NAPAIRAP ako nang magtagpo ang mata namin ni Zein. Tumaas ang isa niyang kilay na waring nagtataka. Nilakihan at binilisan ko na lang ang paghakbang. Sinikap kong hindi kami magpang-abot. Ayaw ko siyang kasabay.
“Hey, what are you doing?”
Pinili ko na lamang ang huwag magsalita. Itinuon ko ang pansin ko sa daan. Ramdam ko ang mga matang kanina pa malagkit na nakatingin sa akin. Saglit akong napapikit. Hindi ko talaga gusto ang ganitong pakiramdam.
“Care to explain what you’re doing?” tanong na naman niya. Malapit lang ang boses niya sa akin. “Shenelle, wait up!” Ilang saglit lang ay hawak na niya ang braso ko. “Ano ba ang problema mo?”
“Wala!”
“Wala?” nakataas ang isang kilay na tanong niya. “You just glared at me a while ago! Akala mo hindi ko makikita ‘yon?”
“B-bitiwan mo nga ako,” mariing bulong ko. “Ang daming nakatingin sa atin.”
Inilibot pa niya ang dalawa niyang mata sa paligid saka ako pinakawalan. Nang humakbang ako ay muli niya akong sinabayan. Nasa kaliwang bahagi ko siya.
“So, kaya mo ako inirapan dahil maraming nakatingin sa atin, ganoon ba?”
Muli ko siyang inirapan. “Bakit mo pa kasi ako – “
“I knew it!” bulalas ni Zein. “So, ayaw mong may iba akong pinapansin bukod sa iyo? You want my attention all by yourself. Now, I get it.” Tumangu-tango pa siya habang may ngiti sa labi. “Shen – “
“Alam mo, mabuti pa, umuwi ka na sa bahay. Kaya ko namang pumasok sa eskwelahan kahit na hindi kita kasama. Masyado mo ng inabala ang sarili mo, baka pagalitan ako ni Tito dahil inoobliga kitang ihatid pa ako.”
Marami ng nakatingin sa amin including Romnick ang Lucie. Siguradong magiging talk of the school ang dating ko dahil bagong mukha na kasama ko.
“You’re my responsibility now,” walang kagatul-gatol na sambit ng lalaking abot taenga ang ngiti habang nakapamulsa ang dalawang kamay.
Natigil ako sa paglakad saka nilingon ko siya. “Anong sinabi mo?”
“I already said my piece last night. I will be on your guard while Dad and Tita Shienna are away.” He bit his lip. “Now, be a good girl at school. Susunduin kita mamaya.” He winked at me then he turned.
Napailing na lang ako. Oo nga at sinabi niyang ihahatid at isusundo niya ako sa school habang wala sina mama at tito pero hindi ko akalain na magiging sentro siya ng atensiyon. Bigla na lang ako nakaramdam ng inis. Bagama’t wala akong ano mang naririnig sa ibang kapwa ko estudyante gayundin sa ibang guro na halos kaedad lang ni Zein.
“Shenelle?”
Hindi ko namalayan na nakatutok na pala ang paningin ko sa mga paa ko habang naglalakad. Nang mag-angat ako ng tingin ay tumambad sa akin ang nagtatakang mukha ni Romnick. Kasunod niya si Lucie na bigla na lang hinawi si Romnick.
“Shen, okay ka lang? S-sino ‘yong lalaking kasama mo?” tanong ni Lucie. Marahang nakahawak siya sa braso ko. “Stalker ba ‘yon?”
“H-hindi! Ahm…mamaya ko na lang sasabihin sa ‘yo. Tara, pasok na tayo sa loob ng classroom,” aya ko. Hindi ko na makayanan ang mapanuring titig ng mga tao sa paligid namin.
Hindi ko na pinansin ang makahulugang tinginan nilang dalawa. Diretso akong pumasok sa room namin at agad na umupo. Nakabuntot si Lucie na tila pinagmamasdan akong mabuti. Malakas akong napasinghap.
“Gusto mo ba talagang malaman kung sino ang lalaking kasama ko kanina?” Nang ilibot ko ang mata ko ay sa akin pa rin nakatunghay ang mga kaklase ko. Pakiramdam ko, isa akong takas na preso mula sa kulungan.
“Eh, k-kasi…Shenelle…”
“Kilala ko siya,” sabad ni Romnick. Naniningkit ang mata na nilingon ito ni Lucie. “Bisita siya sa bahay nina Shenelle.”
Malalim akong bumuntonghininga. “Okay,” sabay kong itinaas ang kamay ko sa ere. “He’s my soon to be stepbrother.”
Sabay pang napalunok ang dalawa; bilog na bilog ang mga matang tumitig sa akin. Mayamaya pa ay sabay na naman silang ngumiti.
“Congrats, Shen!” malakas na ani ni Lucie. “Tiyak na mabubulabog ang tahimik mong buhay dahil sa soon to be stepbrother mo,” mahina ngunit madiin na sabi pa niya.
“So, kaya pala masyado siyang protective sa ‘yo kasi magiging stepsister ka niya,” singit ni Romnick.
“Huwag ninyo na akong pahirapan, please. Mawawalan na yata ako ng bait ngayon pa nga lang na hinatid niya ako sa school.” Hinilut-hilot ko ang noo ko. “Halos siya ang tinitingnan ng mga taong nadaanan namin kanina. Ang awkward pala!”
Nanlaki ang mga mata ko sa sabay nilang pagtawa.
“Alam mo, Shenelle? Ang cute mo,” si Romnick. “Para kang isang bata na hindi mapakali. Ang tahimik mo lang pero lumalabas ang ingay mo dahil sa stepbrother mo. Let’s say na…hindi ka lang sanay na may naghahatid sa ‘yo at hindi ka rin sanay na pinagpipiyestahan ng mga taong nasa paligid mo.”
“Tama si Romnick, Shen. Pero ang masasabi ko lang, I don’t care-ee-re! Huwag mo sila pansinin dahil inggit lang ang mga ‘yan,” ani naman ni Lucie.
“Good morning, class!” bati ng guro namin sa unang asignatura.
Mabilis kaming tumayo upang bumati. Si Miss Ferrer ang guro namin sa unang subject. Palangiti siya at mahusay magturo. Dalaga pa siya kaya naman madalas itong maging tampulan ng tukso lalo na ng mga lalaking mag-aaral sa klase namin.
Kung tutuusin ay bata pa naman si Miss Ferrer. Marahil ay mas matanda lang ito ng isa o dalawang taon kay Zein. Maganda at simple lang ito na tiyak na magugustuhan ng kahit na sinong lalaki. Marami rin ang humahanga sa kanya kaya kahit mga estudyante pa lamang ay nagpapalipad hangin ng pagkagusto sa kanya.
“Shenelle,” tawag ni Miss Ferrer pagkatapos ng ilang sandali. Kasalukuyan kaming nagsusulat.
Agad akong tumayo at lumapit sa mesa nito. “Maam?”
“Susunduin ka ba ni Zein mamayang uwian?” tanong nito na may ngiti sa labi.
“Ah…H-hindi ko po alam. Bakit po?” pagsisinungaling ko. Ang bilis naman yata kumalat ang balita dahil pati si Miss Ferrer ay kilala na agad si Zein. Nakita niya kayang magkasama kami kanina?
“Kung ganoon, ibigay mo na lang sa ito sa kanya,” sabay abot ng isang paper bag.
“O-opo, Maam!”
“Thanks, Shenelle.”
Tumangu-tango ako kasabay ng pagngiti. Lumipas pa ang mga oras ay hindi ko mapigilang mapatingin sa paper bag na binigay sa akin ni Miss Ferrer. Kahit na lumipat na siya ng ibang classroom ay pilit na umuukilkil sa isipan ko kung paano niya nakilala si Zein.
Bago lamang si Zein at Tito Louie sa lugar namin pero nagawa agad ni Zein na makahatak ng atensiyon sa mga taong nakapaligid sa akin? May ginawa kaya siya na hindi namin alam?
“Shenelle, kanina pa nakakunot ang noo mo riyan,” bulong ni Lucie. “Problema?”
Umiling ako kasabay ng malakas na pagsinghap. “Iniisip ko lang kung ano ang laman ng paper bag.”
Mahinang tumawa si Lucie. “Kung curious ka, bakit hindi mo tingnan? O kaya silipin mo man lang.”
“Hindi naman para sa akin, bakit ko titingnan?” Pinagkrus ko ang dalawang kamay ko sa dibdib.
“Curious ka rin ba kung bakit binigyan ni Miss Ferrer ng isang regalo ang soon to be stepbrother mo?” kagat labing tanong pa ni Lucie. Sumulyap na si Romnick sa aming dalawa; waring nagtataka. “Nakita ko silang magkausap kanina bago siya magturo sa atin.”
Napaawang ang labi ko. Tila kay bilis ng mga pangyayari. Naitikom ko ang bibig ko nang wala man lang salitang nabigkas.
“Pwede ba akong sumabay sa inyo ni Lucie pauwi?” nakangiting ani ni Romnick. “Wala bang magagalit?”
Sabay pang kumunot ang kilay namin ni Lucie pagkatapos naming magkatinginan.
“Bakit naman hindi pwede? Saka sinong magagalit?” usisa ni Lucie.
Lalo lamang ngumiti si Romnick. “Ah…eh – “
“Shenelle! Shenelle!” boses iyon ng isa sa mga kaklase namin. “May sundo ka sa labas!”
“Shenelle, sino ‘yong nagsusundo sa ‘yo? Ipakilala mo naman kami,” sabad ng isa pa. “In fairness, ang gwapo niya. Parang artista!”
“Lucie, Romnick, hindi na muna ako sasabay sa inyo pauwi. Kailangan ko ng mauna.” Tumayo ako at mabilis na kinuha ang paper bag saka ang bag ko. “See you tomorrow.”
Habang naglalakad ako palabas ng classroom ay hindi matapos-tapos ang maugong na bulungan ng mga estudyante pati na rin ng ibang guro. Iisa ang paksa nilang lahat: si Zein na siyang matamang naghihintay sa labas ng gate ng eskwelahan. Nakatungo siya sa kanyang paa habang nakapamulsa ang dalawang kamay.
Tumigil ako sa paghakbang nang ilang dipa na lang ang layo ko mula sa kanya. Kitang-kita ko kung paano siya nag-angat ng tingin at diretsong tinanaw ang direksiyon ko. Tila nag-slow motion ang pagngiti niya na nasundan ng pagkaway niya sa akin. He’s smiling from ear to ear. A genuine one smile na lalong ikinabahala ko.
Upang maiwasan ang gulo na maaaring maging dahilan ni Zein ay agad ko siyang nilapitan. Walang babala na hinawakan ko siya sa braso saka hinila.
“Tara na! Gusto mo bang makipagkarera sa akin?”
Saglit na nagtaka siya ngunit mabilis ding ngumiti ulit. “Paunahan tayo makauwi?”
Tumango ako. “Kapag nauna ka, ibibigay ko sa iyo ang paper bag na ‘to,” iwinagayway ko pa ang hawak ko. “Kapag nauna ako, hindi mo na ako ihahatid at susunduin sa school. Maliwanag?”
He just smirked. “Understood.”
“Okay, ready…” Natigil ako nang makitang pumusisyon siya na parang tatakbo sa isang international competition. Biglang may nagsigawan sa likod ko. s**t!
“Don’t keep me waiting, sweetheart,” sambit niya saka ako nilingon. Mariin niya akong tinitigan at kinindatan.
Inismiran ko siya. Huwag ka papaapekto, Shenelle! “Ready, get set, go!”
Hindi ako makakapayag na matalo ako ni Zein. Gagawin ko ang lahat upang hindi niya magulo ang buhay ko.
“I’ll see you at home, sweetie,” bilin pa niya saka inungusan na ako sa pagtakbo.