KUMUNOT ang noo ni Henri nang makita ang matinding pagkatakot ni Elena nang makita siya. Akmang isasara nito ang pinto, nang mabilis niyang naiharang ang kanyang paa. Lalong bumalatay ang takot sa magandang mukha nito. "A-ano ba? Umalis ka dito!" asik nito sa kanya. Sa kabila ng pagtataray nito, hindi maikakaila ang pagkatakot nito na siyang labis na ipinagtataka ni Henri. Namumutla ito - gusto niyang isiping masama ang pakiramdam nito. Ngunit ayon kay Aling Helena, ayaw lang nitong sumama sa hacienda. Ilang araw na niya itong hindi nakikita at hindi niya matiis na hindi ito puntahan dito sa bahay ng mga ito. Gusto lang niyang matiyak na nasa maayos itong kalagayan. "Gusto lang kitang makausap." "A-ayoko, umalis ka na! Please, huwag mo na akong gambalain pa! Ayoko nang makita ka!

