“HAY, naku, Angela. Akala ko pa naman ay made-deliver ngayong `yong order ko sa iyo na cupcakes. Paano `yan? Sa iba na kami oorder, ha? Naku, sayang…” Iyon ang sinabi ng babaeng kausap ni Angela sa cellphone.
Iyon ang um-order sa kaniya ng cupcakes na kinain nina Kakay at Lala. Gusto kasi nitong matikman ang cupcake niya at kapag nagustuhan nito ay oorder ito sa kaniya ng marami para sa coffee shop nito. Siya na sana ang magsu-supply dito ng cupcakes. Malaking kliyente na naging bato pa. Isang malaking panghihinayang ang nararamdaman niya ngayon.
“Ma’am, baka pwedeng bigyan ninyo ako ng time kahit hanggang bukas. Promise po, maipapadala ko na sa inyo ng umaga. Talagang nagkaroon lang ng hindi inaasahang pangyayari.”
“I am sorry talaga pero ngayon ko kasi kailangan. Saka paano kung palaging ganiyan? Iyong may hindi inaasahang mangyayari palagi. Hindi naman pwede kasi negosyo ko ang mapepeste. Sorry talaga, Angela. Sa iba na ako kukuha ng cupcakes.”
“Ma’am, please—”
“Sige na. Bye.” At naputol na ang tawag.
Nanghihinang napaupo si Angela sa gilid ng kama. Nakatulala siya at parang hindi matanggap sa nangyari. Pakiramdam niya tuloy ay may kasalanan siya sa nangyari. Naging tiwala siya na ilagay ang mga cupcake sa lugar na abot nina Kakay at Lala. Siguro dapat ay itinago niya iyon. Kasalanan nga niya siguro talaga…
Bumukas ang pinto ng kwarto at pumasok si Cedrick. Mukhang masama ang timpla nito dahil nakasimangot. Marahil ay nagsumbong na si Lorena dito.
“Totoo ba na sinaktan mo sina Kakay at Lala?” tanong nito habang isa-isang hinuhubad ang damit. Kakauwi lang nito mula sa trabaho.
“Totoo. Pero—”
“Alam mo naman ang kondisyon ng utak ni Kakay, `di ba? Si Lala, bata pa siya para masigawan mo. Malaki ang magiging epekto sa kanila ng ginawa mo, Angela. Isa pa, nakikitira lang tayo dito. Tayo ang dapat na nakikisama at hindi sila!”
“Nabigla lang naman ako. H-hindi ko sinasadya.”
“Sa susunod ay matuto kang magtimpi. Cupcake lang iyon at pwede ka pang gumawa sa susunod na araw.”
Hindi na sumagot pa si Angela. Mali nga talaga yata ang ginawa niya. Pinanood niya ang kaniyang asawa sa paghuhubad. Kumuha ito ng damit sa closet. Nagtaka siya na imbes na pambahay ay polo shirt at pantalon ang kinuha nito.
“Saan ka pupunta?” tanong niya.
Kumuha ito ng sapatos sa shoe rack. “Birthday ng katrabaho ko. May inuman lang. Nandoon na sila sa bar at pinasusunod na ako,” sagot ni Cedrick habang nakaupos sa tabi niya at nagsusuot ng sapatos.
“Hindi ka na dito magdi-dinner?”
“Sa tingin mo ba ay makakapag-dinner pa ako dito kung paalis na ako?”
“Cedrick, nagtatanong ako ng maayos.”
Bumuntung-hininga ito at tiningnan siya. “Sorry. Ikaw kasi, nagtatanong ka pa kahit obvious na ang sagot, e. Doon na ako magdi-dinner. Uuwi din naman ako mamaya pero huwag mo na akong hintayin at baka sobrang late na ako makabalik dito.” Tumayo na ito at nag-spray ng pabango. Pinasadahan nito ng tingin ang sarili sa salaming nakasabit sa dingding.
“Mag-iingat ka, ha.”
Tumayo si Angela. Niyakap sa likuran ang asawa.
Magkasama sila sa iisang bahay pero tila kay layo nito. Palagi kasi itong may lakad kahit kakagaling lang sa trabaho. May birthday, may pa-dinner ang boss, emergency at kung anu-ano pang dahilan. Minsan ay nagtataka siya dahil halos araw-araw ay ganoon pero mas pinipili niyang manahimik na lang at baka pagmulan pa iyon ng kanilang pagtatalo. Hangga’t kaya niya ay siya na ang umiiwas sa ganoong tagpo lalo na at bago pa lamang sila na mag-asawa.
“Aalis na ako. Kumain ka na ng dinner. Naghahain na sila sa baba.” Mabilis siya nitong hinalikan sa labi at nagmamadaling lumabas ng kanilang kwarto.
May lungkot sa mga mata ni Angela habang inihahatid niya ng tanaw si Cedrick.
HINDI totoo ang sinabi ni Cedrick kay Angela na birthday ng katrabaho niya dahil ang totoo ay magkikita ulit sila ni Roxanne. Sa isang hotel ulit nila napagkasunduan na mag-meet. Halos isang oras din siyang nag-drive bago nakapunta doon. Traffic na kasi ng oras na iyon.
Pagdating sa hotel room kung saan naka-check in si Roxanne ay naabutan niya ang babae na nakaupo sa dining area ng kwarto. May pagkain na sa table. Steak at mixed vegetables. Meron ding wine.
“Nagugutom na kasi ako kaya nag-order na ako ng food. Halika, mag-dinner muna tayo,” anito sa mapang-akit na pananalita.
Umupo siya sa harapan ni Roxanne pero hindi ginalaw ang kaniyang pagkain. Siya ang nagsabi dito na magkita sila dahil may mahalaga siyang sasabihin.
“Bakit mo nga pala ako gustong makita? Hindi ka na naman ba pinagbigyan ng wife mo?” Kaswal na tanong ni Roxanne.
“May kutob ako na pinapasundan ako ng asawa mo.”
Napahinto sa pagsubo ng hiniwang steak si Roxanne. Ibinaba nito ang kubyertos. “What? I mean, sure ka ba?”
“Actually, hindi ako sigurado. Kutob lang. May sumusunod kasing lalaki sa akin nang lumabas ako ng pinagtatrabahuhan ko. Nakita ko rin siya kanina sa labas ng bahay. Sabi mo, may mga tauhan ang asawa mo. Baka inutusan na sundan ako.”
“That brute! Hindi niya dapat ginagawa iyon!”
“Ano ba kasi ang nangyari? Alam na ba niya ang tungkol sa atin?”
“Yup! He already knew. Pinasundan niya pala tayo sa tauhan niya sa Batangas. Kaya siguro ikaw naman ang pinapasundan niya. Maybe, gusto niyang malaman kung sino ba ang sinabi kong lalaki na mahal ko. You know… my husband, he’s powerful. Kayang-kaya niyang magbayad ng tao para patayin ka!”
“Tinatakot mo ba ako?!” Medyo pinanlamigan si Cedrick.
Tinawanan naman siya ni Roxanne. “Ang cute mo kapag natatakot ka!”
“Hindi ako nagbibiro, Roxanne!”
“Hindi rin naman ako nagbibiro. He can do everything using his money. But, you don’t have to worry dahil ako ang makakalaban niya oras na galawin ka niya. Saka mahal na mahal ako ni Logan. Matapang siya sa lahat ng bahay pero tiklop siya sa akin. I’ll talk to him pagkauwi ko. Sasabihin ko na tigilan na niya ikaw.”
“Gaano ka kasigurado na susundin ka niya?”
“Hundred percent. Kumain ka na nga. `Wag kang matakot sa asawa ko.”
Natahimik si Cedrick. Habang pinagmamasdan niya si Roxanne sa pagkain ay naiisip niya na kung ito kaya ang napangasawa niya ay ano kaya ang magiging buhay nila? Malamang ay mas masaya siya dahil mahal niya talaga ito. Hindi kagaya ni Angela. `Di hamak na maganda ng ilang daang beses si Roxanne kesa sa asawa niya. Mas magaling pang magpaligaya sa kama. Wala itong kiyeme. Lahat ibinibigay. Hindi kagaya ni Angela na akala mo ay nakikipagtalik siya sa isang tuod.
Napahinto sa pagnguya si Roxanne nang makitang tinititigan niya ito.
“What are you looking at? Don’t tell me, gusto mo na agad?” Isang pilyang ngiti ang sumilay sa labi ng babae. “Later na lang. Tapusin ko lang itong kinakain ko then I’ll eat you up!” Kumindat pa ito na may kasamang mapang-akit na ngiti.
“Roxanne, gusto kong makipaghiwalay ka na sa asawa mo! Umalis ka na sa baha niya.” Hindi alam ni Cedrick kung saang bahagi ng utak niya pinulot ang mga salitang iyon at kusang lumabas sa bibig niya.
“What?! Are you serious, Cedrick?” May saya at gulat sa mukha na tanong ni Roxanne.
LAKING gulat ni Logan nang pag-uwi niya sa bahay ng umagang iyon ay naabutan niya si Roxanne na pababa ng hagdan at may bitbit na isang malaking maleta. Mukhang hindi ito magbabakasyon sa laki ng maleta nitong dala. May pagtatakang hinintay niya itong makababa.
Humarang siya sa daraanan nito.
“Where are you going, Roxanne?” May pagtataka niyang tanong.
“You don’t have to know! Aalis na ako sa bahay na ito. Ayoko nang makasama ka! I am so sick of you, Logan!” Walang gatol na sabi ni Roxanne.
“W-what?! Ano bang pinagsasabi mo?” Parang paulit-ulit na pinagsusuntok ang dibdib niya sa mga sinabi ng kaniyang asawa.
“Kinausap na kita, Logan, pero you are too much! Akala mo ba ay hindi ko malalaman na pinapasundan mo si Cedrick sa tauhan mo? Grabe ka na! Pati ba naman iyon ay gagawin mo? Kaya naisip kong mas makakabuti kung maghiwalay na tayong dalawa. This relationship is over! And don’t you dare na hanapin at guluhin pa ako dahil kapag ginawa mo iyon ay sasampalin kita ng annulment papers!” Hinawi siya nito at malalaki ang hakbang na hinila ang maleta.
Sandaling natulala si Logan. Hindi ma-absorb ng utak niya ang nangyayari.
Aalis si Roxanne dahil galit ito sa ginawa niyang pagpapasundan sa lalaki nito? Talagang sa kabila ng lahat ay ito pa ang magagalit at nagmamataas? Hindi ba dapat ay siya ang nagagalit ngayon? Siya ang niloko at si Roxanne ang nanloko.
Ano ba itong nangyayari sa kaniya? Kahit siya ay hindi na niya makilala ang sarili pagdating sa kaniyang asawa. Para siyang maamong tuta dito kahit pa harap-harapan nitong inamin ang pangangaliwa nito. Hindi ito ang Logan na kilala ng marami. Kilala siya bilang matapang, palaban, walang sinasanto at lahat ng gusto ay nakukuha.
Dapat ay magalit siya, putulin ang sustento nito pero hindi niya magawa. Heto siya’t nakatayo habang aalis si Roxanne. At saan naman ito pupunta? Sa lalaki nito, malamang. Iiwan siya nito para sa lalaking iyon!
Kaya ba niyang hayaan si Roxanne sa pagsama sa ibang lalaki habang siya ay magiging miserable?
Tumiim ang bagang niya. Naglalaro sa utak niya ang imahe ng asawa niya at kabit nito habang masayang nagtatalik.
“Roxanne…” Naikuyom ng matiim ni Logan ang mga kamao. “Roxanne!!!” Malakas niyang sigaw at sinundan niya ito sa labas.
Napatakbo siya nang makitang nakabukas ang malaking gate at pasakay na ng kotse nito si Roxanne. Aandar na ang sasakyan kaya mabilis niyang iniharang ang sarili sa unahan.
“Get out of the car! Now!” Maawtoridad na sigaw ni Logan.
Umiling-iling si Roxanne at nag-dirty finger. “f**k you!” Muwestra ng bibig nito.
Hindi niya inaasahan na kahit nakaharang siya sa sasakyan ay papaandarin pa rin iyon ni Roxanne. Kung hindi pa siya mabilis na tumabi ay baka naipit na siya niyon nang paharurutin iyon ni Roxanne.
“Roxanne!!!” Malakas na sigaw ni Logan pero hindi na talaga nagpapigil ang kaniyang asawa. Mabilis nitong pinasibad palayo ang kotse.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaramdam ng panghihina si Logan. Wala na siyang nagawa kundi ang sundan ng tingin ang papalayong sasakyan ni Roxanne hanggang sa tuluyang mawala iyon sa kaniyang paningin.
Fuck you, Logan! Anong klase kang lalaki? Bakit pagdating kay Roxanne ay tiklop ka? Galit na tanong niya sa sarili.