“BAKIT ka ba nagmamadaling umuwi? Hindi pa nga tayo nakakapagkuwentuhan,” nakasimangot na sabi ni Phylbert kay Jace. Pigil na pigil niya ang sarili sa pagmamaktol nang full force.
Nasa labas sila ng bahay nila at pinipigilan niya ang pag-alis nito. Katatapos lang nilang maghapunan. Halos hindi nga siya nito kinibo habang nasa hapag sila. Ang mga magulang niya ang kinakausap nito.
Isinuklay ni Jace ang mga daliri sa buhok. Tila malapit na itong maubusan ng pasensiya at mukhang naiinis na ito sa kanya. Ngunit alam niya na hindi nito magagawang lubusang mainis sa kanya. “Bakit ba ang kulit mo?” anito. “I have some things to do at home. May mga trabaho akong iniuwi. Dumaan lang talaga ako rito dahil sa isang business proposal para sa kuya mo.”
Napalabi siya. “Wala namang interes si Kuya sa business, Jace. Ang gusto lang n’on, mag-travel at kumuha ng mga larawan. Sa akin mo na lang sabihin ang business proposal mo. I’m interested.” Then she smiled sweetly.
Lalong nalukot ang mukha nito. “Your only interests lie in fashion and jewelry.”
Nagkibit-balikat siya. “I’m interested in you. You know naman I always listen to what you say kahit na ano pa `yan. Para sa akin, lahat ng lumalabas sa bibig mo ay interesting. Kahit nga hindi gumagalaw iyang bibig mo, interesting pa rin. Kissable. `Sarap halikan.” Ikinawit niya ang braso sa braso nito. “`Wag ka nang mainis kasi. `Lika, kuwentuhan mo ako tungkol sa business proposal na `yan.”
“Phylbie...” angal nito.
“Jace, I love you. I’m so in love with you. Kaya pagbigyan mo na ang aking pusong nangungulila. Be with me.”
Natutop nitong bigla ang bibig nito. Tila nais nitong tumawa ngunit pinigilan nito ang sarili. “You’re so... corny.” Umalpas pa rin ang pinipigilan nitong tawa. “Kahapon lang tayo nagkita sa university, nangungulila na kaagad ang puso mo.” Muli itong tumawa.
Napanguso siya. Jace seldom laughed and she was always glad she was able to make him laugh. Para sa kanya ay malaking accomplishment iyon dahil hindi iyon kayang gawin ng iba. Ngunit naiinis din siya dahil tila pinagtatawanan nito ang kanyang damdamin, ang pag-ibig niya. Tila hanggang ngayon ay hindi pa rin ito naniniwala na iniibig niya ito.
“I love you. Matagal mo ng alam ang bagay na iyan.”
Tumango ito. “You didn’t have to announce it to the world.”
“Kaya ba parang iniiwasan mo ako nitong mga nakaraang araw? Kaya palagi kang naiinis sa akin?” Noong debut party niya ay idineklara ni Phylbert ang nararamdaman niya sa lahat ng bisitang naroon. Nais niyang malaman ng lahat ang kanyang pag-ibig kay Jace. She legally became an adult and she wanted everyone to know that she was going to marry Jace Angelo Carillo.
Bumuntong-hininga ito. Nabura ang lahat ng katuwaan sa mga mata nito. “Nakakahiya. Everyone is teasing me about it. Alam mo namang malapit na magkaibigan ang mga pamilya natin. Iisa ang circle na ginagalawan natin. Pinagtatawanan tayo, Phylbie.”
“Bakit nila tayo pagtatawanan? Inggit lang sila dahil they don’t have a love like ours.” Hindi niya naisip na nakakahiya ang ginawa niya. Marahil, nais din niyang iparating sa lahat na pag-aari na niya si Jace. Hindi na ito maaaring kunin ng iba. Kakalabanin niya ang sinumang hahadlang sa kaligayahan nilang magkasama—maliban na lang sa ina nito.
Hindi siya gaanong gusto ni Tita Rachelle. Noong una ay nagtataka siya at naaapektuhan, ngunit ang sabi ni Mommy Bianca ay hindi naman gusto ni Tita Rachelle ang lahat. Sinisikap niyang amuin ito. Hindi siya nito pinapansin tuwina ngunit alam niyang magugustuhan din siya nito balang-araw. Wala itong ibang choice. Siya ang magiging daughter-in-law nito sa ayaw man nito o gusto.
Muling bumuntong-hininga si Jace. “You know how I feel about you, Phylbie. You know I love yo—”
Lumapad ang ngiti niya. “And I love you, too. So, so much. Kiss m—”
Tinakpan nito ang bibig niya kaya natigil siya sa pagsasalita. “I love you the way Joax loves you. I will be so happy if you start calling me ‘Kuya,’” seryosong sabi nito habang nakatingin sa kanyang mga mata.
Nakaramdam si Phylbert ng lungkot. Palaging sinasabi ni Jace sa kanya na siya ang katuparan ng pangarap nitong magkaroon ng nakababatang kapatid na makulit ngunit mahal na mahal nito. Noong una niyang sabihin dito ang kanyang nararamdaman dahil hindi na siya makapaghintay na ito ang manligaw sa kanya, ang sabi nito ay hindi maaari iyon.
“It’ll be incest.”
Naiinis siya rito tuwing itinuturing siya nitong nakababatang kapatid. Kahit na kailan ay hindi niya gugustuhin na maging kapatid nito. Hindi ito si Joaquin.
“Si Joaquin lang ang big brother ko, `no. `Wag ka nang makisali. Boyfriend kita.”
Tumahimik ito. Tila hindi nito malaman kung matatawa o maiinis. “Hindi pa kita sinasagot.”
“Sasagutin mo rin ako,” aniya sa tinig na punong-puno ng kumpiyansa.
Marahas itong bumuga ng hangin. “I don’t know what to do with you anymore. You don’t listen to me.”
“Kahit na ano ang gawin mo, sa akin pa rin ang bagsak mo. Kahit na paano ka pa magpahabol, hahabulin kita at maaabutan. Alam mo na nandiyan na ako.” Itinuro niya ang tapat ng puso nito. “Hindi na ako maaalis diyan. Mamahalin mo ako forever and ever and ever.” She stood on tiptoe and planted a soft kiss on his lips. Makailang beses na niya itong nanakawan ng halik, ngunit hindi nagbabago ang epekto niyon sa kanya. Her heartbeat went into overdrive. May mumunting koryente na naglalandas sa kanyang katawan.
Pinitik nito ang ilong niya. Muli, tila hindi nito alam kung magagalit o pagbibigyan na lang siya. In the end, he decided to just let it go. “Ikaw na babae ka, nakaw ka nang nakaw ng halik.”
“Gustong-gusto mo naman, kunwari ka pa,” tudyo niya rito.
Tumawa ito. “Sino’ng may sabi? Halik-pambata lang ang alam mo.”
“Ah, gano’n?” Ipinaikot niya ang kanyang mga braso sa leeg nito. “Gusto mo ng totoong halik? `Kala mo hindi ko kayang ibigay ang gusto mo?”
Lumayo ito sa kanya bago pa man niya magawa ang kanyang balak. Tila natakot itong bigla.
Natawa siya. “Chicken,” kantiyaw niya rito.
“Isusumbong kita sa kuya mo!” banta nito.
Lalo siyang natawa. “`Lika, sasamahan kita.”
Umiling-iling ito. “I swear, sasakalin na kita, Phylbert Anne!”
“Hindi mo kaya, Jace Angelo. Mahal na mahal mo kaya ako.”
Itinaas nito ang dalawang kamay. “I give up. Wala akong panalo sa `yo kahit na kailan. I’m going home. Hayaan mo na akong makauwi nang matiwasay, utang-na-loob.”
Nakangiting nilapitan niya ito at niyakap. Nanigas ito at hindi ginantihan ang yakap niya. “You take care. I love you.”