San Isidro Police Department
April 02, 2015
4:23 PM
“Ba’t gan’yan ka makatingin sa akin?” tanong ni Homer kay Andy.
Hindi muna nagsasalita itong si Andy, nakahalukipkip lang siya habang tinititigan si Homer, waring hinuhuli ang bawat kilos nito.
Inangat ni Homer ang kanyang mga kamay bilang kunwaring pagsuko. “Okay, okay, aaminin ko, pati ako nabigla kung ba’t andito ang pangalan ko.”
Naningkit ang mga ni Andy. Wala mang bahid ng pagsisinungaling sa tono ni Homer pero tiwala siyang hindi isusulat ni Rick Pria ang pangalan nito nang basta-basta. “Alam kong may alam ka o kahit idea man lang kung bakit nariyan ang pangalan mo.”
“Bakit parang pinapalabas mong masamang tao ako? Andy, naging magkakilala tayo sa loob ng mahabang panahon, talagang ngayon ka pa magdududa?”
“Hindi malalagay ang pangalan mo riyan kung wala kang nagawa sa bata.”
“Nagawa sa bata?” ulit nito. “Pinaniniwalaan mo talagang may masama akong ginawa doon sa bata? Andy, paano ko naman magagawa ‘yon e hindi ko pa nga ‘yon nakikita, kanina pa lang noong pinuntahan natin ‘yon sa ospital.”
Nagpangalumbaba si Andy sa may desk at matapang na hinarap si Homer. Hindi niya inaasahang mapapabaliktanaw siya sa mga panahong napaamin niya ang ilan sa mga nainterview niya noon. Iniisa-isa niya ngayon ang mga technique na ginawa niya at inaalam kung alin sa mga iyon ang tatalab sa tulad ni Homer.
“Kung hindi man direkta sa bata, baka naman sa mga taong malapit sa kanya? Tulad na lang ni Diane Pria?”
“Teka. Sigurado ka bang sulat ito ni Rick Pria? Baka sinulat lang ‘to ng mga kumuha nito?”
Gumawa ng mabagal na tango si Andy. “Consistent ang handwriting niya sa iba pa niyang mga notebooks.”
“Okay, good. But still, wala akong ideya kung bakit and’yan sa diary ang pangalan ko.”
“Rank #4? Alam mo, dinaig mo pa ‘yung Justin Romero e, rank #10. Kaduda-duda no, Home? Uh, nabasa mo ba ‘yung side note sa pangalan mo?”
Napakurap ang mata ni Homer. Side note? Sumilip siyang muli sa diary ni Rick at doon nabasa ang katagang, “I know your secret.”
“I know your secret,” ulit ni Andy. “Anong secret kaya ‘yon Home?”
“Bakit ba interesadong-interesado ka rito ha, Andy? Iniisip mo bang ako ang salarin sa mga pangyayari?”
“Oops, I didn’t say that. You did. Basta, alam mo na. Anything mysterious na may kinalaman sa’yo, nae-excite ako. Gusto ko agad malaman.”
“Alam mo,” sumeryoso ang tono ni Homer. “Hindi naman talaga kita partner dito sa kasong ‘to e. Nagtataka nga ako ba’t sunod ka pa rin nang sunod sa takbo ng kaso, na para bang responsibilidad mo ‘to. Kaya kitang patalsikin agad dito, Andy. Alam mo ‘yon?”
Ngumising lalo si Andy. “At kung patatalsikin mo ako, alam mo rin bang lalong titindi ang kutob ko sa’yo? You’re hiding something Home, I know that. Kanina pa kita tinatanong kung anong ideya mo, kung ba’t nakasulat ang pangalan mo d’yan, pero heto ka, nilalayo mo ang usapan. Sige, patalsikin mo ako, at magko-conduct naman ako ng sarili kong imbestigasyon tungkol sa’yo.”
Napatlang ang mukha ni Homer. Pambihira rin ‘tong babaeng ito, naisip niya. Hindi niya mawari kung kakampi ba niya ‘to, o kalaban, o parehas.
“Ikaw naman ngayon ang matanong ko,” sabi ni Homer. “Bakit willing kang dumikit-dikit sa kasong ito kahit pa off-duty ka? Anong totoong motibo mo?”
“Huwag mong ibahin ang usapan, Home.”
“Ano nga? Sagutin mo muna, bago ko sagutin ‘yung ibang mga tanong mo.”
Sumama ang tingin ni Andy sa kanya. Si Andy itong tanong nang tanong kanina, at si Homer naman itong ang lakas ng loob na gumawa ng kondisyon. “Gusto mong malaman? Ha? Dahil naiinis ako sa’yo! Ilang taon tayong naging close na dalawa at noong magkaasawa at magkaanak ka lang, nakalimutan mo na ako. Nakalimutan mo na ang close friend mo. Kaya ayan, nang makita kong hirap ka, nilapitan kita kahit pa off-duty ko.”
Napanganga itong si Homer. “May crush ka pa nga talaga sa akin, ‘no?”
“Hindi ‘yon sa crush.”
“Nami-miss mo pala ako e ba’t grabe ka kung makagisa sa akin?”
“E kasi nga, nagsisinungaling ka. Kung nagsasabi ka lang sana ng totoo, edi hindi na kita kukulitin pa.”
“Wala nga akong kinalaman doon sa bata.”
“Sinungaling.”
At ang masabi lang ang salitang iyon ay nakapagpabalik kay Andy ng alaala nila noong high school.
Noon, mga after-class, nagtataka si Andy tuwing pinagpipilitan ni Homer na magpapaiwan muna siya sa school, na may hihintayin lang. At dahil likas kay Andy na magduda, nagkunwari siyang umalis. Pero ang totoo niyan, nagtago lang siya sa isang spot—isang spot na hindi siya makikita at malaya niyang masusubaybayan ang bawat kilos ni Homer.
Noong araw na iyon, nanatili lang na nakaupong mag-isa si Homer sa isang bench malapit sa kanilang classroom. Kung titignan siya sa malayo, akala mo may hinihintay lang. Pero sumapit ang ala-sais emedya, wala nang katao-tao sa loob ng school, maliban lang sa kanilang dalawa—tanaw niyang may ginawang kalokohan si Homer. Sinusian nito ang kanilang room, at pumasok sa loob.
Kinse minutos ang itinagal ni Homer doon. Nakangiti itong lumabas ng room, na siyang nawala rin nang maaninag ang presensiya ng nakasandal na Andy sa kanyang gilid.
“Huh. Meron daw na hihintayin?”
“Ah, Andy ikaw pala. Anong ginagawa mo rito?”
“Ikaw?” diin ni Andy. Dahan-dahan itong humarap. “Ano pang ginagawa mo rito?”
“Gaya nga ng sinabi ko kanina, may hinintay lang ako. Pero ayun, umalis na siya. At ako naman, nakalimutang i-lock ‘tong room natin. Ikaw naman, anong ginagawa mo pa rito?” Iba ang technique ni Homer kapag nagsisinungaling. Tititigan niya sa mata ang nagdududa sa kanya. Walang lihis-lihis, ‘di tulad ng karamihan.
“Ah, wala naman. May nakalimutan lang kaya bumalik. E nakita kita rito, kaya naghintay muna ako.”
“Ah, gano’n pala, o tara, sabay na tayong umuwi.”
Nakiayon na lang si Andy sa trip ni Homer. Pero sa loob-loob niya, alam niyang may pagkasinungaling itong kaibigan niya.
Ilang araw ang makalipas, napagtanto ni Andy ang totoong sadya ni Homer noon. Nalaman niyang dinungisan ni Homer ang mga project ng mga nakatataas nilang kaklase. Napagtanto niya iyon dahil pare-parehas na nagsasabi ang mga kaklase niya na tanda nila kung anong estado ng mga proyekto nila bago sila umuwi. E si Homer lang naman ang huling lumabas ng room. Ang nauna namang pumasok sa silid ay ang kanilang teacher.
Gayunpaman, hindi napagbintangan si Homer. Ayaw maniwala ng karamihan dahil imposibleng ang masunuring gaya nito ay makakagawa ng ganoong kasalanan.
Ilang buwan na nga ang lumipas at si Homer din ang idineklarang salutatorian ng klase. Isang achievement na alam ni Andy na may bahid ng pandaraya.
“Kahit ipa-lie-detector test mo pa ako,” lakas-loob na hamon nitong si Homer.
Yabang mo, sabi ni Andy sa isip. Binigyan niya uli ng pansin ang diary ni Rick Pria. May tinuro siyang muli roon. “E eto, ano namang ibig sabihin nito?”
Napansin na rin iyon kanina ni Homer. Ayaw lang niyang iungkat dahil titindi lalo ang debatehan nila ni Andy. Pero ito na nga, naituro na. Nakaturo sa #5 spot ang pangalang Mia Zapanta, ang kaisa-isang dalagang anak ni Homer Zapanta.
Nagkibit-balikat itong si Homer. “Malay ko. Hindi ko alam kung magkakilala ba sila o hindi. Malay ko kung anong nagawa ni Mia doon sa bata.”
“You’re lying again, Home.”
“Will you please stop? You’re just creating an unnecessary issue.”
“Home, I want you to tell me the truth.”
“Bakit ba napaka-big deal sa’yo nito Andy ha? Isa pa, may kinalaman ba ito sa kaso? Malalaman mo ba ang pumatay kay Diane kung may sabihin man ako sa’yo?”
“Kung may sabihin man ako sa’yo. Nagbigay ka na mismo ng hint na may ideya ka nga.”
“Ang sabi ko, ’kung’. In english, ’if’. Mahirap ba ‘yon intindihin Andy?”
“Home, sabihin mo—”
Ginulo-gulo ni Homer ang buhok niya at padabog na nilapag ang kamao sa mesa. “Oo na, oo na. Sasabihin ko na. Baka may galit lang sa akin ‘yang si Rick nang mabaril ko ang Papa niya noon. Alam kong alam mo ‘yung balitang ‘yon: ‘yung umaapoy ang buong katawan ni Dave? Na parang isang demonyong galing impyerno? ‘Yung sunugin niya ang buong prisinto anim na taon nang nakakaraan? Papatayin na niya sana ako noon, kaso naunahan ko siya. Nabaril ko siya sa puso. Malamang iyon ‘yon.”
Bahagyang natulala si Andy at sumang-ayon din. “Oo, natatandaan ko iyon Home. Iyong idineklara ka pa ngang hero nitong bayan. E iyong kay Mia naman?”
“Iyon ang hindi ko alam,” galit ang tono ni Homer. “Ngayon, pwede na ba tayong bumalik sa kaso?” Hindi na niya hinintay pa ang sagot ni Andy. Basta, tumayo na lang ito at akmang paalis.
“Wait, saan ka pupunta?”
“Kokontakin ko ang Crime Lab, aalamin ko kung may result na,” saka niya sinara ang pinto ng kanyang office, iniwan na mag-isa si Andy.