Tatica
PAGDATING ko sa tindahan ni Aling Susan ay nilabas ko ang dalawang piso sa pink na sling bag ko at kinatok ang tindahan gamit ang barya.
"Pagbilan!"
"O ano yun Tati?" Tanong ni Aling Susan na kapapasok lang ng tindahan.
"Pabili po ng betsin Aling Susan." Sabi ko. Masarap ang ulam namin ngayon. Nilagang baboy. May uwi si tatay na baboy. Nagkatay daw kasi sila sa farm at pinaghatihatian ng mga kasama nya. Siguradong mapaparami ang kain ko. Paborito ko ang nilagang baboy eh. Lalo na yung taba. Masarap na masarap yun.
Pagabot sa akin ni Aling Susan ng betsin ay binigay ko rin ang bayad ko. Nilagay ko sa pink kong sling bag ang betsin para hindi malaglag.
Papaalis na sana ako para umuwi pero nakita ko ang ilang mga mama na maiingay sa kabilang kalsada. Naguumpukan sila at naninigarilyo, may hawak pa silang mga bote ng beer. Isa sa kanila ang taong kinamumuhian ko, si Boss Conrad.
Sumimangot ako. Patawa tawa pa sya na akala mo hindi binugbog ang kuya ko eh. Saka ko lang naalala yung isang daan na binigay nya sa akin. Kinuha ko iyon sa loob ng pink sling bag ko. Pinakatago tago ko talaga yun para di makita ni nanay.
Tiningnan ko ang nakatuping isang daan na papel na hugis parisukat. Isosoli ko na to kay Boss Conrad. Di ko na to kailangan. Isaksak nya sa bagang nya. Hindi ko sya mapapatawad sa ginawa nya sa Kuya Jomel ko kahit kailan.
Nagmamartsa na tumawid ako sa kalsada at pinuntahan si Boss Conrad na naninigarilyo.
"Boss Conrad!" Tawag ko sa kanya ng makalapit.
Nagpalinga linga pa sya at hinahanap ako. Ganun din ang mga kasama nya.
"Boss, itong bulinggit ang may tawag sayo. Anong kailangan mo bata?" Tanong ng isang lalaki.
Nakilala ko sya. Sya yung isa sa mga nagdala kay Kuya Jomel sa baranggay.
"O ikaw yung makulit na kapatid ng isa sa mga nagnakaw ng manok ah." Sabat naman ng isa pang lalaki. Di ko sya pinansin at sinamaan lang ng tingin.
Bumaling ako kay Boss Conrad na nakatingin na pala sa akin. Nakangisi din sya. Nakakatakot talaga ang hitsura nya. Ang laki pa nya. Mukha syang kapre. Siguro sya yung kapre sa puno ng akasya na kinukwento ni Mang Islaw.
"Anong kailangan mo bata?" Tanong sa akin ni Boss Conrad sa malaking boses sabay hithit ng sigarilyo at buga ng usok.
Winasiwas ko naman ang kamay ko dahil tumatama sa mukha ko yung usok.
Inabot ko sa kanya ang isandaang papel na nakatupi.
"Ano yan?" Nakataas ang kilay na tanong ni Boss Conrad.
"Bulag ka ba? Eh di pera!" Sabi ko.
"Aba't! Hoy bubwit, wala kang galang ah!" Saway sa akin ng isang lalaki pero inirapan ko lang sya.
"Hindi ako bubwit mamang mukhang palaka." Sagot ko sa lalaki. Nagtawanan naman ang mga kasama nya.
"Aba't! Kutong lupa ka sasagot ka pa talaga ha! Gusto mong tirisin kita? Ha?" Nanggigigil na sabi ng lalaki. Binelat belatan ko naman sya.
"O Pancho, bata yan wag mong patulan." Sabi ng isa pang lalaki.
"Nakakagigil eh! Ang cute tirisin! Kuh!"
Tinaas naman ni Boss Conrad ang kamay. "Hayaan mo na Pancho."
"Eh boss bastos eh! Mga bata talaga ngayon kulang na sa gmrc."
Nakangising kinuha ni Boss Conrad ang isang daan na nakatupi at kunot noong tiningnan.
"Para saan to?"
Namewang ako. "Yan yung isandaan na balato mo sa akin sa sabong. Binabalik ko na sayo yan. Di ko na kailangan yan. Isaksak mo sa pwet mong mabaho! Hindi kita mapapatawad sa ginawa mong pambubugbog sa kuya ko! Hmp! Dyan na nga kayo mga panget! Ang babaho nyo!" Sabi ko sa kanya at sa mga kasama nya sabay talikod.
"Aba't! Talaga nga naman! Halika nga dito. Sinong panget at mababaho ha?" Akmang lalapitan ako ng lalaking mukhang palaka pero mabilis na akong tumakbo pauwi sa bahay habang tumitili dahil baka maabutan ako ng mama.
Agad kong nilock ang pinto pagpasok ko ng bahay at hiningal na sumandal sa pinto.
"O bunso, bakit ngayon ka lang? Kanina ka pa hinintay ng nanay mo ah. Nakipaglaro ka pa no. Kuh! Ikaw talagang bata ka." Untag sa akin ni tatay na nakaupo sa sofa naming kawayan at nanonood ng tv.
"May humahabol po sa aking kampon ng kapre tay."
Kumunot ang noo ni tatay. "Anong kampon ng kapre? Ikaw talagang bata ka kung ano ano na naman ang naiisip mo. Puntahan mo na ang nanay mo sa kusina at kanina pa nya hinihintay ang betsin."
"Opo tay." Pumasok na ako ng kusina at inabot na kay nanay ang betsin. Nasermonan pa ako ni nanay dahil kanina pa nya hinihintay ang betsin. Kakamot kamot na lang ako sa ulo at ngumuso.
-
Conrad
TINITINGNAN ko ang isangdaan na papel na nakatupi sa hugis parisukat na binigay sa akin ng batang taratitat kanina. Naaamoy ko pang amoy baby powder ito. Naaalala ko na sya yung uhuging batang babae na cute na nanghihingi sa akin noon ng balato sa labas ng arena. Nakyutan ako sa kanya kahit uhugin sya kaya isang daan ang binigay ko sa kanya. Kapatid din pala nya ang isa sa mga nagnakaw ng manok ko at ngayon ay galit na galit sya sa akin dahil binugbog ko ang kuya nya.
Nakakabilib din ang tapang ng batang uhugin na yun. Hindi man lang natakot sa akin at sinigaw sigawan pa ako, sinabihan pa akong pangit at mabaho. Sinauli pa itong isang daan na binigay ko.
Nangingisi at naiiling na lang ako. Dinukot ko ang wallet sa bulsa ng pantalon ko at siniksik ang isang daang nakatupi.
"Kuh! Mga bata talaga ngayon kinukulang na sa disiplina. Pasalamat talaga yung kutong lupang yun cute sya kung hindi kanina ko pa sya sinako." Himutok ni Pancho.
"Huu! Hindi mo lang matanggap na sinabihan ka nyang mukhang palaka." Natawawang sabi naman ni Omar.
"Yun na nga eh! Sa gandang lalaki kong to sinabihan lang akong mukhang palaka ng bubwit na yun. Tama ba yun."
"Di nagsisinungaling ang bata pre. Tanggapin mo na lang na gwapong palaka ka." Hirit pa ni Arnel na ikinatawa nila Omar.
"Heh! Manahimik na nga lang kayo dyan!"
-
Tatica
SA lumipas na mga araw ay unti unti ng nawawala ang tsismis sa amin dahil sa pagnanakaw ni Kuya Jomel. Napalitan na ng ibang tsismis. Tungkol naman sa anak ng kapitbahay namin na si Ate Nela na nabuntis ng isang may asawa.
Si Kuya Jomel ay balik trabaho na pero lagi syang pinapaalalahanan ni nanay at ni tatay na wag ng gagawa ng kalokohan. Ako din sinasabihan ko rin sya na wag ng uulitin ang ginawa dahil baka mabugbog na naman sya. Si nanay naman ay madalas kong nakikitang hinihilot ang dibdib. Siguro ay sumasakit na naman ang puso nya. Naawa na rin ako sa nanay ko kaya nagpapakabait na ako. Hindi na ako nagpapasaway -- medyo na lang. Hindi ko kasi maiwasan eh. Nagsisikap din ako sa pag aaral kahit hirap na hirap akong intindihin ang english, math at science. PE kasi ang paborito kong subject eh. Matipid na matipid na rin ako sa baon dahil naririnig ko sila nanay at tatay na nagigipit sila sa pera dahil sa pambili ng gamot ni nanay. Dapat nga check up nya noong isang araw pero hindi sya nakapagpacheck up kasi wala kaming pera. Lagi din akong nagdadasal sa gabi na sana gumaling na si nanay.
Pero may nakaambang na malaking dagok na paparating sa pamilya ko..
"Loida! Loida!" Tawag ni tatay kay nanay na humahangos na pumasok sa bahay.
Napatigil ako sa paggawa ng assignment at tumingin kay tatay. Lumapit ako sa kanya at nagmano. Nakita ko ang nakarehistrong pag aalala sa mukha ni tatay.
"Bakit ba Elias? Kung makatawag ka parang may sunog." Naiinis na sabi ni nanay na lumabas ng kwarto nila ni tatay.
"Loida, tumawag si Pareng Raul. Sinugod sa hospital si Jomel. Nabagsakan daw ng scaffolding."
"Ano!?"
Kumalabog ng malakas ang dibdib ko sa sinabi ni tatay. Nasa hospital daw si Kuya Jomel.
"Loida! Loida!"
"Nay!" Sigaw ko ng bigla na lang bumagsak si nanay sa sahig.
*****