NAG-INAT ng katawan si Razz matapos ang ginawa nilang reading ng script para sa stage play. Mabuti na lang at tapos na iyon dahil sa totoo lang, kumakalam na ang sikmura niya. Alas-otso y medya na pala ng gabi. Kaya pala nagre-reklamo na ang mga sundalo sa tiyan niya.
Matapos ang duty niya sa Dental Clinic ay agad na dumiretso sa barangay hall si Razz para tagpuin ang ibang cast ng stage play. Sa buong oras na naroon siya sa loob ng conference room, hindi niya alam kung paano niya natawid ng matiwasay ang reading na iyon. Bukod kasi sa presensiya ni Marvin na siyang dahilan kung bakit mabilis ang t***k ng puso niya. Madalas din niya itong nahuhuling nakatingin sa kanya. Pagkatapos ay bigla na lang siya nitong ngingitian o kaya naman ay kikindatan. Pabiro naman niya itong iniingusan o iniirapan. Pero hindi niyon binago ang nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Kahit na maayos at malinaw na sa kanilang dalawa ang nakaraan. Nananatili pa rin ang desisyon niyang iwasan ito. Alam niya kasing nasa alanganin na ang estado ng puso niya para dito. Nag-iingat lang siya.
Mabilis niyang inayos ang hawak niyang script at saka nagpaalam sa mga kasama, nang matapos na iyon.
"Doc, bakit nagmamadali ka yata?" tanong ng director nila.
"Uhm, ano...kasi, nagugutom na ako eh." Sagot niya. "Sige ha? Una na ako sa inyo."
Sinamantala niyang abala sa pakikipag-usap si Marvin sa isang opisyal ng Barangay na naka-duty ng gabing iyon. Naglalakad na siya pabalik ng Tanangco ng biglang may humawak sa kamay niya at hilahin siya. Pagtingin niya ay si Marvin. Tumatakbo ito kaya napatakbo din siya.
"Hoy ano ba! Bitiwan mo nga ako!" aniya, pilit pa niyang binabawi ang kamay niya.
"Bilis!" sigaw nito.
"Bakit ba tayo tumatakbo?" tanong niya, habang habol ang hininga.
"Nandiyan na 'yung aso ng barangay! Hinahabol tayo!!!" sigaw nito.
Ganoon na lang ang biglang panlalaki ng mata niya ng sa kanyang paglingon ay nakita niyang hinahabol nga sila ng aso, nagsisilbi itong isa mga mapagkakatiwalaang bantay ng barangay hall nila. Alam niyang mabait ito dahil turuan ito at hindi basta nangangagat. Pero gaya ng tao ay naaasar din kapag sadyang iniinis ito. At malamang, napagtripan na naman ni Marvin ang pobreng aso.
"Walanghiya ka Marvin! Inasar mo na naman si Putol! Pati ako dinamay mo!" sigaw niya dito habang hinahampas niya ng hawak niyang script ang braso nito. Ang tinutukoy niyang Putol ay ang aso, iyon ang ipinangalan dito dahil putol ang buntot nito.
Tumawa lang ng malakas si Marvin, habang patuloy sila sa pagtakbo. Hawak pa rin nito ang kamay niya.
"Ang sarap kasi n'yang asarin eh! Bilis! Baka abutan n'ya tayo" tumatawang wika nito.
Lalo niyang binilisan ang takbo ng marinig niyang kumakahol ito.
"Putol! Peace tayo!" sigaw pa niya sa humahabol sa kanila.
Pagdating nila ng Tanangco, mabilis silang naghanap ng mapagtataguan. Nang makita niya ang puno ng manga, mabilis siyang bumitaw sa kamay ni Marvin. Sa isang iglap, mabilis niyang naakyat ang puno, kasunod niya si Marvin. Agad na hinampas niya ito ng hawak niyang mga papel.
"Kahit kelan ka talaga Marvin! Pahamak ka!"
"Aray ko! Hindi naman nangangagat 'yang si Putol eh!" anito.
"Hindi nangangagat! Eh bakit nandito ka kasama ko! Sige, bumaba ka!"
"Ayoko nga!" mariing tanggi ni Marvin.
"Uy! Ang taray ng trip n'yong date ah! Sa puno ng mangga!" ani Daryl na nakatambay sa harap ng tindahan ni Kim. Kasama nito ang mga babaeng kaibigan nila at ang ilan sa Carwash Boys. Kapwa nakatingala ang mga ito sa kanila.
"Yan na ba ang uso ngayon? Babe, sa susunod nga diyan din tayo mag-date." Sabi pa ni Miguel, sabay baling sa nobya nitong si Sumi.
"Makababa lang talaga ako dito Marvin! Promise! Hahanap ako ng Dobberman na lalapa sa'yo!" patuloy niya sa pagtutungayaw. Tiningnan ni Razz ang asong nakaupo at nakatingala sa kanila. Mukhang desidido itong hintayin silang bumaba. Sa hitsura pa lang nito, mukhang hindi sila nito palalagpasin. Muli na naman niyang tinalakan si Marvin na ngayon ay tumatawa lang habang parang unggoy itong nakasabit sa puno at nakataas ang paa.
"Kung bakit ba naman kasi! Ang dami mong puwedeng hilahin ako pa talaga ang napili mo! Imbes na kumakain na ako ngayon, po-problemahin ko pa talaga kung paano ako bababa dito ng hindi nagiging hapunan ni Putol!"
Napuno ng tawanan ang kahabaan ng Tanangco. Ang mga naman talipandas na kaibigan niya, animo nanonood ng TV. Imbes na gumawa ng paraan para paalisin ang asong ito. Ang sarap pa ng tawa ng mg ito.
"Goy! Paalisin mo na si Putol! Nangangawit na ako!" reklamo ni Marvin.
"Putol! Uwi na!" utos ni Gogoy sa asong nakatanghod sa kanila sa ibaba ng puno. Hindi na nagdalawang salita ang pinsan ni Marvin, agad na sumunod dito ang aso at tumakbo pabalik ng barangay.
Mabilis itong tumalon pababa ng puno saka ginalaw ang dalawang braso. Nagsalubong na naman ang dalawang kilay niya.
"Anak ka ng kamote! Tulungan mo akong bumaba dito!" hiyaw niya.
Nakangisi ito at naka-peace sign pa nang lumingon ito sa kanya. Inalalayan siya nitong makababa sa puno. Nang makasayad ang paa niya sa lupa, hinampas niya ito ng hinampas sa braso gamit ang palad niya at hawak niyang script.
"Pahamak ka talaga!"
"Aray ko! Tama na!" reklamo sa kanya ni Marvin.
Nang makaiwas ito, mabilis siya nitong nahawakan sa magkabilang kamay niya. At nahila siya nito palapit sa katawan nito. Bumangga si Razz sa matipunong dibdib nito, saka nagtama ang mga paningin nila. Sa isang iglap ay natahimik siya, kasabay ng pagbilis ng t***k ng puso niya. Gustong-gusto ni Razz na bumaling ng tingin sa ibang direksiyon. Ngunit may kung anong puwersa ang tila pumipigil sa kanya.
Razz, ano ka ba? Consistent na 'yang puso mo! Eksaherada na!
At ang kamay niyang hawak nito. May kung anong init mula sa balat nito ang nararamdaman niyang gumagapang sa mga palad niya. Bigla ay naging panatag ang loob niya. Kung puwede lang kumaripas ng takbo palayo dito ginawa na niya. At hindi niya maintindihan, na sa tuwing magde-desisyon siyang layuan na ito at sinisimulan na niya ang balak na pag-iwas dito. Palagi na lang ang pagkakataon ang naglalapit sa kanilang dalawa.
"Kiss na kasi!" kantiyaw ng mga pinsan ni Marvin.
Doon siya natauhan. Mabilis niyang tinulak ito palayo sa kanya, saka mabilis na tumalikod. Humugot siya ng malalim na hininga. Pilit niyang kinalma ang puso niyang naghuhurumentado ng mga sandaling iyon. Ang mabuti pa siguro, umuwi na siya at kumain na. Baka kasi kapag hindi pa siya lumayo sa lalaking ito. Magulat na lang siya na lumundag na pala palabas ng dibdib niya ang puso niya.
"Oy Razz! Huwag ka munang uuwi ah!" Pigil sa kanya ni Marisse.
Tinignan niya ang kaibigan. "Ano ka? Uuwi na ako! Nagugutom na ako! Kanina pa nagwawala ang mga sundalo sa tiyan ko!" aniya.
"Huuu! Ang sabihin mo umiiwas ka na naman!" tudyo pa ni Karl.
"Hindi ah!" tanggi niya.
"Dito ka na lang kumain, my treat." Sabi pa ni Marvin.
"Ang gastos mo, alam ko mayaman ka. Pero, no thanks. Okay lang ako. May pagkain pa sa bahay. Isa pa, gusto ko rin matulog ng maaga. Alam mo, galing pa ako sa trabaho." Paliwanag niya.
"O sige, sabi mo eh." Ani Marvin. "Hatid na lang kita."
Nilukutan niya ito ng ilong. "Hatid ka pa diyan! Nandiyan lang ang bahay ko! Huwag na! Sige, babay na!"
Hindi na niya hinintay pang sumagot ito. Lumingon lang siya sa iba niyang kaibigan at kumaway. Pero duda siya sa sinabi niyang matulog ng maaga. Napabuntong-hininga siya. Malala na talaga ang lagay niya. Mukhang hindi yata matibay ang pagkakakabit ng harness sa puso niya. Bakit ba kasi mahirap pigilan nararamdaman?
Yari ako nito!
DALAWANG linggo ang mabilis na lumipas nang magsimula ang rehearsal nila para sa nalalapit na stage play. At sa pagdaan ng mga araw, hindi napagtagumpayan ni Razz ang pag-iwas kay Marvin. Bukod kasi sa magkasama na sila nito sa play, palagi na lang ito bigla sumusulpot sa clinic niya o kaya naman ay sa bahay niya.
Gaya ng dati, noong una'y pilit niya itong tinataboy. Nagbabaka-sakali kasi siyang mapigilan pa niya ang nararamdaman. Hindi akalain ni Razz na muling manunumbalik ang pagmamahal niya para kay Marvin, inakala niya na nakalimutan na niya ang pag-ibig na lihim na inukol para dito. Hindi rin niya alam kung kailan muling pumintig ang puso niya para dito. Basta nagising na lang siya isang umaga na ginugulo na nito ulit ang puso't isip niya. Nagkamali siya. Nagtago lang pala ito sa isang sulok ng kanyang puso. At mukhang nasasanay na rin ang buong sistema niya na nariyan si Marvin palagi sa tabi niya. Hindi niya alam kung tama bang lahat ng ito. Gustuhin man ni Razz na labanan ang nararamdaman niya para dito. Wala siyang magawa. Alam niyang mahirap kalabanin ang puso.
Bahala ka na, Lord. Piping dalangin niya.
"Ang lalim naman ng iniisip mo," pukaw sa kanya ni Josie. Naroon sila sa Dental Clinic niya. Katatapos lang nitong hugasan at i-sterilize ang mga Dental Tools na katatapos lang niyang gamitin.
"Mabuti hindi ka nagkamali sa procedure mo kanina," natatawang sabi pa nito.
Ngumiti siya dito. "Baliw! Kahit naman madalas akong tulala, kapag oras ng trabaho. Focus ako. Wala sa plano kong mademanda ng Medical Malpractice." Sagot niya.
"Kaya ba idol kita eh!"
"Tse! Bolera!"
"'Yung totoo? Nanliligaw na ba sa'yo si Marvin?" usisa pa ni Josie.
Kunot-noong binalingan niya ito. "Ano ba 'yang mga tinatanong mo?" balik-tanong naman niya.
"Oo o hindi?"
"Hindi, okay?" paglilinaw niya.
Napapalatak ito. "Akala ko naman nanliligaw na sa'yo ang guwapong mahilig sa candy. Paano? Palagi kayong magkasama simula nang maging okay kayo."
"Hindi nga. Ewan ko ba doon sa lalaking 'yon. Palagi na lang sumusulpot kung saan ako nandoon." Aniya.
"Baka naman nagpapapansin sa'yo. Ibig sabihin, may gusto din siya sa'yo!" kinikilig na sabi nito.
"Anong din? Wala akong gusto sa kanya. Saka naku, imposibleng magkagusto sa akin 'yon. Ang sabihin mo, trip na naman akong asarin no'n." sagot niya.
"Weh? Ano ka ba? Bulag ka ba? Hindi mo ba nakikita ang mga mata niya kapag nakatingin sa'yo? Kumukuti-kutitap!"
"Ano 'yon? Pundidong bombilya?"
Tumawa lang ito. Nang matapos ito sa ginagawa ay lumapit ito sa kanya. Pagkatapos ay may nilapag na isang puting envelope sa ibabaw ng mesa niya. Napakunot-noo siya ng makita ito.
"Ewan ko sa'yo Agapita. Imulat mo ang mga mata mo. Abala ka kasi masyado sa pag-deny ng tunay mong nararamdaman sa kanya." Sabi pa ni Josie. "Oo nga pala, dumating itong sulat kanina."
"Ano 'to?" tanong niya.
Inabot nito sa kanya ang isang puting sobre. Agad niya itong binuksan upang mabasa. Galing ito sa affiliated niyang ospital. Pinapa-attend siya nito ng isang one-day Medical Seminar, kasama ng mga ka-batch niyang kapwa Dentista din sa Antipolo.
"May seminar pala akong a-attendan bukas." Aniya.
Pabirong bumusangot ito. "Hmp! Mag-isa na naman ako dito bukas."
"Bilangin mo na lang 'yung butiki sa kisame." Biro niya.
"Hanggang anong oras ba 'yung seminar?" tanong pa nito.
"Alas-singko ng hapon. Kapag may mga pasyenteng dumating, i-schedule mo na lang sa isang araw. Ikaw na muna bahala dito." bilin pa niya.
HINDI siya mapakali kanina pang umaga simula ng dumating siya doon sa Kid's Corner. Kahit na panay ang pagkausap sa kanya ng mga batang bumibili ng candies ay hindi pa rin mapalagay si Marvin. Panay din ang pagsulyap niya sa clinic ni Razz. Hindi pa kasi niya nakikitang lumabas doon ang dalaga. Kabisado na niya kasi ito. Kapag wala itong pasyente, paminsan-minsan ay lumalabas ito doon at nakikipag-kuwentuhan dito sa tindahan niya. O di kaya naman ay pakalat-kalat ito sa Tanangco. Pero ng araw na iyon kahit na ang anino nito ay hindi niya nakita.
Napabuntong-hininga si Marvin. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya maitatago ang tunay niyang damdamin para kay Razz. Sa loob ng ilang taon, pinanatili niyang lihim ang espesyal niyang nararamdaman para dito. Hindi na niya matandaan kung kailan unang tumibok ang puso niya para dito. Basta namalayan na lang niya na minamahal niya ito. Kung nalalaman lang ng dalaga ang epekto sa kanya ng magalit ito at hindi siya kausapin. Sa bawat araw na nakikita niya ito noon, ganoon na lang ang pagnanais niyang hingin ang kapatawaran nito. Sa paglipas ng mga taon na halos hindi siya kinakausap nito, sinubukan niyang kalimutan ang damdamin para dito. Nagkaroon siya ng relasyon sa ibang babae. Minahal naman niya ang mga naging girlfriends niya. Pero wala ni isa sa mga ito ang nakapagparamdam sa kanya gaya ng kung paano pinapabilis ni Razz ang t***k ng puso niya ng wala itong malay.
Nang sa wakas ay magka-ayos na sila isang buwan mahigit na rin ang nakakalipas, at patawarin siya nito. Daig pa niya ang nabunutan ng tinik sa dibdib. Wala na yatang makakapantay sa saya niya ng araw na iyon. Kaya pinangako niya sa sarili na hindi na niya hahayaan pang mawala ito sa kanya muli. At gagawin niyang lahat maipahiwatig lang niya ang tunay na damdamin para dito.
"Sir, okay lang po ba kayo?" pukaw sa kanya ng isa sa mga tauhan niya.
Napakurap siya. "Ha? May si-nasabi ka ba?"
Natawa ang mga ito, pagkatapos ay umiling. "Sir naman kasi, puntahan mo na si Doktora Razz!" anang isa pa.
"Oo nga po, kaysa naman nagpapakahirap kayo ng kakatanaw diyan."
"Kayo rin, Sir. Baka mamaya may sakit na pala siya. Wala kang kamalay-malay." Pangongonsensiya pa ng mga ito sa kanya.
Napakamot siya ng ulo. "Sige na nga." Napilitan niyang sagot. Umiling siya.
"Walang magsasalita sa inyo tungkol dito ah!" mahigpit niyang bilin sa mga ito.
"Yes Sir!" sabay-sabay na sagot ng mga ito.
Agad siyang lumabas ng store niya at pumunta sa Dental Clinic ni Razz. Si Josie ang naabutan niyang bantay doon. Nakaupo ito sa sofa sa Receiving Area.
"Uy! Napasyal ka!" anito.
"Nasaan si Doktora? May sakit ba siya?" tanong agad niya.
Ngumisi ito. Halatang nanunkso ang mga tingin nito. "Hala! Hindi mo lang nakita may sakit na agad. Waley si Doktora! Gumora sa bundok!" sagot nito.
"Ha? Anong ibig mong sabihin?" naguguluhan niyang tanong.
"Wala si Razz, umalis. Pumunta ng Seminar sa Antipolo." Sagot nito.
"Anong oras daw ang balik?" tanong ulit niya.
"Hindi ko alam, pero baka gabihin na 'yon. Kasi alas-singko pa yata ng hapon ang tapos ng Seminar na 'yon." Paliwanag niya. "Bakit ba? Magpapa-cleaning ka na naman? Schedule na lang kita bukas."
Umiling siya. "Hindi na. Teka, alam mo ba kung saan sa Antipolo 'yung Seminar niya?"
Saglit itong nag-isip, pagkatapos ay may kinuha ito mula sa ilalim ng mga nakatambak na papel sa ibabaw ng mesa nito. Pagkatapos ay inabot nito ang isang leaflet sa kanya.
"Diyan siya nagpunta." Anito.
Kinuha niya iyon. Napangiti siya ng makita ang lugar, sa isang exclusive resort ginaganap ang seminar. Alam niya iyon, ilang beses na rin siyang nakapunta doon. Kinurot niya ang pisngi ni Josie.
"Thank you! Bye!" sabi niya, saka umalis.
"Uy teka, Marvin!" narinig niyang tawag nito sa kanya. Pero hindi na niya pinansin ito. Pupuntahan niya ito. Gusto niyang sorpresahin ito. Hindi naman siguro kalabisan kung nanaisin niyang masilayang muli ang mga ngiti nito walang kasingganda at ang mga mata nito sa tuwina'y nangungusap kapag nakatitig sa kanya. He missed her. And he has to see her.
Pagdating niya sa bahay nila agad siyang naligo at nagbihis, paglabas niya ng silid naabutan niya ang kakambal sa sala na nanonood ng telebisyon habang prente itong nakaupo sa sofa. Halos lumuwa ang ngalangala nito sa kakatawa.
"Hoy B2, mako kupa." Aniya sa kakambal, na ang ibig sabihin ay "aalis muna ako."
"Sige, ingat." Sagot lang nito. Pagkatapos ay tumawa na naman ng malakas.
"Ano ba 'yang pinapanood mo? Kung makatawa ka, halos mapatid na ang ugat mo sa lalamunan." Tanong niya.
Napailing siya ng makita ang pinapanood ni Marisse. Isang tagalog comedy na ang bida pa ay si Rene Requiestas. Kung malala na ang tama ng pag-ibig sa kanya. Malala naman ang tama sa utak ng kakambal niya. Paalis na siya ng biglang tumunog ang telepono. At dahil malapit siya sa telepono, siya ang sumagot niyon.
"Hi Mom, how are you?" bungad niya ng makilala ang boses nito. Ang kanyang pinakamamahal na Ina. "How's Dad? Yeah, Marisse is here. Laughing her lungs out. Sasabog na nga po ang ngalangala nito. Lolo and Lola are fine. As usual, Lolo is still madly in love with her. Yeah, anyway, I gotta go Mom. May pupuntahan ako. Si Marisse na lang kausapin ninyo. Bye. Love you guys." Matapos niyang kausapin ang Mommy niya ay binalingan niya ang kakambal at binigay ang telepono. Gaya ng nakagawian, hinalikan muna niya sa ulo ang kakambal bago umalis.
"Teka B1! Saan ka pupunta?" pahabol na tanong ni Marisse. B1 o Balot one ang tawag sa kanya at si Marisse naman ay B2. Ito ang nakasanayan nilang tawagan sa isa't isa kapag silang dalawang magkapatid lang ang magkausap. Mahilig kasi silang kumain ng balot noong mga bata pa sila. Kaya iyon ang bansag sa kanila ng Parents nila.
"Antipolo."
"Uwian mo ako ng suman."
"Okay."
Umahon ang matinding kasiyahan sa puso ni Marvin. Excited siyang makita si Razz, alam niyang magugulat ito kapag nakita siya nito doon. And how he loves to see her beautiful face, blushes everytime he tease her. Sakay ng kanyang topdown SUV Lexus White. Mabilis niyang pinasibad ang kotse niya, para makitang muli ang magandang mukha ng babaeng minamahal.