HINDI NAGTAGAL ay umabot ng mahigit isang buwan ang panliligaw ni Howard kay Zionne na tanging silang tatlo lamang nila Paul ang nakakaalam. Ngunit, hindi maiiwasan ang may ibang taong makapansin sa madalas na paglabas ng dalawa, habang si Paul ay nananatiling tikom ang bibig sa mga nangyayari.
Hindi na rin nasundan ang pag-uusap ng dalawang magkaibigan na sina Zionne at Paul, dahil madalas ay sinasadya ni Howard na samantalahin ang oras para hindi mag-usap ng dalawa. Subalit isang araw ay hindi sinasadyang magkakasalubong sa may stock room sina Zionne at Paul. May ilangan mang nagaganap ay hindi maiwasang may nagkukubli pa ring damdamin si Paul sa kaibigan.
"Ah.. kukuha lang ako ng sizes ng mga ito," wika ni Zionne habang napatingin naman si Paul sa basket na hawak niya kung saan ay may mga sample.
Doo'y mabilis niyang inagaw ang basket na hawak nito. "Ako na ang bahalang maghanap, umakyat ka na," malamig sa tonong wika nito. Subalit labis na ipinagtaka iyon ni Zionne kaya naman unti-unti siyang napa-iling habang hinuhuli ang tingin ng kaibigan.
"Sinasabi ko na nga ba at parang may mali sa'yo." Napabuntong hininga siya habang pilit naman umiiwas ng tingin ito sa kaniya. "Nagtatampo ka sa'kin, pero bakit?" pagkaklaro niya. Napataas ang kilay nito sa sinabi niya. Humakbang pa siya papalapit sa kaibigan at doo'y nakita niya ang sandaling pagpikit nito.
"Zionne.. please--"
"Hindi, Paul! Akala mo ba madali lang sa'kin? Ikaw ang pinakamalapit kong kaibigan dito tapos iiwasan mo ko? Akala mo ba ay balewala lang lahat sa akin? Sobrang nahihirapan na ako. Sobrang tagal na.. at.. miss na kita," naluluhang tugon niya na nagbigay ng kiliti sa puso ng binata.
Sa muling pagkakataon ay tila nabuhayan ng pag-asa si Paul para sa kanilang dalawa. Nagtama ang kanilang mga mata at wala ni anong salitang lumabas sa kanilang bibig subalit ang kanilang mga mata'y nagkakaintindihan. At unti-unting napatango si Paul at sinabi, "Tama ka, iniwasan kita," wika nito na nagpahikbi kay Zionne habang nagtatanong ang kaniyang mga mata. Subalit hindi nila namalayan ang ibang mga matang nakatingin sa kanila at ang pagdating ni Howard.
"Anong mayroon at magkasama kayo? Oras ng trabaho, hah?" pagbungad nito sa dalawa. Dahilan para sandaling itago ni Zionne ang mumunting luha na lumabas sa kaniyang mga mata. Gayundin si Paul ay mabilis na tumindig upang ibalik ang usapan nila kanina.
"S-sige, ako nang bahala rito." Pansin kaagad ni Zionne na may panghihinayang sa boses nito. Pero sa halip na pansinin iyon ay hinarap niya ang manliligaw.
"Pabalik na rin ako, may ipinasuyo lang ako kay Paul," sagot niya na nagpakunot ng noo ni Howard.
"Sana sa akin mo na lang ipinasuyo," malambing na anito habang hinahawak-hawakan pa ang kaniyang noo.
"Pero sa ibang department ka," sagot niya. Pero hindi nila alam na palihim silang pinagmamasdan ni Paul at masakit para sa binata na makitang sweet ang dalawa sa isa't isa. Doon na-realize ng binata na hindi niya kayang basta na lamang mawala sa buhay niya si Zionne kahit bilang isang kaibigan.
Lumipas pa ang mga araw ay dumating ang birthday ni Zionne. Sa buwan ng Nobyembre, bente singko. Kung saan ay isang sorpresa ang inihanda ni Paul bilang pagbawi sa kaibigan.
"Sigurado ka ba talagang magugustuhan 'to ni Zionne?" paniniguro niya kay Jennie dahil madalas itong makausap ni Zionne sa area.
"Oo naman 'no, alam mo kung ako ang bibigyan mo niyan, lulundag ang puso ko sa saya!" masayang wika pa nito.
Nanlaki ang mga mata niya. "Talaga? Sige, ilalagay ko 'to sa locker niya bago pumasok," nakangiting aniya. Ini-imagine niya kasi ang reaksyon ng mukha ni Zionne habang hawak-hawak ang bagay na 'yon.
Napakunot ang noo ni Jennie. "E, bakit ba kasi ayaw mo pang personal na ibigay? Close naman kayo, 'di ba?" Sandaling napawi ang ngiti sa labi niya.
"Okay na 'yon, may pangalan ko naman na nakalagay sa dedication kaya malalaman niya pa rin."
Mabilis naman siyang naitulak sa tagiliran ni Jennie. "Asus! Parang secret admirer lang ang peg-- e, teka, hula ko ay hindi lang friendship treatment ang ibinibigay mo sa kaniya!" panunukso pa nito.
Agad siyang napalinga sa paligid at medyo nawala ang kaba sa kaniya nang makitang wala naman si Zionne o Howard. "Hoy, tumigil ka nga, baka kung ano pang isipin ni Zionne kapag narinig ka niya," pabulong na aniya.
Napahalakhak naman ang dalaga. "Sabi na, e, may gusto ka sa kaniya!" Napapa-iling na lamang siya habang pinapakinggan ang malakas na pagtawa nito.
At bago pa man siya pumasok ay sinamantala niya ang sandaling wala na si Zionne at kung sinumang tao ang nasa locker room kaya palihim niyang inipit sa locker nito ang kaniyang regalo kalakip ang dedication card.
Kaniya-kaniyang pagbati ang narinig niya pagkapasok pa lamang ni Zionne subalit nakita niya ang pagtitig sa kaniya ng dalaga mula sa hindi kalayuan. At bago pa man siya tuluyang maglakad papunta sa may stock room ay narinig na niya ang boses nito. "Ikaw ba.. hindi mo ako babatiin?" Napalingon siya rito at tipid na ngumiti.
"Happy birthday, Zionne." Pero hindi nasiyahan ang dalaga sa sinabi niya kaya naman hindi na ito nagpasalamat at sa halip ay gumawa ito ng paraan para lumapad ang ngiti niya.
"Gusto mo bang mag-date tayo mamaya? Sagot ko," wika nito.
Namilog ang kaniyang mga mata kasabay nang paglundag ng kaniyang puso. "S-sigurado ka? Paano naman si Howard?"
Napangiti ang dalaga, "Edi pagkatapos ng date natin, teka-- ayaw mo bang maka-date ang best friend mo?" umaasang tanong nito.
"Hindi naman sa ganoon, gusto ko nga, e. Ang sa'kin lang ay baka mabitin pa kayo sa oras dalawa dahil nakihati ako.."
"Uy, 'wag mong sabihin 'yan, kahit kailan ay hindi ko inisip 'yan, Paul. At isa pa, maiintindihan naman siguro 'yon ni Howard lalo na at may sorpresa ako sa kaniya!" masayang wika ng dalaga. Nagpatay malisya na lamang siya sa nalaman.
"Talaga? O-o sige."
Lingid sa kaalaman ng lahat ay nakatakda nang sagutin ni Zionne si Howard sa araw mismo ng kaniyang kaarawan kaya gusto niyang samantalahin ang oras habang hindi pa siya committed. Pero hindi niya inaasahan na may isang sorpresang bubungad sa kaniya.
"Wow! Kanino kaya galing 'to--" Napatakip siya ng bibig nang mabasa ang nakasulat na pangalan doon at hindi maiwasang sumaya ng puso niya.
"Naks naman, Zionne! May secret admirer ka, hah?" ani Angel.
"Akala ko ba, si Howard lang?" panunukso naman ni Ella. Kalat na rin kasi sa buong department ang mutual understanding nilang dalawa.
"Teka, kanino ba galing 'yan?" pagkukunwari ni Jennie habang pilit sinisilip ang nakasulat, nakisilip na rin sina Angel at Ella na halata namang tinatraydor siya. Dahil to the rescue agad ito na magbigay ng impormasyon para kay Ruzelle.
Mabilis naman naiharang ni Zionne ang kaniyang kamay kaya nabigo ang mga ito. "Oops, at dahil birthday ko ngayon, bigyan niyo ako ng privacy, p'wede ba?" Dahan-dahang napatango sina Angel at Ella habang lihim na napapahakipkip si Jennie dahil sa nalalaman nito.
Sandali pa niyang binalikan ng tingin ang regalong iyon kung saan ay isang kwintas na ang pendant ay initial ng kaniyang buong pangalan. Sa tuwina ay sinarili niyang magpasalamat kay Paul.
-
Natuloy nga ang date ng dalawang magkaibigan pagka-out pa lamang at maayos namang ipinagpaalam iyon ni Zionne kay Howard. Saktong alas siyete y media ng gabi nang makarating sila sa isang pizza store sa Makati.
"Mukhang mahal dito, hah? Gagastos ka talaga ng mahal para lang sa date natin?" May halong kilig sa pakiramdam ni Paul nang sabihin niya iyon.
"Okay lang, minsan lang naman, e.."
Sandali siyang napatitig sa kaibigan. Saksi kasi siya sa pagsisikap nito para mabigyan lamang ng magandang buhay ang pamilya nito sa probinsya ng Samar. "Ganito na lang, maghati na lang tayo sa bill at ang kalahati nang ibabayad mo ay i-save mo na lang para ipadala sa parents mo," suhestyon niya na nagpabigla kay Zionne.
"Sigurado ka?" Napatango siya habang nakangiti at unti-unti ring napangiti si Zionne. "Salamat! Iba ka talaga!" masayang wika nito at hindi niya inaasahan ang biglang pagyakap nito.
Ilang segundo pa ang lumipas ay nakadama sila nang pagka-ilang sa isa't isa kaya naman unti-unti silang naghiwalay. "I'm sorry, nabigla lang, kain na tayo?" Napatango siya kahit alam niyang may bahid ng saya ang kaniyang puso sa ginawa nito.
Sa loob ng mahigit isang oras ay marami silang napag-usapan pero kahit pilitin man pigilan ni Paul ang nararamdaman para sa kaibigan ay may kung anong nag-uudyok sa kaniya. Kaya naman nang makatsempo ay bigla niya itong niyakap.
"Paul? B-bakit mo ginawa 'yon?" nagtatakang wika nito.
Napangiti siya. "Wala lang, baka lang kasi hindi ko na magawa 'yan kapag kayo na ni Howard.. alam mo na, may limitations na ako bilang best friend." Naintindihan naman ito ni Zionne kaya ito na ang naglapit mismo sa sarili para itanday ang ulo sa kaniyang dibdib.
"Ito talagang best friend ko.. na-miss ko 'to, e-- itong bonding natin na tayong dalawa lang." Nakita niya kung paano kumislap ang mga mata ng kaibigan at para sa kaniya ay masaya na siya sa paraang iyon kahit na nananatili pa ring lihim ang pagtingin niya para rito.
-
Sumapit ang alas otso y media ng gabi at nakatakda nang magkita sina Zionne at Howard kung saan ay ito na ang araw na pinakahihintay niya.
Malamig na ang simoy ng hangin na dumadampi sa kanilang balat pero hindi sapat na dahilan 'yon para madagdagan ang kabang nararamdaman ni Zionne.
"Bakit parang nate-tense ka?" puna nito sa kaniya.
"Ah. M-may gusto lang kasi akong sabihin," panimula niya at doo'y hinayaan siya ng binata na makapagsalitang muli, "Howard.. masaya ako na dumating ka sa buhay ko at nagpapasalamat ako dahil ipinaramdam mo sa akin kung paano ako alagaan at mahalin, kaya--" Hindi pa man siya natatapos ay nagbigay na ito ng konklusyon.
"Sinasagot mo na ako?" Dahan-dahan siyang napatango at walang ibang nagawa ang binata kundi ang yakapin siya nang mahigpit. "Salamat, Zionne. I promise that I will be a best boyfriend to you."
Anong saya ang kaniyang nadama lalo na nang matikman ang kanilang unang first kiss.
Itutuloy..