Bella
Isang taon na rin magmula nang mapadpad sa aming isla si Zac. Naging maayos naman ang aming relasyon bilang magkasintahan, pero kung minsan ay hindi rin namin naiiwasan magkaroon ng tampuhan. Palagay ko naman ay normal lang 'yun sa isang relasyon. Saka hindi rin naman nagtatagal ang hindi namin pagkakaunawaan. Madalas siya ang sumusuyo sa 'kin kahit na kung minsan ako ang mali. Mas matured na kasi siya mag-handle ng relasyon namin kesa sa 'kin.
Napagdesisyunan din namin na itago na lang ang aming relasyon sa lahat ng tao dito sa isla. Pero kung minsan ay naghihinala ang ibang tao dito lalo na ang pinsan kong si Kelsey sa kung ano ang namamagitan sa 'ming dalawa ni Zac. Dahil napapansin raw nila ang sweetness namin. Hindi kasi maiwasan ni Zac na maging clingy sa 'kin. Pero lagi ko naman siyang pinapaalalahanan na hindi nila pwede malaman ang tungkol sa aming dalawa. Kaya nga todo deny ako na magkaibigan lang kami.
Mas gusto ko kasi na tahimik lang, iyon bang lowkey relationship lang. Kapag nalaman kasi ng lahat mas magiging komplikado lang. Lalo pa't sa isang bubong lang kami naninirahan kasama pa ang mga magulang ko. Kaya hindi pa puwede.
Mabuti na lang talaga hindi madaldal si Liam. Siya lang ang nakakaalam ng relasyon naming dalawa ni Zac. Nakiusap akong huwag niyang ipaalam sa iba at naunawaan niya naman ito. Mapagkakatiwalaan naman ang isang 'yun dahil kababata ko siya.
"Couz, darating daw mamaya si Amber," ani Kelsey.
Si Amber ay kababata rin namin. Hindi namin siya kadugo pero naging malapit ako sa kanya nu'ng mga bata pa kami.
Hindi nalalayo ang edad namin. Matanda lang ng dalawang taon sa 'kin si Amber. Dito sila naninirahan sa isla nu'ng mga bata pa kami. Pero nu'ng 8 years old siya ay nag-migrate ang pamilya niya sa Scotland. Du'n na siya nag-aral. Balita ko nga international model na siya, eh. Cover girl siya ng iba't-ibang sikat na magazine. Isa nga din siyang model ng Victoria Secret, eh. Bagay naman sa kanya kasi napaka-sexy niya.
"O, kasama si Tita Beatrice?" Ani ko.
Si Tita Beatrice ay ang ina ni Amber. Nakapangasawa ito ng mayaman, kaya naman naging maganda ang buhay ni Amber sa Scotland. Nalibot niya na nga yata ang halos lahat ng bansa. Nag-stay din siya sa Maynila ng matagal.
Ang balita ko nga ay marami siyang naging karelasyon na mga guwapo at mayayaman. Pero itinatanggi niya naman ito sa tuwing mapag-uusapan 'yun sa kanyang mga interviews.
"Oo yata, 'di ko sure," ani Kelsey. Hindi sila close ni Amber. Palagi kasi silang nag-aaway nu'ng mga bata pa kami. May pagka maldita kasi si Amber. Eh, hindi naman nagpapatalo sa katarayan ang pinsan kong si Kelsey kaya hindi sila nagkakasundo. Ako pa ang taga pamagitan sa kanila pag nag-aaway silang dalawa.
"Anong oras daw ang dating niya rito?" Ani ko.
Excited na akong makita ang kababata namin. Mabait naman 'yun sa 'kin nu'ng mga bata pa kami. Pati na rin si Tita Beatrice.
"Mamaya raw. Nu'ng isang araw pa sila umalis ng Scotland, eh," aniya.
Pagdating nang hapon ay dumating na nga ang kababata naming si Amber kasama si Tita Beatrice sakay ng sarili nilang eroplano na pag-aari ng kanyang daddy.
Napakaganda ni Amber sa suot nitong offshoulder top at sexy denim shorts. Mestisa ang balat nito at mas matangkad siya sa 'kin. 5'10 ft ang height niya. Kaya naman perfect maging model. Isa pa, napaka-sexy niya din. Kaya naman maraming lalaking nahuhumaling sa kanya.
Nakaka-proud naman na may kaibigan kang malayo na ang narating sa buhay. Sobrang successful niya na. Tingin ko ay wala na siyang hihilingin pa sa buhay.
"Hi Bella, I miss you. It's been a long time. Look at you. You're so beautiful," ani Amber.
Malawak ang kanyang pagkakangiti. Yumakap ito sa 'kin at gumanti rin naman ako ng yakap sa kanya.
"Hindi ko alam na bolera ka pala, Amber," natawa ako sa sinabi niya. "Ikaw nga diyan, ang ganda ganda mo at ang sexy. Napaka-successful pa, sa'n ka pa?" Ani ko.
Natawa naman siya. Napansin ko ang pag-irap ni Kelsey. Hindi niya raw feel ang aura ni Amber.
"Kumusta naman sina Tito at Tita, Bella?" Aniya.
"Okay naman sila. Thank God, kasi healthy naman sila," ani ko at ngumiti rito.
"Mabuti naman kung ganu'n," aniya.
"Ang galing mo pa rin mag-Tagalog kahit na sa ibang bansa ka lumaki," ani ko.
"Siyempre, Mom would be mad at me 'pag kinalimutan ko ang sarili nating wika. And besides, every year nag-i-stay ako sa Manila. May mga business kasi du'n si daddy," aniya. Bumaling naman ang tingin ni Amber sa pinsan ko.
"Oh Kelsey, I miss you too. Napakaganda mo rin. Panigurado may boyfriend ka na," panunukso ni Amber at yumakap ito kay Kelsey. Gumanti rin naman ito ng yakap.
"Wala, 'noh! Di ba, Bella?" Ani Kelsey. Tumango na lang ako sa kanya.
"Hey, who's he?" Ani Amber at inginuso ang paparating na lalaki. Dito siya papunta sa direksyon namin. May pasan ito sa isang balikat na kahoy galing sa kakahuyan.
Si Zac! Wala itong suot na pang itaas at pawis na pawis ang matipuno nitong katawan. Beach shorts naman ang sa ibaba. Nakatsinelas lang ito.
"Si Zac. Ang heartthrob dito sa isla," kinikilig na sabi ng pinsan ko. Sarap kutusan!
"Oh, he's really hot," ani Amber na kinagat pa ang ibabang labi nito.
Kung alam niyo lang. Ako ang mahal ng lalaking 'yan.
"By the way, I'll throw a party tonight at 8 pm. You should be there, guys," aniya sa amin ni Kelsey.
Hindi ko na namalayan na nakalapit na pala sa amin si Zac. Tumabi ito sa akin.
"Bella, tara na sa loob. Magluluto ka pa ng hapunan," aniya.
Napansin kong napaawang ang bibig ni Amber. Hindi niya kasi alam na sa 'min nakatira si Zac.
"Hi. I'm Amber," pagpapakilala ni Amber. "Zac, right?" Ani Amber at inilahad ang kamay kay Zac. Napansin kong parang pinipigilan nitong kiligin sa harapan ni Zac.
"Yep. Oops...I'm sorry. Madumi ang kamay ko," ani Zac na tiningnan lang ang kamay ni Amber at tipid na ngumiti.
"Oh, it's okay. Nice to meet you," Amber said and smiled.
Binawi niya ang kanyang kamay. Tumango lang si Zac. Walang mababakas na emosyon sa kaniyang mukha. Mas lumapit pa siya sa tabi ko at sinenyasan na ko na pumasok na sa loob ng bahay.
"I think, I've seen him before. He look so familiar. Hindi ko lang maalala kung sa'n ko siya nakita," ani Amber sa 'min ni Kelsey.
Ang tinutukoy niya ay si Zac. Nasa kanilang malaking bahay kami ngayon dito sa isla. Isa ang pamilya niya sa may pinakamagandang bahay rito sa isla.
Hindi ko kasama si Zac pero ang sabi niya ay susunod daw siya rito. Medyo masakit kasi ang katawan niya kaya nagpapahinga muna.
"Baka naman marami siyang kamukha. Like, duh? Maraming blue-eyed hottie sa lugar ninyo," ani Kelsey.
"Hindi, eh. Basta, parang I saw him somewhere na talaga," maarteng sabi ni Amber.
Siguro naman kamukha lang ng boyfriend ko ang nakita niya.
"Anyway, let's drink guys," aniya at binuksan na ang champagne.
Pinatugtog niya na rin ng malakas ang party songs.
Nandito rin ang ilang taga isla na mga kasing edad namin. Pati na rin si Liam.
"Hey, Amber. Let's dance," ani ni Liam. Lumapit siya sa puwesto ni Amber.
"Sure," ngumiti naman si Amber sa kanya.
Nagsayaw na nga sila pati si Kelsey. Ako naman ay naiwan sa pwesto ko dahil hinihintay ko pa na dumating si Zac. Parang lasing na nga sina Amber at Kelsey.
Masyado na ring wild ang mga galaw nina Amber at Liam habang nagsasayaw. Magkadikit na ang mga katawan ni Liam at Amber habang patuloy sa pagsasayaw.
Sa tingin ko naman ay normal lang 'yun kay Amber dahil ang sabi niya liberated daw siya at madalas mag-party sa club tuwing gabi kasama ang mga kaibigan.
"You seems not enjoying," ani ng isang lalaki sa likod ko.
Napapitlag ako sa aking kinauupuan. Naamoy ko agad ang pamilyar na mabangong aftershave niya.
It's Zac. Ang guwapo niya sa kanyang suot na polong puti na nakabukas ang ilang butones. Summer shorts naman sa baba at isang simpleng flip flops ang sapin sa paa.
"Kanina pa kasi kita hinihintay. Ang tagal mo," umirap ako.
"Hey love, sorry na. Huwag kana magalit," aniya sa mahinang boses.
Ni-remind ko kasi siya na bawal maging clingy kapag nasa labas kami.
"Bella, Zac, come here let's dance," ani Amber sa malakas na tinig.
Mukhang may tama na ng alak habang magkadikit parin ang mga katawan nila ni Liam.
Umiling naman ako bilang tugon. Lumingon naman ako kay Zac at hindi ko namalayan na sa 'kin pala siya nakatingin.
"Love, gusto mo bang sumayaw?" Ani ko.
"No. I don't want to. Masakit ang katawan ko," aniya.
Kanina niya pa 'yun iniinda. Nasobrahan kasi sa sipag. Nagtatanim siya ng mga prutas at gulay tapos nangangahoy.
Mas gusto niyang siya ang mapagod kesa ako. Ayaw niya daw ng napapagod ako. Sa kama niya lang daw ako papagurin. Hmmp.