MALAKAS ang pagtambol ng dibdib ni Riya habang papasok binabagtas nila ang papasok sa hall kung saan gaganapin ang Christmas Party ng kumpanya nina Ethan. Nasa bungad pa lang sila ay marami nang bumati sa mag-anak kaya naman pinauna na sila ng magulang ni Ethan na pumasok sa loob habang tulak niya ang stroller kung saan nakahiga si Liby kasama ang magkapatid na Suzanne at Juancho. Marami nang naroon sa loob ng hall pagpasok nila. May mga bata pang naroon. Nagliwanag ang mga mata niya nang makilala ang ilan doon na mula sa Angel Wings Orphanage at nang igala niya ang mga mata ay kaagad niyang nakita si Jake na Head Consultant at Senior Therapist ng ampunan. Iginiya sila ng usherette sa isang table habang hawak ang seating arrangement. “Dito po kayo, Ma’am,” giya sa kaniya ng usherette b

