Akala ko tapos na ang sorpresa ni Ashton nang hatiran niya ako ng almusal. “Uh… bago ka nga pala maligo mamaya,” sabi niya, may kinuha sa may gilid, “para sa ‘yo nga pala.” Paglingon ko, halos mapatigil ang paghinga ko. Anim… hindi, pito yata na paper bags. Malalaki. Makikintab at halatang mamahalin. Nakaayos na parang display sa boutique. “Anong… ano ang mga ito?” tanong ko, hindi ko mapigilang mapanganga. “I mean, para saan ang mga ‘yan?” “Damit mo,” sagot niya, simpleng sagot na parang isang simpleng t-shirt lang ang tinutukoy niya. “Lahat?” napataas ang boses ko. Tumango siya. “Yeah. Kulang pa ba? May iba ka pa bang gusto?” Lumapit ako na parang natatakot pa akong hawakan ang mga iyon. Isa-isa kong sinilip… mga dresses, blouses, pantalon, jacket. Mga sapatos. Sandals. Sneakers.

