PINAPANOOD ni Tazmania sa kabilang mesa sina Odie, Monique, Kisa at Cloudie na nilalaro ang baby ni Monique, habang masayang nagkukuwentuhan ang mga babae. Dinig na dinig nila ang malakas na tawanan ng mga ito. Habang siya naman, kasama sa mesa sina Oreo, Stone at Snap.
Nagpasya silang mananghalian sa nakita nilang booth na nagbebenta ng sisig rice. Kahit na nakikilala na ng mga tao ang mga sikat na kaibigan ni Odie. Kahit si Odie mismo ay nakilala na ng mga tao. Pero hindi pa naman sila ginagambala ng mga fan. Patingin-tingin lang ang mga ito. At kanina, nagpa-picture ang ilan kina Kisa, Stone at Snap. Ang tatlo naman kasi talaga ang sikat sa grupo nila.
"Odie looks genuinely happy now," nakangiting komento ni Snap.
"Yeah, I'm happy for her," sagot naman ni Stone. "At nakahinga na rin ako nang maluwag na hindi na gaanong mag-aalala si Kisa. My fianceé is really worried about Odie."
Gulat na nilingon ni Oreo si Stone. "What? Nag-propose ka na ng kasal sa stepsister ko?"
"Sshh," saway ni Stone kay Oreo, saka binalingan ang mga babae sa kabilang mesa. Mukhang nakahinga ito nang maluwag nang hindi naman sila narinig ng mga ito. Pagkatapos ay hininaan ni Stone ang boses nang nagsalita. "Engaged na kami ni Kisa, at alam 'yon ng mga magulang namin. Pero wala pa kaming ibang pinagsasabihan dahil ayaw naming maging insensitive. Kisa feels guilty that she's engaged to be married, after what happened to Odie." Nilingon nito si Oreo. "Sorry, bro. Balak naman talaga naming sabihin sa 'yo."
Tumango-tango si Oreo. "Naiintindihan ko naman, Stone. Pero huwag mong gagaguhin ang kapatid ko, okay?"
Ipinaikot ni Stone ang mga mata. "Kisa and I have been going out for over seven years, Oreo. And now we're about to get married. Bakit naman magloloko pa ako?"
"Naniniguro lang."
Naaaliw si Tazmania habang nakikinig sa usapan. Kasing-edad lang ni Oreo si Stone, pero handa nang magpakasal ang huli. At nakakagulat na nakakamanghang mahigit pitong taon naging tapat sa isang babae si Stone sa kabila ng pagiging sikat nitong basketbolista.
Nakapagtataka na wala siyang naramdamang sarkastikong komento na paparating. Noon, kapag nakakarinig siya ng mga lalaking mas bata sa kanya pero naghahanda na sa pagpapakasal, kung ano-anong hindi magandang payo ang ibinibigay niya sa mga ito. Gaya ng masyado pang maaga para magpakatanga sa isang babae, o mas masarap ang buhay-binata.
But now, he actually felt genuinely happy for Stone and his girlfriend Kisa. Higit pa roon, may naramdaman pa siyang hindi niya mapaniwalaan.
Dahil hindi si Tazmania ang klase ng lalaki na naiinggit sa iba.
"Ikaw, Snap? Kailan kayo ikakasal ni Cloudie?" tanong ni Stone kay Snap. "Ah, wait. Sinagot ka na ba ni Cloudie? Ang tagal mo nang nanliligaw sa kanya, ha."
"Papansinin lang niya yata ako kapag pumangit na 'ko," nakasimangot na sagot ni Snap. "'Been chasing Cloudie for over seven years now, pero mukhang galit pa rin talaga siya sa mga guwapo. Ito ang literal na problema ng mga poging tulad ko." Nilingon nito si Oreo. "Ikaw, Oreo? Kailan ka susunod sa yapak ni Stone?"
Kinagat ni Oreo ang candy ng lollipop nito at dinurog iyon nang malakas sa bibig. "Bring me that girl and I'll marry her in a heartbeat."
Natahimik ang lahat. Kung si Oreo nga, hindi makita-kita ang babaeng matagal na nitong hinahanap, sila pa kaya?
Binalingan si Tazmania ni Oreo. "Ikaw, Taz? Wala ka pa ring bang balak mag-asawa hanggang ngayon?"
Hindi ang tanong ni Oreo ang ikinagulat ni Tazmania. Ikinagulat niya na wala na siyang naramdamang negatibo sa salitang "kasal," at na hindi na nakakatawang ideya iyon para sa kanya. It actually appealed to him now, and he didn't know why.
Hinimas-himas ni Tazmania ang baba habang nag-iisip. "Puwede pa naman siguro akong humabol sa biyahe."
Nanlaki ang mga mata ni Oreo. Nabitawan pa nito ang binabalatang panibagong lollipop. "What the f**k's happened to you, Tazmanian Devlin Fortunate?"
Kumunot ang noo niya, hindi nagustuhan ang reaksiyon ni Oreo. "What the f**k is wrong with you?"
"'Yong kilala kong Tazmania, tatawanan lang ang ideya ng kasal at sasabihing pakakasalan na lang niya ang sarili niya kaysa magpakasal sa isang babae. Because, you know, my friend believes that one woman can't satisfy him," sarkastikong sagot ni Oreo. "But you're actually considering marriage now?"
"Ano'ng masama ro'n?" nagtatakang tanong ni Tazmania.
Nalaglag ang panga ni Oreo at hindi na nakapagsalita dala siguro ng gulat.
Tinapik ni Stone ang balikat ni Oreo. "Wala ka nang magagawa, Oreo." Pagkatapos ay binalingan nito si Tazmania. "Halata namang may babaeng nagpabago sa isip niya tungkol sa pagpapakasal."
Si Tazmania naman ang nagulat. Totoong kinokonsidera na niya ang tungkol sa pagpapakasal ngayon, pero hindi pa naman niya nakikilala ang babaeng gusto niyang pakialam kaya bakit nasabi ni Stone na babae ang dahilan ng pagbabago ng isip niya?
"Three-point shot," dagdag ni Snap, na umarteng pang may inihagis na bola sa ere. "Mukhang tinamaan na rin ang isang 'to. Welcome to the club, bro."
Napakurap-kurap si Tazmania, lalo na nang ngumisi ang tatlong lalaking kasama niya. Itinaas niya ang mga kamay. "Sandali lang. Wala akong binanggit tungkol sa babae. Bakit naman 'yan kaagad ang naisip n'yong dahilan ko?"
Natawa ang tatlong ugok.
"Alangan namang lalaki," pilosopong sagot ni Oreo, pero agad din itong bumawi. "Well, wala namang masama kung do'n ka masaya."
"You want me to f*****g kill you, lollipop boy?"
Itinaas ni Oreo ang mga kamay, tatawa-tawa pa rin. "So, it's a woman?"
Muli, hindi nakasagot si Tazmania. Babae ang dahilan ng pagbabago ng isip niya tungkol sa kasal? Wala pa naman siyang nakikilalang babae na gusto niyang makasama habang-buhay.
Pero may nakilala kang babae na nagpaganda ng pagtingin mo sa mundo, bulong ng isang bahagi ng isip ni Tazmania. At bago pa niya malaman ang ginagawa, natagpuan na lang niya ang sarili na nakatitig kay Odie. Ang unan...
Gumaan ang pakiramdam ni Tazmania habang nakatingin sa nakangiting mukha ni Odie. Mukhang totoo ang kasiyahang ipinapakita nito kasama ang mga kaibigan, lalo na nang kargahin nito ang baby. Her eyes twinkled in delight, and it made her face radiant.
Napangiti si Tazmania sa nakita. He wanted nothing more than to see her happy. This was the woman who had made him appreciate beautiful things he didn't believe in before.
"Patay tayo d'yan," sabi ni Oreo, saka pumalatak.
Natauhan lang si Tazmania nang mapansing seryosong nakatingin sa kanya sina Oreo, Stone at Snap. "What?"
"It's Odie," sabay-sabay na sagot ng tatlong ugok.
"Hindi kaya," awtomatikong tanggi naman ni Tazmania, pero agad din siyang napasimangot. He sounded too defensive even to himself.
Binigyan siya ng nagdududang tingin nina Oreo, Stone at Snap. Halatang hindi naniniwala sa kanya ang mga walanghiya.
"Walang kinalaman si Odie sa pagbabago ng isip ko," giit pa rin ni Tazmania. Mamamatay muna siya bago umamin sa tatlong ugok. "Tigilan n'yo 'ko kung ayaw n'yong pagbabatukan ko kayong tatlo. Mga walang-galang sa nakatatanda."
Muli, tinawanan lang siya ng tatlo.
"Seriously, walang kinalaman si Odie dito," giit pa rin ni Tazmania.
"Mabuti kung gano'n," nakangiti pero seryosong sabi ni Oreo. "Dahil alam mo namang hindi mo puwedeng magustuhan si Odie. She can love no other man after Pluto. It's kinda sad, but it's the truth. Nakikita nating lahat 'yon."
Ah, oo. Alam naman ni Tazmania na sa ipinapakitang katapatan ni Odie sa namatay nitong nobyo, wala na itong ibang lalaking mamahalin. Ang hindi niya alam ay kung saan nanggaling ang pagkadismayang nakapagpatahimik sa kanya. Even if he wanted to make a smartass remark.
***
NANG makita ni Tazmania si Odie na umaakyat sa hagdan papunta sa platform ng free-fall jump station, sinundan niya ang dalaga. Nag-aalala kasi siya na baka bigla itong tumalon habang busy ang mga staff sa paglalagay ng harness sa ibang mga adventurer sa itaas.
Huminto sa gitna ng hagdan si Odie, at hinarap siya. Humalukipkip ito at pinaningkitan siya ng mga mata. "Bakit mo ba 'ko sinusundan?"
Itinaas ni Tazmania ang mga kamay, tanda ng pagsuko. "Easy ka lang. Gusto ko lang mag-sorry sa 'yo kaya kita sinundan. Puwede bang patawarin mo na 'ko sa pagiging pakialamero ko?"
Nag-iwas ng tingin si Odie. Pagkatapos ay umupo ito sa hagdan at niyakap ang mga binti. Sa pagkagulat ni Tazmania, humikbi ang dalaga. "Hindi na 'ko galit. At pinapatawad na kita, Tazmania."
"Hey, umiiyak ka ba?"
"Hindi," parang batang tanggi ni Odie.
Ah, umiiyak nga si Odie. Isa pang katangian ng mga babaeng hindi maintindihan ni Tazmania ay ang pagsasabi ng "hindi" ng mga ito, kahit "oo" naman pala ang tamang sagot. Women were like puzzles—they usually left him mind-f****d.
Umupo si Tazmania sa kabilang dulo ng baitang, saka ipinatong ang mga braso sa mga binti. Hindi na siya nagkamaling tumingin kay Odie dahil ayaw na niyang makita uli itong umiiyak. Whenever Odie felt bad, it made him feel humbled. "Gusto ko lang naman makatulong. Pasensiya ka na kung nakasama pa ang ginawa ko."
Matagal bago nagsalita si Odie. "No, Tazmania. Ang totoo niyan, nagpapasalamat pa 'ko sa ginawa mo. Kung hindi mo sila inimbitahan dito, baka hindi ko na sila naharap kahit kailan kasi naduduwag ako. Pero masaya akong makita at makasama uli sila ngayon."
"Kung gano'n naman pala, bakit iniwan mo sila ngayon? Mukha namang ang saya ng kuwentuhan n'yo nina Monique."
"Babalik din naman agad ako. Gusto ko lang umiyak sandali," humihikbing sagot ni Odie. "Ayokong makita nila 'kong umiyak kasi lalo lang silang mag-aalala sa 'kin."
Naglakas-loob na si Tazmania na balingan si Odie. Nakayukyok ang mukha nito sa mga tuhod kaya hindi niya nakikita ang mga luha nito. Pero base sa basag na boses at pagyugyog ng mga balikat nito, halatang umiiyak ito. "Are those tears of joy?"
Natawa nang mahina si Odie, pero nangibabaw pa rin ang paghikbi nito. "I feel guilty. I was so caught up with my own pain, na nakalimutan ko nang may problema rin ang mga kaibigan ko. They were there with me when I was grieving, but I wasn't there for them when they needed me.
"Lalo na si Monique. Iniwan siya ni Ashton matapos siyang mabuntis. Nagtago siya sa publiko, at kahit sa pamilya niya ay hindi niya ipinaalam ang pagbubuntis niya. Siyam na buwan siyang nagtiis mag-isa, kahit puwede naman niya 'kong tawagan. Pero hindi niya ginawa dahil alam niyang nagluluksa pa 'ko. I can't imagine her giving birth alone at the hospital. I feel so bad for being a horrible friend to my best friend. I feel so useless.
"But you know what's worse? 'Yong pakiramdam na kahit malaki ang pagkukulang ko sa kanila, nakasuporta pa rin sila sa 'kin. Ako pa rin 'yong bine-baby nila. Hindi ko tuloy maiwasang tanungin ang sarili ko kung ano ba'ng pinaggagagawa ko sa buhay ko..."
Kahit nakikisimpatya si Tazmania sa pag-iyak ni Odie ngayon, hindi pa rin niya maiwasang matuwa sa huling sinabi nito. Naiisip na siguro ni Odie na nag-aaksaya lang ito ng oras sa pagpapahaba ng pagluluksa—at pag-iisip kung paano mamatay na magmumukhang aksidente—dahil may mga taong nangangailangan pa rin dito. Katulad ng mga kaibigan nito.
Kung ganoon, tama naman pala ang ginawa niyang pagpapalit ng estratehiya. Na kaysa pigilan si Odie sa bawat pagtatangka sa sariling buhay, ipakita na lang niya rito na may dahilan pa para mabuhay ang dalaga. That there were still people who loved her and needed her.
"Masuwerte ka sa mga kaibigan mo," komento ni Tazmania. "Ginagawa nilang mabuti ang trabaho nila bilang kaibigan."
"Trabaho?"
"Yeah. It's a friend's job to accept and embrace a friend who has lost his way. With no questions asked. 'Yon ang ginagawa ng mga kaibigan mo sa 'yo ngayon."
"I feel like I don't deserve them..."
"You should learn from your friend, Odie," hindi napigilang komento ni Tazmania.
Nag-angat ng tingin si Odie sa kanya. Namumula at mamasa-masa ang mga mata nito. "Huh?"
"Your world ended when Pluto passed away. Pero hindi mo ba naisip na gumuho rin ang mundo ni Monique nang nalaman niyang buntis siya, at iniwan pa siya ng gagong nakabuntis sa kanya?" Hindi sumagot si Odie, kaya nagpatuloy si Tazmania. "You let yourself die inside when your world ended. Monique got up and started to rebuild her world. You let yourself suffer. She chose to be happy."
"Magkaiba kami ni Monique. May dahilan siya para lumaban. May anak siya," giit ni Odie sa mapait na boses.
"Si Pluto lang ba ang dahilan mo para mabuhay? Kung gano'n, paano ka nabuhay no'ng panahong hindi mo pa siya nakikilala?"
Dumaan ang galit sa mga mata ni Odie. Kinagat nito ang ibabang labi para marahil pigilan ang sariling sumagot.
"Puwede mong sabihing walang makakaintindi sa nararamdaman mo. Pero naiintindihan namin, Odie. Lahat naman tayo, nawawalan ng minamahal sa iba't ibang paraan," pagpapatuloy ni Tazmania. "Masakit nga sigurong mawalan ng taong hindi na makakabalik kahit kailan. Pero masakit din naman mawalan ng taong kahit buhay pa, hindi mo naman maabot.
"I lost my parents, not to death but to their new lives. The lives they chose to leave me. Siguro nga mas masuwerte pa rin ako dahil nandiyan lang sila at puwede kong makita at makausap kung kailan ko gugustuhin. Pero hindi ko naman magawa dahil pakiramdam ko, nakakaistorbo lang ako tuwing tatawagan ko sila. Na para bang gusto nilang mawala na lang ako sa buhay nila. Masakit din mawalan ng minamahal sa gano'ng paraan.
"The point is, when you lose a loved one, don't lose yourself in the process of recovery. Because whether you try to get back on your feet or not, they're still not coming back."
Lalong lumakas ang hikbi ni Odie.
Napabuntong-hininga naman si Tazmania. Hindi siya emosyonal na tao. Matagal na rin niyang napatawad ang kanyang mga magulang kung tinanggal man siya ng mga ito sa kanya-kanyang bagong pamilya.
Hindi niya akalaing nandoon pa rin pala ang kalungkutan dahil nawala sa kanya ang mga magulang sa mapait na paraan. At lalong hindi niya akalain na ibabahagi niya ang kahinaan niya sa isang estranghera. Naramdaman lang niya na kailangan niyang iparamdam kay Odie na hindi lang ito ang nag-iisang nawalan ng minamahal. Para kahit paano, malaman ni Odie na hindi kailangang huminto ng mundo nito.
He didn't expect it would actually feel good, saying stuff he had tried to hold in for so long.
Dumeretso ng upo si Odie, saka pinunasan ng mga kamay ang mga luha. Pagkatapos ay binalingan siya nito nang may determinasyon sa mga mata. "Let's jump off, Tazmania."
"Huh?"
"Subukan natin ang free-fall jump."
"Bakit?"
"I don't want to be alone... kahit ngayon lang."
Odie's words hit Tazmania hard in the gut. Bago pa maproseso ng isip niya ang kanyang nararamdaman, tumayo na siya at nilahad ang kamay sa dalaga. Nang hawakan nito ang kamay niya at hinila niya ito patayo, may isang bagay siyang inamin sa sarili niya.
Gusto niya si Odie.
Yes, s**t happens.