Hinding Hindi Na Halos manghina ako nang bumaba ako sa VIP. Hinahabol ko ang aking hininga at panay pa ang agos ng aking mga luha. Si George agad ang nakapansin sa akin kaya mabilis niya akong dinaluhan. "Marione?!" Tumigil ako sa paglalakad at sinapo ang aking dibdib na sobrang naninikip na. Kulang nalang ay mapaluhod ako habang umiiyak ngunit mabilis akong nahawakan ni George. "Ate Demi si Marione!" sigaw ni George at kinarga ako. Mabilis kong napansin ang pagkakagulo nila. Tumakbo na si Angie sa akin habang sinusugod ako ni George sa kitchen. "Anong nangyari sa'yo? Marione!" sigaw ni Ate Demi nang ipinaupo ako ni George. Pinaypayan agad ako ni George ganoon rin si Angie na tumutulong dahil halos habulin ko na ang aking hininga kakaiyak. Para akong malalagutan ano mang oras.

