February, 2021
Pauwi na ako sa bahay ng mga magulang ko makalipas ang tatlong taon ng huli akong nakatira doon. Kahit hanggang ngayon ay natatandaan ko pa ang mga panahong yaon, ang mga pangyayari ng aking nakaraang pinipilit kong kalimutan at iwaksi sa aking isipan.
Sa tagal ng biyahe di ko namalayan na napunta ang isip ko sa kawalan. Sa dinami-dami ng mga naaalala ko sa nakalipas, ang pagtulo ng mga butil ng luha ang siyang kumuwala sa mga nararamdamang hinagpis at takot na pwedeng mangyari sa kasalukuyan. Nasa ganitong estado ako ng tumunog ang aking telepono.
“Hello?” tugon ko sa kabilang linya. Pinahid ko muna ang mga luha sa aking mga mata bago ko sagutin ang kausap ko sa telepono.
“Malapit na po ako tito,” sagot ko. Isang alaala ang aking nakita habang napadaan ang sasakyan sa isang malaking punongkahoy katabi ng tubuhan.
“Ah, opo wag po kayong mag-alala kabisado ko pa po ang daan papunta sa atin” di mawari ng aking puso ang mararamdaman ko kung ito’y magiging masaya o malulungkot.
“Opo tito, ibababa ko na po ito nasa terminal na po ang sasakyan,” tatapusin ko na sana ang tawag ngunit may bulong akong narinig mula sa kabilang linya.
“Huwag kang tutuloy” usal ng boses na pabulong ang pagsasalita at agad naputol ang linya pagkatapos.
Natakot ako sa aking narinig sa lahat ng boses bakit iyon pa, iyon pang gusto kong kalimutan. Di ako makakilos sa aking kinatatayuan, ngunit ng narinig ko ang sigaw ng konduktor sa labas ng bus ay nabalik ang aking ulirat. Di ko namalayan ako nalang pala ang naiwan sa loob ng bus.
Nawala sandali sa isip ko ang mga nangyari at nagmamadali akong naglakad papuntang sakayan ng traysikel. Napatingin ako sa paligid at maraming mga nagbago sa lugar na dati ay kay tahimik. Marami ng mga taong naninirahan dito kahit na ito’y nasa bukid. Oo nga naman, maganda kasi ang lugar, presko ang hangin at malayo sa ingay ng siyudad.
“Iho,” tawag sa akin ng isang matanda sa gilid ng paradahan ng traysikel.
Tiningnan ko lamang siya at di ako nagsalita. Sinabihan ako ng tiyuhin kong wag makipag-usap sa mga tao kapag dumating na ako sa nayon namin. Gusto kong kausapin ang matanda ngunit ayokong gawin dahil natatakot din ako sa banta ng aking tiyo.
“Iho, huwag kang tumuloy sa pupuntahan mo” ang saad ng matanda sa akin. Nakasakay na ako sa traysikel ng sinabi niya iyon.
“Maraming bagay ang nagbago at marami ang nakalimutan. Huwag kang magpakatanga sa sitwasyon kung may mga sinyales na nagpapahiwatig ng pagtutol. Sa huli babalik at babalik ang nakaraang pilit iwinawaksi ng kasalukuyan. Magpakatatag ka iho, labanan mo ang takot na nagtatago sa iyong puso. Huwag kalimutan ang Panginoon at manalig sa kanya. Magdasal at tulong ay dadating sa oras na mapagtanto ang lahat ng katotohanan ng kahapon” parang litanya niyang sabi sa akin habang nakatitig.
Di ko mawari ang mga salitang narinig mula sa matanda. Magtatanong na sana ako kung ano ang kanyang ibig sabihin ngunit umandar na ang traysikel na sinasakyan ko at paalis na ito.
Tiningnan ko lamang ang matanda habang palayo na kami sa paradahan ngunit ng di pa kami kalayuan ay nawala sa paningin ko ang matanda at di ko na ito nakita. Tumatak parin sa isip ko ang mga salitang “katotohanan ng kahapon”, bakit iyon nasabi ng matanda? Habang napaisip ako nang mga oras na yaon, naalala kong parang nakita ko na ang matandang iyon kung saan.
Sa aking pag-iisip di ko namalayan na nakarating na ako sa bahay. Pinara ko na ang traysikel at bumaba ako para magbayad.
“Mag-iingat ka dito iho,” sabi ng drayber.
“May mga bagay na di nakikita ng mga mata pero ating nararamdaman. Mag-iingat ka, di mo masasabing nakabubuti ang iyong pagbabalik ngunit isang bagay ang maaring mangyari. Ang kahapong natabunan ng kasalukuyan ay mauungkat ng ngayon” turan nito sa akin habang nakatitig sa paligid ng bahay. Ibinigay ko na sa kanya ang bayad.
“Salamat, magandang araw sa iyo Ethan” magalang na sabi niya
Kilala ba ako ng drayber?, bakit niya alam ang pangalan ko? Napasunod ang tingin ko sa traysikel habang papalayo ito sa akin para akong na estatwa habang nakatingin dito.
Simula ng nakarating ako sa bayan hanggang sa nakauwi ako maraming mga bagay o tao ang nagpapahiwatig sa akin ngunit di ko naman alam ano ang kanilang ibig sabihin. Bigla, biglang natatandaan ko ang mga turan; ng bulong, ng litanya at huli ang babala.
“Ethan!” tawag sa akin ng boses na nasa likod ko.
“Tito Topi?!” takang tanong ko sa nakatayo sa may pintuan. Di ko siya nakilala dahil sa katandaan narin ng kanyang mukha.
“Tito Topi! Kumusta na po kayo? Di ko po kayo nakilala agad” sabi ko habang papunta ako sa kanya. Agad kong kinuha ang kanyang kamay at nagmano.
“Ethan, ang laki-laki mo na iho tumangkad ka” pagtatanong niya sa akin habang nakatawa.
“Di naman po tito” sagot ko sa kanya. Nawala sa isipan ko ang lahat ng mga nangyari sa biyahe.
“Napagod ka ba sa biyahe?” tanong niya sa akin. Napansin ko ang pag-aalala sa kanyang mukha habang tinatanong niya iyon sa akin. Di ko rin maintindihan kung bakit, pero ramdam ko na may mga bagay siyang gustong sabihin.
“Di naman masyado tito” tugon ko sa kanya.
“O siya halika na sa loob at ng makapag-usap tayo at nang makwentuhan mo ako sa mga nangyari sa iyo sa mga nakalipas na panahon” ang paanyaya niya habang akay-akay ako papasok ng bahay.
Wala naman masyadong nagbago sa bahay, nandun parin ang maliit na tindahan malapit sa may pintuan. Walang nagalaw na mga gamit dahil nandun parin ang mga ito. Isang bagay lang ang di ko na nakita wala ng mga estatwa ng mga santo, wala na rin ang mga letrato naming pamilya. Gusto kong tanungin ang tiyuhin ko ngunit sa isip ko wag na muna baka itinago niya lang ito upang di ko na alalahanin pa ang masakit nakahapon.
“Okay ka lang ba Ethan?” tanong niya sa akin.
“Ah, opo Tito okay lang po ako” sagot ko sa kanya. Batid niyang maraming bagay ang gusto kong itanong ngunit sa ngayon ayoko munang sabihin. Mas mabuti na munang itago ko muna ito sa aking sarili.
“Iho, alam kong marami kang katanungan ngunit ipagpaliban muna natin iyan at kumain muna alam kong napagod ka sa biyahe mo pauwi rito, halika na” paanyaya nang tiyuhin ko sa akin.
Nagpunta kami ng kusina habang akay-akay niya ako. Mayroon nang pagkain ang nandoon at umupo na kami. Habang kumakain ay nagkwento ako sa mga pangyayari sa aking karanasan nung panahong nalayo ako dito sa amin. Di namin namalayan ay lumalalim na ang araw.
“Hay naku! Tingnan mo nga naman ang oras at gumagabi na. Naku naman gusto ko pa sanang marinig ang iyong mga karanasan ngunit ayokong pagurin ka pa ng husto” alalang sambit ni tito.
“Okay lang po iyon Tito” sagot ko sa kanya.
“O siya, tumayo na tayo. Siyanga pala inayos ko na ang kwarto mo. Umakyat kana at makapagpahinga, ako na ang bahala rito” utos niya sa akin.
“Gusto ko po kayong tulungan sa paghuhugas Tito,” pagpipilit ko sa kanya.
“Ethan, magpahinga ka na wag matigas ang ulo wag kang mag-alala at ako nang bahala dito. Siya segi na umakyat ka na, segi na” tigas niyang utos sa akin. Wala akong nagawa kaya sinunod ko ang utos niya.
Habang papaakyat na ako, bigla-bigla ang pagtibok ng aking puso. Di ko rin mawari bakit, basta unang hakbang ko palang ng hagdanan ay parang may pwersang pumipigil sa akin na hindi makaakyat. Naninindig ang mga balahibo ko sa batok, may nararamdaman akong mga pares ng mga matang matalim na nakatingin sa akin habang pumapanhik ako patungo sa kwarto. Dahan-dahan lang ang aking mga hakbang at ramdam na ramdam ko ang lakas ng presensiya ng nakatingin sa akin.
“Ba’t ka pa bumalik?” tanong na ibinulong sa aking tenga habang ako’y nakayuko. Di ako dapat magkamali ang boses na iyon.