•Maureen•
Natapos ang dinner nang tungkol lang sa aming dalawa ni Creon ang topic. Kung maiiba man iyon ay saglit lang at ibabalik ulit nila.
Bumaba na ako sa sasakyan at tinawag si mommy na nauna na sa akin sa loob ng mansyon. Malaki ang bahay kahit kaming tatlo lamang ang nakatira rito dahil nasa maid's quarter ang mga kasambahay. May sarili silang bahay dahil gusto ni mommy ng privacy sa kanila man o sa amin.
"My, bakit niyo po ba ako pinipilit doon kay Creon?" tanong ko rito, nang pareho na kaming nakaupo sa sofa. Ngumiti ito sa akin at inayos ang bangs na nakatakip sa aking mga mata. Hindi ko na pala napaputulan ulit ito, humahaba na naman. "Hindi ko po gusto iyon, My, atsaka sa tingin ko po ay may gustong iba naman si Creon. Kaya ang aking hatol ay hindi kami pwede sa isa't-isa!"
"Gusto ko lang makahanap ka ng lalaking karapat-dapat sa iyo, anak." Tumawa ako sa sinabi nito sabay iling. "Bakit? Totoo naman, ah? Maraming lalaki ngayon ang hindi seryoso sa buhay."
"Paano po kapag mahirap lang ang lalaking gusto ko? Tatanggapin niyo pa rin po ba siya?" Tiningnan ako ni mommy sa aking mga mata. Tumango ito sabay hawak sa kamay ko na nasa aking binti.
Alam ko naman na hindi mata-pobre ang pamilya ko, pero gusto ko pa rin na makasigurado. Mahirap na at baka kapag gustong-gusto ko na ang lalaki ay tsaka naman aawayan ng parents ko.
"Gusto kong ikaw ang mamimili ng lalaking para sa'yo, dahil gusto kong sumaya ka habang buhay," malambing na usal nito. "Pero kahit ikaw ang mamimili dapat ay ipakilala mo pa rin siya sa amin."
Hinalikan ko siya sa pisngi bago sumandal sa kanyang balikat. "Syempre naman po, mommy. Para kapag sinaktan niya ako, paluin niyo po kaagad." Nagtawanan kaming dalawa sa sinabi ko. "Pero sana po huling dinner date na po natin iyon sa pamilya nila Creon." Tumango naman kaagad si mommy bilang pagsang-ayon.
—
Mabilis lumipas ang oras at nasa hapag na kami ngayon at kumakain. Alam kong busy silang dalawa, pero kahit ganoon ay hindi nila sinasagot ang tawag sa oras ng pagkain.
Palagi rin silang may oras sa akin, kaya mataas ang standard ko pagdating sa mga lalaki. Gusto ko magkaroon ng partner na katulad ng kay daddy ang ugali.
May trabaho ngunit hindi nawawalan ng oras sa pamilya. Partner mo na kaibigan mo na rin, iyong kwela at mabait. Ganoon ang gusto ko sa isang lalaki, pero sa panahon ngayon katulad nga ng sabi ni mommy, mahirap nang humanap ng lalaking matino.
"My, Dy, mauna na po ako sa taas marami pa po akong gagawing school works," mahinang saad ko.
"Huwag magpupuyat ng husto, Maureen, katawan ang puhunan mo," pagpapa-alala ni daddy.
Tumango, hinalikan silang dalawa sa pisngi at tuluyan nang nagpaalam sa kanila. Sabay silang tumango kaya dumeretso na ako sa itaas. Pagkatapos kong maglinis ng katawan ay deretso na akong pumunta sa study table.
Kumpleto na naman ang buong kwarto ko sa mga gamit, kaya kahit hating-gabi na akong matapos sa pag-aaral ay walang problema.
Bago magsimula sa pag-aaral ay kinuha ko muna ang cellphone ko at tiningnan ang mga mensahe.
Kumunot ang noo ko nang mabasa ang mensahe ni Nathaniel sa akin. "Sino iyong lalaki kanina?"
Mabilis ang kamay ko na nagtipa ng mensahe para rito. "Anak ng kaibigan nila mommy." Iyon lang ang sinagot ko sa tanong niya, ilang minuto akong naghintay sa ibang mensahe na dumating ngunit wala naman akong natanggap, kaya ibaba ko na sana ang cellphone ko nang biglang tumunog iyon.
Nanlalaki ang mata ko nang makita ang pangalan ni Nathaniel sa screen ng cellphone. Pipindutin ko sana ang off button, ngunit naisip ko, bakit ko ba siya iniiwasan, mabuti na iyong malaman niya na wala akong gusto sa kanya.
"May gusto ka sa kanya?" bungad niya, kahit kakasagot ko pa lang. "Gwapo naman, pero mas gwapo ako roon."
"Wala akong gusto sa lalaking iyon—" Napatakip ako sa aking bibig. Hindi iyon ang dapat kung sasabihin, ngunit nagkusa ang bibig kung ibigkas ang mga salitang iyon. "Pakialam mo pala? Atsaka alam mo bang wala akong pakialam sa ka-gwapuhang taglay mo?" pagmamaldita ko rito.
"May chance pa ba ako, future girlfriend?" usal nito, nasa kabilang linya pero bakit parang nakikita ko ang pagmumukha nito habang sinasabi iyon? "Loyal 'to, nerd—"
"Pag-aaral ang gusto kong unahin ngayon, James Nathaniel Morse!" naiinis kong bigkas. Baka isang tanong na lang nito at bibigyan ko na ito ng pagkakataon.
Gusto ko rin naman maranasan iyong mga sinasabi ng mga kaklase na ligaw daw. Pero pinipilit ko lang ang sarili ko na hindi pumasok sa bagay na iyan. Delikado na at baka mapabayaan ko ang aking pag-aaral, mabilis pa naman akong mawala sa pokus.
"Kung wala ka ng ibang sasabihin ibababa ko na 'to. Marami pa akong gagawin—"
"I like you!" Tumaas ang kaliwang kilay ko sa sinabi niya. Hindi ko alam kung pinaglalaruan lang ba ako nito o gusto talaga niya ako.
"Nababaliw ka na." Napailing ako at pinatay na ang tawag. Ibinalik ko ulit sa mga libro at papel na nasa mesa ko ang aking paningin.
Isang minuto pa lang akong nagbabasa nang makaramdam ako ng katamaran. Inihiga ko ang aking ulo sa may study table at marahang ginulo ang aking buhok.
"You need to study, Maureen!" inis kong saad sa aking sarili. Nang hindi ko pa rin mahanap ang kasipagan ko ay kaagad akong tumayo at pumunta sa may mini ref ko at kumuha ng maiinom at chichirya. Siguro naman hindi na ako tatamarin nito, tsk.
—
"Anak, na-late ka yata ng gising? May masakit ba sa'yo? Hindi ka ba papasok ngayon?" sunod-sunod na tanong ni mommy.
Hindi ito nakabihis ng kanyang corporate attire kaya sa tingin ko ay wala itong trabaho ngayon. Nilakihan ko ang aking mga hakbang para mapabilis ang paglapit ko sa kanya.
"My, wala po kayong work today?" Kung wala sila sa opisina ay deretso na sila sa resort para i-check ang buong lugar. Pero ngayon ay sobrang kampante ni mommy at nakaupo lamang sa silya. Wala itong laptop na nasa tabi. "May sakit po ba kayo?"
Malakas itong tumawa at tinapik nang marahan ang pisngi ko. Tumayo ito at pumunta sa may ref at kumuha ng fresh milk, at inilagay iyon sa aking harapan.
"Magbabakasyon kami ng daddy mo, anak. Gusto sana kitang isama kaso alam ko naman na ayaw mong mahuli sa klase." Nanlalaki ang mata ko nang maalala ang first class ko.
Nakalimutan ko na math pala ang first subject ko ngayon at si Miss Felicia ang professor ko. Isa siyang masungit at walang pinapatawad na guro, pero wala naman akong pakialam doon, lalo na at palagi akong on-time.
"Mommy, naman, eh. Bakit di niyo po ako ginising?" pagrereklamo ko sa kanya. "Baka mahimatay ako kapag nakita ko ang nanlilisik na mata ng guro kong iyon." Ginaya ko pa ang nakikita ko kay Miss Felicia kapag may nahuhuli sa klase nito.
Napakamot ako sa aking batok nang tinawanan niya lamang ako. Hindi ko na siya pinansin at patakbong bumalik sa aking kwarto. Kailangan kong bilisan ang kilos ko at baka mawala ako sa katinuan dahil sa professor na dadatnan ko.
—
"Miss De Silva, you're late. You know my rules, once you're late you'll stay outside and hands in the air," mariin nitong saad, pagkakita sa akin sa may pintuan. Ito na nga ba ang sinasabi ko, eh.
"But, miss—" Nanlilisik ang mata nito na tumingin sa akin. Galit na agad hindi ko pa nga natatapos ang sasabihin ko.
Hindi na lamang ako umimik at nanatili na lamang sa labas malapit sa may bintana at itinaas ang dalawa kong kamay. Tuwing may dumadadaan na mga estudyante ay agad akong tumatalikod sa sobrang kahihiyan.
Ngayon ko lang naranasan ang mapatayo sa labas. Ngumiwi ako nang makita na papalapit sa akin si Nathaniel.
"Hi!" bati niya pagkalapit niya sa akin. Nakita ko pa na nagtatawanan ang mga kasamahan nito na sinuway din niya kaagad. "Bakit nandito ka sa labas? May kasalanan ka bang nagawa, nerd?"
I'm a nerd? Hindi niya ba kilala ang kinakausap niya? Mahilig ako sa libro at palagi akong mag-isa pero hindi ibig sabihin noon ay nerd na ako.
Kilalang-kilala ako sa SIS bilang campus queen tapos nerd lang ang tingin niya sa akin? Isa akong modelo paano naman ako naging nerd? Sa SIS ang mga tinatawag nilang nerd dito ay iyong mahihilig sa libro at may suot na malaking eyeglasses dahil malabo na ang mga mata, at ayaw gumamit ng contact lens.
"Huwag mo akong inisin, Morse!" Galit ako sa kanya lalo na at isa siya sa mga dahilan kung bakit ako na-late. "Umalis ka na at baka masapak kita ngayon, wala pa naman akong maayos na tulog."
Walang tigil sa pag-play ang I like you sa utak ko kagabi na halos ayaw na akong patulugin. Kung hindi ba naman siya baliw bakit kailangan niyang tumawag sa oras nang pagtulog ko at bubulabugin ang aking isipan.
"Kiss kita para di ka na mainis?" Sinamaan ko siya ng tingin at akmang sasampalin nang biglang may bumukas ng pinto.
"Stop flirting—"
"We're not flirting!" sabay naming sigaw sa taong nagsalita. Nanlalaki ang mata ko nang makita si Ma'am Felicia na nakatingin sa amin ng masama.
"To the guidance office, now!" Isang araw ko na namang makakasama ang demonyong ito, tsk. Napapaisip tuloy ako kung paano ko ito papatayin at ipapakain sa buwaya para bumalik na sa normal ang buhay ko.
Iyong payapa at walang Nathaniel Morse na gumugulo. Baka masiraan na ako ng bait kapag tumagal pa ito sa pang-aasar sa akin.