KABANATA 14: PANGATLONG FLASHBACK

1357 Words
Kinabukasan, naalimpungatan si Frederick sa mabahong bagay na naaamoy niya. Tila may katabi siyang bangkay na naaagnas. Minulat niya ang mga mata at nakita ang talampakan ni Jobert na nakadikit sa mukha niya. Inis na inis na tinapik niya paalis ang paa nito. "Hmmm..." Kumislot naman si Jobert sa pagkakahiga at inilipat ang mabahong paa sa mukha ni Aaron. Nagsisiksikan silang tatlo sa kama. Si Keith ay sa sala natulog dahil mas komportable raw siya sa sofa at alam niyang malikot si Jobert matulog. Naiinis na bumangon si Frederick at inabot ang phone sa side table. Titingnan niya ang oras pero nakita niya na may mensahe sa kaniya si Dr. Pierro. Binasa niya ang mensahe. Pumasok daw si Kassie sa bahay ng doktor at ito ang pinanghinalaan na magnanakaw. "Mukhang kumikilos si Kassie nang mag-isa," naisip niya, "Hindi ito maganda pakiramdam ko mapapahamak siya." Tumingin siya sa oras. Ala-sais na ng umaga. "Jobert, gumising ka na!" Sinampal niya ang mukha ng kaibigan. "Aray!" Napabangon naman ito at napasapo sa mukha. "Inaano ba kita?! Natutulog pa ako eh," anas nito sa kaniya. "May picture ako kahapon. Nakunan ko ang plate number ng van. May picture rin sa akin si Brandon habang kausap niya sila Mang Johnny." Pinakita niya ang mga evidence sa phone. "Oh? Eh ano?" Tila wala sa mood na sabi lang nito. "Puntahan natin si Manalaysay. Magsumbong na tayo sa pulis. Malaking ebidensya na 'to. Si Brandon nga ang mastermind nila." "Nagbago yata ang isip mo? Bakit gusto mo nang humingi ng tulong sa pulis?" tanong ni Jobert. "Si Kassie..." mahinang sagot niya na halos hindi marinig ng kausap. "Si Kassie ang nasa isip ko. Nag-aalala ako nang sobra sa kaniya. Lagi silang magkasama ni Brandon. Hindi ko kaya kapag may nangyaring masama sa kaniya." Naintindihan na rin ni Jobert. "Gusto mong mailayo agad si Kassie kay Brandon tama ba?" Tumango lang siya. "Okay. Tara na!" sang-ayon nito na bumangon na rin. *** Nang araw na iyon ay nag-report silang dalawa sa pulis pero sa kasamaang palad ay kailangan pa raw nila na mag-imbestiga. Ngunit ano pang iimbestigahan kung nandito na nga ang katibayan sa harap nila? Mukhang may inaantay pa yata silang totoong bangkay na maglalakad at magsasabing ninakaw siya ni Brandon. Kasalukuyang nasa labas ng police station sina Frederick at Jobert at nakaupo sa bench. Tahimik lamang si Frederick at malayo ang iniisip. Laman ng kanyang isipan ang kaligtasan ni Kassie. Samantalang si Jobert ay mauubos na ang isang plastic ng s**o at gulaman. Napansin ni Jobert ang pag-aalala sa mukha niya. "Fred," tawag nito. "Wala tayong magagawa. Kahit nagbigay na tayo ng evidence, kailangan pa rin ng investigation." "Ayokong maghintay, Jobert. Mababaliw na ako kakaisip kay Kassie. Nag-aalala ako nang sobra dahil lagi niyang kasama si Brandon." May naalala si Jobert. "Hmmm... baka makatulong ito." Kinuha nito ang phone sa bulsa at inabot sa kaniya. "Ano?" Hinawakan niya iyon. Nakita niya ang inactive messenger account ni Jobert. May message si Kassie sa lalaki. "Tinatanong ako ni Kassie kung nasaan ako. Naniniwala siyang buhay ako at nagtatago. Tutulungan daw niya ako. Hindi ko alam kung anong sasabihin sa kaniya, kaya inilagay ko muna siya sa ignore messages. Sa pagkakaalam niya ay hindi ko pa nase-seen ang message niya pero nabasa ko na. Kung gusto mo, mag-reply ka. Gamitin mo na lang ang account ko kasi hindi pa niya alam na buhay ka pa," suhestyon nito. Nanatiling nakatingin lamang si Frederick sa mensahe. Miss na miss na niyang kausapin si Kassie. Ngunit ano ang sasabihin niya? Naalala niya kung paano ito umiyak sa burol. Sinabi rin ni Rica sa kaniya na grabe ang iyak ng dalaga. Nakonsensya siya. Tigilan mo na ang pag-iyak. Ako na ang bahala. Iyon lamang ang mensaheng pinadala niya kay Kassie gamit ang account ni Jobert. Binalik niya ang phone sa kaibigan. "Pagkatapos ng gulong ito, magtatapat na ako sa kaniya," desisyon niya. "Mabuti naman," simpleng tugon lang ng katabi. *** Pero hindi inaasahan ni Frederick ang magaganap sa araw na ito. Pagkagaling sa police station, umuwi siya sa sariling bahay at nakatulog buong maghapon. Ganoon din ang ginawa ni Jobert. Nangungulila na raw ito sa sariling kwarto at higaan. Madaling-araw nang nagising siya. Naalimpungatan siya sa ingay ng phone. Akala niya ay alarm clock pero tumatawag pala si Dr. Pierro. Pupungas-pungas at walang gana na sinagot niya ang tawag. "Dok bakit po?" Nagising ang diwa niya nang marinig ang sinabi ni Pierro. Nagawang hulihin ni Kassie sila Mauro sa aktong pagnanakaw pero nalaman din ng dalaga ang tungkol kay Brandon. Sumugod daw si Kassie sa bahay ni Brandon. Kinabahan siya at napabangon agad. "Si Kassie!" Hindi na siya nakapagpaalam sa kausap. Dire-diretso siyang kumuha ng damit sa closet at nagbihis. Habang nagbibihis ay kinontak niya si Jobert. "Jobert, please answer the phone!" Salamat sa Diyos at sumagot naman ito sa kabilang linya. "Fred?" "Jobert, nagpunta si Kassie kay Brandon!" "Ha?" Nagulat ito sa narinig at napabangon din sa higaan. *** Kaya magkasama silang nagtungo sa bahay ni Brandon nang umaga na iyon. Sumilip sila sa gate at nakarinig ng mga boses na nagmumula sa garden. Nakilala agad ni Frederick ang boses ni Kassie. Sumisigaw ang dalaga. "Tara Jobert!" Walang pakundangan na pumasok siya sa bahay ni Brandon. Bukas naman ang gate ng bahay. "Hoy Fred! Tresspassing ka!" Pumigil naman si Jobert pero hindi niya pinansin. Sa sobrang pag-aalala sa kalagayan ni Kassie, hindi na naiisip ni Frederick ang kumilos nang tama. Sumusugod na siya nang walang alinlangan at wala sa plano. Wala na ring nagawa si Jobert kundi sumunod sa kaibigan. Sumilip sila sa garden. Nakita nila si Brandon na hila-hila si Kassie at ipinasok sa loob ng garden house. Nanlaki ang mga mata ni Frederick sa takot at pag-aalala. "Sh*t. Anong nangyayari? Ito na nga ba ang sinasabi ko eh!" Nagtago sila sa likod ng mga malalaking halaman. Hinintay nila si Brandon na lumabas. Kapag lumabas si Brandon, papasok sila sa loob ng garden house para pakawalan si Kassie. "Hindi pa lumalabas sina Brandon at Kassie. Ayokong maghintay." Nag-aalalang sabi ni Frederick na bumaling kay Jobert. "Sugurin na natin siya. Iligtas natin si Kassie." Akma na siyang papasok sa loob ng garden house pero pinigilan siya ni Jobert. "Hindi alam ni Brandon na buhay tayong dalawa." "Wala na akong paki, Jobert. Hindi ko matitiis si Kassie," sagot niya. "May naisip akong ibang paraan. Paalisin natin si Brandon dito," sabi naman nito. Natigilan siya at kunot-noo na tumingin sa kaibigan. Pero walang sinagot si Jobert at sa halip kinuha nito ang phone sa bulsa at hinanap ang contact ni Brandon. "Buti na lang may number ako ni Brandon." "Ha? Saan mo nakuha 'yan?" "Huwag mong maliitin ang isang janitor na laging tumitingin sa log-in monitor ng mga employees ng ospital, hehehe." "You're creepy." Naisip niya na pwedeng maging scammer itong si Jobert dahil kumukuha ng numero ng mga employees nang walang paalam. Kinontak na ni Jobert ang numero ni Brandon at nag-impersonate siya ng boses ni Dr. Lambert. "Hello Dr. Jake Brandon De Guzman? This is Dr. Lambert Isidro Jr... Pinapatawag ka ng board directors... Yes, there's an important meeting about promotional management of hospital regarding some improvements in neonatal intensive care unit... Magdadagdag ng incubator... please come as soon as possible... okay thank you..." Gusto ni Frederick na tumawa nang malakas pero hindi naaayon sa sitwasyon. Napabungisngis na lang siya. "Shhh..." saway ni Jobert na inilapat ang hintuturo sa bibig. Natahimik muli si Frederick at tumingin sa garden house. Ilang minuto pa at lumabas na rin sa wakas si Brandon. Dire-diretso itong pumasok sa garahe at nagmaneho ng kotse. Hinintay muna nila na tuluyang mawala ang lalaki. Nang makasiguradong wala na ito, tumayo sila at pumasok sa garden house. Nagulat pa sila nang makitang walang tao sa loob. "Nasaan si Kassie?" nangangambang tanong ni Frederick. "Fred, may lagusan." Napansin naman ni Jobert ang trap door at umupo sa tabi niyon. Binuksan nila ang trap door at nakita ang madilim na basement. Ginamit din nila ang flashlight ng mga phone at bumaba sa hagdan. Sa madilim na basement, nakita nila sina Kassie at Gina sa loob ng selda. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD