(Samantha)
Kung pwede lang na hindi muna pumasok sa trabaho para iwasan si Zandro ay ginawa na niya. Maisip pa lamang niya ang binata ay nagsisimula ng uminit ang ulo niya. Malakas ang kutob niya na magpapakita na naman ito sa kanya ngayong araw.
Matamlay na lumabas siya ng kanyang apartment matapos ayusin ang sarili at ihanda ang mga gamit. Habang nag aabang ng sasakyan ay panay ang libot ng kanyang tingin sa paligid. Wala ang bastos na lalaking kinaiinisan niya kaya nakahinga siya ng maluwag.
Pagdating sa eskwelahan ay binati siya ng lahat ng mga nakasalubong niya ng may panunuksong ngiti sa labi.
"Ang sweet naman ng boyfriend mo, Miss De guzman." Kinikilig na wika ni Marilyn, isa sa mga co-teacher niya.
"Hindi lang sweet, saksakan pa ng gwapo!" Segunda naman ni Vina, na isa ring guro.
Lahat ng mga co-teachers ay kanya-kanya ng papuri sa boyfriend niya kaya parang tatalon ang puso niya sa tuwa. Lalo ng makita niya ang mga bungkos ng bulaklak at mga tsokolate na nasa mesa niya.
'To my beautiful soon to be wife' Ito ang nakalagay sa mga dedication card.
Hindi niya inaasahan na magpapadal ng mga ganito so Jc. Ngayon lang ginawa ng nobyo na supresahin siya sa loob ng kanilang dalawang taon na relasyon. Mukhang hindi magtatagal ay magpo- propose na talaga ito.
'Soon to wife' Ang sarap sa pakiramdam.
Nakita ng mga co-teachers niya si Jc. Ibig sabihin ay nagpunta ito rito ngayon, baka nga hindi pa ito nakakalayo.
Kinuha niya ang cellphone para tawagan si Jc, fifteen minutes pa naman bago magsimula ang klase niya. Kumunot ang noo niya ng may magtext na unregistered number sa cellphone niya.
'Nagustuhan mo ba ang mga binigay ko?'
"Girl!!!' Muntik na n'yang mabitawan ang cellphone na hawak dahil sa malakas na boses ni Wina. "Totoo ba ang narinig ko, ha?! May hot papa daw na nagpunta dito at nagbigay ng mga flowers at chocolates sa'yo?!" Nagpalinga-linga si Wina. Namilog ang mata nito ng makita ang mga bulalak at tsokolate. "Oh my gosh, Girl!!!! Ang dami naman nito!"
Nakangiting binalik niya ang cellphone sa bulsa at itinuo ang atensyon sa kanyang kaibigan na parang batang lumantak agad ng mga tsokolate.
"Sayang naman at hindi ko naabutan ang hot papa mong admirer. Hindi ko tuloy napakita ang exotic kong kagandahan. By the way si Jc ba ang nagpadala ng mga 'to?"
Nakangiting tumango siya. "Syempre, may iba pa ba akong boyfriend maliban sa kanya." Pati siya ay nakikain na rin ng chocolate katulad ni Wina.
"Oh siya, bumalik ka na sa room mo dahil malapit ng magsimula ang klase." Taboy niya sa kaibigan. Bago pa ito umalis ay nagdala ito ng mga chocolates, pati bulaklak ay nagdala din ito kaya natawa siya.
"Para kunwari may admirer din ako, no!" Wika pa ni Wina bago umalis.
Hanggang sa matapos ang araw ng kanyang trabaho ay halos hindi mabura ang ngiti niya sa labi. Sunod-sunod ang text messages na pinadala niya rito para magpasalamat. Sinubukan niya kasi itong tawagan subalit out of coverage, mukhang busy na naman ito sa trabaho.
Habang nag aabang ng masasakyan ay kasama niya si Wina, at syempre ay hindi mawawala ang mga tsismis na baon nito.
"Girl, mauuna na ako dahil may mga racket pa ako. Sige na babush!" Turan nito bago nauna ng sumakay.
Agad na nalukot ang kanyang mukha ng huminto ang isang white BMW sa kanyang harapan. Nakababa ang salamin ng sasakyan kaya naman kita niya na si Zandro ang driver nito.
"Hatid na kita, Sam."
Sumagap siya ng hangin para pakalmahin ang sarili. Akala niya ay buong araw na maganda ang araw niya dahil hindi ito magpapakita sa kanya, pero heto ang bastos at walang modong lakaking ito, nasa harapan niya na mayro'n na namang ngisi sa labi na nakakaasar talaga.
"Hindi ako sasabay sa'yo dahil susunduin ako ngayon ni Jc." Pagsisinungaling niya at sinadya na igalaw-galaw ang kamay na may hawak ng mga bulaklak para makita nito ang hawak niya.
Nang mapatingin si Zandro sa mga bulaklak ay ngiting-ngiti ito na tumingin sa kanya. "Nagustuhan mo ang mga bulaklak na 'yan?"
"Of course." Agad n'yang tugon. "Kahit sino naman ay gustong-gusto ng ganitong bulaklak." Dagdag pa niya.
Saka bigay ito ng nobyo niya kaya paanong hindi niya ito magugustuhan? Nag- effort pa ito na dalhin at ihatid ang mga ito kaya sobra n'yang na- appreciate ang ginawa nito.
"Well, I'm glad that you liked it, Sam."
Ano daw?
Hindi maalis ang ngiti sa labi ni Zandro. Bumaba ito ng sasakyan at lumapit sa kanya kaya napaatras siya.
"A-Ano na naman ba, Zandro? H-Hindi ka ba talaga titigil? S-Subukan mo uling lumapit pa sa akin at idedemanda na talaga kita!" Banta niya. Imbis na matakot ito ay bahagya pa itong natawa.
"Do it, Sam."
Umawang ang labi niya. "N-Nababaliw ka na ba?" Hindi ba ‘to natatakot? Ganito ba talaga kakapal ang mukha ng isang ‘to?
Tumayo ng tuwid si Zandro sa kanyang harapan kaya napatingala siya rito. Sa height niyang five and two inches ay nagmistula siyang bata sa harapan nito.
Gwapo si Zandro- no, hindi lang basta gwapo, kundi sobrang gwapo. Aminin man niya sa hindi ay walang binatbat si Jc dito kung usapin sa lakas ng dating at karisma. Iyon nga lang ay saksakan ng bastos! Tipong kaya nitong pataasin hanggang langit ang inis niya.
Yumuko ito at nakangising tumingin sa kanya. "Nakatitig ka sa akin, Sam. Wag mo sabihin na nahuhulog ka na sa taglay kong kagwapuhan."
Hindi lang bastos ang isang 'to kundi makapal din ang mukha at nuknukan ng yabang!
Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isip niya at bumuwelo siya at saka ito sinipa ng pagkalakas- lakas sa binti.
"Arhh, fvck!" Halos mapatalon si Zandro sa sakit. Sakto naman na may dumaan na tricycle na agad n'yang pinara.
Nakahinga siya ng maluwag ng makasakay siya sa tricycle. "Buti nga sa'yong mayabang ka." Aniya sabay irap.
MATAPOS MAGBAYAD at magpasalamat sa taong inupahan niya para lagyan ng mga 'Lock' ang pinto niya ay agad niyang isinarado ang pinto ng apartment niya. Simula ngayon ay hindi na siya magbubukas ng pinto lalo na't hindi siya sigurado kung sino ang nasa labas. Mahirap na at baka si Zandro na naman ang mapagbuksan niya.
Hindi na kasi siya umaasa na titigilan siya nito. Kailangan niya talagang makausap si Jc para sabihin ang ginagawa ng kaibigan nito sa kanya.
Agad siyang napabangon ng makatanggap ng messages sa nobyo.
'Let's meet tonight, Love'
Tonight?! Excited na naligo siya at nag ayos mg sarili. Katulad no'ng huli silang magkita ay nagsuot siya ng isang dress. Hindi siya masyadong umaasa na magpo-propose ito sa kanya. Maghihintay na lang siya kung kailan ito handang alukin siya.
Naitakip niya ang kamay sa bibig ng bumungad sa kanya si Jc sa entrance ng restaurant kasama ang mga staff nito.
'WILL YOU MARRY ME, LOVE' Nakalagay sa banner na hawak ng mga staff habang si Jc ay nakaluhod sa kanyang harapan.
"Love, I'm sorry kung pinaghintay kita at pinaasa no'ng nakaraan. Ngayon ay tatanungin muli kita... handa ka bang pakasalan ako?" Madamdamin na tanong ng nobyo sa kanya.
Naluluha na tumango siya. "Yes, Jc. I will marry you!" Naluluhang tugon niya. Agad na hinalikan siya ni Jc sa labi matapos isuot ang singsing sa daliri niya.
Sa wakas at ikakasal na rin sila. Ang pangarap niya na bumuo ng pamilya kasama si Jc ay mangyayari na.