I GIVE MY ALL JUST TO PLEASE HIM
"Ang galing mo, Chris!"
Masaya kong pinapanood ngayon si Chris na mag basketball. Bukod kasi sa ang pogi niya, ang galing niya pa!
Nang makita na kukunin niya na sana ang tubig sa tropa niya, mabilis akong lumapit sa kaniya at inabot ang tubig na hawak ko. Binili ko talaga 'yon kanina pa para sa kaniya.
"Eto, Chris oh." Ngumiti pa ako sa kaniya. Napatingin naman sa'min ang mga tropa niya at nagbulungan sabay natawa. Hindi ko nalang sila pinansin.
Tipid lang siyang ngumiti sa'kin at kinuha ang bote ng tubig na hawak ko. Habang umiinom siya ay hindi ko naman mapigilang mapatitig sa kaniya.
Mabilis niyang binalik sa'kin ang bote at pumunta ulit sa court para maglaro. Todo cheer pa ako kahit hindi niya ako sinusulyapan, hanggang sa matapos nalang ang laro.
----
Me: "Goodnight Chris!❤"
Chris: "Night."
Kahit sobrang tipid ng reply niya ay hindi ko padin mapigilang kiligin. Crush na crush ko kasi na kahit maliliit na bagay tungkol sa kaniya ay kinahuhumalingan ko.
At dahil doon, naging mahimbing ang tulog ko.
----
"Chris! Ginawan kita ng lunch!"
Habol ang hininga akong lumapit sa kaniya. Gumising pa naman ako ng maaga para lang dito. Buti nalang talaga at naabutan ko pa siya bago siya pumasok sa school.
"Ah..." Napakamot siya sa ulo at umiwas ng tingin sa'kin. "May baon na kasi ako, Jade. Ginawan ako ng lunch ni Bea."
Nawala ang ngiti ko. Ginawan na pala siya? At si Bea pa, ha. Ang alam ko si Bea yung matagal na niyang crush na naririnig ko sa kanila pero hindi ako naniniwala kasi wala naman akong nakikita.
Pilit nalang akong ngumiti. "Gano'n ba? Pero kunin mo nalang din 'to. Sayang kasi e, ginawa ko 'to para sa'yo."
"Sa'yo nalang 'yan." Aniya saka mabilis na nagpaalam sa'kin. Magsasalita pa sana ako pero tumakbo na siya agad na para bang nagmamadali.
Bumagsak ang balikat ko. Sumisikip rin ang dibdib ko at parang ano mang oras ay maiiyak na ako habang tinitingnan siyang mawala sa paningin ko.
Bakit kaya hindi niya ako magustuhan pabalik? Halos gawin ko na ang lahat para sa kaniya pero ni isa sa mga 'yon ay hindi niya napapansin. Gabi-gabi ko rin namang pinagdadasal na sana magustuhan niya ako pabalik. Gusto ko nang sumuko kaso papaano naman 'yon kung itong puso ko ayaw naman mag move-on? Hindi ko nga alam kung crush pa ba 'tong nararamdaman ko o mas malalim pa ro'n.
Minsan narin akong umamin sa kaniya pero wala rin. Gumawa rin ako ng maraming roleplay account para landiin siya pero wala parin. Nirereto ko na sarili ko pero ang ending, hindi niya ako pinapansin.
Ano pa bang pwede kong gawin?
----
"Gustong-gusto talaga kita, Chris."
Nakababa ang tingin dahil sa hiya, natahimik kaming pareho nang umamin ulit ako. Nakapag desisyon na kasi ako na aamin ulit ako at kapag wala paring epek, susuko na ako.
"Gusto rin kita, Jade."
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig at mabilis na nag-angat ng tingin sa kaniya. Nag-uunahan sa pagtibok ang puso ko na para bang lalabas na 'yon sa loob ko.
Totoo ba 'yong narinig ko?!
"Gusto rin kita... matagal na." Dagdag niya pa at ngumiti sa'kin. Tuluyan nang napaawang ang labi ko sa emosyong nararamdaman ko.
"T-Totoo ba 'yan?" Tuliro kong tanong.
"Mm-mm." Tumitig siya sa'kin. Kumikislap 'yon habang nakatingin sa mga mata ko. "Pwede ba kitang maging girlfriend?"
Ang marinig lang na gusto niya ako ay nakakabaliw na. Pero ang marinig na tinatanong niya ako kung gusto ko bang maging girlfriend niya ay nakakahimatay na!
Hindi ko na inisip kung masyado kaming naging mabilis basta ang naisip ko lang, gusto ko siya at gusto niya rin ako. Matagal ko nang pinangarap 'to at ngayong matutupad na, bakit ko pa pakakawalan, 'di ba?
----
Mag-iisang buwan na kasama si Chris ay sobra-sobra ang tuwa na naramdaman ko. Halos araw-araw kaming nagkikita. Lagi niya akong dinidate kahit saan, tapos ang sweet niya pa lagi na kulang nalang maglupasay ako sa sahig sa t'wing kasama siya.
Kahit kailan sa buhay ko hindi ko naramdaman ang makuntento ng ganito. Hindi kasi siya nabibigong pasayahin ako araw-araw. At sa tingin ko, hindi na basta crush ang nararamdaman ko para sa kaniya.
Pero nagulat nalang ako na isang araw...
"Chris, akala ko ba si Bea ang jojowain mo?"
"Oo nga." Sabi pa nang isa. "Narinig ko kay Lea araw-araw daw umiiyak ate niya kasi yung crush niya, may girlfriend na daw pala."
Nandito ako ngayon papasok na sana sa covered court kung nasa'n si Chris dahil dadalhan ko siya ng pagkain niya. Pero hindi ko inaasahan na ganito ang madadatnan ko.
"Umiiyak si Bea?" Tulalang tanong ni Chris.
"Oo. Hindi ka na naawa do'n? Pinaasa mo 'yon, tapos iiwan mo lang sa ere."
Bago pa ako makarinig ng hindi maganda ay umalis nalang ako doon. Naniniwala naman ako na kahit wala ako sa tabi ni Chris, hindi niya ako lolokohin.
---
Me: "Babe? Busy ka ba?"
Halos lumipas ang sampung minuto bago siya nagreply.
Chris: "Antok na ako, matutulog na'ko. Night"
Napangiti ako ng mapait. Anong nangyari sa endearment namin? Sa sweetness niya kahit sa chat lang? Hindi ko mapigilang mag-isip ng masama. Kaya dinaan ko nalang sa tulog lahat ng tampo na iniipon ko.
---
"Bakit ayaw niya sumagot?"
Umagang-umaga ay hindi ko mapigilang mainis kay Chris. Kanina ko pa siya tinatawagan pero ayaw niya sumagot. Offline din naman siya at wala paring reply sa'kin sa chat.
Paanong hindi ako maiinis? Ngayon na ang first monthsary namin tapos ganito pa siya.
Kaya kahit naiinis ay hinanda ko na ang gift ko para sa kaniya. Kung hindi niya ako pupuntahan, ako nalang ang pupunta sa kaniya.
---
"Chris?"
Pagkarating sa bahay nila ay mukha namang walang tao. Saan naman kaya sila nagpunta?
Pero napaigtad nalang ako nang may marinig na parang nag-aaway sa kwarto ni Chris. Dahil sa kuryosidad ay lumapit ako doon at pinakinggan kung may tao ba sa loob.
"Niloko mo ako!" Boses ng isang babae.
"Mahal... hindi kita niloko." Pamilyar na tinig ng lalaki.
"Hindi? Hindi pero nalaman ko nalang kayo na no'ng babaeng desperadang desperada sa'yo?!"
"Hindi ko siya mahal, okay?" Saka ako nakarinig ng kaluskos na para bang may naglakad papalapit. "Hindi ko siya gusto. Dare lang 'yon sa'kin ng mga kaibigan ko at ngayon na 'yon matatapos dahil hanggang isang buwan lang kami. Pumayag ako sa dare na 'yon kasi sabi nila tutulungan nila akong mapalapit sa'yo... kaya ginawa ko nalang. Hindi ko pa naman alam noon na gusto mo rin ako. Kung alam ko lang, hindi ko na papatulan ang dare nila."
"Nagsasabi ka ba ng totoo?"
"Oo. Sa totoo lang sinubukan ko naman talaga siyang gustuhin pabalik pero... hindi ko talaga kaya. Ikaw lang talaga ang mahal ko."
Hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako sa mga naririnig ko kaya bago pa ako makagawa ng ingay ay dali-dali na akong umalis doon. Dala-dala ang bigat sa dibdib ko.
Tumakbo ako hanggang sa mapagod at napaluhod nalang. Tuloy-tuloy sa pagtulo ang luha ko at sobrang sakit ng nararamdaman ko. Pakiramdam ko tinraydor ako ng buong mundo.
O mas tamang tinraydor ko ang sarili ko.
Dahil sa kabila ng mga narinig ko ay wala akong maramdamang galit para kay Chris. Dahil narin siguro sa nalaman ko na kahit papa'no ay sinubukan niya rin naman akong mahalin.
Alam ko naman talaga na simula't sapul hindi niya talaga ako gusto. Sadyang ako lang ang pumilit sa kaniya na gustuhin ako. Sumubok ako, sinugal ko lahat, ginawa ko lahat kahit alam ko namang talo rin ako sa dulo.
✍️: @janesscious | Janess Manunulat