Nakangiting nilapitan si Shannon ng isang babae na nakasuot ng simpleng puting dress. Kanina ay ipinakilala na ito sa kaniya ni Caydhen bilang si Kate na asawa ni Winsley. Ginantihan niya rin ito ng ngiti. Dahil nasa labas sila ay hindi gaanong malakas ang tugtuging naririnig nila. Napakaliwanag ng paligid. Dahil sa dami ng makukulay na ilaw ay naging magical ang effect niyon sa mga halaman na naroon. Para tuloy silang mga prinsesa na nasa hardin ng isang palasyo. "Hi Shannon," bungad nito sa kaniya. Naupo ito sa tabi niya. "Alam mo ba, ngayon ko lang nakitang napakasaya ni Caydhen." Tinitigan niya ito. Parang gustong pumalakpak ng mga tainga niya dahil sa sinabi nito. Para iyong musika na kay sarap pakinggan. "Dahil nagsisimula palang kayo, ang maipapayo ko sa'yo ay habaan mo lang ang

