Troy’s POV
From: Kylie
Babe, good morning! Heto ulit ako, mangungulit sayo.
Received: 6:24am
From: Kylie
Babe! Why aren’t you texting? Please message me again, please? I really miss you!
Received: 7:16am
From: Kylie
Hindi ako mapapagod o magsasawa hangga’t hindi ka mag-text ulit sa akin. I won’t stop texting you. Never.
Received: 8:42am
From: Kylie
Oh, babe! If you’re making fun of me, stop it. Please stop acting this way! Hindi ko na nagugustuhan.
Received: 9:05am
From: Kylie
Nang ma-receive ko ang text mo kahapon, akala ko tuloy-tuloy na. Bakit wala ka na naman paramdam?
Received: 10:51am
From: Kylie
Haaays! I can’t understand you, babe. Hindi ka nagparamdam ilang linggo. Hindi ka sumasagot sa text o tawag ko tapos kahapon, ite-text mo ako? Umasa ako na ‘yon na! Babe, why?
Received: 11:27am
From: Kylie
Babe, I skipped lunch. Wala akong ganang kumain. Wala akong gustong kainin. All I want is you. I want you to text me again. Please?
Received: 12:53pm
From: Kylie
Babe naman oh! ‘Wag kang ganyan. Ano bang problema? Text ka na ulit please?
Received: 1:39pm
From: Kylie
Babe, let’s talk about us.
Received: 2:26pm
From: Kylie
Babe, what’s really happening to you? Tell me. Sobrang nalilito na ako. Parang sasabog na ang utak ko sa kaiisip.
Received: 3:21pm
From: Kylie
Parang tanga na ako, babe. Why are you doing this to me? Hindi ka ba naaawa sa akin?
Received: 4:43pm
From: Kylie
Babe, nag-text ka so akala ko magpaparamdam ka na sa akin. Huwag ka namang ganito. Huwag mo akong paasahin. Nasasaktan na talaga ako.
Received: 5:36pm
Napabuntong-hininga ako. Magmula kahapon ay hindi na tumigil sa pag-text si Kylie. Nagawa niya na ring tumawag. Paulit-ulit na text at tawag ang ginawa niya. Hatinggabi na nang tumigil siya. Buong araw din siyang nag-text ngayon. Hindi ko na alam ang gagawin ko.
Sira ulo kasi ang dal’wang tukmol na ‘yon! Kung hindi sila nag-text, wala sana ako ngayong problema. Naaawa na nga ako at nakokonsensiya dahil hindi ko masabi kay Kylie na hindi ako ang boyfriend niya tapos dumagdag pa ‘to. Tsk!
Naglalakad na ako palabas ng campus para umuwi pero bigla akong hinarang ng dalawang tukmol. Kahapon ko pa sila hindi kinikibo dahil sa inis. Buong araw naman nila akong kinulit at humingi ng tawad.
“Troy, sorry na talaga,” ani Calvin.
“Hirap mo naman suyuin, pare! Daig mo pa ang babae kung magtampo,” sabi ni Baron.
Napailing na lang ako at hindi sila pinansin. Nilampasan ko sila at nagpatuloy sa paglalakad papuntang parking area para kunin ang motor ko. Ramdam kong nakasunod sila.
Napasinghal ako nang bigla akong hawakan ng dalawa. Kinuha sa akin ni Baron ang susi ng motor at nagtulong ang mga itong hilahin ako papuntang motor. Agad umangkas si Calvin dito at pilit naman akong pinasakay ni Baron. Nang magawa niya akong pasakayin, umangkas na rin ito at umandar kami paalis.
“Ano bang problema ninyong dalawa?!” singhal ko.
“Relax. Kailangan lang natin mag-usap. Marami kaming dapat malaman tungkol sa Kylie na nagte-text sa ‘yo,” wika ni Baron.
Napakunot noo ako nang sa park kami pumunta. Ang daming lugar na pwedeng puntahan, bakit dito pa sa maraming tao? Sinasadya yata ng mga ito na galitin pa ako lalo. Hinila nila ako papunta sa isang bangko.
“Sa mataong lugar niyo pa talaga ako dinala?” inis kong bulalas.
“Pasensiya na, pare. Sinadya talaga namin na dito ka dalhin,” sambit ni Baron.
“Kung gusto mong makaalis agad rito, sabihin mo agad sa amin ang tungkol do’n sa Kylie,” wika ni Calvin.
Dahil alam kong hindi nila ako titigilan at hahayaang makaalis sa lugar na ito, wala na akong ibang nagawa kundi ang ikuwento sa kanila ang tungkol kay Kylie.
“s**t. You’re in a big trouble, Troy!” bulalas ni Calvin.
“Alam ko. Tapos dumagdag pa kayong dalawa!” inis kong tugon.
“Pasensiya talaga, pare. Hindi naman kasi namin alam, eh,” sabi ni Baron. “Pero anong balak mong gawin ngayon?”
“Hindi ko alam. Naguguluhan ako kung anong dapat kong gawin.”
“Ha? Bakit ka naman naguguluhan sa gagawin?” tanong ni Calvin. “Pare, umaasa ‘yung tao. Akala niya boyfriend niya pa rin ang tinitext niya. Ang the best mong gawin ay i-text na siya at sabihin na hindi ikaw ang boyfriend niya. Solve ang problema mo!”
“Mismo! Huwag mo nang patagalin dahil masasaktan lang siya at patuloy aasa. Kawawa naman. Mahal na mahal niya ang boyfriend niya pare kaya sobra siyang nangungulila,” saad ni Baron. “Oo, masasaktan siya kapag nalaman niyang hindi ikaw ang boyfriend niya pero mas masasaktan siya kung patuloy mo siyang papaniwalain na ikaw ang minamahal niya,” dagdag pa nito.
Nagpakawala ako ng malalim na buntong hininga. Kahit mga sira ulo at babaero ang dalawang ‘to, may maayos pa rin naman pala silang pag-iisip. Pero tama sila. Sang-ayon ako sa lahat ng sinabi nila.
“Bakit kasi sa simula pa lang, hindi mo na sa kanya sinabi ang totoo?”
“Paano ko magagawang sabihin, eh siguradong marami siyang itatanong! Bakit nasa akin ang cellphone ng boyfriend niya? Paano ito napunta sa akin? Nasa’n na ang boyfriend niya? At kung ano-ano pa! Baka nga paghinalaan niya pa ako ng masama.”
“Well, tama ka naman, pare. Pero bakit hindi mo na lang tinanggal ang SIM card noon at sinira ito para mawala na ang koneksyon?”
“Oo nga. Kung iyon ang ginawa mo, sana wala ka ngayong problema,” saad ni Baron.
“Tsk! Kung ‘di mo rin kasi binenta sa akin ang cellphone, sana hindi ito nangyari,” pagdadahilan ko.
“Pare, gawin mo ang nararapat. Kahit anong mangyari, deserve niyang malaman ang totoo.”
“Huwag ninyo akong diktahan sa dapat kong gawin. Problema ko ‘to kaya ako ang aayos.”
“Teka. Bakit pakiramdam ko, parang ayaw mo pa ring sabihin kay Kylie ang totoo?” tanong ni Baron. “Pare, umamin ka nga. Gusto mo na ba siya?”
“Gusto? No way!” sambit ko. “Eh, hindi ko nga siya kilala. Bakit ko siya magugustuhan?”
“Ows?” sabay sabi ng dalawa at ngumiti pa ng nakakaloko.
“Kung wala kang nararamdamang kakaiba habang binabasa mo ang message niya ng ilang araw o kung hindi ka nakakaramdam ng galit at selos sa boyfriend niya at kung hindi ka napapangiti tuwing may message siya, eh ‘di wala ka ngang gusto sa kanya,” wika ni Calvin.
Nakakainis ang pinagsasabi ng dalawang ‘to pero mas nakakainis dahil pakiramdam ko, tama ang lahat ng sinabi nila. Tsk!
“Ewan ko sa inyo!” singhal ko at tumayo sa bangko.
Naglakad ako palapit sa motor. Aalis na ako para makalayo na sa mga tukmol. Nang pasakay na ako ng motor, may biglang sumigaw. Napatingin ako sa paligid. May kaguluhan at takbuhang nangyayari.
Nahuli ng mga mata ko ang tumatakbong lalaki papunta sa direksyon ko. Kasunod naman nito ay isa pang babae na hinahabol ito. Napako rito ang paningin ko.
“Magnanakaw! Hulihin niyo siya!” paulit-ulit na sigaw ng babae. “Hoy! Tumigil ka!”
“Troy! Harangin mo!” sigaw ng dalawang tukmol sa akin.
Nag-panic ako. Hindi ko alam kung anong gagawin. Napahinga ako nang malalim. Tiningnan kong maigi ang lalaki at naghanda para harangin ito. Nang mapansin ng magnanakaw na haharangin ko siya, nag-iba ito ng direksyon.
“Hulihin natin!” sigaw ni Calvin at saka tumakbo para habulin ang magnanakaw.
Sumunod na rin sa kanya si Baron at wala na rin akong naisip kundi ang sumunod na rin sa kanila. Takbo, habulan at nagpaikot-ikot kami hanggang sa madakip namin ito. Pinagsasapok ng dalawang tukmol ang magnanakaw.
“Hayop ka! Pinagod mo pa kaming loko ka!” inis na sambit ni Baron.
“Sarap mong patayin! Gago ka!” wika naman ni Calvin.
Napatingin silang dalawa sa akin. “Ano, Troy? Ayaw mong sapakin? Ang sarap kaya sa feeling. Promise.”
Umiling ako. Loko talaga. “Wala tayong karapatan para manakit. Saka pulis na ang bahala sa kanya,” sabi ko, sabay lingon sa dalawang pulis na bitbit ng babaeng nanakawan.
“Mamang pulis! Siya po! Siya po ‘yung snatcher! Ninakaw niya ang cellphone ko!” sigaw ng babae.
Lumapit ang pulis kay Baron at muntik na siyang lagyan ng posas kung hindi pa siya umalma. “Hoy, teka lang! Hindi ako! Itong lokong ‘to ang snatcher!”
Tumawa si Calvin. “Mukha ka kasing magnanakaw, pare.”
“Ah, talaga ba? Hiyang-hiya naman ako sa ‘yo.”
Napailing na lang ako dahil sa dalawa. Dinampot ng mga pulis ang snatcher at nilagyan ito ng posas. Nakatanggap pa ito ng isang malakas na sampal mula sa babae. May ilang sinabi ang pulis sa babae bago umalis ang mga ito.
“Miss, heto ang cellphone mo,” sambit ni Baron, sabay abot ng cellphone dito.
“Maraming salamat sa inyong tatlo. Thank you talaga!” nakangiting sabi ng babae.
Hindi maikakaila ang taglay nitong kagandahan kaya agad na lumapit ang dalawang tukmol dito. Makakita lang talaga ng maganda, nakalimutan na nilang may mga girlfriend sila. Napailing na lang ako.
“Walang anuman ‘yon, miss. Hindi dapat hinahayaan ang gano’ng mga klaseng tao,” sabi ni Calvin, sabay ngiti rito. Patay siya kay Gwen kapag nalaman na lumalandi siya.
“Saka ang mga tulad mong magaganda ay dapat lang na tinutulungan,” wika ni Baron na nakalimot na may Bela siyang muntik niya nang mabuntis.
“Hindi lang dapat maganda ang tinutulungan pero maraming salamat pa rin,” anito saka napatingin sa akin. Agad naman akong napaiwas tingin.
“Ang ganda mo,” sambit ni Baron.
“Oo nga. Para kang anghel,” sabi naman ni Calvin.
Napangiti lang ang babae sa pambobola nila.“Sige, aalis na ako. Thank you ulit sa inyo.”
Naglakad na paalis ang babae. Tulala naman ang dalawa habang pinagmamasdan itong palayo hanggang sa tuluyan nang mawala. Napakababaero talaga ng mga ito. Tsk!
“s**t. Ang ganda niya, pare!” kinikilig na sabi ni Calvin.
“Sobrang ganda! Tangina! Pero ang bobo natin. Hindi man lang natin natanong ang pangalan niya. Tsk!” dismayadong sabi ni Calvin.
“Hindi tuloy natin siya mahahanap sa sss,” bulalas ni Calvin saka napatingin sa akin. “Ikaw, pre? Ba’t hindi mo kinausap ‘yung babae? Sa sobrang ganda niya, hindi ka man lang nabighani?”
“Maganda siya pero hindi ako katulad ninyo!” sabi ko at tuluyan na silang iniwan.
Pag-uwi ko ng bahay, kumain lang ako ng hapunan bago pumasok ng kwarto. Naupo ako sa kama hawak ang cellphone. May three unread messages galing kay Kylie. Binuksan ko ito at binasa.
From: Kylie
Babe, patapos na naman ang araw na hindi ka nagparamdam ulit. Bakit hindi ka na nag-text?
Received: 6:12pm
From: Kylie
Babe, nandito ako sa park na palagi nating pinupuntahan. Ang daming tao pero mag-isa lang ako. Sana nandito ka para may kasama ako.
Received: 6:15pm
From: Kylie
Babe, kauuwi ko lang ng bahay galing park. Anyway, huwag kang mabibigla sa sasabihin ko, babe. May snatcher na muntik nang manakaw ang cellphone ko. Sobrang halaga ng cp na ito kaya hindi ko hahayaan na mawala ito. Nandito lahat ng memories natin at conversation kaya hinabol ko talaga ang magnanakaw. Mabuti na lang talaga at may tatlong lalaking tumulong sa akin. Dahil sa kanila, nakuha ko ulit ang cp. Sobrang thankful ako sa kanila. God bless them.
Received: 7:28pm
Natigilan ako nang mabasa ang ikatlong message ni Kylie. ‘Yung babae kanina ay si Kylie? Teka. Totoo ba? Siya ba talaga ‘yung napakagandang babae kanina?
Akala ko hanggang sa cellphone ko lang siya makikilala. Hindi ko akalain na makikita ko siya sa personal. Napakagat ako sa aking labi nang makaramdam ako ng kakaiba. Biglang bumilis ang pagtibok ng puso ko at namalayan ko na lang ang sarili kong nakangiti habang inaalala ang mala-anghel na mukha ni Kylie.