Alona
"YUNG gamot ni nanay sa highblood ay mahihingi mo yan sa center pati na rin yung sa blood sugar nya. Meron sila doon. Bale ang bibilhin mo na lang ay ang anti biotic na iinumin nya sa loob ng isang buwan, itong dietary supplements nya at vitamins. Kapag may iba pang nararamdaman si nanay ay dalhin mo na lang dito sa clinic." Anang may edad na doctor na tumingin kay nanay at inabot sa akin ang bagong reseta.
Ngumiti ako at tumango sa doctor. "Salamat po doktora."
Inalalayan ko na si nanay na tumayo sa upuan at lumabas sa opisina ng doctor. Nilapitan namin ang assistant at nagbayad ng check up fee. Mabuti na lang ay mas mura ang check up fee kay doctora kesa sa ibang doctor. Matagal na rin kasi naming doctor si Dra. Ngo. Doctor din sya ni tatay noong nabubuhay pa. Kaya kilala na kami ni doctora.
"Nak, pwede naman sigurong wag ng bilhin ang lahat ng gamot na nandyan sa reseta. Maayos naman ang pakiramdam ko." Sabi ni nanay ng makalabas na kami ng clinic.
"Hindi po pwede nay. Kailagang nyo pong inumin lahat ito. At hindi po porke't gumanda na ang pakiramdam nyo ay hindi nyo na tatapusin ang gamutan nyo. Hindi pa po kayo lubos na magaling. Baka lalo lang lumala ang sakit nyo sa bato kapag huminto kayo sa paginom ng gamot." Malumanay kong paliwanag sa kanya.
"Pero saan naman tayo kukuha ng pera pambili ng gamot. Kulang na kulang din ang pensyon ng tatay mo." Namomroblemang sabi ni nanay.
"Ako na po ang bahala dyan nay. Relax lang kayo." Sabi ko sa masiglang boses para hindi nya isiping namomroblema din ako para sa gamot nya. Ayokong ma-stress sya dahil makakasama yun sa kalusugan nya.
Bumuntong hininga si nanay at ngumiti sa akin. "Nahihiya na kasi ako sayo anak. Lagi mo na lang akong iniintindi. Hindi mo na nagagawa ang mga gusto mo."
"Nay, ang gusto ko lang ay alagaan kayo."
"Ang ibig kong sabihin hindi ka na nakakagala kasama ang mga kaibigan mo dahil binabantayan mo ko. Hindi mo na rin nabibili ang gusto mo dahil mas inuuna mo ang mga gamot ko." Malungkot na sabi nya.
Bumuntong hininga ako at hinawakan ang dalawang kamay ni nanay. Matanda na si nanay. Dalawang taon na lang tutuntong na sya sa sisenta. Simula ng namatay si tatay pitong taon ng nakakalipas ay malaki na ang pinagbago ni nanay. Nadepress sya, naging sakitin at malungkutin. Alam kong dahil yun sa pagkawala ni tatay. Mahal na mahal nya si tatay. Buhay nila ang isa't isa. Ngayon naman sya ang buhay ko. Ayokong mawala din sya sa akin. Kaya gagawin ko ang lahat para sa kanya kahit manlimos pa ako para sa gamot nya.
"Nay, mas importante po kayo kesa sa mga gala at mga materyal na bagay na gusto kong bilhin. Makakagala pa naman ako at mabibili ko ang gusto ko kapag gumaling na kayo. Kaya nay, magpagaling po kayo. Wag nyo pong isipin ang mga gastusin sa gamot nyo. Ako na po ang bahala doon."
Ngumiti si nanay at hinawakan ang aking pisngi. "Maraming salamat anak. Pangako magpapagaling ako para sayo."
"Promise yan nay ha."
Tumango sya. "Pangako ko yan anak."
"O halina na po kayo, uwi na tayo para makapag pahinga na kayo sa bahay."
Humawak sa braso ko si nanay at pinara ko na ang dumaang traysikel.
-
Napabuntong hininga ako habang binibilang ang nawithdraw kong pera sa pension ni tatay. Mahigit tatlong libo lang iyon. Kulang na kulang sa pang isang buwan na gamot ni nanay na nasa reseta. May pera pa naman akong naitatabi mula sa kinita ko sa pagtatahi. Pero nilaan ko yun para sa pagkain namin ni nanay. Mabuti nga ay hindi kami nangungupahan. Sarili naming bahay at lupa ang tinitirhan namin. Kuryente at tubig lang ang binabayaran namin. Pero hindi malaki ang bill namin sa isang buwan dahil dalawa lang naman kami ni nanay. Ang tubig namin ay nasa dalawang daan lang. Ang kuryente naman ay pinakamataas na ang seven hundred na bill. Ilaw, electric fan at maliit na ref lang ang gamit namin.
Ang priority ko ngayon ay ang mga gamot ni nanay. Kapag nakumpleto ko ng bilhin yun ay wala na akong problema ngayong buwan. Ang pagkain namin ay madali lang gawan ng paraan.
Nilagay ko na sa wallet ang pera at sinuksok na ito sa sling bag na nakasukbit sa katawan ko. Dadaan muna ako sa bahay ni Tita Elen baka sakaling makahiram ako pandagdag sa gamot ni nanay.
Lumabas na ako sa kwarto at tinungo si nanay na nasa sala at naggugupit ng mga sinulid sa mga nayari ko ng tahiin na mga duster na pambata.
"Nay, pupunta lang po ako ng bayan para bumili ng gamot nyo. May gusto po ba kayong ipabili?"
Tumingin sa akin si nanay at ngumiti. "Saging lang anak."
"O sige po. Maiwan ko po muna kayo nay, mabilis lang ako."
"Mag iingat ka anak."
Sukob ng payong ay naglakad lang ako papunta sa bahay ni Tita Elen na kapatid ni tatay. Sa kabilang kanto lang naman ang bahay nya. Pagdating ko nga doon ay pinagkaguluhan na ako ng mga pamangkin ko sa pinsan. Akala mo naman matagal nila akong hindi nakikita. Kanya kanya sila ng kunyapit sa akin. Pinanggigilan ko naman sila isa isa. Mahilig ako sa bata dahil nakakatuwa ang pagiging bibo nila at inosente sa maraming bagay. Sabik ako sa kapatid dahil mag isa lang akong anak. Hindi na pinalad na magkaanak si nanay ulit.
"Magkano ba ang kulang para mabili ang lahat ng kailangan na gamot ni Daisy?" Tanong ni Tita Elen. Malaking babae si Tita Elen at ang hanapbuhay nya ay nagtitinda ng isda sa palengke.
"Dalawang libo po tita. Lahat na po yun ng gamot na kailangan bilhin sa reseta. Yung sa highblood at sa blood sugar ay hihingin ko po center."
Walang sali-salitang dumukot si Tita Elen sa bulsa ng duster nya. May hawak na syang lilibuhing mga pera. Inabutan nya ako ng dalawang libo.
"Tamang tama kasasahod ko lang sa paluwagan kanina."
Kinuha ko na ang pera. "Salamat po tita. Ibabalik ko po ito kapag nakuha ko na po ang bayad ko sa tahi sa susunod na linggo."
"Kuh, wag mo munang isipin yun. Bayaran mo na lang ako kapag nakaluwag luwag ka na. O heto pa limang daan baka kapusin ka mainam na yung may sobra." Inabutan na pa ako ng limang daang papel.
"Salamat po talaga tita. Nakakahiya naman po. Pero next week po talaga babayaran ko talaga kayo." Nahihiyang sabi ko.
"Wag mo muna sabing isipin yun. Alam kong kapos kayong mag ina dahil naggagamot ang nanay mo. Basta kapag nangailangan ka sa akin ka agad lumapit. Kahit wala ako magagawan ko ng paraan yan."
Tumango ako at ngumiti kay Tita Elen. Kahit kelan di nya kami pinagdamutan ni nanay. Hindi sya mahirap lapitan. Ako na nga lang talaga minsan ang nahihiyang lumapit.
"O sige na, lumakad ka na para makabili ka na ng gamot ng nanay mo. Ibili mo din sya ng mga prutas."
"Opo tita. Salamat po ulit."
Nagpaalam na ako kay Tita Elen at sa mga pamangkin ko.
Tila may naalis na mabigat na bagay sa nakadagan sa dibdib ko. Nasolve na ang problema ko sa pambili ng gamot ni nanay. Kumpleto na ang gamot nya ngayong isang buwan. Ang poproblemahin ko na lang ang pangkain namin.
May naisip na nga akong paraan para sa susunod na buwan ay di na ako masyadong mamroblema na naman sa pambili ng gamot ni nanay. Hihingi ako ng financial assistance para sa gamot ni nanay sa opisina ni Gov. Andrada. Ang dating gobernador ng lalawigan.
-
"O ALONA saan ka pupunta?" Tanong ni Girlie ang kababata at best friend ko. Galing syang palengke dahil maraming bitbit na mga supot na paninda. May tindahan kasi sya sa bahay nila.
"Sa opisina ni Gov. Andrada. Manghihingi ng financial assistance para sa gamot ni nanay." Kahapon ay kinumpleto ko na ang mga papel na kailangang ipresenta sa opisina gaya ng reseta, med certificate, baranggay indigency, xerox ID ni nanay at ID ko.
"Ganun ba. Sayang gusto ko pa namang sumama kaya lang mag aayos pa ako ng paninda." Nakangusong sabi ni Girlie. Gusto kasi nyang magsasama sa akin kapag umaalis ako. Para ko na nga syang buntot.
Tumawa ako. "Wag ka ng sumama sandali lang ako doon. Mag ayos ka na lang ng paninda mo. Gusto mo lang makita yung mamang pogi doon eh." Panunukso ko sa kanya.
Kinikilig na tumawa naman sya at hinampas ako sa braso. Crush nya kasi yung isang staff doon sa opisina na medyo masungit.
"Huu, baka ikaw gusto mo rin matyempuhan doon si Wallace Andrada kaya gusto mong pumunta doon." Humahagikgik na sabi ni Girlie.
Nag init naman ang pisngi ko sa sinabi nya.
"Hindi no! Tulong ang pinunta ko doon." Nakangusong sabi ko.
"Weh?"
"Hay naku! Dyan ka na nga. Mauna na ko sayo baka marami ng nakapila doon. Sya nga pala patingnan tingnan saglit si nanay ha." Bilin ko sa kaibigan. Katapat lang ng bahay nya na may tindahan ang bahay namin.
"Oo akong bahala kay Aling Daisy. Sige na lumarga ka na baka mapadaan doon si Wallace di mo pa maabutan." Panunukso pa nya sa akin.
"Sana nga dumaan sya para masilayan ko ulit ang kagwapuhan nya." Humagikgik ako sa kapilyahang sinabi. "Dyan ka na nga una na ko."
"Bye, i-kiss mo na lang ako kay papi Wallace."
"Heh! Ako lang ang ki-kiss doon."
"Talande!" Birong sabi nya.
Kunwaring inirapan ko lang sya at sabay kaming tumawang dalawa.
Ganun kaming magbiruan na dalawa. Akala nga minsan ng mga hindi nakakakilala sa amin ay nag aaway kami. Tinatawanan lang namin yun.
Nagpaalam na ako sa kanya at lumabas na ng kalsada para mag abang ng jeep na masasakyan. Gusto ko sanang magtraysikel pero mapapamahal ang pamasahe kaya jeep na lang. Ng may papadaan na jeep ay agad ko na yung pinara at sumakay.
Pagkaabot ko ng bayad ay prente na akong umupo sa may dulo malapit sa pintuan ng jeep. Kipkip ko ang plastic envelope. Bumuntong hininga ako at tumanaw sa labas ng jeep. Maganda ang sikat ng araw ngayong umaga. Sana ay walang masyadong pila para maaga akong makauwi.
Ng maisip ang pagpunta sa opisina ng dating gobernador ay naalala ko si Wallace Andrada. Ang nagiisang anak ng dating gobernador at ultimate crush ko. Inaasahan ng marami na susunod sya sa yapak ng ama sa pulitika pero hindi sya sumubok. Gayunpaman ay bukas palad din sya sa mga mamamayan na nangangailangan ng tulong gaya ko. May sarili syang foundation na pinapatakbo at aktibo ito. Bukod sa pagiging good samaritan nya ay negosyante din sya. Nagmamay ari sya ng isang builder company. Sarili nyang negosyo yun. Pinapatakbo din nya ang ilang negosyo ng pamilya nya gaya ng rice mill, hotel and resort at factory ng sikat na biscuit. Isa ang pamilya nila sa pinakamayaman dito sa buong probinsya.
Bakit ko alam? Lagi ko kasing ini-istalk ang page nya. Puro tungkol sa pagkawanggawa at negosyo ang laman ng page nya. Wala syang personal na account at pinapanatili nya ang pribado nyang buhay. Pero hindi naman sya nakakaligtas sa mga bibig ng mga marites.
High school pa lang ako crush na crush ko na sya. Tandang tanda ko pa nasa second year high school ako noong una ko syang makita. Kasama sya ng noon ay gobernador pa nyang ama sa school. Pangunahing bisita sila sa anibersaryo ng school dahil ang mga magulang ng ama nya ang nagpatayo ng school na iyon. Unang kita ko pa lang sa kanya talagang humanga na ang batang puso ko sa kanya kahit malaki ang agwat ng edad namin. Ang gwapo gwapo nya at ang tangkad tangkad pa. Malaki ang boses nya kapag nagsasalita. Magaling din syang magsalita gaya ng ama. Naalala ko pa noon pinagkaguluhan sya mga estudyanteng babae at halos di na makalabas sa gate ng school kahit may mga bodyguard sya. Kaya nagpatawag pa ng mga pulis. Kahit naiipit na sya noon ay nakangiti lang sya.
Simula noon ay interesado na ako tungkol sa kanya. Aktibo sya sa pagtulong sa mga mamamayan at madaling lapitan. Kaya sobra ko talaga syang hinahangaan. Sya nga ang ideal guy ko at minsan pinapangarap kong mapansin nya ako. Pero napaka imposible noon. Nasa taas sya at nasa baba lang ako. Sa sobrang pagka crush ko nga sa kanya nasaktan talaga ako ng malaman kong may anak na sya. Pero ayos lang atleast wala syang asawa at single pa sya. Hot single daddy. Habang nagkakaedad nga sya lalo syang gumugwapo at mas hot tingnan. Huling kita ko sa kanya ay last year pa. Kasama sya sa motorcade ng isang congressman na sinusuportahan ng partido ng kanyang ama.
Sana makita ko sya ulit. Malay ko baka mamaya dumaan sya sa opisina ng ama nya. Hay sana nga.
Nangingiti ako sa kilig kasabay ng pagkislot ng puso ko sa excitement. Pero agad ding nabura ang ngiti ko ng mapansin ko ang lalaki na nakaupo sa harap ko at nakatingin sa akin. Kakaiba ang tingin nya na humahagod pa sa buong katawan ko. Huminto pa nga ang mata nya sa dibdib ko. Tinaasan ko sya ng kilay at inirapan ng ngumisi sya.
Manyak!
Wala talagang pinipiling lugar ang mga manyak. Kahit balot na balot ka pa ng damit kapag likas talagang manyak di ka talaga nila palalampasin.
Mabuti na lang at marami ding sakay sa loob ng jeep. Kung sakaling gumawa ng hindi maganda ang lalaki ay madali lang syang makakahingi ng saklolo.
Tinaas ko na lang sa dibdib ang kipkip na plastic envelope.
*****