Sinubukan kong kagatin ang aking ibabang labi dahil hanggang ngayon ay nag-iinit pa rin ang aking pisngi.
Akalain mo iyon? Biglang ipinulupot ni Gillean ang bisig niya sa bewang ko tapos pinaupo sa kaniyang kandungan?
Parang sa librong binabasa ko lang!
“Hindi ako makahinga,” bulong ko sa aking sarili at ginamit ang aking palad para ipaypay sa aking mukha.
Nasa condo na ako ngayon at ilang layo lang ng condo ko ang campus namin. Ayaw ko kasi iyong mahaba ang byahe dahil maaga akong nagigising kapag ganoon.
Mabuti nga at pinayagan na ako nina Daddy na magkaroon ng condo. Pero syempre, sila ang namili. Wala namang bago roon. Dapat dadaan muna sa kanila ang lahat bago nila ako payagan.
Kung tutuusin ay maayos lang naman sa akin kahit na hindi gaanong kamahalan ang kunin nina Daddy as long as maganda naman ang security.
Kaso sadyang ayaw niya. He treats me like a princess kasi. Mag-isa ko lang kasi tapos babae pa ako kaya naiintindihan ko naman.
Akala rin nina Daddy ay wala akong boyfriend pero ang hindi niya alam ay marami akong boyfriend na fictional character!
“Nagda-daydream ka na naman,” saad ni Kiara sa akin.
She’s my friend pero magkaiba kami ng course ngayong college. Kaya nga minsan lang din kaming magkita dahil parehas naman kaming busy.
“Nami-miss na siguro ako ng mga boyfriend ko,” bulong ko pero alam kong narinig niya iyon.
Kaya naman napairap na lamang siya sa akin at sinimulang kumain ng sour belt. “Alam mo, mas maganda yatang magkaroon ka nang totoong boyfriend. Kasi pati mga fictional character, ginagawa mong boyfriend.”
“Why not? Ang guwapo kaya nila,” sambit ko. “Iyong pagti-treat nila sa kanilang mga girlfriend—”
“Sinulat kasi siya ng babae, Valerie,” paliwanag ni Kiara sa akin.
Kaya naman napanguso na lamang ako at inis na kinagat ang aking dila. Kahit kailan talaga ay panira siya sa aking imagination.
Minsan lang din naman akong magsabi ng ganito lalo na kapag kinikilig ako. Kaso kasi hindi ko rin matanggal sa isipan ko iyong nangyari noon sa library.
Hanggang ngayon ay naglalaro pa rin sa isipan ko kung paano ako hapitin ni Gillean sa aking bewang.
“Sabi pala ni Russel may gig sila,” biglaang wika ni Kiara.
Pinsan niya si Russel sa ama. Kiara Romero ang pangalan ng kaibigan ko habang si Russel naman ay Russel Lincoln Romero, isa sa miyembro ng bandang MCAR.
Kaibigan ito ni Gillean at kung hindi ako nagkakamali ay isa siya sa nakakakita sa akin kung paano ko sinampal ang sarili ko.
Nakakahiya! Kaya ano pa ang mukhang ihaharap ko sa kanila kung nakita nilang para akong may saltik kahit wala naman?
“Saan daw?” tanong ko sa kaniya.
Makapagtanong naman ako, akala mo ay pupunta talaga sa gig nila. Hindi naman ako mahilig sa music. Saka baka hindi rin ako makapagbasa lalo na kapag maingay naman sa paligid.
Syempre, tinatanong ko lang ang kaibigan ko na kunwari kung saan para naman hindi magmukhang patay ang topic na binuksan niya.
“Sa isang bar malapit sa campus,” paliwanag niya sa akin. “Paniguradong nandoon ulit iyong kaibigan niyang si Eisley.”
“Kakilala ko ba iyan?” tanong ko sa kaniya at kaagad na pinagtuunan ng pansin ang aking hawak na libro.
“Wala ka namang kakilala,” pambabara ng kaibigan ko. “Puro lang naman fictional character ang nasa utak mo.”
“Hoy! Excuse me?” maarteng tanong ko sa kaibigan ko at sinulyapan siya. “Kakilala ko nga si Gillean kasi same kami ng course. Hindi ba miyembro rin iyan ng MCAR?”
Mas lalong umikot ang eyeball ni Kiara sa aking sinabi. Akala mo ay namumuti na ang mga mata niya sa sobrang pag-iirap niya.
Mabuti na lang talaga at maganda si Kiara. Kaya kahit ano ang kaniyang gawin ay hindi mahahalatang mukhang may tililing.
“Paanong hindi mo makikilala? Eh, same course nga kayo?” napipikong tanong sa akin ni Kiara. “Saka sikat naman kasi si Gillean. Ang dami nga niyang sinasalihan na sports kapag intrams.”
“Sinabi ko lang na kakilala ko siya pero hindi ko sinabing kilalang-kilala,” bagot na panunumbat ko.
Bahala ka nga riyang magsalita. Mas gugustuhin ko pang magbasa ng libro. Tutal dito lang naman ako kinikilig.
Well, kinilig din naman ako kay Gillean kasi para siyang lumabas na fictional character sa libro!
Ganoon na ganoon kasi ang nasa imagination ko habang binabasa ang mga kuwento pero hindi ko naman aakalaing totoo pala.
“Bakit kasi isinama mo pa ako?” pasigaw na tanong ko kay Kiara nang makaupo kami sa harapan na kung saan ay malapit sa stage.
Maganda ang puwesto namin pero naiinis ako dahil may mga amoy ng alak, sigarilyo at kung anu-ano pang nakakapikong amoy.
Nakakahilo tuloy! Hindi naman ganito ang nasa imagination ko kapag nagpupunta sa bar ang mga character sa kuwento.
Nagkamali pala ako. Ang baho! Sobrang ingay rin at nakakapikon talaga ang nangyayari.
Ayaw ko pa man din ang maingay na lugar dahil mas gusto ko iyong tahimik. Sensitive kasi talaga ako at ayaw ko sa mga maraming tao dahil nakakahilo.
“Wala nga akong kasama!” natatawang bulong ni Kiara.
May pinsan naman siya na puwede niyang isama pero bakit ako pa kasi? Gusto ko lang namang magpahinga.
Gumawa pa siya ng mga palusot para lang payagan ako ng mga magulang ko. Hanep na buhay!
Nagsimulang tumugtog ang bandang MCAR. Kaya naghiyawan na ang mga tao sa loob ng bar.
Napangiwi tuloy ako lalo na nang tumayo rin ang kaibigan ko at pumalakpak.
Tumagal kami nang ilang oras doon hanggang sa nagpaalam na ang MCAR. Ngunit bago pa man sila bumaba sa stage, nagtama na ang mga mata namin ni Gillean.
Hindi ko alam kung ano iyong lumitaw na emosyon sa kaniyang mga mata kasi sobrang layo niya at hindi ko mahalata.
Ngunit hindi ko na binigyan pa ng atensyon at kaagad na nilingon si Kiara. Kaso ang bruha! Nawala!
Magpapaalam lang naman akong iihi dahil sasabog na ang pantog ko. Kaso hanep na babae, iniwan akong mag-isa.
Napailing na lamang ako at dali-daling nagpunta sa comfort room. Mabuti na lang talaga at walang katao-tao sa hallway.
Kaso medyo nakakatakot lalo na at madilim tapos pakiramdam ko may sumusunod sa akin.
Siguro bodyguard ko lang iyon o hindi kaya ay guni-guni. Pero bahala na. Ang mahalaga ay makaihi ako.
Pagkasara ko sa pinto ng comfort room, biglang namang bumukas ulit. Kaya napatalon ako sa gulat dahil malakas din ang force no’n.
Ngunit bago pa man ako makapagsalita, nagulat ako nang lumitaw si Gillean sa aking harapan na ngayon ay medyo magulo ang buhok.
Napahawak naman ako sa aking puso dahil literal na lumundag iyon dahil sa gulat. Akala ko kasi ay masamang tao na ang pumasok pero mali pala ako ng akala.
“Baka namali ka ng pasok,” bulong ko sa kaniya. “Comfort room ito ng babae.”
Hindi naman siya nagsalita at kaagad na isinara ang pinto. Hindi pa siya nakuntento, literal na ini-lock pa niya iyon.
“Why are you here?” tanong ni Gillean sa akin. “Alam mong bar ito at wala ka man lang kasama kanina?”
Nagulat naman ako sa naging tanong niya sa akin. Hindi ko inaakala na sasabihin niya sa akin iyon kung gayon na alam naman niyang may kasama ako. Iniwan nga lang ako.
“Mayroon akong kasama kanina. Si Kiara, pinsan ni Russel,” pabulong na sagot ko.
Bigla naman siyang namulsa sa aking harapan at sinamaan ako ng tingin na para bang nagbibiro ako.
Kaya naman kumalabog ang puso ko sa paraan ng pagtitig niya. Wala tuloy akong nagawa kung hindi ilihis na lang ang aking mga mata.
“Bakit mo inililihis ang mga mata mo kung nagsasabi ka nang totoo, Valerie Kaye?”