TATLONG araw lang din ang lumipas simula noong makita ko sina Ms. Shane at Renz sa opisina sa hindi kaaya-ayang senaryo ay nalaman ko na si Ms. Shane pala ang nagkakalat ng mga tsismis tungkol kay Renz. Isang beses kasi may isang empleyadang nakakita sa kanya sa loob ng C.R na nakikipag-usap sa cell phone habang umiiyak. Yumuko pa ito bilang pagbati ngunit hindi siya napansin kaya diretso siyang pumasok sa cubicle para umihi.
Mayamaya ay narinig niya si Ms. Shane na binanggit ang pangalan ni Renz at sinabing gusto niyang mapasakanya lang si Renz kaya gumagawa siya ng kuwento na babaero ito at maraming mga babae ang naikama na nito. Kaya raw nito ginagawa iyon ay para makaganti sa hindi nito pagpansin sa pagmamahal niya.
May kung ano sa isip ko ang nagdidikta na magtiwala at nagtuturo na magmahal muli. Kaya noong nalaman ko ang tungkol doon ay medyo nawala rin ang agam-agam ko tungkol kay Renz.
At simula rin noong magkausap kami sa kanyang opisina at nagtapat siya ng kanyang nararamdaman ay araw-araw niya na akong pinadadalhan ng paborito kong bulaklak na sunflower sa aming bahay tuwing umaga.
Minsan pa nga ay mahilig siyang magsabi ng mga korning salita na hindi ko lubos maisip na may side pala siyang ganoon. Hanggang sa di ko namalayang nasasanay o mas magandang sabihing unti-unting nahuhulog na ang loob ko sa kanya.
Ngayon ay magkasama kaming nakaupo sa isang cafeteria dito sa loob ng kompanya ni dad sa may ground floor. Nagkukuwentuhan lang tungkol sa mga bagay-bagay para lang may mapaglibangan habang naghihintay na mag-uwian.
"Gelli, gusto mo bang makarinig ng mga sweet lines?" nakangiting tanong pa niya sa akin habang nakapamulsa.
"Wow coming from you, Mr. Serious? Are you trying to be cheesy today?" natatawang sagot ko sa kanya.
Grabe, siya na isang may pagkaseryoso magsasabi ng mga sweet lines?
"Just listen to me love!" sabi niya sa 'kin ng may nanunuksong ngiti.
Siniko ko siya pagkatapos niya akong tawaging love. Aba, baka masanay ang loko kapag pinabayaan ko lang siya. Kahit na sweet pa siya ay kailangan kong itago dahil masyado pa atang maaga para sagutin ko siya.
"Hindi mo inaasahan na ang taong hindi mo pinapansin noon ay 'yong taong mamahalin mo ng sobra ngayon," nakangiting sabi niya sa 'kin habang parang tinitingnan kung ano ang reaksyon ko.
"Naku, Gelli huwag ka munang magpadala sa mga korni lines niya," sabi ko habang pinipigil kong kiligin sa sinabi niya.
"Kung sa menu maraming pagpipilian para sa ’kin dalawa lang 'yong ME-N-U," sabi niya pa habang hawak ang kamay ko at nilalaro-laro ito.
Konting-konti na lang matatawa na ako sa pinagsasabi nito. Wala kasi sa mukha niya 'yong mga sweetness na sinasabi niya kasi para siya naka-poker face na hindi malaman.
"May sasabihin ka pa ba?" tanong ko sa kanya.
"Hindi ko mapapangako na ikaw na ang last ko pero susubukan kong hindi ka maging past ko," napasimangot siya ng makita niyang hindi ako naaapektuhan ng mga pinasasabi niya na korni.
"Naku tapos ka na ba? Baka kasi nag-alisan na mga tao rito sa building," nakangiting sabi ko sa kanya sabay hila ng kamay niya.
"Aba, hindi ka man lang kinilig sa mga sinabi ko sa'yo?" maang na tanong niya habang sabay kaming naglalakad papuntang elevator.
"Naku, pasensya na para sa 'kin kasi laos na 'yang mga kakornihan na 'yan. Sa susunod magbaon ka ng medyo bago para naman kiligin ako," nakangiting sabi ko sa kanya sabay.
Nauna na akong pumasok sa elevator at pinindot na ang numero ng papuntang 2nd floor. Wala kaming imikan sa loob hanggang sa tumunog na ang bell hudyat na nandito na kami sa 2nd floor.
"Galit ka ba kasi hindi ako kinilig sa sweet lines mo?" nakangiting tanong ko sa kanya habang sinusundot-sundot ko ang tagiliran niya.
Naglakad na kami palabas ng elevator para maglakad papunta sa opisina niya.
"Hindi ako galit sa 'yo. Hindi kahit kailan, Gelli. Nag-iisip lang ako ng mga bagong sweet lines na puwede kong sabihin sa 'yo sa susunod para kiligin ka naman sa 'kin kahit papaano," nakangiting sabi niya habang hawak ang dalawang balikat ko at nakatingin sa 'kin.
Sa totoo lang kinikilig na ako kanina pa pero kailangan kong pigilan. Maybe this is not the right time.
"Tara na nga, nakakahiya baka makita tayo ng ibang empleyado rito masabihan pa tayong malandi," natatawang sabi ko sa kanya.
Nauna na akong naglakad papuntang opisina.
"Sige po mahal na prinsesa at baka ma-traffic pa tayo papunta sa opisina," nagpapatawang sabi niya sa ‘kin pagkatapos ay kinuha niya ang bag ko para bitbitin.
"Aye, aye boss," pang-asar na sagot ko sa kanya habang sabay kami na naglalakad. Bawat madaanan naming ay nakatingin lang sa amin. May mga nakangiti. May mga abalang-abala naman sa pagtatrabaho. May mga nakasimangot. At may mga tingin din na akala mo ay kakainin ka ng buhay. Isa na roon ay si Shane na tuwing nakikita ako ay parang lagi akong gustong patayin at kapag nakikita si Renz ay parang maamong tupa at laging malagkit ang tingin.
Sa ilang buwan na nakalipas mula nang magtapat siya ng nararamdaman sa 'kin ay naging palagay na ang loob ko sa kanya. Kaya nailalabas ko na ang pagiging mapang-asar, masungit at iba't ibang pang ugali ko sa kanya.