Raven's
Sa aking Matia sight ay nababalot ng kulay-abo ang aking paligid—ang mga tao, mga sasakyan, at kahit ang mga imprastraktura. Ito ay sa kadahilanang ginagamit ko ang Level 6 Gathering na The Walk of History. Ngunit ang kulay-abo sa aking paligid ay nangyayari lang sa aking Matia sight, dahil normal pa rin ang nasa aking kapaligiran na kung saan madilim ang paligid at halos kami lang ang sasakyan sa kalsada.
Kasalukuyan kaming nakasakay sa isang sasakyan habang maiigi naming sinusundan ang isang sasakyan ng pulisya gaya ng intruksiyon ni Executive Edran. Taga-turo ako ng direksiyon habang si executive ang nagmamaneho. Seryosong-seryoso ang mukha nito na minsan lang makita ng kahit na sinomang miyembro ng organisasyon. Kilalang masiyahin siyang tao at matulungin na siyang dahilan kaya gustong-gusto siya ng mga miyembro ng organisasyon. Ang makitang ganito ang estado ng executive ngayon, mukhang mahal na mahal nga talaga nito ang kanyang kasintahan.
"Liko sa kaliwa," pagbibigay ng impormasyon ko kay executive Edran nang makitang nag-iba ng direksyon ang sasakyan sa aking Matia Sight.
Hindi siya tumugon, ngunit sinunod naman ang instruksiyon ko. Nakapokus pa rin talaga ang executive sa pagmamaneho. Sa totoo lang, wala sa ekspektasyon ko na tanggapin ni Executive Edran ang pakikipag-negosasyon ko. Sinubukan ko lang ang aking suwerte nang aksidente kong marinig ang problema ni executive mula sa pag-uusap nila ng head chief. Sa kabutihang palad, nang sinamantala ko ang pagkakataon, umayon sa akin ang swerte.
Sa normal na okasyon, kaya ko namang magnakaw mag-isa. Ngunit, hindi ko naman itatangging mas magiging epektibo at magiging madali ang isang pagnanakaw, kapag may kasama ka talagang Naked attribute na Matia. Ang trabaho ng Naked attribute ay ang pagpapadali ng paghahanap sa mga alahas at safe, habang ang pagiging isang Historic attribute ko naman ay ginagamit ko para malaman kung ano ang password ng mga safe at kung saan tinatago ang mga susi.
"Pakanan na naman ulit."
Ang kaibahan lang talaga ngayon ay ang bahay na tinatangka kong nakawan ay malaking bahay sapagkat mas nangangailangan ako ng malaking pera. Mukhang mahirap isakatuparan ang aking plano kung walang kasamang Historic attribute na Matia. Sakto talaga ang tiyempo ng pagkahanap ko kay Executive Edran. Bukod sa pagiging Level 6 Matia ng Executive, isa siya sa mga kilalang gamay na gamay ang Structure Analysis na Level 6 Gathering isang Naked attribute na Matia.
Patuloy pa rin kami sa pagsunod sa sasakyan ng pulisya at hinuha ko ay mag-iisang oras na rin kami sa ginagawa namin. 'Di ko maiwasang magtaka kung saan nga ba nila dinala ang kasintahan ni Executive Edran st nasobraan sa layo. Sa kabilang banda, nararamdaman ko na ang pananakit ng kaliwang mata ko. Isama ko na ang unti-unting pagkaramdam ko ng pagod. Ito ang senyales na malapit ko na maabot ang limit ng pag-ga-gathering ko.
Nang mapansin kong unti-unting bumabagal ang takbo ng sasakyan ay inabisuhan ko ang Executive Edran, "Executive, paunti-unting bumabagal ang pagtakbo ng sasakyan."
Upang mas magka-ideya si executive sa kung ano ang nangyari ay hinawakan ko ang kamay niya at ibinahagi ang nakikita ko gamit ang aking Matia Sight. Nakakatutok ang kanyang paningin sa paghinto ng kotse sa tapat ng isang pasilidad. Mukhang ito na ang lugar na pinagdalhan nila sa kasintahan ng executive. Maya-maya pa ay may mga tao nang lumabas sa sasakyan at hawak-hawak nila ang isang tao nakapiring at nanghinahina. Puwersahan din nila itong pinasok sa pasilidad.
Hindi maitatago ang galit na mababakas sa mukha ng executive ngayon. "Puwede mo na itigil ang paggamit mo ng kapangyarihan mo, Raven."
Sa wakas ay tapos na rin ang trabaho ko. Nakahinga naman ako ng maluwag ay itinigil na ang pag-ga-gathering ko. Ngayon ay ang mata ng executive na naman ang umiilaw ng matindi. Base gaano katindi ang pag-ilaw na nangyayari sa kaliwang mata niya ay sigurado akong nasa Level 4, 5, o 6 na gathering ang gusto niyang gamitin. Nang hawakan ko ang kamay ng executive ay 'di naman niya ako binigo at ibinahagi niya rin sa akin ang nakikita niya sa kanyang Matia Sight.
Wala pa namang nangyayari sa kanyang Matia sight sa kasalukuyan na siyang inaaasahan ko. Mamaya-maya pa siguro magiging aktibo ang gathering niya. Ilang saglit pa ng paghihintay ay pansin kong nakikita ko na ang istraktura ng aming sasakyan kagaya ng engine, mga screws, at mga tubo na wala akong ka-ide-ideya. Kung hindi ako nagkakamala ay ito ang Structure Analysis. Gamit ang gathering na ito ay makikita mo ang komposisyon ng kahit na anong bagay.