"Gel, okay ka lang ba? Kanina ko pa napapansin na parang ang lalim ng iniisip mo?" Napaangat ang aking ulo at marahan kong naipilig sa tanong na iyon ni Analyn. Hindi ko man lang namalayan ang presensya nito.
"Kanina ka pa ba d'yan? Sorry, hindi kita napansin. Pagod lang siguro ako, kaya parang wala ako sa sarili." Pagsisinungaling ko, kahit ang totoo'y kahapon pa talaga ako wala sa sarili dahil sa nangyaring aksidente sa terminal ng bus. Hindi mawala sa isip ko ang nangyari at hanggang ngayon ay paulit-ulit pa ring naglalaro sa aking isipan ang kahihiyang naramdaman ko kahapon sa harapan ng lalaking hindi ko kilala.
"Parang hindi naman, eh. Kasi mukha ka pa ring fresh! Mukha ka lang talagang lutang ngayon at alam kong may hindi ka sinasabi sa akin. Huwag ka ng tumanggi pa dahil nababasa ko sa itsura mo ngayon." Sabay sundot nito sa aking tagiliran.
Ano bang mayroon sa babaeng ito at ang lakas ng pakiramdam. "Ano ba 'yang pinagsasabi mo? At ano namang dapat kong sabihin sa'yo?"
"Kilala kita, kaya huwag ako, pwede?!" Sabay igkas ng kaliwa nitong kilay. Kilala ko ito na hindi ito titigil sa pangungulit lalo na at alam talaga nito o may pakiramdam itong may mali sa mga nangyayari o sa bawat bagay.
Marahan akong bumuntong hininga at akma na sanang bubuka ang aking bibig upang magsalita nang bigla namang pumasok sa loob ng nurse station ang dalawang nurse kasama ang tatlo pang OJT dito sa hospital. Napakunot ang aking mga kilay nang mapansin kong tila kinikilig ang mga ito.
"Ay hala sila! Ano'ng nangyayari sa inyo? Para kayong mga bulating binuhusan ng isang galong suka sa sobrang kilig."
Napangiti ako sa tinurang iyon ni Analyn. Ako man ay iyon din agad ang naisip. Dangan nga lamang at hanggang sa isip ko na lamang ang mga salitang iyon. Hindi ko kayang ibulalas na taliwas naman kay Analyn dahil lahat ng nasa isip nito ay talagang isinasatinig.
"Ano ba kayo? Wala pa ba kayong alam sa balita ngayon at hindi pa ba ninyo nakikita ang bagong doktor dito sa hospital?" turan ng isang nurse habang kinikilig.
Sabay kaming nagkatinginan ni Analyn at sabay na rin lamang nagkibit-balikat dahil sa hindi namin alam ang tungkol sa sinasabi nito.
Lumingon ako kay Analyn at pinaningkitan ko ito ng mga mata. "Sure ka ba na wala kang alam, Analyn?" Agad naman tumikwas ang kaliwa nitong kilay na para bang naiinis sa mapanuri kong tanong.
"Hoy, Angelica Renzal! Oo, alam kung may pagka Marites ako, pero hindi rin naman sa lahat ng pagkakataon ay present ako, 'no! Katulad na lang ngayon, wala akong alam." Sabay lakad nito papalapit sa isang nurse na nagtanung sa amin kanina at agad nitong hinila sa kamay paharap dito.
Hindi ko napigilan ang malakas na pag-alpas ng aking tawa sa ginawang iyon ni Analyn. Alam kong hindi talaga nito palalampasin ang ano mang bago sa hospital o anumang chismis ang kumakalat.
"Ano ba kasing ginawa mo at bakit parang na-late ka yata sa latest. Naunahan ka tuloy ng iba."
"Tse! Tumahimik ka diyan!" singhal nito na mas lalo ko lamang ikinatawa. Tinalikuran ko na lamang ang mga ito habang napapailing at hindi na pinag-ukulan pa ng oras ang ano mang chismis na pinag uusapan ng mga ito.
Habang naglalakad sa hallway papuntang ER ay hindi rin nakatakas sa aking pandinig ang usap-usapan katulad lamang ng pinag uusapan ng mga nurse kanina sa Nurse Station. At sa puntong iyon ay hindi ko na rin napigilan pa ang mapa-isip sa kung sino nga bang bagong doktor ang tinutukoy ng mga ito.
Hay naku! Bakit ba pati ako ay iniisip pa ang tungkol sa taong iyon? E, parehas lang naman kaming empleyado rito sa hospital.
"Hi, Nurse Angel!" masiglang pati ni Kaye. Tulad din ito ni Analyn na hindi mahirap pakisamahan kahit pa hindi kami madalas nagkakwentuhan. Mabait din ito at hindi nakikiabot-usap sa usapan ng iba, ngunit tila iba ito ngayong araw dahil tulad din ng ibang mga nurse ay para din itong bulating hindi mapakali sa kinatatayuan.
"Hi, Nurse Kaye! Teka, masaya ka yata ngayon? Ano'ng mayroon?" puna ko nang mapansin ko ang magandang ngiti na nakapaskil sa labi nito. Ngiti na para bang in-love sa isang tao na hindi nalalayo sa karamihang nurse ngayon dito sa hospital.
"Hala! Hindi mo ba alam?" sa halip ay tanong din nito at seryosong tumitig sa akin.
Napakunot ang aking mga kilay sa naging reaksyon nito. Hindi ko man alam ang tinutukoy nito, ngunit tila nahihinuha ko na ang ang ibig nitong sabihin at dahilan ng ikinikilos nito. At iyon ay katulad din ng ilang mga nurse na kinikilig dahil sa sinasabing bagong doktor dito sa hospital.
Akma na sanang bubuka ang aking bibig nang muli naman itong nagsalita. "May bago tayong doktor dito sa hospital. At alam mo ba ang gwapo-gwapo niya. Hindi lang iyon. Ang bait-bait pa niya."
Lihim na lamang akong napabuntong hininga at uwiwas dito ng tingin. Hay naku! Sinasabi ko na nga ba, e! Ang doktor na iyon din lang ang dahilan kaya pati ang babaeng ito ay para na ring sinasapian ng kadiliman.
"Hoy, Nurse Angelica! Wala ka bang sasabihin man lang d'yan?" tanong pa nito na hindi pa rin mawalawala ang kilig sa boses at itsura nito na akala mo ba'y ngayon lamang nagkagusto sa isang lalaki.
Muli akong lumingon dito at binigyan ko ito ng tipid na ngiti. "At ano namang dapat kong sabihin, Nurse Kaye?" Bumuntong hininga ako at piniling sakyan na lamang ang trip nito. "Okay-Okay! Ano bang mayroon sa doktor na iyon at lahat kayo nagkakaganyan? Parehas lang naman natin s'yang tao na nagtatrabaho rito, 'di ba? So, ano'ng mayroon?"
"Ay hala ka! Normal ka pa ba sa lagay na iyan, Nurse Angel? At ikaw lang yata sa lahat ng narito ang hindi kinikilig at hindi napapansin ang kagwapuhan ng bago nating doktor." Impit itong tumili na para bang wala na ring pakialam sa mga taong nasa paligid.
"Fine! Sige nga! Paano ko mararamdaman ang katulad ng nararamdaman ninyo kung hindi ko nga alam ang tungkol sa bagong doktor na sinasabi ninyo, ha? Ni malaman nga ang itsura niya hindi ko pa alam, e." Malalim akong bumuntong hininga at pinilit na pakalmahin ang aking sarili dahil pakiramdam ko ay sasabog na rin ang maiksi kong pasensya dahil sa kabaliwan ng mga taong nasa paligid ko ngayon. "Hindi ko pa siya nakikita, oka---"
"Oh! It's you!"
Agad akong napahinto sa pagsasalita at mabilis na napalingon sa pintuan ng ER nang marinig ko ang pamilyar na boses at waring mababakas pa ang tuwa sa pananalita nito.
Napaawang ang aking bibig nang agad kong nakilala ang nagmamay-ari ng boses. At iyon ang lalaking nakilala ko kahapon sa bus terminal. Hindi ko alam kung paano ko ito haharapin o ang sagutin man lang ang tinuran nito dahil muli ko na namang naalala ang kahihiyang nagawa ko kahapon sa mismong harapan ng lalaking ito, na para bang nagawa ko ring pagnasaan ang katawan nito.
"Hey? Don't tell me you don't remember me. Kahapon lang tayo nagkakilala." Nakangiti nitong turan habang lumalakad papalapit sa akin.
Lihim akong napalunok at mariing napahawak sa ballpen na nasa aking kamay. Teka, huwag mong sabihing ikaw ang bagong doktor na sinasabi ng lahat? Impit kong tanong sa aking isipan nang mabasa ko ang pangalang nakasulat sa suot nitong doctor's gown. s**t! Dr. V. Clark at isa itong general surgeon. Oh my God! Bakit ganito? Bakit kailangang dito pa uli kami magkita.
"Are you okay, Nurse Angelica Cerda?" Napakunot ang aking mga kilay sa pagtataka nang banggitin nito ang buo kong pangalan.
Hindi pa man ako nakakatugon sa mga sinabi ng bagong doktor dahil sa pagkagulat ay muli namang nagsalita si Kaye na ngayon ay nasa tabi ko na at mababakas ang tila pagkagulat sa itsura nito.
Mariin ako nitong sinundot sa aking baywang na agad ko namang ikinaigtad. "Loka-loka ka. Kaya pala wala ka man lang comment sa mga nangyayari kasi ikaw pa mismo ang unang nakakilala sa kanya. Pakunwari ka lang pala kanina na hindi mo pa siya nakikita. Hay naku, Nurse Angelica, nakakainis ka talaga."
Mabilis akong lumingon dito at agad kong pinadilatan ng mga mata upang bantaan na tumahimik na lamang muna dahil lalo lamang akong nkakaramdam ng pagkatuliro sa mga oras na ito.
Muli akong lumingon sa lalaki at bahagyang yumukod. "M-Magandang araw po, D-Doc---"
"Call me Von. I'm Dr. Von Clark, General Surgeon." Pagpapakilala nito na waring lalo lamang ikinaurong ng aking dila. Hindi ko maiwasang muling humanga sa itsura nito lalo na sa paraan ng pagsasalita nito. At ngayon ay alam ko na kung bakit ang lahat ng mga babaeng single na nurse at doktor dito ay iisa ang ikinikilos sa mga oras na ito.
Kaya naman pala lahat sila ay parang sinasapian ng kadiliman dahil totoo nga naman palang para itong hulog ng langit para sa sangkatauhan na magliligtas sa lahat ng mga babaeng virgin.
"Hey! Are you okay?" Bahagya akong nagulat at mabilis kong naipilig ang aking ulo upang gising ang aking diwa na muli na namang nawala sa ulirat. Katulad na lamang nang nangyari kahapon sa mismong harapan ng lalaking ito. At ngayon ay naulit na naman.
Ano ka ba, Angelica! Magtino ka naman. Kahapon ka pa mukhang tanga sa harapan ng lalaking iyan.
"A-Ah! O-Opo. Pasensya na po, dok. Ako nga po pala si Nu---"
"Nurse Angelica Renzal." Ngumiti ito. "I know your name." Pagkatapos ay may kinuha ito sa bulsa ng suot nitong doctor's gown at agad iyong iniabot sa akin. "Nalaglag mo kahapon. Ibibigay ko sana kaya hinabol kita. Pero hindi na kita inabutan. Ang bilis mo pala."
Napaawang aking bibig habang nakatingin sa aking ID na nasa kamay nito. Tila umurong ang aking dila sa pagkapahiyang muling naramdaman. My God! Ito pala ang dahilan kaya niya ako tinatawag kahapon. Kaso, masyado lang akong napraning kaya hindi ko na siya nilingon pa. Nakakainis! Lalo lang tuloy akong nagmukhang katawa-tawa sa paningin niya.
"S-Salamat po. H-Hindi ko po napansin na nawawala po pala ang ID ko." Sinungaling! Kahapon ka pa nga namomroblema sa ID mo, e. Tapos ngayon sasabihin mong hindi mo napapansing nawawala. Hayss, Angelica! Isa kang malaking sinungaling!
"So, friends na ba tayo ngayon?" tanong nito na sinabayan pa ng malapad na ngiti. Tila bigla na naman akong tinakasan ng aking ulirat dahil sa magandang tanawing iyon. Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ang tanong nito. Ngunit sa halip na tumugon ay kusa na lamang gumalaw ang aking ulo at tumango sa sinabi nito.
Hala! Bakit ako tumango! Nababaliw ka na nga talaga, Angelica! Nakakahiya ka na talaga! Pumayag kang maging friends kayo. E, hindi mo pa nga siya talaga kilala.
Impit na tili na lamang ni Kaye ang tuluyang gumising sa aking diwa na hindi ko na nagawa pang mapatino dahil sa kagwapuhan ng lalaking nasa aking harapan.