Andrea Point of View KINABUKASAN ay hindi bumalik si Rooke na ipinagpapasalamat ko talaga. Ayoko pa talaga siyang makita o makausap. Kagabi nga kinukulit ako nila mama at ate. Pero tumahimik lang ako at hindi sumasagot. Ngayon nga ay mag-isa lang ako sa bahay. Nagsimba kasi sila mama. Hindi man lang ako ginising ng mga iyon para makasama. Pumunta ako sa kusina para magtimpla ng kape. Ang lamig kasi ng panahon. Kagagaling lang sa ulan kagabi. Kaya siguro napasarap ang tulog ko. Lumabas ako sa balkonahe namin at doon naupo. Nakatanaw lang ako sa labas. Kahit na sobrang maputek ang daan. Ang mga tambay ay pagala-gala pa rin. "Uy Andrea! Nakauwi kana pala galing Maynila. Ayos ha? Pumuti ka doon." Untag ni Emsoy isa sa mga tambay sa amin ng makita ako. Lumapit siya sa maliit naming gate.

