***
"Mr. Eric Roxas!? You are too early for my next class!"
Halos ikabingi ni Eric ang pagsalubong ng propesora. Bahagya niya tuloy naipikit ang mga talukap at pagdilat niya, bumungad ang nanlilisik at malalaki nitong mata. Nakasalamin ang matanda at medyo namumuti na rin ang nakapaikot na buhok sa ulo nito.
Hindi niya tuloy magawang makapasok at naroon lang siya sa may pinto.
"I’m sorry, Prof. N-naligaw po ako."
Narinig niyang nagsipagtawanan ang ibang estudyanteng nasa loob ng classroom at prenteng nakaupo.
"What a lame excuse! Ilang linggo na ba tayong nagkaklase sa room na ito para maligaw ka pa? How stupid! Sa bagay, bilang lang naman sa daliri ko ang araw na present ka sa klase ko, pang-ilang beses mo na bang take ito?"
"Pangatlo na, ‘di ba? Pero hindi ka pa rin nagbabago, pala-absent ka pa rin! Tingin mo ba ipapasa na kita?" paglilitanya nito habang nakapamewang at nakataas ang parehong kilay. "Oh? Ano pang tinatayo-tayo mo riyan? Hindi ka ba papasok?"
Kaagad na siyang naglakad papasok sa silid at naupo sa isang bakanteng upuan sa bandang dulo. Pagkaupo naman niya, kinalabit siya ng lalaking parang ngayon niya lang nakita sa klase nila. Katamtaman lamang ang katawan nito at may singkit na mga mata.
"Pare, buwesit talaga 'yang matanda na ‘yan, ano? Ang sarap ipa-salvage," bungad nito sa kanya. "Naku, kung hindi lang talaga nagsabay-sabay ang projects natin ngayon saka exams, kikidnapin ko ‘yang matandang ‘yan. Tapos, dudukutin ko ‘yang mata niya ‘saka ko ipapakain sa kanya!" bulong pa nito ‘saka tumawa.
Napapikit na lang si Eric dahil sa biglaang pagsakit ng kaniyang ulo. Mukhang sumakit ito dahil sa walang-kuwentang pinasasabi ng matandang ‘yon kanina. Dumagdag pa ang paglilitanya ng tukmol na ito.
Muli na naman itong nagsalita sa kanya, "Pare, may presentation tayo next week, ka-grupo mo ako tapos ‘yong dalawang babae sa harap. Mukhang naiinis nga lang sila sa ’yo kasi madalang kang pumasok. Ang problema ngayon, pati sa akin, naiinis din sila. Ang aarte nila, kaya ko rin namang mag-present, pero gusto lang nila akong magpasa ng detailed report at contribution? Nakakasakit sila ng damdamin, wala ‘ata silang tiwala sa akin," dagdag pa nito.
Patuloy pa rin ang pagpikit niya, at ngayon ay hinawakan niya ang magkabilang tainga para kahit papaano ay hindi na marinig ang sinasabi nito. Ang tinig ng lalaking katabi niya ay sinasabayan pa ng matining na pag-ugong na hindi niya malaman kung saan nagmumula.
"Mr. Roxas! What are you doing?" sigaw ng matandang propesora na nasa unahan. "Are you insulting me! Ayaw mo bang marinig ang dini-discuss ko kaya tinatakpan mo ang tainga mo?’’
Napadilat siya at nakita niyang naglalakad na ito palapit sa kanya. "Why did you bother coming to this class kung ayaw mo namang makinig? Hindi ka pa rin talaga nagbabago!" bulalas nito kahit halos nasa harap na niya ito ngayon. "You are just like your father! When he is my student, ganiyang-ganiyan din siya!"
Dagli naman siyang napakuyom ng kamao. Halos manginig ang kaniyang laman nang siya'y sumagot, "Patay na po ang dad ko, matagal na po."
"I know!" Umalingawngaw sa buong silid ang boses nito. "He drunk and drive kaya sila naaksidente ng mom mo. So irresponsible."
Bakit ba nito binabanggit ang mga magulang niya? Sa bagay, hindi naman ito ang unang pagkakataon. Matagal na niyang nararamdaman na parang may lihim na galit sa pamilya nila ang matandang ito. Hindi niya lang alam kung bakit.
"Noong estudyante ko pa siya, napakatamad niya! He always do what he wants! Hindi ko nga alam kung paano naka-graduate ‘yon. Napakamatapobre! Porke’t mayaman ang pamilya n'yo ay ginagawa na ninyo ang lahat ng gusto n'yo? Bagay lang na nangyari ‘yon sa kanya, at ikaw, mukhang ganoon din ang kahahantungan mo!" bulyaw nito na dinuro pa siya. "Parehong-pareho kayo! Ikaw, papasok ka lang kapag gusto mo at matutulog kung maisipan mo!"
"Hindi po ako natutulog," pagtanggol niya sa sarili. Labis na kumukulo ang kaniyang dugo, at halos manghina na siya. Nararamdaman na nga niyang bumabangon ang kaniyang mga kuko sa palad.
"Hindi ka natutulog? So, pumipikit ka lang, gano’n?" usisa nitong napaismid. "Huwag mong sabihing nagdadasal ka? Ikaw? Isang Roxas, naniniwala sa Diyos?"
Narinig niya ang muling paghalakhak ng ibang kaklase.
Nakisali naman ang lalaking katabi niya sa usapan, "Excuse me, prof, pero hindi po natutulog si Eric, nag-uusap po kami tungkol sa presentation next week."
Pati tuloy ito nabulyawan ng matandang propesora, "Isa ka pa! Wala ka ring utak! Sigurado akong walang idea si Mr. Roxas sa presentation na ‘yan! Malamang hindi rin siya nakikinig sa ’yo!" Matapos nitong tumawa ay naglakad na ito pabalik sa unahan.
Sabi na nga ba. Hindi na dapat siya bumalik, lalo na sa subject nito. Paulit-ulit lang naman siya nitong ibinabagsak. Dapat nanatili na lamang siya sa US. Wala rin namang mangyayari sa kanya rito.
Bakit kasi nahuli pa siya sa enrollment nitong nakaraan? Hayan tuloy at sa ikatlong pagkakataon ay sa matandang propesora na naman siya bumagsak. Puno na raw kasi ang slot ng iba.
May ilang estudyante na nga siyang nilapitan at inalok na babayaran para makipagpalit, ang siste, kahit daw magbayad siya ng isang milyon, hindi raw tutuntong ang mga iyon sa klase ng matandang propesora na mukhang ipinaglihi sa lahat ng sama ng loob.
Sobrang nahihirapan na nga siya sa kaniyang sitwasyon. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin niya nalilimutan si Gwen. Kung 'di lang siguro sa mga gamot na iniinom niya, matagal na siguro siyang sumuko at sumunod sa kasintahan sa kabilang buhay. Wala naman na ring saysay ang lahat.
Matapos ang mala-impiyernong klase niya kay Propesora Perez, magtutungo na sana si Eric sa susunod niyang subject. Habang naglalakad sa hallway palabas ng building, bigla namang may umakbay sa kaniya.
"Oi, Pare. Mamayang 4:30, pumunta raw tayo ng library kung gusto pa nating makisali sa presentation," pahayag ng lalaking katabi niya kanina. "Pero, don't worry, binigyan nila tayo ng choice. Puwede raw na 'di na tayo mag-abala. Bahala na raw tayo sa buhay natin. Ang bait nila, ano?" Napahalakhak pa ito.
Pilit na siyang kumalas at hindi ito inintindi. Ipinagpatuloy na lang niya ang paglalakad.
"Ayaw mo, Pare?" pahabol pa ni Tukmol.
Tumunog ang phone ni Eric kaya agad niya 'yong kinuha sa bulsa. Tawag 'yon na agad niyang sinagot.
"Hello, Doc? Mabuti tumawag kayo. May itatanong po kasi sana ako," wika niya habang patuloy pa rin sa paglalakad.