Chapter Four

1483 Words
NAPAMULAT si Lianne nang marinig ang mga katok sa labas ng pinto ng kanyang silid. Dinig din niya ang pagtawag sa kanya nang taong nasa labas. Pupungas-pungas na kinapa niya ang kanyang cellphone sa ilalim ng unan at tiningnan ang oras doon: mag-aalas-otso na nang umaga. Muli niyang narinig ang mga katok. Nag-inat siya ng katawan bago bumangon at binuksan ang pinto. Napakunot-noo siya nang makita ang kanyang ama. Nakabihis na ito para sa pagpasok sa opisina pero may dala-dala itong breakfast tray. “Good morning, Hija,” nakangiting bati nito. “May I come in?” Hindi siya sumagot pero niluwangan niya ang pagkakabukas ng pinto para makaraan ito. “Dinalhan kita ng breakfast,” anito at inilapag ang dalang tray sa ibabaw ng kama niya. “Hindi na ho sana kayo nag-abala,” aniya at ipininid ang pinto. “Palagi ko naman itong ginagawa noon, 'di ba?” Tumango siya. "Dinadalhan ninyo ako noon ng breakfast kapag nagtatampo ako sa inyo," wika niya na bigong itago ang sarkasmo sa kanyang tinig. Hindi nakakibo ang matanda pero bumakas sa mukha nito ang guilt. Humakbang si Felipe patungo sa bintana at tumanaw sa labas niyon; nanatili naman siyang nakatayo sa tabi ng kama. Namayani ang katahimikan sa  pagitan nilang mag-ama. “Alam kong malaki ang sama ng loob mo sa akin, Hija. Iniisip mo na pinabayaan ko kayong mag-ina,” maya-maya ay sabi ng ama niya. Hindi napigilan ni Lianne ang pagtaas ng isa niyang kilay. “Kung hindi pagpapabaya 'yon, ano ho'ng tawag doon sa ginawa ninyo sa amin?” Napahugot ito nang malalim na hininga. “Minsan, may mga bagay na kailangan nating gawin kahit masakit man 'yon sa atin. Pero gusto kong maintindihan mo na kahit kailan ay hindi ko ginustong mawala kayo ng mommy mo sa 'kin.” Sarkastiko siyang ngumiti at saka napailing. “Hindi ninyo ginusto, pero hinayaan lang ninyo 'yong mangyari." “Desisyon ng mommy mo na umalis.” Huminga siya nang malalim. Alam niyang desisyon ng ina na iwan ang daddy niya. Hindi na kasi nito kinayang magtiis pa. Mayaman ang pamilya ng mga Javier, habang ang kanyang ina ay galing lang sa isang simpleng pamilya. Kahit na ilang taon nang kasal ang mga magulang niya, hindi pa rin tanggap ng pamilya ng kanyang ama ang mommy niya. Hanggang sa napagod na ang ina niya sa pakikibagay sa mundo ng kanyang ama at nagpasya na itong umalis kasama siya. Ang masakit ay hindi man lang sila pinigilan o hinabol ng daddy niya. Hindi sila nito ipinaglaban. “Sinubukan ko siyang pigilan noon, pero buo na ang desisyon ng mommy mo. Mahal ko siya pero ayokong ipilit sa kanya ang isang bagay na hindi na siya masaya. Hinayaan ko siya dahil hindi ko na kayang nakikita siyang nahihirapan,” paliwanag ng matandang lalaki. Nangilid ang kanyang mga luha. Ganoon lang ba iyon? Porke sinabi ng mommy niya na hindi na ito masaya, sumuko na ito. At siya, anak siya nito pero bakit siya nito pinabayaan? “Kung hindi na ninyo maaari pang ayusin ang sa inyo ni Mommy, sana man lang ay naging ama pa rin kayo sa akin.” Hindi na niya napigilan ang sarili na isumbat iyon dito. For thirteen years, kinimkim niya iyon sa puso niya. Paulit-ulit niyang itinatanong noon sa sarili kung hindi ba siya mahal ng ama kaya pinabayaan siya nito. Ngayong nandito na ang pagkakataon niyang ilabas ang saloobin dito, hindi niya iyon palalampasin. Pero hindi ito sumagot. Ilang minuto niyang hinintay na magsalita ang ama pero hindi nito iyon ginawa. Nakatingin lang ito sa kanya. “Kung sabagay, hindi naman ako nagpunta rito para marinig ang paliwanag ninyo,” napapa-iling na sabi niya mayamaya. Nasasaktan siya pero hinding-hindi niya iyon ipapakita sa ama. “Kailangan ko ng tulong at sana bilang anak ninyo, huwag n’yong ipagkait iyon sa akin. Alam na siguro ninyo na wala na si Mommy. Tumawag ako noon dito para ipaalam 'yon sa inyo, pero kasambahay lang ninyo ang nakausap ko.” Marahan itong tumango. Pakiramdam niya ay lalong nagsikip ang kanyang dibdib. Nakarating naman pala rito ang mensahe niya pero wala itong ginawa. Hindi man lang ito sumilip sa burol ng kanyang ina. Anong klaseng tao ba ito? Hanggang sa kamatayan ng ina niya ay parang wala talaga itong pakialam. Pinigil niya ang mapaluha. Gusto pa sana niya itong sumbatan pero ayaw na niyang humaba pa ang usapan. Kailangan niyang makuha ang pakay niya rito sa lalong madaling panahon, ayaw na niyang magtagal pa sa mansiyong iyon. “Anong tulong ang kailangan mo?” Ang kanyang ama ang pumutol sa katahimikan. “Kailangan ko ho ng pera para matubos ang bahay at lupa namin ng mommy ko. Hindi enough ang kinikita ng restaurant na iniwan sa 'kin ni Mommy para mabayaran ang pagkakasangla niyon. May karapatan naman siguro akong humingi sa inyo, 'di ba? Kukunin ko lang naman kung ano ang para sa akin.” “Kung gano'n, nandito ka para kunin ang mana mo?” Walang kagatul-gatol na tumango siya. "Opo." “At pagkatapos ay iiwan mo na ulit ako?” Hindi siya nakakibo. Dinadaya ba siya ng pandinig niya o totoo ang lungkot sa tinig nito. Ano'ng ikakalungkot mo? Hindi ba't labing-tatlong taon mo naman akong natiis? naghuhumiyaw na sabi ng isang bahagi ng isip niya. “Wala namang dahilan para manatili ako rito, 'di ba?" puno ng sarkasmo na sabi niya. "Anyway, sanay na rin naman tayong dalawa na wala ang isa't-isa." Hindi ito sumagot. “Ibibigay n’yo ba sa akin ang kailangan ko?” tanong pa niya. Kung wala rin lang itong balak na tulungan siya ay aalis na siya roon ngayon na ngayon din. Marahan itong tumango. “Ibibigay ko sa 'yo ang lahat ng kailangan mo pero may hihingin akong kondisyon.” Napatanga siya. Kondisyon? Ito pa ang hihingi ng kondisyon ngayon? Alam niyang humihingi siya ng pabor dito, pero ano ba namang klaseng ama ito? Pinabayaan na nga siya nito noon, pero ngayon ay hihingi pa ito ng kapalit sa tulong na hinihingi niya. “Stay here for at least a month. Gusto kitang makasama. Gusto kong makilala ang anak ko. Bigyan mo ako nang pagkakataong makabawi sa mga pagkukulang ko sa 'yo.” Saglit na natigilan siya sa sinabi nito. “Kailangan ko na ho ang pera ngayon. Hindi ko na ho mahihintay ang isang buwan.” “Kung papayag ka, papupuntahin ko ang abogado ko sa Sorsogon para s'ya ang mag-asikaso sa pagtubos ng bahay at lupa ng mommy mo. Mananatili ka rito ng isang buwan, at pagkatapos niyon ay maaari ka na ring umalis kung gugustuhin mo. Ibibigay ko sa 'yo ang lahat ng dapat na makuha mo bilang anak ko. Ibibigay ko sa 'yo ang lahat ng shares ng mommy mo sa mga conjugal property namin at ganoon din ang kalahati mula sa shares ko.” Hindi siya makapaniwala sa sinasabi nito. “Hindi ko naman hinihingi ang mga iyon. Pangtubos lang ng—” “Karapatan mong makuha ang lahat ng iyon, Lianne. Sa 'yo ang mga iyon,” putol nito sa sinasabi niya. “Ngayon, sabihin mo sa akin, pumapayag ka ba sa gusto kong mangyari?” Hindi kaagad siya nakapagsalita. Makakaya ba niyang makasama ang taong ito, at itrato bilang ama na parang walang nangyari? Naisip niya ang bahay at lupa pati na ang restaurant, hindi puwedeng mawala ang mga iyon. Hindi puwedeng mawala sa kanya ang natitirang alaala ng ina. Pinuno muna niya ng hangin ang dibdib bago siya marahang tumngo. “Sige ho, pumapayag na ako,” napipilitang sabi niya. Bumakas ang tuwa sa mukha nito. “Salamat, anak.” Hindi siya nakapag-react nang lumapit ito sa kanya at yakapin siya nang mahigpit. Ilang segundo rin siyang hindi binitiwan nito. Marahil ay hinihintay ng matanda na gantihan niya ang yakap nito, pero hinding-hindi niya iyon gagawin. “Aalis na ako, kailangan ako ngayon sa opisina. Ipapatawag ko si Attorney Nievez para maasikaso na niya ang pagtubos sa bahay at lupa ninyo. Kung may kailangan ka ay sabihin mo lang kay Mamang Aida mo,” anito nang bitiwan siya. Bago siya nito iwan ay hinagkan pa siya ng matanda sa noo. Napasunod ang tingin niya sa ama habang palabas ito sa silid niya. Nang wala na ang lalaki ay napaupo siya sa kama kasabay nang paglalandas ng masaganang luha sa kanyang mga pisngi. Napasulyap siya sa pagkaing dinala ng ama. Labis ang pangungulila niya noon sa daddy niya, pero habang lumalaki siya ay napalitan iyon ng sama ng loob. At ngayon, sabi ng ama ay gusto nitong makabawi sa pagkukulang nito sa kanya, pero paano ba niya bubuksan ang puso niya rito? Sana noon mo pa ito ginawa, Daddy. Sana noon mo pa sinubukang bumawi. Kung ginawa mo ito noon, baka sakaling hindi umabot sa galit ang sama ng loob na nararamdaman ko para sa 'yo, umiiyak na naisaloob niya. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD