nakaraan. Nakikiusap siya sa mga kapatid niya para maipagamot ang anak na pitong taong gulang. Walang gustong tumulong, nagtuturuan pa ang mga ito kung kanino siya dapat lumapit. Umuwi na lang siya na walang nahinging tulong. Pagbalik niya ng bahay ay mahina na si Mara at agad na nilang dinala sa ospital. Hindi naman sila inasikaso agad sa ospital dahil wala silang pera para sa pampaunang bayad. Umiiyak na nakiusap sila, mabuti na lang ay may mag-asawang mayaman na naawa sa kanila at tumulong sa kalagayan ni Mara. Ang mag-asawa na rin na iyon ang nagbili ng mga gamot na kailangan. Tatlong araw ang itinagal ni Mara sa ospital, hindi na kinaya ng batang katawan nito ang malalang sakit. Nang muling dumalaw ang mayamang mag-asawa sa kanila ay iyon na rin ang huling araw ni Mara. Parang nagpaalam lang si Mara sa mga ito, parang hinintay lang ni Mara ang mag-asawang pilantropo para magpasalamat at kahit sa huling bahagi ng buhay ay natulungan ito.  Ang mag-asawang pilantropo na rin ang umayos ng lahat ng bayarin nila sa ospital hanggang sa punirarya na nag-asikaso sa bangkay ni Mara. Iyon na rin ang huling kita nila sa mag-asawa.  Sa tagal ng panahon ay hindi niya inisip na panghinayangan na hindi inalam kung saan nakatira ang mag-asawang mayaman, ni hindi niya tinanong ang pangalan ng mga ito. Ayaw niya magtanong noon dahil ayaw niya isipin ng mga ito na mukha silang pera. Mahirap man sila pero hindi nila ugali ang mamalimos. Pero ngayon… ngayon ay handa na siya mamalimos para sa kalagayan ng anak-anakan.  “Baka mapahiya lang tayo makiusap,” sabi ni Sara na pumutol sa pagbabalik niya sa nakaraan. “Makikiusap ako, Sara. Para man lang sa bata. Naaawa ako sa kaniya.” “Magmula nang mamatay si Mara ay hindi na natin sila kinausap pang muli. Kahit anong binibigay nilang tulong sa lamay ni Mara ay hindi natin tinanggap noon. Napahiya pa sila nang pagsalitaan ko sila ng masasakit. Paano kung hindi na naman nila tayo muling pansinin? Paano kung mapahiya ka lang sa paglapit sa kanila?” “Susubukan ko lang. Sabi mo nga na matagal na tayong hindi nakipag-usap sa kanila. Baka sakali na ngayon ay hindi nila na ako matanggihan.”  ****** Napabuntong-hininga si Sara at naupo sa tabi niya. Nasa may lutuan sila nakapwesto sa mga oras na iyon. Nandoon ang nag-iisang upuang pahaba. Wala silang masyadong gamit dahil hindi naman nila kailangan. Matatanda na sila at kontento na sa simpleng buhay lalo na at wala na silang anak.  Pareho silang nakatingin sa tulog na anak-anakan. Ang pagdating nito sa buhay nila ay hindi nila inaasahan. Ang pagtulong ni Mateo rito nang gabi na iyon ay hindi niya akalain na magdadala sa kanila para sa panibagong bukas, para sa panibagong pangarap.    Ang tulugan ni Dodong ay ilang hakbang lamang mula sa pwesto nila. Isang kwarto lang ang meron sila at si Dodong ay sa may maliit na espasyo na nagsisilbing sala nila at kainan tuwing araw naglalatag kapag matutulog na.  “Hindi mo ba napapansin na habang nagbibinata si Dodong ay makikita sa itsura niya na parang may ibang lahi siya, na hindi siya purong Pilipino?” “Napapansin ko naman. Napakagwapo ng anak natin, Yong. Siguradong maganda ang kaniyang ina at magandang lalaki rin ang kaniyang ama. Nasaan na kaya ang mga magulang niya? Bakit kaya siya pinabayaan?” “Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin talaga sa akin kung bakit siya napunta doon sa estero nang matagpuan ko siya noong gabing iyon. Bakit wala siyang malay nang makita ko?” “Akala ko nga ay patay na siya ng dalahin mo rito. Napakdumi niya at hindi makilala. Nakakaawa.” “Tama kaya na hindi natin ini-report sa mga pulis ang nangyari sa kaniya?” napapaisip na tanong ni Mateo sa asawa. “Umiiyak siya noong magising. Natatakot rin siya sa atin. Kahit hawakan ko ay natatakot siya at mistulang handang tumakbo. Palaisipan pa rin sa akin ang buhay na dati niyang dinanas.” “Hay… hindi natin alam hanggang ngayon kung bakit nangyari sa kaniya iyon. Hindi siya nagkukwento hanggang ngayon sa pinagdaanan niya. Sana lang ay matulungan natin talaga siya. Gustuhin man natin ay napakahirap naman ng buhay natin. Sana ay mapakiusapan mo ang mga kapatid mo para kay Dodong.” Napatitig muli si Mateo sa natutulog na si Dodong. “Hindi ko maintindihan ang sarili ko pero sa tuwing tinitingnan ko iyang si Dodong ay parang may naaalala ako. Parang pamilyar ang mukha niya sa akin. Parang nakita ko na siya noon pa.” “Baka naman hindi ka nagsasabi at anak mo pala si Dodong sa iba,” pabirong sabi niya kay Mateo. Natawa naman ito. ****** Tahimik siya at nagkukunwang tulog. Hindi siya nagpapahalata na gsing siya at naririrnig niya ang pag-uusap ng dalawang matanda. Naramdaman niya ang pagpatak ng mga luha niya. Pinigilan niya ang sariling humikbi. At dahil sanay na siya sa patagong pag-iyak simula pa noong mapunta siya sa masamang babae na mamasan sa impyernong lugar na iyon ay nasanay na siya sa patagong pagluha. Dalawang taon mahigit na mula nang tumakas siya sa lugar na iyon. Masaya naman siya na hindi na muli nakita ang kahit sino sa mga tauhan ni mamasan. Mas mabuti na ang buhay niya ngayon. May pamilya na siya ulit at pagsisikapan niya pa ang pag-aaral para makapasa siya sa exam ng UP. Ikinwento sa kaniya ni Ma’am Shiela niya na ang UP ay nagbibigay ng scholarship para sa mga tulad niya. Nagkaroon siya ng pag-asa dahil doon.  Naisip niya na magtrabaho pa rin siya habang nag-aaral. Ayaw niya magmakaawa ang Tatay Mateo niya sa mga kapatid nito. HIndi niya kayang isipin na makaramdam ito muli ng pagkabigo. Ipinapangako niya na balang-araw ay gaganda ang buhay ng mag-asawang nagkupkop sa kaniya, gagawin niya ang lahat para sa mga ito. Naramdaman naman niya ang pagpasok ng dalawang matanda sa kwarto ng mga ito. Tahimik siyang gumalaw mula sa pagkakahiga. Tumihaya siya at hinayaan ang malayang pagdaloy ng mga luha niya sa mga pisngi. Naalala ang mga mapapait na pinagdaanan. Nakatulugan na lang niya ang tahimik na pagluha. ******  Pabalikwas siyang bumangon. Pawis na pawis dala ng takot na nararamdaman. Nilibot niya ang paningin sa paligid, naroon siya sa maliit na dampa ng mga mabubuting tao na nagmamahal sa kaniya. Naroon siya sa bahay ng Tatay Mateo at Nanay Sara niya at wala sa impyerno.  Malakas pa rin ang kaba na muling nahiga siya. Nanlalaki pa rin ang mga mata sa takot. Pabaluktot na nahiga. Napanaginipan niya ang mga magulang. Sa panaginip niya ay tinatawag siya ng mga ito para maglaro.  Masaya siyang lumapit sa mga ito at nang lumingon ang mga ito sa kaniya ay nakita niya na wala na ang mga mata ng mga ito at ang dugo na tumutulo sa mga pisngi ng mga ito mula sa butas sa pinagtanggalan ng mga mata ay naging dahilan para matakot siya. Gumapang ang mga dugo ng mga magulang papunta sa kaniya. Hinihila siya ng mga ito palapit sa mga magulang niya. “Papa… Mama…” tawag niya sa mga ito. Nasa harap na siya ng mga magulang nang mawala na ang mga ito sa paningin niya. Mabilis siyang lumingon para hanapin ang mga ito pero hindi na niya makita at saka niya nakita ang isang babae na umiiyak. Nilapitan niya ito sa pag-aakala na mama niya ito.  “Mama…” hinawakan niya ang balikat nito.  Tumigil sa pag-iyak ang babae at hinawakan ang kamay niya na nakapatong sa balikat nito. Ang kamay ng babae na humawak sa kaniya ay biglang naging kulubot at mahigpit itong kumapit sa kaniya. Natakot siya na hinila ang kamay at doon tumingin ang babae sa kaniya. Nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin sa kaniya.   Napaatras siya at kasabay ng patakbong paglapit nito sa kaniya ay ang pagsigaw niya sa panaginip niya at doon na siya tuluyang nagising kanina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD