Tatica
"UWAHHH!" Atungal ko ng paluin ako ni nanay ng walis tingting sa puwitan ko.
Mabilis akong tumakbo papasok ng bahay habang sapo ang puwitan at umiiyak. Dama ko pa rin kasi ang hapdi sa puwitan ko.
"O anong nangyari sayo bunso at umiiyak ka?" Tanong ni tatay na kalalabas lang ng kusina at may hawak na tasa ng kape.
Agad akong lumapit sa kanya at nagtago sa likod.
"Tatica!"
Lalo akong napayakap ng mahigpit kay tatay ng marinig ko ang galit na boses ni nanay at ng makitang papasok na sya ng bahay hawak pa rin ang walis tingting.
"Ano bang nangyayari Loida?" Tanong ni tatay kay nanay.
"Kuh! Yang magaling mong anak Elias. Pumunta na naman sa sabungan. Napakatigas talaga ng ulo ng batang yan! Gusto yata bugbugin pa." Galit na sabi ni nanay na nakapewang pa.
Tumingin naman sa akin si tatay. "Totoo ba yun bunso pumunta ka na naman ng sabungan?"
"Wag kang magsisinungaling." Ani nanay.
Nakangusong tumango naman ako. "Inaya po ako nila Lester eh." Sabi ko.
Bumuntong hininga si tatay at akmang magsasalita pero inunahan sya ni nanay.
"Di ba sabi ko sayo wag ka ng sasama kanila Lester. Kung saan saan pumupunta ang mga yun. Paano kung naipit ka ng mga taong walang pakialam sa sabungan? Eh di grasya ang inabot mo, gastos na naman! Kuh! Halika ka nga ditong bata ka!" Litanya ni nanay at akmang aabutin ako pero pinigilan sya ni tatay.
"O wag mo ng paluin Loida, kaya lalong tumitigas ang bata kasi alaga mo sa palo." Mahinahong sabi ni tatay.
"Ako pa talaga ang may mali. Kaya tumitigas ang ulo nyan dahil kinukunsinti mo. Kuh, dyan na nga kayong mag ama at nai-stress ako sa inyo. Makapagluto na lang." Ani nanay na binitawan na ang walis tingting ay nagdadabog na tumungo sa kusina.
"Loida may dala akong tilapia, yan na lang ang ulamin natin sa tanghalian." Pahabol na sabi ni tatay kay nanay.
Umupo naman si tatay sa sofa naming kawayan at nilapag nya sa mesitang kawayan ang kape. Umupo ako sa tabi nya at nakayakap pa rin sa bewang nya.
"Siguro naman bunso magtatanda ka na. Sa susunod hahayaan na kitang paluin ng nanay mo." Sabi ni tatay.
"Di na po ako uulit tay." Sumisinghot na sabi ko sabay punas ng braso sa ilong. Ramdam ko ang pagguhit ng sipon ko sa ibabaw ng labi.
Ngumiwi maman si tatay. "Puro ka di na uulit tapos mga ilang araw lang kasama mo na naman sila Lester."
Humaba ang nguso ko. "Inaya lang naman po nila kami ni Iyek na pumunta ng sabungan. Magkakapera daw kami."
"Nagkapera ka ba?" Nakangising sabi ni tatay.
"Opo tay." Malaki ang ngiting sabi ko.
"Talaga? Magkano?" Pabulong na tanong ni tatay at tumingin sa kusina kung nasaan si nanay na abala na sa pagluluto.
Binuksan ko naman ang sling bag ko at kinuha ng nakatupi kong isandaan at pinakita sa kanya.
"Wow. Laki nyan ah. Saan mo nakuha yan? Baka nangungupit ka na ha. Yari ka talaga sa nanay mo." Pabulong pa rin na sabi ni tatay.
Nakangusong umiling iling naman ako. "Hindi po. Binigyan po kami ng balato ni Boss Conrad. Pati nga po sila Iyek, Jonjon at Lester binigyan din eh. Pero tigsisingkwenta lang po sa kanila. Sa akin lang po ang isandaan." Pabulong ko ding sabi.
"Wow galing naman ng bunso ko. O tago mo na yan. Kapag nakita yan ng nanay mo di ka na bibigyan ng baon. Saka magsorry ka din mamaya sa nanay mo."
Tumango tango ako at agad ko nang binalik sa sling bag ang pera. Mahirap na kapag nakita ni nanay. Di na nya ako bibigyan ng baon.
"Tati, maligo ka na!" Sigaw ni nanay mula sa kusina.
Lalo namang naghaba ang nguso ko at kumamot sa ulo.
"Maligo ka na bunso kasi amoy paksiw ka na saka ang dungis mo." Sabi ni tatay.
Inamoy amoy ko naman ang sarili ko. Oo nga. Amoy paksiw na bangus na ko.
"Di ba ang asim mo?" Natatawang sabi pa ni tatay.
Nakangiwing tumango tango naman ako.
-
"O hayan malinis ka na naman. Tapos mamaya magdudumi ka na naman sa labas." Sabi ni nanay habang sinusuklay ang buhok kong hanggang bewang ang haba. Hindi na sya galit makipag usap sa akin.
Ngumuso ako. "Nay sorry po nagpasaway na naman po ako sa inyo." Sabi ko at yumuko.
Bumuntong hininga naman si nanay at hinawakan ang baba ko at tinaas. Ngumiti sya sa akin.
"Ok na yun, basta wag mo ng uulitin. Saka babae ka anak, di ka dapat nakikipaglaro sa mga lalaki." Sabi nya sa akin.
"Eh di naman po lalaki si Iyek, sabi po nya babae daw sya na nakulong sa katawan ng lalaki." Yun kasi ang madalas sabihin ni Iyek kapag tinutukso syang bading.
"Walang problema kay Iyek, basta wag lang kanila Lester at Jonjon at sa iba pang mga batang lalaki. Kita mo nga kung saan saan ka dinala. Naiintindihan mo ba anak." Mahinahong paliwanag ni nanay.
"Opo nay." Nakangusong tumango tango ako.
Ngumiti sya at hinaplos haplos ang buhok ko. "Ang ganda ganda mo anak, mana ka sa akin na maputi ang balat. Namana mo naman kay tatay mo ang tuwid na buhok. Pero mamaya alam ko namang magdudungis ka na naman."
"Hindi po ako magdudungis mamaya nay."
"Hmm puro ka sabi." Ani nanay.
Napakamot na lang ako sa ulo. Pero napansin kong napangiwi si nanay at hinihimas ang dibdib.
"Bakit po nay?" Tanong ko.
"Wala anak, teka at iinom lang ako ng tubig." Tumayo si nanay at pumasok sa kusina. Sinundan ko na lang sya ng tingin at binuhay ang tv.
**
"WALA akong pake! Pangit ka naman!" Sabi ni Mimi sa akin. Ang anak ng kapitbahay naming chismosa at palaaway. Napikon sya kasi talo sya sa chinese garter. Binelatbiletan din ako ng mga kakampi nya.
"Di ako pangit no! Baka ikaw ang pangit dahil nasagasaan ang ilong mo." Sabi ko naman. Nagtawanan naman ang iba naming kalaro at inasar na pango si Mimi.
"Aba't! Gusto mo talaga ng away ha." Nanggagalaiting lumapit sa akin si Mimi.
"Oy oy oy! Ano yan ha? Bakit inaaway nyo ang prinsesa ko?" Sabi ni Kuya Jomel na bagong dating.
Tumakbo naman ako palapit sa kanya. "Kuya, inaaway na naman ako ni Mimi. Pangit daw ako." Nakangusong sumbong ko sabay turo kay Mimi at sa mga kakampi nya.
"Naku nandyan na ang sigang si Jomel, batsi na tayo." Sabi ng isang kakampi ni Mimi at nagsitakbuhan na sila palayo.
"Wala pala kayo eh!" Pagyayabang ko sabay tawa.
"Loko yung mga yun ah! Tinawag kang pangit? Ikaw kaya ang pinakamagandang bata dito sa buong baranggay kahit maasim ka." Sabi ni Kuya Jomel.
Ngumuso ako. Tinawag nga nya akong maganda pero maasim naman.
"Ikaw nga dyan amoy alak na naman." Naaamoy ko kasi na amoy pulang kabayo na naman sya. Yari na naman sya kay nanay.
"Napa shot lang ang kuya. Halika na nga uwi na tayo. Pagabi na nasa galaan ka pa." Sabi nya at inakbayan na ako. Nagpaalam naman ako sa mga kalaro ko.
-
"Aba'y Jomel, araw araw ka na lang yatang umuuwing nakainom. Tinalo mo pa ang tatay mo." Sermon na naman ni nanay habang nasa hapag kainan kami at naghahapunan na.
Sarap na sarap ako sa pagngata ng inihaw na tilapia. Ginataang tilapia ang ulam namin kaninang tanghali ngayon naman ay inihaw na tilapia. Madalas talaga na tilapia ang ulam namin dahil sa palaisdaan nagtatrabaho si tatay. Naging paborito ko na rin ang talapia.
"Pangalawang araw pa lang po nay. Kahapon birthday kasi ng isang kabarkada ko tapos ngayon naman nagpainom si Ponyong dahil nanalo sa sabong kanina." Sagot ni Kuya Jomel na dinudurog na sa bibig ang pobreng ulo ng tilapia.
"Talaga? Magkano napanalunan nya?" Tanong ni tatay.
"Sampung libo tay. Pumusta sya sa manok ni Boss Conrad. Eh alam nyo naman ang mga manok ni Boss Conrad laging nananalo. Malakas kasi yung manok. Alaga pa sa vitamins."
"Ganun talaga kapag alaga sa maintenance. Kaya nga ang mamahal ng mga manok nya. Daang daang libo ang halaga ng bawat isa at mayayaman ang bumibilli."
"Talaga tay? Ganun kamahal?"
"Oo, kaya nga lalong yumayaman yang si Conrad eh."
"Tumigil na nga kayong mag ama. Nasa harapan tayo ng pagkain pagsasabong yang pinaguusapan nyo. Ikaw Jomel, baka kung ano na namang kalokohan ang pinaggagawa mo sa site ha. Magsumbong na naman sa akin ang Ninong Raul mo." Litanya ni Nanay.
"Good boy na tong panganay nyo nay. Wala talaga kayong elibs saken." Sabi ni kuya.
"Kuh, good boy ka dyan eh sayo nga nagmana tong kapatid mo ng katigasan ng ulo." Hirit pa ni nanay.
Ngumuso ako. "Bakit kasali na naman po ako nay. Pinagalitan nyo na po ako kanina ah." Sabat ko.
Tumawa naman si tatay at Kuya Jomel.
"O kita nyo? Manang mana talaga sa inyong mag ama." Nangungunsumi ng sabi ni nanay.
Di na ako sumabat dahil siguradong ako na naman ang masesermonan. Maaalala na naman nya ang ginawa ko kanina. Ganun si nanay eh. Kapag naalala ang maling ginawa sermon na naman.
"Bunso, halika dito." Tawag sa akin ni Kuya na nakaupo sa bangko sa labas ng bahay. Hawak nya ang cellphone nyang maliit.
"Bakit kuya?" Tanong ko ng makalapit.
May dinukot sya sa bulsa. Paghugot ng kamay ay may hawak na syang isang daang papel at inabot sa akin. Kinuha ko naman yun.
"Itabi mo yan baon mo."
Nanlaki ang mata ko. "Talaga kuya?" Malaki ang ngiting tanong ko.
"Shh, wag kang maingay marinig ka ni nanay kunin nya yan. Itago mo na yan."
Agad ko na ngang tinupi ang perang papel at nilagay sa bulsa ng short ko. Tuwang tuwa ako dahil marami akong pera. Dalawang isandaan na ang pera ko.
"Salamat kuya." Sabi ko at yumakap sa kanya. Kaya lab na lab ko sya eh. Dahil lagi nya akong binibigyan ng pera.
Ginulo nya ang buhok ko. "Walang anuman bunso. Basta magaaral ka ng mabuti ha. Wag mong gagayahin si kuya na puro bulakbol ang inatupag kaya hayskul lang ang tinapos." Sabi nya.
"Oo kuya, gagalingan ko sa pag aaral." Determinadong sabi ko.
Nagtatrabaho si kuya sa kabilang kanto. Gumagawa sya ng malaking bahay doon. Hayskul lang ang natapos nya dahil wala ng pampaaral sila nanay at tatay. Kaya lagi nyang sinasabi sa akin na magaaral akong mabuti at magtapos para kanila nanay at tatay. Ginagalingan ko talaga sa pag aaral kahit minsan bobo ako sa math at english. Hindi rin ako nag aabsent.
"Sige na pumasok ka na sa loob. Matulog ka na magsisimba pa kayo ni nanay bukas." Sabi ni kuya.
"Oo kuya, goodnight." Sabi ko.
"Good night bunso."
Pumasok na ako sa loob ng bahay at dumiretso sa maliit kong kwarto.
Hay, ang bilis naman ng araw. Tapos na ang sabado at linggo na bukas magbabawas na naman ako ng sungay. Tapos kinabukasan lunes na naman. Papasok na naman ako sa iskul.
*****