CHAPTER 22: PANINIRA
Rox's POV
Kahit kailan talaga, nakakabuwisit ang uri ng laro na ginagawa ni Xander! Mabuti na lang talaga at may alyansa na ang Poison Blade at Dark Spade, mabilis na nakarating sa amin ang balita na nagpunta raw sa kuta namin ang lalaking iyon. Kaya kahit nasa kalagitnaan pa kami ng meeting, mabilis kaming kumilos papunta sa kuta para harapin ang lalaking iyon.
Kasama ko ang ilang miyembro ng Poison Blade at sina Mace na kasama rin ang ilang miyembro ng gang niya.
Hindi ko intensyong magpakita ng atensyon sa lahat dahil sa laki ng grupo namin, pero sabi kasi ni Mace...kung sakali raw na magkaroon ng away ay mainam nang handa kami.
Hindi pa man kami nakakalapit sa building namin ay tanaw ko na agad ang malaking grupo ni Xander na kaharap ang ilang miyembro ng Poison Blade na palaging naiiwan dito kapag nasa school kami. Hindi na kasi sila nag-aaral, kaya naging tambayan na nila ang lugar na ito.
Pansin kong nagkakaroon na ng initan sa pagitan ng dalawang panig, sakto lang ang pagdating namin.
Nang maramdaman ni Xander na may dumating ay agad niya kaming nilingon, suot ang isang kunot sa kanyang noo. Hindi ko alam kung dala ba iyon ng kinahantungan ng usapan nila o nainis siya dahil naabutan namin siya rito. Maaring ang pagdating namin ang pumigil sa kanya sa kung anong balak niyang gawin.
Pero nawala bigla ang kunot sa noo niya pagkatapos niyang iikot ang paningin sa aming lahat na bagong dating. Napalitan ito ng isang ngisi at siya pa ang unang bumati sa amin, "Aba! Tingnan mo nga naman, may gusto pang sumama sa kasiyahan natin!" aniya.
Nanatiling tahimik ang panig namin, siguro dahil walang natuwa sa sinabi ni Xander. Napalunok naman ako nang magtama ang tingin namin ni Salazar, seryoso at diretso ito...halatang may alam na siya sa nangyari tungkol sa amin ni Ranz.
Naka-abante siya ng bahagya kumpara sa ibang miyembro, siguradong siya ang humarap kay Xander para sagutin ito.
Si Salazar ang taong may pinakamalaking tiwala kay Zeph. Mula pa nu'ng bago ayusin ng kaibigan ko ang gang na ito ay tumutulong na siya rito. Ang kwento pa nga sa akin ng babaeng 'yon ay may sinabi raw si Salazar sa kanya noon na nakatulong daw ng sobra sa kanya, pero hindi niya sinabi kung ano ba 'yun at kung paano ito nakatulong sa kanya. Basta ang mahalaga, alam kong siya ang pinakatapat na miyembro ng Poison Blade.
Nabaling naman ang tingin ko kay Xander, kahit hindi ko narinig ang mga pinag-usapan nila ay alam ko na kung ano ang mga pinagsasabi niya rito. Malas niya lang dahil si Salazar ang nakaharap niya, isang matalinong lalaki rin kasi siya kaya hinding-hindi siya mauuto.
"Gusto mo ba talagang mamatay ng maaga, Xander? Hindi mo ba talaga tatantanan ang Poison Blade?" ani Mace. Bakas sa boses niya ang irita, nakita ko rin ang paghalukipkip niya habang nagsasalita.
"Sige lang, kahit patayin ninyo ako...hindi naman mauubos ang taong gaya ko na tatayo at isusulong ang ikinakampanya naming paniniwala. Hindi n'yo kami mapipigilan!" sagot ng kanyang kausap, pagala-gala ang mata nito at halatang gusto niyang iparinig 'yon sa lahat dahil sa lakas ng boses niya.
Bilib talaga ako sa tapang niya, nakukuha niya pang magbanta ng ganyan kahit napapaligiran na siya ng magka-alyansang gang. Kung magkakaroon man ng gulo, tiyak na walang maiiwang buhay sa kanila dahil di hamak na mas marami kami.
"Bakit ba hindi mo na lang tanggapin na wala pa sa kalahati ang naisasagawa mo sa plano mo...talo ka na?" si Ranz naman ang sunod na nagsalita.
Imbes na umatras, nakuha pang ngumisi ni Xander. "Talo?" Kumunot sandali ang noo niya at paglipas ng ilang segundo, tila nalinawan siya sa itinatanong ng boyfriend ko sa kanya. "Ah, inakala mo ba ang pagpatay mo sa miyembro ng gang ko ang plano ko? Nagkakamali ka, dahil wala naman akong alam sa ginawa niyang pagsugod sa girlfriend mo. Kusa niyang ginawa 'yon at—"
"Talaga bang ipipilit mo ang kasinungalingang iyan?! Hindi ka ba nahihiya na nagmumukha ka nang tanga?" hindi ko napigilan ang sarili kong sumawsaw sa usapan dahil hindi niya rin ako pinapatahimik!
Humarap siya sa akin na nakangisi. "Hindi ako nagsisinungaling, talagang wala akong alam sa ginawa niyang 'yon. Malay ko ba sa relasyon n'yo—"
"Shut up!" gigil na pigil ko sa kanya.
Wala na akong pakialam kung totoo ba na wala siyang alam sa biglang paglapit sa akin ng lalaking iyon, pero malinaw na ginagamit niya ang pangyayaring iyon para idiin kami ni Ranz sa kasalanang hindi naman namin sinasadya.
Sa totoo lang, gusto ko na matapos ang usaping iyan. Sawa na akong marinig ang mga wala niyang kwentang paratang. Bakit ba hindi na lang siya manahimik at makuntento sa mga taong sumusunod sa kanya? Pati kaming mga nananahimik guguluhin niya.
"Xander, I'm warning you...kung hindi mo ititigil ang pinaggagawa mo...kahit tumawag ka pa ng ilang demonyo, hindi ka makakatakas sa parusa ng Prince."
Nakita ko ang paglunok niya pagkatapos marinig ang babala ni Mace. Nagkaroon din ng pagkabahala ang mga kasama niya. Tiyak na kilala nila si Claude kung paano ito magalit...doble ang kilabot na mararamdaman mo kumpara sa galit ni Zeph.
Siguro talagang requirement na ng isang Prince o Princess of Street Fighters na dapat maging nakakatakot ang presensya niya mo para magkaroon sa 'yo ng respeto ang isang demonyong mga gaya nila.
Wala akong masyadong alam tungkol sa kakambal ni Mace, pero alam ko na kakaiba talaga magalit ang lalaking 'yon. Tahimik siyang tao pero nasa loob ang kulo niya, nakakakilabot talaga.
Nabanggit naman ni Mace kanina sa meeting namin na kapag talaga hindi nanahimik si Xander ay magsusumbong na siya kay Claude. Kumbaga sa game, final boss na siya, kaya last option namin siya.
Medyo nag-aalala lang ako sa posibleng gawin ng kambal na ito, baka kasi imbes na maayos ang problema...lalo pang gumulo.
"Alam mo Mace, hindi naman na dapat humantong pa kay Claude ang tungkol sa bagay na ito. Puwede namang dito palang ay tapusin na natin ito, 'diba?"
Kinilabutan ako sa pananalita ni Ranz. Gusto ko siyang pigilan pero natikom ang bibig ko dahil sa takot sa kanya, nag-ibang tao na naman siya sa paningin ko. Alam kong nagtitimpi lang siyang patulan si Xander dahil sa sinabi ni Mace na maaring epekto ng pagpatay sa taong ito pero...
"R-ranz!" sa wakas ay nagawa kong magsalita, kabado ako pero pinilit kong lakasan ang loob ko. "Hindi mo siya puwedeng—"
"Hindi ko siya papatayin, ipaparamdam ko lang sa kanya ang bagsik ng kamao ko. Hindi pa 'ko nakakaganti sa pambabastos nila sa 'yo, kaya ito na ang tamang pagkakataon para r'on."
Hindi ko na nagawang pigilan pa si Ranz, pinanood ko na lang siyang maglakad pa-abante habang pinapalagitik ang mga daliri niya at ang leeg niya. Napalunok ako dahil natatakot ako sa puwedeng magawa niya, kahit sinabi niyang hindi niya ito papatayin ay iba pa rin ang naiisip kong puwedeng mangyari.
Ilang beses ko na kasing narinig si Zeph na nagsabing hindi niya raw papatayin ang bubugbugin niya, pero ang ending...napapatay niya pa rin. Kaya nga nagkaroon ng Street Ninja, kasalanan din naman niya 'yon!
Nagpalinga-linga ako sa paligid, talagang walang nagreklamo o umawat manlang sa balak gawin ng boyfriend ko. Maski si Xander ay hindi umimik, talagang hinayaan niya lang si Ranz na pumwesto sa harap niya. Tapos 'yung mga kasama niya ay lumihis din at pumunta sa gilid nilang dalawa.
Para tuloy kaming naging human ring dahil ang grupo namin nila Mace ang nasa likuran ng dalawa tapos sa katapat namin ay sina Salazar.
Tawa ni Xander ang unang namayani sa pagitan nilang dalawa. "Sigurado ka bang lalabanan mo ako? Baka kumain ka ng alikabok ko—"
Hindi na niya nagawang tapusin ang sinasabi niya dahil mabilis kumilos si Ranz at agad siyang sinuntok. Maging ako ay nabigla sa nangyari at hindi ko nakita kung saan siya banda tinamaan.
Pero hindi bumagsak o tumilapon manlang si Xander, nanatili siya sa pwesto niya habang nakapaling lang ang ulo niya pagkatapos ng isang suntok na iyon.
Kahit na hindi nagawang patumbahin ang kalaban, nagawa pa ring tumambay ni Ranz sa harapan ng kalaban niya. Nakapamulsa pa ito na para bang hinihintay ang magiging reaksyon ng kaharap niya.
"Ang dami mong daldal, kanina ka pa nag-iingay. Laban na kung laban," ani Ranz.
Bago sumagot ay ipinaling muna ni Xander ang tingin niya sa kaharap. Nakangisi ito at agad na nagpahid ng kanyang labi. Doon ko nakumpirma na sa ibabang labi sa bandang kaliwa nito ang naging tama ng suntok sa kanya.
"Ganito rin ba ang suntok na ibinigay mo sa kabit ng girlfriend mo?"
Naikuyom ko ang kamao ko, kahit nasuntok na siya ay nakukuha niya pa ring mang-asar.
Pero napalitan kaagad ang ekspresyon ko ng isang kunot sa noo dahil walang isinagot o ginawa manlang si Ranz, nakatayo pa rin siya sa harapan ni Xander. Gaya ko ay nakatingin din sa kanya ang kalaban niya at tila pareho kaming may bakas ng pagtataka sa mukha.
"Talaga bang ipipilit mo na hindi mo alam ang ginawa ng kasama mo?" ani Ranz, sa wakas ay nagsalita na siya. Ramdam ko ang lamig ng kanyang boses.
Humalakhak ang kausap niya. "Kahit hindi n'yo 'ko paniwalaang lahat, talagang wala akong ideya sa ikinilos ng lalaking iyon. Wala akong ka-alam-alam sa mga sinasabi n'yong ginawa niya."
Muli na namang kumunot ang noo ko, kahit kalaban namin siya ay halata naman sa kanya na nagsasabi siya ng totoo. Kaya sa tingin ko ay iyon din ang rason bakit nagtanong ulit si Ranz.
"Sino ang kumuha sa aso kong si King?"
Si Xander naman ang kumunot ang noo. "Aso? Huh?"
Nakagat ko ang labi ko dahil ganoon pa rin ang itsura niya...wala rin siyang alam sa nangyaring iyon!
Hindi ko alam kung talaga bang wala siyang alam o itinatanggi niya lang, pero mula pa kanina sa school ay nilinaw naman niya na ang gusto niya lang ay mapabagsak ang gang namin. Hindi ba talaga parte ng plano niya ang mga nangyaring iyon?
Nakita ko ang pag-angat ng ulo ni Ranz na tumingin siya kay Xander, hindi ko man kita ang mukha niya pero sigurado akong seryoso ito at sinusubukan niyang basahin ang reaksyon ng kaharap niya...sa ganitong paraan niya malalaman kung nagsasabi ba ito ng totoo.
Muli siyang nagtanong, "Kung talagang hindi mo rin 'yon alam...sabihin mo na lang sa akin ang pagkatao ng lalaking iyon."
Umayos ng tayo si Xander, para bang sa reaksyon niya ay nakahinga siya ng maluwag dahil tinatanong na lang siya ng kaharap niya at hindi na nasundan pa ang suntok na 'yon.
Sinagot niya si Ranz, "Ang pangalan ng lalaking pinatay mo ay Roberto. Nakilala ko siya sa Canteen na palaging nag-iisa at parang laging may hinahanap. Noong una, nag-alangan din akong lapitan siya at kausapin dahil parang weird nga ang ugali niya. Pero desperado akong magkaroon ng miyembro ng mga araw na 'yon kaya inaya ko siyang sumali sa Street Ninja, tapos agad naman siyang pumayag."
Napalunok ako dahil ang inosente pakinggan ng boses ni Xander. Para siyang bata na nagkukwento lang ng adventure niya sa first day of school niya, alam na alam niya ang sasabihin at hindi mo siya makikitaan na may idinadagdag siyang detalye o bagay na sinabing hindi totoo.
"Madalas mo ba siyang nakausap mula noon?"
"Hindi, wala akong panahon kausapin ang gaya niya na laging parang may sariling mundo...sayang lang ang oras ko sa kanya."
"Kung gan'on, paano mo nalamang napatay siya ng gabing iyon?"
"Malamang, kasali siya sa gang ko. Kahit gaano kasama ang tingin n'yo sa akin ay may paraaan pa rin ako para alamin ang lagay ng mga miyembro ng grupo."
"At nang malaman mo 'yon, ginamit mo naman ang pagkakataong iyon para kalabanin kami ulit, tama?"
Hindi nakasagot si Xander, umawang lang ng bahagya ang bibig niya. Halatang nahuli ni Ranz ang mga kilos niya.
Dahil hindi na muli ito umimik, humarap na si Ranz sa amin at naglakad palapit sa akin. Habang naglalakad ay nagsalita siya, "Makakaalis ka na, tapos na ang imbestigasyong ito."
"Anong sabi mo?!" sigaw ni Xander, nakaharap ito sa kanya habang salubong ang kilay.
Tumabi sa akin angg boyfriend ko saka umikot paharap sa kausap. "Warm-up lang ang suntok na iyon, sinubukan ko lang kung gagana utak mo kapag ginawa ko 'yun. Nakita mo naman, effective...'diba?"
Hindi ko alam kung bakit sumali ako sa naging tawa ng kapulungan. Alam kong insulto ito para sa kanya, pero talaga namang nakakatawa isipin na sinagot niya ng tapat ang lahat ng itinanong sa kanya ni Ranz.
Nagkamali ako ng pagkilala sa kanya, akala ko pa naman ay tuso rin siya mag-isip. Iyon pala ay tuluyan na siyang nanahimik noon tapos naisipan niya lang kumilos ulit dahil sa nangyaring aksidente. Para siyang bata...
"Hindi ako nagpunta rito para—!"
"Pumunta ka rito para kumbinsihin ang mga miyembro ng Poison Blade na umanib sa 'yo, tama? Dahil akala mo...kapag may gaya naming miyembro na lumbag sa batas ni Zeph ay mawawalan na sila ng gana na mag-stay pa sa grupong ito. Kung iyon ang iniisip mo...maling-mali ka. Bago kami iniwan ng Leader namin, hinanda niya muna kami para sa ganitong pagkakataon. Magising ka na sana, Xander...dahil uulitin ko sa 'yo, hindi mo kaya ang Poison Blade."
Sa sinabing iyon ni Ranz ay tuluyan nang nanahimik si Xander. Lahat ng kaba at pag-aalala sa dibdib ko ay nawala dahil sa wakas...natuldukan na ang problema namin sa lalaking 'yan!
"Hoy."
Agad na nilingon ni Xander ang tawag ni Salazar sa kanya. Bahagya siyang napatras nang makita niyang nakatutok pala sa kanya ang talim ng dagger nito.
Muling nagsalita si Salazar, "Umalis ka na rito kung ayaw mong ako mismo ang maghatid sa 'yo sa impyernong pinagdalhan ni Ranz sa kasama mo!"
Nanggigigil na hinarap kami ni Xander. "Tandaan n'yong lahat! Hindi pa 'ko tapos sa inyo! Siguraduhin n'yong perpekto ang mga kilos ninyo dahil sa susunod na makitaan ko ulit kayo ng butas...babalikan ko kayo! At sa pagbabalik ko, sigurado na ang pagbagsak n'yo."
Pinanood lang namin ang paglalakad ni Xander palayo kasama ang mga miyembro ng gang niya.
Matatakutin akong tao at aminado akong mahina ako. Pero sa pagkakataong ito, kahit narinig ko ang pagbabanta niya...wala manlang ni isang balahibo ko ang tumindig dahil doon.