Nagdiwang ang buong kaharian at napuno ng engkantado, engkantasa at pariso't parisa ang bulwagan ng kaharian ng Bilona.
Nasaksihan ng lahat ang unti-unting paglaho nina Hari Felipeo at Reyna Araya sa labas ng Bilona. Tila may liwanag na bumalot sa dating hari't reyna at sa isang iglap lamang ay hindi na sila makita ng kahit sino man na nasa Bilona ng mga oras na iyon. Matapos kumaway sa ere ng sabay-sabay ang lahat ng naroon ay muli ng nagpatuloy ang pagdiriwang. Pagkabalik ng lahat sa loob ng kaharian ay namataan ni Reyna Polaya si Prinsipe Solomon sa tabi ng pinagkukuhanan ng alak habang umiinom. Nilinga muna ni Reyna Polaya ang kabiyak at nang makitang abala ito ay agad nilapitan ni Reyna Polaya si Prinsipe Solomon. At pasimpleng kinausap.
"Ano't nagpalupig ka sa iyong kapatid?" simpleng pagtatanong nito.
"Nais mo ba talagang malaman, Reyna Polaya?" nang-uuyam ang tinig ni Prinsipe Solomon kaya't med'yo umasim ang mukha ng reyna.
Lingid sa kanila ay nakamasid ang ina't ama ni Reyna Polaya na sina Adlino at Dana. Maging si Laksana ay nakamasid din sa di-kalayuan.
"Mula ngayon ay tapos na ang ating ugnayan Prinsipe Solomon. Manatili na lamang sanang lihim ang naging dating ugnayan natin," pigil ang inis na sabi ni Reyna Polaya.
Pagkasabi niyon ay akmang tatalikod na si Reyna Polaya nang magsalita si Prinsipe Solomon.
"Alam mo bang sinadya kong magpagapi sa aking kapatid, Reyna Polaya?" nakangiting sambit ni Prinsipe Solomon.
"Anong ibig mong sabihin, Prinsipe Solomon?"
Sumimsim muna ng alak si Prinsipe Solomon sa kopitang hawak nito bago sinagot si Reyna Polaya.
"Sinadya kong magpatalo sa aking kapatid upang siya ang iyong maging kabiyak. Hindi ba pumasok sa isip mo mahal na reyna, na malalaman din ng aking kapatid na hindi ka na malinis sa sandaling magtabi na kayo? At iyon nga ang nais kong mangyari. Ang malaman niya ang totoo. At sa sandaling malaman niya iyon, aamin ako sa nagawa natin at ipatatapon tayo sa yungib ng mga makasalanan. Ang lugar na hindi mo pinapangarap na tuntungan, mahal na Reyna," ngumisi ng nakaloloko si Prinsipe Solomon at sasagutin pa sana ito ni Reyna Polaya nang marinig niya ang tinig ng kanyang kabiyak sa likuran.
"Aking reyna at aking kapatid, narito pala kayo," si Hari Abraham na nakalapit na nang tuluyan sa kanila.
"Oo, mahal kong hari. Nabanggit ko lang kay Prinsipe Solomon na... na... magiging mabuting prinsipe naman siya rito sa ating kaharian," medyo kinakabahan nitong sagot.
"Oo naman, Reyna Polaya. Binabati rin kita mahal kong kapatid at hangad ko na maging maligaya kayo at nawa'y tumagal ang inyong pagsasama," makahulugan nitong sabi.
Natapos ang pagdiriwang na mapayapa. Nagtungo na sa kanilang silid ang magkabiyak. Doon ay pinagsaluhan nila ang tagumpay na nakamit nila. Alangan man si Polaya, ay umaasa siyang hindi mahahalata ni Hari Abraham na hindi siya ang una sapagka't sinadya niya na maparami ang ininom ng hari na alak kanina sa pagdiriwang.
Natapos ang magdamag.
Nguni't wala ni isa siyang narinig kay Hari Abraham.
'nagtagumpay akong mapagtakpan ang aking kasalanan. Si Solomon na lang ang magiging problema ko dahil baka hindi siya tumigil na mapalabas ang katotohanan. Kailangan kong gumawa ng paraan.' iyon ang naglalaro sa isipin ni Reyna Polaya nang umagang iyon.
Sinadya ni Reyna Polaya si Prinsipe Solomon sa silid nito nang umagang iyon.
"Ano't naparito ang bagong reyna ng Bilona? May maipaglilingkod ba ako?" ang nakangiting salubong ni Prinsipe Solomon.
Ngumisi lang si Reyna Polaya bago sumagot.
"Nais ko lamang sabihin sa iyong walang nalaman ang aking hari. At para sabihin na rin sa iyong sana'y 'wag mo na akong gambalain pa."
Tumayo si Prinsipe Solomon mula sa pagkakaupo sa kanyang higaan at lumapit nang bahagya kay Reyna Polaya. Bahagya namang umatras ang reyna at iniiwas ang paningin kay Prinsipe Solomon. Bakas pa rin sa mukha nito ang katapangan.
"Hindi mo na ba ako mahal, Polaya? Tuluyan mo na ba akong pinagpalit sa iyong mga pangarap? Ganoon kadali mo na lamang bang kinalimutan ang lahat sa atin?" may himig hinanakit na tanong dito ni Prinsipe Solomon.
"Oo, Solomon... ikaw na rin ang nagsabi, sinadya mong magpalupig sa iyong kapatid! Nangangahulugan na maging ikaw ay hindi pinahalagahan ang mga pinagsamahan natin. Hindi mo ako ipinaglaban, Solomon. Kaya't patas na lang tayo ngayon," matapang nitong sagot.
At bago pa tuluyang tumalikod si Reyna Polaya ay muli pa itong nagsalita.
"At 'wag ka ng magtangkang kausapin ang ating hari para sirain ako. Kung tunay ang pagmamahal mo sa akin hahayaan mo akong maging masaya," pagtatapos nito sa usapan nila.
Pagkaalis ni Reyna Polaya ay tuluyan nang bumagsak ang mga luhang kanina pa pinipigil ni Prinsipe Solomon.
"Tama ka aking mahal, hahayaan na lamang kitang maging masaya dahil iyon ang tunay na pagmamahal," mahinang bigkas ni Prinsipe Solomon nang makalabas na sa kanyang silid ang bagong reyna ng Bilona.
***
Pagkatapos ng pag-uusap nila ni Reyna Polaya ay nagpasya si Prinsipe Solomon na maglakad-lakad. Sa kanyang paglalakad lakad ay napadpad ito sa isang lugar na mukhang tahimik at payapa. Maraming puno na hitik sa mga bunga at ang tubig ay mala kristal sa linaw. Ang mga bulaklak ay waring nagsasaya dahil sa mahinang hampas ng hangin sa kanila.
Nang biglang basagin ng isang tinig ang kanyang pag-iisa.
Si Laksana.
Na napadpad din pala roon dahil din sa kalungkutang nararamdaman.
"Ano ang ginagawa ng mahal na prinsipe rito? At bakit 'di ka lang mistulang malungkot? Larawan ka rin ng kabiguan," malalim na sabi ni Laksana.
Natawa nang malakas si Prinsipe Solomon.
"Isa ka bang nilalang na kayang basahin ang nasa isip ng isang nilalang na tulad ko? Natutuwa ako Laksana, napatawa mo ako," ang masayang bigkas ni Prinsipe Solomon.
"Ngunit ako'y hindi," blangko ang ekspresyon ng mukha ni Laksana nang sabihin iyon kaya labis na nagtaka si Prinsipe Solomon.
"May problema ka ba sa akin, Laksana?" ang tanong ng prinsipe.
"Bakit ka nagpatalo? Bakit mo hinayaang mapunta ang iyong minamahal sa iyong kapatid?" walang pag-aatubiling sagot ni Laksana.
Labis ang gulat ni Prinsipe Solomon sa tinuran nito.
"An-ano... ano bang... pinagsasabi mo Laksana?" nagugulumihan nitong tanong sa babae.
"Huwag ka ng magmaang maangan! Alam kong may relasyon kayo ng aking kapatid bago pa man mangyari ang paligsahan. Ang hindi ko maintindihan, bakit mo hinayaang mawala sa iyo si Polaya?!" pasigaw ang naging sagot na iyon ni Laksana.
Matagal naman bago nakasagot si Prinsipe Solomon. Labis siyang nagulat na may nalalaman pala ang kapatid ng tinanghal ng bagong reyna.
"Bakit mo ito alam?" tila nanlulumong tanong ni Prinsipe Solomon.
Bumuntung-hininga si Laksan at pinagsalikop ang mga palad. Tumalikod at naglakad nang bahagya.
"Nakita ko kayo. Nakita ko kayo isang gabi bago mangyari ang paligsahan. Nakita ko kayo sa kristal na balon. Nakita at narinig ko ang lahat, Prinsipe Solomon," pagkasabi niyon ay saka nito nilingon si Prinsipe Solomon.
"Alam ko ang lihim ninyo. Ang lihim niyong kasalanan ng aking kapatid."
Tuluyan ng napanganga si Prinsipe Solomon.
Gulong gulo ang isipan ni Prinsipe Solomon nang makabalik sa kaharian ng Bilona. Agad nitong hinanap si Reyna Polaya. Kailangan niya itong balaan upang mapaghandaan nito ang binabalak ni Laksana. Habang hinahanap ang reyna ay muli nitong naalala ang naging pag-uusap nila ni Laksana...
"Pakiusap Laksana, pabayaan mo na lamang ang kapatid mo. Hayaan na lamang natin siyang maging masaya," sinubukan niyang kumbinsihin ang kapatid ni Reyna Polaya.
"Lihim kong tinatangi ang iyong kapatid, Prinsipe Solomon," pagtatapat naman bigla ni Laksana.
Nagulat siya sa sinabi nito.
"Kaya ba nais mong ipaalam sa buong kaharian ang katotohanan? Dahil sa oras na mawala si Reyna Polaya ay ikaw ang hahalili sa kanya?" tila pinamuuhan siya ng galit sa nalaman.
Bumalik sa pagiging maamo ang mukha ni Laksana. Sa sandali ngang mawala sa pagiging reyna si Reyna Polaya ng wala sa tamang panahon ay ang kapatid ng reyna ang siyang hahalili kung meron man. Kung wala naman ay ang naiwang hari ang maghahanap ng kanyang magiging bagong reyna.
"Nagkakamali ka mahal na prinsipe. Maniwala ka. Hindi iyon ang hangad ko. Ayoko lang pabayaan ang ginawa ni Polaya. Tuluyan siyang lalamunin ng kasamaan kapag nagpatuloy ito. Nagkasala siya. Kayo. At dapat niyo iyong harapin. Hindi dapat tayo magkaroon ng reyna na may natatagong lihim. Para sa akin, magbubunga iyon nang hindi maganda at baka mamana pa ng magiging anak nila ang pagiging sinungaling at makasarili ni Polaya," mahabang paliwanag at depensa ni Laksana.
"Iyon nga lang ba ang iyong intensiyon?" may pang-uusig na sabi niya.
Nag-iwas ng tingin si Laksana bago sumagot.
"Kaya kong tanggapin at kalimutan na lang si Abraham. Subali't dahil sa pagkakamali ni Polaya, aaminin kong nabuhayan ako ng pag-asa. Ang nararapat ay dapat gawin. Hindi ko hahayaang lamunin ng kasakiman si Polaya dahil sa kanyang pangarap. Bilang reyna, kapakanan ng nasasakupan niya ang dapat na iniintindi niya. Kaya't patawarin ninyo ako, subali't ako ang magsasabi ng katotohanan sa lahat," pagkasabi niyon ay dali-dali na itong umalis...
Iyon ang nangyari sa pag-uusap nila ni Laksana. At sa pagbalik ng huwisyo niya ay nakasalubong nito ang isang kawal sa kahariang jyon.
"Sandali lamang, alam mo ba kung nasaan ang mahal na reyna?" tanong ni Prinsipe Solomon.
"Ipagpaumanhin po ninyo Prinsipe Solomon, subali't kanina pa po namin hindi nakikita ang mahal na reyna," sagot naman ng tagapagbantay na napagtanungan nito.
Pagkasabi niyon ay tumalikod na ang tagapagbantay.
'Polaya, nasaan ka ba? Hindi mo magugustuhan ang mga mangyayari. Paano kita maililigtas kung hindi kita matatagpuan?' anito sa sarili.