Sumasabay sa tempo ang galaw ng paa ni Kassie habang malakas ang tugtog sa loob ng kaniyang kotse. Nakahinto siya at hinihintay na mag- go ang traffic lights. Ilang saglit pa, umandar na muli ang mga sasakyan sa kalsada. Naghe-headbang pa siya habang nagmamaneho. Sumasabay siya sa liriko ng kanta ng isang Hard Metal Rock Band noong 90's. Lumaki siya sa 90's era at sa totoo lamang nahihirapan siyang makisabay sa mga bagong tugtugin ngayon.
"Yeah!" sigaw pa ng dalaga. Pinaling niya sa kaliwa ang manibela. Halata sa ayos ni Kassie ang pagiging boyish. Nakasuot lang siya ng coroner t-shirt, denim jeans, at sneakers. Hindi siya lesbian, mahilig lang siyang pumorma at kumilos na parang lalaki. Ngunit kahit ganito si Kassie ay maganda naman ang mukha ng dalaga.
Makinis at maputi ang kaniyang balat. Maikli lamang ang buhok na bagay na bagay sa bilugan niyang mukha. Malalaki pa ang mga mata na napapaligiran ng mahahabang pilik. Matangos din ang ilong. Natural din ang pagkapula ng kaniyang mga pisngi. Mukha siyang manika.
Iyon nga lang, mukha rin siyang siraulo habang mag-isang nagja-jaming sa loob ng kotse. Marami sigurong manliligaw sa kaniya kung hindi lang siya 'sabog' katulad ngayon.
Ilang saglit pa ay nakarating na rin siya sa tapat ng Saint Luis Public Hospital. Dito siya nagtratrabaho bilang isa sa mga coroner ng mortuary.
Umikot siya sa likod ng building para makapunta siya sa parking lot. Nang makahinto sa lote ay pinatay na rin niya ang Bluetooth speaker ng kotse. Tinanggal niya ang seatbelt, kinuha ang shoulder bag na nasa passengers' seat at isinukbit sa balikat. Kinuha niya ang remote lock device ng kotse na nasa gilid ng manibela at ibinulsa iyon. Pagkakuha ng mga gamit, lumabas na siya at isinara ang pinto ng kotse.
Naglakad siya patungo sa pangatlong building ng St. Luis Public Hospital. Hindi naman niya kailangan gumamit ng elevator dahil sa first floor lang ang opisina niya. Nakapasok na siya sa lobby at ang una niyang nakita ay ang dalawa niyang assistant na nakaupo sa bench at nanonood ng tv.
"Hinukay ng hindi kilalang lalaki ang bangkay ng isang dalaga sa Heaven's Peace Memorial Garden sa Commonwealth, Quezon City Manila. Sa ngayon ay iniimbestigahan ng mga pulis ang guard at sepulturero." Dinig na dinig sa lobby ang malakas na volume ng TV.
"Bakit naman kaya huhukayin 'yon?" nagtatakang komento ni Rica.
"Matagal na iyang gawain. May mga nagnanakaw talaga ng mga gamit ng mga patay. Malay mo may gintong accessories na kinabit doon sa bangkay bago nilibing," sagot lamang ni Mauro sa babae at nagkibit ng balikat.
"Eh kung gamit lang ang kailangan nila bakit pati katawan ay nawala?" kunot-noo namang tanong ni Rica.
"Bakit nandiyan pa kayo?" Lumapit si Kassie sa dalawa.
"Good morning po. Nandito na po pala kayo," bati ni Mauro na tumayo. "Ito po oh." Inabot nito ang mga files at documentation ng mga bangkay sa morgue.
"Parang ang dami kong kailangang gawin na death certificate. Ang dami namang namamatay ngayong araw." Pagbibiro ni Kassie at tumawa pa nang i-skim reading ang laman ng mga papel.
Pero hindi natawa sina Mauro at Rica. Siya lang ang natawa sa sarili niyang biro. Napasimangot tuloy si Kassie.
"Magbibihis lang ako ng PPE. Dumiretso na kayo sa post-mortem room," bilin niya sa dalawang assistant. Ibinalik niya ang mga documents kay Mauro.
Pinatay na ng dalawa ang tv. Dumiretso naman si Kassie sa CR para makapagbihis.
***
Nakasuot na ng gloves, surgical mask, surgical cap, at disposable plastic apron si Kassie nang pumasok sa post-mortem room. Nandoon na rin ang dalawa niyang mortuary assistant.
"Tapos na ba ang external examination?" tanong ni Kassie sa dalawa.
"Videography, fingerprints, x-ray examination... Mayroon na po lahat," sagot ni Mauro. Hila-hila nito ang stainless steel trolley kung saan nakahiga ang hubad na katawan ng isang babae. Natatakpan ito ng puting kumot.
"Sabi ni Dr. Rogerio inatake raw sa sakit sa puso iyan. Sinugod siya rito sa St. Luis pero dead on arrival daw," paliwanag ni Rica na tinanggal ang kumot para makita ni Kassie ang katawan.
Nakaramdam siya ng awa nang makita ang bangkay. Teenager pa lamang kasi ang babae.
"Nasaan ang parents niya?" tanong niya na lumingon kay Rica.
"Nasa waiting room po. 'Yong funeral director na raw ang kukuha pagkatapos ng autopsy," sagot ni Rica.
Sa totoo lamang noong mga unang araw ni Kassie sa trabaho ay hindi siya makatulog. Madalas din siyang sumuka sa gitna ng autopsy. Umiiyak pa nga siya kapag bata ang hihiwain niya.
May mga pagkakataon din na ang binibigay sa kanilang mga bangkay ay durog na durog. Kumbaga wasak ang mukha, nawawala ang ibang parte ng katawan, o nakalabas pa ang internal organs. Malaki ang oras na ginugugol nila mabuo lang ulit ang katawan para maging presentable na ilagay sa kabaong.
Pinakamahirap na i-autopsy ay iyong mga naaagnas na. Minsan kasi ay sobrang baho at hindi na kaya ng ilong nila.
May pagkakataon din na sinabihan si Kassie ng kaniyang ama na magpalit na ng trabaho pero hindi siya sumuko hanggang paglipas ng mga taon ay nasanay na rin siya.
May mga trabaho na hindi kaya ng iba, ngunit kailangan na may gumawa.
Nilagyan niya ng rubber block ang likod ng babae, para maayos niya ang puwesto nito. Inabot sa kaniya ni Rica ang post-mortem saw at nag-umpisa siya sa paghiwa sa katawan nito.
Nagsimula siya sa kanan na balikat hanggang dibdib, kaliwang balikat hanggang sa dibdib, ngunit pinakurba niya ang hiwa para buo pa rin ang breasts ng babae. Hiniwa rin niya ang dibdib hanggang sa puson. Y- Incision ang ginagamit niya kapag babae ang bangkay. Kadalasan naman ay T- Incision ang ginagamit niya kapag lalaki.
Tinuklap niya ang balat nito at bumungad ang laman-loob.
"Scalpel," bulong niya kay Rica at inabot naman ng assistant ang tool.
Hiniwa niya ang muscle at soft tissue nito para makita niya ang ribcage. Hiniwa rin niya ang dalawang sides ng ribcage, at tinanggal niya iyon. Tinanggal niya rin ang arteries at ligaments at kinuha niya ang puso.
Lahat ng internal organs na naka-attach sa spinal cord, bladder at sternum ay inuna niyang putulin. Ilang saglit pa at natanggal na rin niya ang lahat ng internal organs tulad ng liver at kidneys. Kailangan niya makuha ang mga iyon para sa detail inspection.
Kinuha naman ni Mauro ang mga organs para suriin. Titimbangin niya iyon lahat.
Isusunod na ni Kassie tanggalin ang utak. Inilipat niya ang rubber block sa likod ng ulo nito. Hiniwa niya ang anit, mula sa kanang tainga hanggang sa kaliwang tainga. Tinuklap niya ang anit at buhok saka sinuri ang bungo ng babae.
Inabot sa kaniya ni Rica ang semi-circular saw at chisel. Ginamit niya ang saw para mahiwa ang bungo ng babae. Nabuksan naman niya ang bungo gamit ang chisel. Syempre kinuha rin niya ang utak para suriin din mamaya.
Lumipas ang mga oras ng pagsusuri, tinimbang nila ang mga organs at tinignan sa microscope. Sinusulat nila sa form ang mga detalye ng examination nila.
Pagkatapos ng examination ay ibinalik nila muli ang mga organ sa katawan ng babae. May mga pagkakataon na hindi nila binabalik ang organs at tinatago nila sa laboratory para sa research and medical purposes pero syempre kailangan iyon ng consent ng pamilya. Tatahiin na nila ang hiwa.
Sa gitna ng pagtatahi ni Kassie ay may dumating sa pinto ng kwarto. Hindi na niya kailangang tignan kung sino iyon. Kilala niya iyon.
"Tapos ka na ba r'yan?" tanong ng kaibigan niyang si Frederick. Siya ang funeral director sa kabilang gusali. Madalas siyang pumunta rito para mambuysit sa kaniya. Nakasandal sa gilid ng pinto ang lalaki at naka-krus ang mga braso. May suot din itong face mask at surgical cap.
"Bakit ka nandito? Wala kang ginagawa sa punerarya?" tanong niya ngunit nakatingin pa rin sa tinatahi.
"Pumunta na ako rito dahil ang bagal mo! Kailangan ko na 'yan madala roon para maayusan na ni Nicole," inis na sabi ni Frederick.
Kumunot ang noo ni Kassie at napatingin sa lalaki. Napansin niya na mukhang bad trip ito ngayon."Malapit na ito. Maghintay ka, saka bawal ka rito, lumabas ka muna."
"Okay. Fine! Pero hihintayin kita sa labas. May dapat tayong pag-usapan," masungit na sabi na lumabas ng kwarto.
"Init ng ulo. May regla ka?!" pahabol na pang-aasar ni Kassie pero hindi na siya pinansin ng lalaki. Napairap at napailing na lamang siya. Ganito talaga si Frederick, moody at hindi mo maintindihan minsan. "Pero ano naman kaya ang gustong pag-usapan ng baliw na 'yon?" sa isip niya.
Sa wakas ay natapos na rin siya sa pagtatahi. Bumaling siya kina Rica at Mauro. "Tapos na. Huhugasan na lang siya," utos niya sa dalawa.
"Kami na ang bahala rito," sabi lamang ni Rica, "Sige na, magpahinga ka muna."
"Sige. Salamat." Lumabas na siya sa post-mortem room.
Matapos mag-disinfect, tinanggal niya ang cap, mask at surgical gloves at itinapon sa basurahan. Disposable ang lahat ng ginagamit niya, pagkahawak sa patay ay tinatapon niya agad. Kailangan lang niyang mag-ingat sa germs at bacteria.
Sa lobby ay nakaupo si Frederick sa bench. Nakatanggal na rin ang mask at cap nito. Nakasimangot pa rin ang gwapong mukha at nakapalumbaba. Hinihintay nga siya nito kaya lumapit na siya sa lalaki.
"Uminom ka muna," masama ang tingin na bungad sa kaniya ni Frederick. Pero kahit badtrip ay binigyan pa rin siya nito ng mineral water.
"Thanks," sabi naman niya na kinuha iyon. Tinanggal niya ang takip ng bote saka uminom. Umupo siya sa tabi ni Frederick. Pinunasan niya ang pawis sa noo gamit ang likod ng kamay. Kahit malamig sa mortuary ay tagiktik pa rin ang pawis niya.
"Kaya pala hindi ka sumama sa amin noong sabado dahil magkasama kayo ni Brandon. Dapat nagsabi ka ng totoo. Kung hindi ko pa nakita ang post niyo sa f*******: hindi ko pa malalaman. Ginto ba 'yang singsing?" Simula ni Frederick ng usapan. Masama ang tingin nito sa engagement ring na nasa daliri niya.
Napatingin siya sa katabi. Nainis din siya dahil sa sinabi ng lalaki. "Dapat nga binabati mo ako ngayon, 'di ba? Ikakasal na ako. Nag-propose na sa akin si Brandon. Bakit parang nagagalit ka pa?!"
"Sino ba'ng hindi? Tatlong buwan lang kayong magkakilala ah! Ikakasal na agad? Kassie naman..." Nagsumamo bigla ang mga mata ni Frederick. Tila nagmamakaawa na mapagtanto ni Kassie ang ginagawa.
"Fred, 30 years old na ako. Kailangan ko nang mag-asawa. Can't you see? Wala nang ibang nanligaw sa akin bukod kay Brandon," paliwanag niya.
"Iyon lang ba ang dahilan mo? Dahil siya lang ang nanligaw sayo, siya na ang papatulan mo?" Napailing si Frederick. Ang babaw ng dahilan ni Kassie. Hindi talaga niya mahal si Brandon at gusto lang niyang magpakasal dahil naghahabol siya sa edad.
"Eh bakit mayroon pa bang iba?" Nagkibit lang ang dalaga ng balikat at inilahad ang mga palad. "Nasaan? Wala naman 'di ba?"
Biglang natigilan si Frederick. Gusto niyang sabihin ang totoo. Gusto niyang umamin na dapat ay manliligaw siya kung hindi lang siya naging duwag noon. Nagsisisi siya dahil hindi agad siya umaksyon, nasingitan tuloy siya ni Brandon.
"Akala ko kasi lesbian ka eh, kung sana..." Hindi niya madugtungan ang sasabihin.
"Ha? Anong lesbian? Anong sinasabi mo?"
"Ah wala. Kalimutan mo na." Napabuntong-hininga na lamang siya. Bumaba ang tingin niya sa sahig. Biglaan talaga ang balitang ito sa kaniya.
"Hindi ka pa rin nagtatanghalian ano?" tanong na lamang ni Kassie nang tumahimik siya.
"Hindi pa," malungkot lang niyang sagot.
"Halika magsabay na tayo," yaya ni Kassie na may tipid na ngiti sa labi.
Tumingin si Frederick sa mga mata ng babae. Marami siyang gustong sabihin dito pero hindi niya magawa. Ni hindi nga niya alam kung paano mapipilit ang dalaga na huwag magpakasal sa lalaking hindi pa naman lubos na kilala.
"Oh, there you are Kassie!"
Sabay silang napalingon sa lalaking lumapit. Hindi nila ito napansin na pumasok pala sa lobby. Speaking of the devil, here he is.
Nakasuot siya ng white coat at may nakasabit pa na stethoscope sa leeg. Ang kanyang fiance' na isang pediatrician, si Dr. Jake Brandon De Guzman.
Nakilala ni Kassie si Brandon nang nag-autopsy siya ng isang bata. Clinical autopsy ang madalas niyang gawin sa trabaho at minsan kasama niya sa post-mortem room ang doktor na nag-asikaso sa pasyente bago ito namatay. Naging magkaibigan sila hanggang mahulog ang loob nila sa isat-isa.
Sino bang hindi mahuhulog kay Brandon? Matangkad ito nasa 6'1''. Dark brown ang kulay ng mga mata. Makapal ang kilay na may anggulo. Matangos ang ilong at maganda ang hugis ng panga. Gwapong-gwapo at lalaking-lalaki ang dating.
Sinuklian ni Kassie nang matamis na ngiti ang fiance'.
"Tara na? Magsasabay tayong kumain ngayon, 'di ba?" Ngumiti si Brandon at lumitaw ang dimple nito sa pisngi.
"Sige, pero pwede bang sumama si Fred?" tanong ni Kassie na bumaling sa katabi.
"That's fine as long —"
"No! No! No! No!" tanggi ni Frederick na winagayway pa ang kamay sa ere habang umiiling. "Ayokong maging third wheel, kayo na lang."
Napasimangot naman si Kassie. "Ikaw na nga ang niyayaya."
"Huwag na lang. Maglilipat pa kami ng bangkay. Kukunin ko na 'yong mga documents at ililipat ko na 'yong bangkay sa funeral home," paliwanag niya pero mukhang bad-trip pa rin ang itsura. Tumayo na siya at naglakad paalis. Hindi man lang nagpaalam o lumingon kina Brandon at Kassie.
"Nako pagpasensyahan mo na si Fred. Nireregla ngayon eh," baling ng dalaga kay Brandon.
Ngumiti lamang si Brandon."Are you sure he's not jealous?"
"Nyek! Bakit naman magseselos 'yon? Moody lang talaga 'yon. Tara na nga," biro ni Kassie na tumayo at kumapit sa braso ni Brandon.
Ngumiti sila sa isa't isa at naglakad palabas ng lobby.
Samantala, sumulpot ulit si Frederick sa gilid ng basurahan. Nagtago lang siya roon. Sinundan niya ng tingin sina Kassie at Brandon na mukhang masaya. Nanlambot ang mga mata niya at hindi niya maitago ang sakit na nararamdaman.
"Tsk! Sabi ko sa 'yo. Naunahan ka na tuloy." Narinig pa niyang tukso ng dumaan na janitor na si Jobert. Naglalampaso ito ng sahig. Napansin kasi nito na nakatitig siya kina Kassie at Brandon.
"Hey Fred, nandiyan ka pala! Anong ginagawa mo riyan? Tara na sa morgue!" Napalingon si Frederick sa tumawag sa likod. Nakita niya sina Aaron at Keith, at sinesenyasan siya na lumapit sa kanila.
***