Sabi nila, bago ka pa man ipinanganak sa mundo ay nakaukit na ang tadhana mo. Nakakonekta na ang mga pisi ng mga taong magiging parte ng buhay mo, at kailanman ay hinding-hindi na ito mapipigtas pa. Hindi na sana maniniwala pa roon si Adelina, pero heto siya ngayon—naglalakad sa damuhang nilatagan ng libo-libong talulot ng pulang rosas habang napapagitnaan ng mga bisitang nakasuot ng puting amerikana at bestida—lahat ay nakatitig sa kanya at manghang-mangha sa taglay niyang ganda. Wari mo'y isang diyosang bumana sa lupa. Rinig na rinig ang pagsayad ng tela ng kanyang wedding gown sa mamasa-masang damuhan. Tila kumikinang ito sa tuwing tumatama ang ginintuang liwanag ng papasikat na araw. Kay presko ng hanging yumayakap sa kanyang balat na wari mo’y ang bawat ihip ay sumasabay sa ritmo n

