ZHOLA
"Mas gumaling ka ata ngayon sa pakikipaglaban, Zhola." labas sa ilong na papuri ni Sebastian habang iniiwasan ang bawat atake ko.
"Pinaghandaan ko talaga ang pagpatay sayo!" asik ko rito. Kumukulo ang lamang loob ko sa lalaking 'to kapag nakikita ko s’ya.
Mabilis ang bawat paggalaw ng mga pakpak ko habang patuloy kong inaatake si Sebastian. Todo iwas lang ang loko. Halatang hindi s’ya makabwelo na magkapag-counter attack dahil sa ginagawa ko.
Katulad ni Leviathan, isa ring dating tao sina Sebastian, Zenon at Haden. Nakipagkasundo sila sa diyablong si Astaroth at naging alipin nito. Matagal ko ng kilala ang mga hinayupak na 'to lalong lalo na si Sebastian. Hindi ko makakalimutan at mapapatawad ang ginawa n’ya dalawang dekada na ang nakakalipas. S'ya ang dahilan kung bakit nasira ang magaganda kong mga pakpak.
20 Years Earlier…
Mula sa pinakamataas na parte ng palasyo ni Beelzebub ay walang takot kong tinalon ang tuktok. Habang papabagsak ang aking katawan ay dinama ko ang malakas at mainit na hanging dumadampi sa aking balat.
Kinaiinggitan nila akong lahat, pinupuri at hinahangaan, ako si Zhola ang pinakamagandang demoness sa lupain ni Beelzebub. Limang taon na simula nang pagsilbihan ko si Beelzebub bilang alipin n'ya at talaga namang wala na akong mahihiling pa, masaya ako sa ginagawa ko. Hindi katulad noon na isa lang akong ordinaryong demoness na walang silbi sa mata ng ibang diyablo, ngayon ay masasabi kong maswerte akong naging alipin ng panginoon ko.
Mabilis na bumukadkad ang magaganda kong pakpak nang malapit na akong dumikit lupa. Parang isang mabilis na bala, nilipad ko ang malawak na himpapawid ng Demon world. Katulad ng lagi kung ginagawa ay sumayaw ako nang magiliw sa ere. Magulo ang mundong ginagalawan ko pero kahit ganun ay may parte pa rin sa mundong ito na tahimik at isa na dun ang himpapawid.
Mabilis akong napatigil sa pagsayaw nang makita ang isang pigura na nakalutang.
Kanina pa ba s'ya nanonod?
"Sino ka?! " asik ko rito. Agad na nag-anyong metal ang pakpak ko bilang paghahanda sa lalaking kaharap ko. Wala itong pakpak pero nagagawa n’yang lumipad.
"Sebastian." tipid na sagot n’ya. "Ikaw ba si Zhola?" tanong n’ya na ikinakunot ng noo ko. Paano n’ya nalaman ang pangalan ko?
"Nagtataka ka siguro kong saan ko nakuha ang pangalan mo, narinig ko lang naman ito sa ibang diyablo habang naglalakad-lakad kanina. Alam mo bang gusto ka nilang patayin?"
Dahil sa taglay kong kagandahan at katalinuhan ay hindi na ako magtataka kung bakit ayaw ng ibang diyablo at demoness sa akin. Hindi ako mahusay sa pakikipaglaban pero gamit ang katalinuhan ko para magawa ang lahat nang misyon na ibinibigay sa akin ni Beelzebub ang dahilan ng lalo kong paglakas sa kanya.
"Wala akong pakialam." saad ko na ikinataas ng kilay ng kaharap ko. "Ngayon lang kita nakita rito. Sino ka ba talaga? Kung galing ka sa ibang lupain nang maharlikang diyablo ay trespassing ang ginagawa mong pagpasok sa teritoryo ni Beelzebub!"
"Hinahamon kita sa isang dwelo." walang pagaatubiling hamon n’ya. "Narinig kong ikaw ang pinakapaborito ni Beelzebub kaya inaasahan kong ikaw rin ang pinakamalakas sa lahat ng diyablo rito."
Hindi ko mapigilan ang pagbagsak ng panga ko dahil sa sinabi ng lalaking kaharap ko. Ba't bigla na lang nanghahamon ang lalaking 'to?
Biglang naging kamay ng dragon ang magkabilang braso n’ya.
Seryoso ba talaga s'ya?
Mabilis kong sinalag gamit ang mga pakpak ko ang suntok ng lalaki na dahilan para tumilapon ako ng ilang metro palayo sa kanya.
Mukhang seryoso nga s'ya. Pinabukadkad ko ang mga pakpak ko at pinaulanan s’ya nang matatalim na balahibong metal. Nakita ko ang pagsalag n’ya sa atake ko gamit ang mga braso n'ya. Hindi s’ya nasugatan o nagalusan man lang!
Nang ibaba n’ya ang dalawa n’yang braso ay nakita ko ang mapaglarong ngisi sa labi n’ya na nagpainit ng ulo ko.
Hayop 'to ah!
"Yan lang ba ang kaya mo?" mayabang na tanong n’ya na nagtrigger sa akin para atakihin s’ya ng sunod-sunod. Nakakapikon ang lalaking 'to! Gusto kong burahin ang nakakabwisit n'yang pagmumukha!
Sa bawat pag-ataking ginagawa ko gamit ang mga pakpak ko ay nagagawa n'yang salagan iyon. Kakaiba rin ang balat ng lalaking 'to! Napakakunat!
"Tapos ka na ba?" tanong n’ya na mas lalo kong ikinainis pero mabilis kong ikinulong ang sarili ko sa malalaki kong pakpak nang bigla na lang lumaki ang mga braso't kamay n’ya. Nakita ko ang paghaba ng mga kuko nito saka ako inatake. Dahil sa malakas na pagatake n’ya sa akin ay bumagsak ang buo kung katawan sa lupa.
Ilang sandali akong nakahiga sa lupa. Ramdam ko kirot ng buo kong katawan pero ang nagbigay kaba sa akin ay ang mga pakpak ko. Hindi ko ito maigalaw. Nang lingunin ko ang kaliwang pakpak ko ay nakita kong punit punit at butas butas na ito. Mabilis ko ring nilingon ang kabila ko pang pakpak. Ganun na lang ang panlulumo ko sa kinahinatnan ng mga pakpak ko.
***
20 years na ang nakakalipas pero hindi ko pa rin makakalimutan ang ginawa ni Sebastian. At ngayong nabigyan na ako nang pagkakataong makaganti at patayin s’ya ay hindi na ako magsasayang pa ng oras.
"Hindi ba natin sila pipigilan?" tanong ni Elisha sa katabi n’yang lalaki na sina Zenon at Haden.
At kelan pa naging close ang tatlong 'yon?
"What?" paglabi ni Elisha nang makitang ang sama ng tingin sa kanya.
"Wag mong tatanggalin ang mata mo sa kalaban hangga't di pa tapos ang laban." pahayag ni Sebastian sa gitna nang bawat pag-atake n’ya sa akin.
Sa loob ng 20 years ay nag-insayo akong mabuti para sa araw na 'to. Nang dumating si Leviathan ay tinulungan n'ya rin ako.
Fight Dance - inaral ko ang technique na iyon sa payo na rin ni Beelzebub. Nakita nito kung paano ako lumipad at sumayaw sa gitna ng himpapawid kaya naman pinayuhan n’ya akong aralin ang fight dance na agad ko namang sinunod.
Hind katulad nang dati na nakakalipad ako nang napakataas sa himpapawid ngayon ay tamang taas na lang ang kaya ng mga pakpak ko at kasalanan 'yon ni Sebastian pero kahit ganun ay nagawa ko pa rin perpektuhin ang bago kong technique.
Parang isang balerina, ipinikit ko ang mga mata ko at nagsimula sa mahinhin na paggalaw saka sumayaw.
"Sa tingin mo ba ay matatalo mo ako kung sasayaw ka lang?" Hindi ko pinansin ang sinabi ni Sebastian at pinagpatuloy ang concentration ko. Kahit walang pahinga ang buo kung katawan dahil sa mga sinapit ko sa paghahanap sa kalahating diyablo na 'yon ay masasabi kong nasa tamang ayos pa rin ang katawan ko.
Sa pagsayaw ko ay s'ya ring pag-atake ko kay Sebastian. Halata sa mukha n’yang hindi n'ya mahulaan ang sunod kong mga galaw kaya naman kahit papaano ay napupuruhan ko s’ya.
"Zhola!" mabilis akong napalingon kay Elisha.
Isang Cherufe.
Gamit ang malalaki nitong kamay ay hinuli ako ng halimaw at mabilis na inihagis sa direksyon ni Sebastian. Ending parehas kami bumagsak sa lupa.
Cherufe o mas kilala ring Sea Magma, isa itong higanting nilalang na gawa sa rock crystal at magma. Sila ang tagapagbantay ng mga bulkan dito sa Demon world. Bawat bulkan ay may natutulog na Cherufe.
Mukhang nagising namin ang isa sa kanila.