Nandito kami ngayon sa kitchen ni Sean, hindi niya sinabi na marunong pala siya mag luto. Nahiya naman ako bigla dahil piling mga pagkain lang ang kaya kong lutuin, samantalang siya? Mga mamahalin na pagkain pa ang niluluto niya. Suwerte ng magiging asawa niya. Napangiti ako ng mapait habang nakatingin sa kaniya. Sobrang suwerte nga ng magiging asawa niya, biruin mong all package na ang isang Sean Castrello? Parang nasa kaniya na ang lahat, 'yong tipong wala ka ng makitang pagkakamali sa kaniya dahil sa hinakot niya na lahat ng biyaya. “Hindi ko alam na marunong ka pala mag luto,” hindi makapaniwalang sabi ko sa kaniya. “Dinaig mo pa 'ko, ni hindi ko nga kayang mag luto ng ganito,” natatawang sabi ko. Nakatalikod siya sa akin ngayon, topless at tanging pants na itim lang ang suot niya.

