Alona
"MANONG bayad po." Inabot ko ang treinta pesos kay manong driver at bumaba na ng traysikel bitbit ang mga pinamali.
"Miss kulang ng lima ang bayad mo." Sabi ni manong.
Kumunot naman ang noo ko. "Treinta lang po ang pamasahe mula sa bayan hanggang dito di ba?"
"Eh nagtaas kami ng limampiso. Nagmahal na naman kasi ang gasolina. Lugi kapag treinta lang ang singilan. Pasensya na." Kakamot kamot sa ulong sabi ni manong.
Dumukot na lang ako ng limampiso sa bulsa ng pantalon at inabot kay manong. Nagpasalamat naman sya bago umalis.
Naintindihan ko naman si manong. Malaking balita nga ang sunod sunod na pagtaas ng gasolina. Apektado din pati mga pangunahing bilihin. Itong mga pinamili ko nga nakaubos ako ng isang libo. Limang kilong bigas lang saka dalawang klase ng ulam.
Napailing iling na lang ako at naglakad na.
"Hi Alona."
Napahinto ako sa paglalakad ng humarang sa daraanan ko si Rusell kasama ang apat pa nyang barkada. Malalapad ang ngiti nila sa labi.
"R-Rusell kayo pala." Nakangiwing sabi ko. Binati pa ako ng apat nyang kasama. Tinaguan ko lang sila.
"Galing kang palengke?" Tanong ni Russell at tiningnan ang mga bitbit ko.
"Ah o-oo."
"Kami na ang magbubuhat nyan." Presinta ni Russell at kinuha sa isa kong kamay ang plastik ng bigas. Ang apat pa nyang barkada ay kinuha naman sa kabila kong kamay ang mga supot. Pinagparte parte pa nila ito.
"Naku hindi na! Kaya ko na yan." Pigil ko sa kanila.
"Kami na dito. Ang mga babae hindi dapat pinagbubuhat." Wika pa ni Russell.
"Oo nga." Pagsang ayon pa ng apat.
Ngumiwi naman ako.
Wala na akong nagawa ng maglakad na sila papunta sa bahay namin. Pinagtitinginan na nga kami ng mga kapitbahay namin. Bakas sa mukha nila ang pagkabahala dahil kasama ko ang grupong siga ng baranggay.
"Sya nga pala Alona, pasensya na kung ngayon lang ako nagpakita sayo ha. Nahihiya kasi ako sayo eh. Alam mo na." Kakamot kamot sa ulong sabi ni Russell na tila nahihiya.
Natigilan naman ako. Mukha naman talaga syang nahihiya. Marunong pala syang mahiya. Kung tutuusin mabait naman sya sa akin. Natatakot lang ako sa kanya at sa barkada nya dahil kilala nga silang siga at laging sangkot sa gulo dito sa bahay namin.
"Alam kong miss na miss mo na ko kaya nagpakita na ako sayo ngayon. Mabuti na lang nakita kitang pababa ng traysikel."
Napangiwi ako sa sinabi nya. Ok na sana eh. Humirit pa.
May hitsura naman si Russell. Marami ngang kabataan ang napopogian at may crush sa kanya. Matangkad sya at maporma. Ayon sa naririnig kong mga chismis ng mga kapitbahay, nakapag aral daw sya ng college hindi nga lang nakapagtapos dahil bulakbol. Bunso syang anak ni Kapitan Emong at spoiled na spoiled sa nanay. Lahat ng gusto daw nya ay nasusunod. Kaya siguro lumaki syang pasaway.
"Alam mo noong nasa loob ako ng kulungan ikaw lagi kong iniisip. Nag aalala ako dahil baka nag aalala ka sa akin. Kaya nangako ako na kapag nakalabas na ako magpapakabait na talaga ko."
Muntik pa akong mapasamid sa sarili kong laway. Iba yata ang epekto ng isang buwang pagkakakulong nya. Nagha-hallucinate na sya.
Tumikhim ako. "Magpakabait ka hindi para sa akin kundi para sa sarili mo at sa pamilya mo." Sabi ko. Pero medyo kinabahan ako dahil baka masamain nya ang sinabi ko.
Ngunit ngumiti sya. "Dahil sinabi mo yan gagawin ko yan para sayo."
Napakamot na lang ako sa ulo. Ang kulit, sabi na ngang para sa sarili at pamilya nya hindi para sa akin. Hindi na lang ako kumibo at kiming ngumiti na lang.
"Oh mga kakosa, magpapakabait na tayo simula ngayon." Sabi pa nya sa mga barkada. Sabay sabay namang sumagot ng oo ang mga ito.
Ng makarating na kami sa bahay ay binati pa nila si nanay. Nagpasalamat naman ako sa kanila.
"Sya nga pala Alona, pupunta ako dito mamayang gabi ha." Paalam ni Russell.
"Bakit?"
"Syempre itutuloy ko na ang naudlot kong panliligaw. See you later." Kumindat pa sya at sumaludo sa akin bago umalis. Sumunod naman ang barkada nya sa kanya na mga kumaway pa sa akin.
Napakamot na lang ako sa ulo. Wala naman akong magagawa kung pupunta sya. Siguro haharapin ko na lang sya mamaya bilang tao.
Tumingin ako sa tindahan ni Girlie. Nakatingin din pala sya sa akin. Sinenyasan nya ako na pumunta sa tindahan nya. Sumenyas naman ako ng mamaya na lang dahil aayusin ko pa ang mga pinamili ko. Sigurado namang tsismis lang ang sasabihin nya.
.
.
**
Wallace
"BANG! BANG!"
Dalawang malakas na magkasunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa loob ng isang warehouse ng bigas. Nakakabingi ang mga sigaw at palahaw ng iyak ng dalawang lalaki habang sapo nila ang kanilang tig isang hita na inaagusan na ng dugo. Sumisigaw sila ng tulong pero walang makakarinig sa kanila dahil malayo sa mga tao at mga kabahayan ang warehouse.
Isinuksok ko ang isang kamay sa bulsa ng trouser habang ang isang kamay naman ay hawak ang baril na umuusok pa ang dulo. Humakbang ako palapit sa dalawang lalaki na namimilipit sa sakit at tigbi tigbi na ang pawis sa kanilang mukha.
"H-Hayup ka Andrada!" Nahihirapang usal ng isang lalaki na matalim din ang tingin sa akin.
Ngumisi naman ako. "May lakas ka pa palang sumigaw? Eh kung putukan ko din kaya ang bibig mo." Muli kong kinasa ang baril.
Nanlalaki ang matang tinuptop ng lalaki ang bibig at umiling iling. Nakaguhit sa kanyang mga mata ang takot. Ang isa pa nyang kasama ay tahimik lang na dumadaing habang sapo ang binti.
Muli kong binaba ang baril.
"Hahayaan ko kayong mabuhay na dalawa para maiparating nyo sa amo nyo na nagkakamali sya ng binangga. Sa susunod na kantiin nya ang isa sa pamilya ko lintek lang ang walang ganti. At kayong dalawa wag na kayong magpapakita sa akin o tutuntong ulit dito sa lupain namin kung hindi gagawin ko kayong pataba sa palayan." Banta ko sa dalawa at sinuksok na ang baril sa holster.
Sinenyasan ko ang mga tauhan na damputin ang dalawa.
"Isakay nyo na yan sa sasakyan at ilabas sa Hacienda Martina."
"Yes boss." Sagot ng mga tauhan ko.
Hinugot ko ang pakete ng sigarilyo sa bulsa ng jacket ko. Kumuha ako ng isang stick at nilagay ito sa bibig. Alerto namang lumapit ang isang tauhan at sinindihan ang sigarilyo ko. Ng magbaga ay hinithit ko ito.
Lumapit sa akin si Gado. Ang kanang kamay at katiwala ko.
"Boss ano pang gusto nyong gawin namin sa kanila?" Tanong ni Gado. Walang pag aalinlangan sa mga mata nya. Nasa tono nya na gagawin nya ang anumang ipaguutos ko.
Binuga ko ang usok ng sigarilyo pataas.
"Ikaw na ang bahala sa kanila. Basta wag nyong tutuluyan. Ayokong magkaproblema."
Tumango tango si Gado at nilapitan na ang mga kasamahan na may hawak sa dalawang lalaking iika ikang maglakad.
Nauna na akong lumabas ng warehouse at lumapit sa Bronco Raptor ko. Agad naman akong pinagbuksan ng driver ng pintuan sa backseat. Sumakay na ako at sinarado ang pinto. Umikot na rin ang driver at sumakay sa driver seat. Binuksan ko ang bintana at tiningnan ang mga tauhan kong sinasakay ang dalawang sugatan na lalaki sa isang sasakyan. Hinintay ko munang maunang umalis ang sasakyan na lulan ng mga tauhan ko bago ko sinensyasan ang driver na sumunod na.
Dinutdot ko sa ashtray ang upos ng sigarilyo at bumuntong hininga. Sinilip ko ang oras sa suot na relo. Alas dos pasado na ng madaling araw. Nasa kalagitnaan na ako ng mahimbing na tulog kanina ng biglang tumawag si Gado at sinabing nahuli na ang dalawang lalaki na nanambang kay mama kahapon.
Kinuyom ko ang kamao at tumiim bagang ng maalala ko ang hitsura ni mama kahapon. Namumutla sya at nanginginig sa takot. Tumaas din ang presyon nya. Tinambangan ang sasakyang lulan nya kahapon at pinaputukan ng baril. Wala namang nasugatan pero natrauma naman si mama. Mabuti na lang ay namukhaan ng driver ang dalawang lalaki na nakasakay sa motor kaya agad ko ang mga itong pinahanap. Hindi ko pa alam kung sino ang nasa likod nito. Pero nasisigurado kong malaki ang galit ng taong ito sa pamilya namin. Maaaring dating kalaban ni papa sa pulitika na hanggang ngayon ay hindi pa rin matanggap ang pagkatalo. Maaari ding kalaban namin sa negosyo o maaari ding may personal na galit sa akin. Sino man sila ay hindi ko sila uurungan. Hindi ako kriminal pero para sa pamilya ko kaya kong maging kriminal.
Sa liblib na lugar na puro talahib at puno ay doon basta na lang ibinaba ng mga tauhan ko ang dalawang lalaki. Mga nakahandusay na ang mga ito sa gilid ng kalsada pero gumagalaw pa naman. Sinenyasan ko na ang driver na pasibatin na ang sasakyan. Sumunod sa likuran namin ang dalawang sasakyan ng mga tauhan ko. Sumilip ako sa side mirror. Nakita kong hirap na bumangon ang dalawang lalaki at paika ikang naglakad. Medyo malayo malayo pa sila sa mga kabahayan at matumal ang sasakyang dumadaan sa lugar na ito ng ganitong oras. Kailangan nilang bilisang humingi ng tulong bago pa sila maubusan ng dugo.
-
Sinuklay ko ang basang buhok paglabas ko ng kwarto. Naglakad ako papunta sa kwarto ni Wayne. Pupuntahan ko muna sya bago ako pumasok sa opisina at mamaya naman ay dadalawin ko si mama sa mansion. Pero hindi pa ako nakakalapit sa kwarto ay nakarinig na ako ng komosyon.
"Amelita hindi ka na ba mapipigilan? Wag ka namang umalis."
"Pasensya na talaga Ate Melinda pero hindi ko na talaga kaya. Ayoko na."
Binuksan ko ang pinto ng kwarto ni Wayne at naabutan ko ang dalawang kasambahay na tila nagtatalo. Ang yaya ni Wayne ay nageempake na. Ang anak ko naman ay pinagbabato ang mga laruan sa pader.
"What's going on here?"
Sabay na lumingon ang dalawang kasambahay sa akin. Napansin kong namumula ang itaas na bahagi ng pisngi ng yaya ni Wayne. Tila naiiyak pa ito.
"Ser."
"Anong problema?" Kunot noong tanong ko.
"Ser, ito po kasing si Amelita gusto na pong umalis." Sabi ni Melinda.
"What?"
"S-Ser, pasensya na po talaga. Hindi ko na po kayang alagaan si Wayne. Ang sakit nya po sa katawan alagaan. Puro na po ako bukol at pasa. Ito nga pong pisngi ko binato nya po ng truck na laruan nya. Ayoko na po talaga ser, aalis na po ako. Kahit wag nyo pong ibigay sa akin ang huling sweldo ko." Nagmamadaling sinukbit ng yaya sa balikat ang bag nya.
"Sandali lang Amelita, hindi ka ba talaga mapapakiusapan pa?"
Umiling iling ang yaya. "Pasensya na po talaga ser. Maghanap na lang po kayo ng ibang yaya. Pasensya na po at maraming salamat sa lahat." Nakayuko at nagmamadali ng lumabas ng kwarto ang yaya.
Napapikit naman ako ng mariin at napahilot sa bridge ng ilong. Problema na naman na wala na namang yaya ang anak ko. Ke aga aga parang gustong uminit ng ulo ko.
"Melinda habulin mo si Amelita at ibigay ang huling sweldo nya." Hinugot ko ang wallet sa bulsa ng pantalon at kumuha ng labing limang piraso ng tig iisang libong papel. Inabot ko ito kay Melinda. Sinobrahan ko na ang sweldo dahil na rin sa nagawa ng anak ko sa yaya.
Nag excuse naman si Melinda at lumabas na ng kwarto para habulin ang yaya.
Bumuntong hininga ako at lumapit sa tatlong taong gulang kong anak na pinupukpok naman ang laruan sa carpeted na sahig. Mukhang hindi pa nya ako napapansin dahil busy sa ginagawa.
Nagskwat ako sa harapan nya at tinawag sya.
"Wayne anak."
Nagtaas sya ng tingin sa akin at malapad na ngumiti. Ngiting akala mo walang ginawa kanina.
"Daddy!" Tumayo sya at lumapit sa akin sabay yakap.
Niyakap ko din sya at hinalikan sa noo.
"Bakit binato mo na naman ng toys si yaya? Hindi ba sabi ko sayo bad yun." Malambing na kausap ko sa anak.
Pero nakatingin lang sya sa akin at nakanguso habang busy ang kamay sa pagkalikot sa laruan.
Bumuntong hininga ako at sinuklay ng mga daliri ang buhok nya. May speech delay sya kaya hindi nakakapagsalita. Daddy lang ang kaya nyang bigkasin. Regular naman syang pinupuntahan dito ng therapist nya. Mamaya ay pupunta ito dito. Ang problema nga lang ay wala na syang yaya. Hahanap na naman ako.
Walang tumatagal na yaya sa kanya. Sumpungin kasi syang bata at iritable. Anumang mahawakan ay binabato. Walang pakialam kung sino man ang tinatamaan. Pati nga ako ay nakakatikim din ng pambabato nya kapag sinumpong. Pero dahil anak ko sya at mahal ay hinahabaan ko na lang ang pasensya. Ayon naman sa psychiatrist nya ay magiging normal na bata din sya basta regular ang treatment nya at may sapat na atensyon.
Binuhat ko na si Wayne at lumabas kami ng kwarto. Tiningnan ko ang oras sa relo. Kinse minutos na lang bago mag alas otso. Tatawagan ko na lang ang secretary ko para sabihing male-late ako.
*****