Pria Residence
April 01, 2015
8:30 AM
Lumayas ako.
Sa bintana ng kwarto ko ako dumaan. Tinalon ko ang ilang metrong taas, saka pa-squat na lumayo. Pahirapan ako hanggang sa marating ko ang bakuran namin. Wala akong dalang ibang gamit kundi cellphone. Walang dalang pera—ayun kinuha ng madrasta ko, akala kanya talaga. Hindi maniwalang ipon ko iyon.
Bwisit.
Tama lang ang ginawa ko sa kwarto niya matapos akong umalis at tumakbo. Malamang nagwawala na iyon ngayon o ang mas malala, kung hindi pa niya nakita ang surpresa ko sa kanya, malamang abo na ang kwarto niya ngayon.
Sana lang nanatili muna ako roon, para masaksihan ko ang gulat sa mga mata niya.
Pasalamat nga siya, kwarto lang niya ang napagdiskitahan ko, hindi siya mismo.
Umpisa lang iyan. Hayaan niyo, mauulit din ang apoy na nangyari noong nakaraang anim na taon. Kung iyon, isang gusali lang ang nasira, ngayong taon, buong bayan na mismo. Akala niyo ha? Malalagay uli kayo sa isa na namang bangungot.
Tiyak ito na ang huling tiyansa ko na masilayan ang bahay namin. Malamang sa malamang, hindi na ako nito makakauwi dahil kung mangahas akong gawin iyon, tiyak katapusan ko na. Binigyan ko na lang muli ng huling sulyap ang bahay namin bago nagmadaling umalis.
Pinigilan ko ang pag-agos ng mga alaala ko kasama ang tunay na pamilya ko noon. Pinikit ko ang mga mata ko nang subukang ipakita sa akin ang mga masasayang sandali namin sa bakuran, noong isang hapong abala si Mama sa pag-iihaw, habang kami ni Papa ay nagpapalipad ng saranggola.
Hindi.
Hindi ito ang tamang panahon para ma-distract doon.
May misyon ako, doon dapat ako.
Inakyat ko ang bakuran namin saka kumaripas ng takbo papunta sa kakahuyan, papunta kahit saan. Wala nang lingon-lingon. Hindi ako basta-basta magpapahuli sa demonyong babaeng iyon.
Pinunasan ko ng panyo ang dumudugo kong noo. Kumikirot pa rin ito at wala pa ring tigil sa pagtulo.
Ang mga nangyari kanina ay isa lamang sa mga sandamakmak na kahihiyang ginawa niya sa akin. Sarap na sarap siyang pagmalupitan ako porket wala na si Papa at wala akong ibang mga kamag-anak na malapit sa amin. Wala akong mapagsusumbungan.
Wala ring mahingian ng tulong, kahit pa ang Justin na iyan, ni hindi man lang magawang awatin si Diane, hindi man lang pumagitna sa aming dalawa, hindi man lang ako patakasin habang may pagkakataon pa. Wala, hanggang sigaw lang ang kaya niya.
Kung tutuusin, kaya ko naman sila kalabanin eh. Hindi ko lang ginagawa dahil umaasa pa rin ako, umaasang darating din ang araw na baka bumait na rin sa akin iyang mga iyan, na baka hindi ko na kailangan pang gawin ang binabalak kong paghihiganti.
Kaso, imposible.
Napakaimposible.
Sinipa ko ang pakalat-kalat na bato sa daan. Sa inis, gusto ko ring sipain ang lahat ng mga nakikita ko.
Noong una, walang direksyon ang pag-alis ko. Basta kung saan lang ako dalhin ng paa ko, basta mapalayo lang ako sa bahay namin, okay na ako.
Hanggang sa naisip ko ang huling sinabi ni Diane kanina: ”Kung pinagpipilitan mong Kuya mo ang nagnakaw, edi hanapin mo ang Kuya mo, bawiin mo sa kanya iyong pera.”
Iyon na mismo ang bagong balak ko ngayon.
Huminto ako at umiba ng direksyon, hanggang sa mapadpad na ako sa town proper. Nakasuot ang hood ko habang naglalakad, nakayuko ang ulo. Mabuti nang maging maingat. Mamaya, baka nariyan lang pala si Diane, nagmamatyag, bigla akong sugurin.
Nararamdaman kong muli ang mga mapanuring mata ng mga tao. Ganito naman lagi, lagi akong nakakaakit ng mga mata, kahit pa halos balutin ko na ang sarili ko sa tela, pakiramdam ko’y nakikilala pa rin ako.
Kapag sisilip ako sa kalye, may makikita akong pasahero ng tricycle na masama ang tingin sa akin. Lilingon ako sa aking kaliwa, at makikita ko ang mga lasinggerong tila gustong manakit.
Dapat ba akong matuwa na agaw-pansin ako? Hindi. Kung ang ibang mga tao, hinihiling na pansinin sila, ang mga artistang umaasam na sana sila naman ang sumikat, ako naman ay kabaligtaran ang hinihiling. Ayoko ng ganito. Maya’t maya, may maririnig akong gawa-gawang kwento tungkol sa akin.
Pumasok ako sa loob ng palengke. Dito, nagkalat ang mga computer shop na pupwedeng pinagtatambayan ngayon ni Renz. At malamang, kapag makita ko man iyon ngayon, Dota ang nasa kanyang harapan.
Bawat computer shop na madaanan ko, titignan ko ang mga monitor ng mga customer. Aalamin kung Dota ba ang pinagkaaabalahan nila o hindi. At kung masiguro kong hindi, aalis ako at lilipat sa iba.
Papunta na sana ako sa isa pang shop nang marinig kong may tumawag sa akin.
“Rick!”
Boses babae.
Nanigas ako. Hindi alam kung tatakbo na ba o dedepensahan na lang ang sarili.
“Oh?” walang ganang tanong nung lalaking nasa harapan ko. “Bakit?”
Doon na siya nilapitan nung babaeng tumawag sa pangalan ko. Nakahinga ako nang maluwag. Kapangalan ko lang pala, akala ko, ako na. Nagpasalamat ako at ligtas ako.
Halos nalibot ko na ang buong palengke ngunit wala pa rin akong nakikitang bakas ni Renz. Naglakad-lakad na lang ako at umalis.
Pero saktong kung kailan na ako napanghinaan ng loob, doon ko naman nakita ang isa pa palang computer shop na hindi ko pa nakita kanina pa. Wala kasi ito sa loob ng palengke, kundi sa may malapit lang.
Nilapitan ko iyon. Habang papalapit nang papalapit, lalo kong naririnig ang mga mura ng mga kalalakihan sa loob, kahit pa saradong-sarado naman ang pintuan ng shop.
Speaking of Renz, pagkabukas na pagkabukas ko pa lang ng sliding door, mata niya agad ang natagpuan ko. Nakaupo siya sa isang computer unit, unit #1. Noong una ay nagtaka siya kung anong ginagawa ko roon, pero kalaunan ay nangiti na rin.
“Oh, andito ka?” tanong niya.
At sa sinabi niyang iyon, ang mga mata ng mga kasama niya ay nag-ala-paniking naistorbo, na para bang kumislap. Pakiramdam ko ay isa akong mountain-hiker na napadpad sa maling lungga, maling kweba—kweba ng mga mababangis na hayop.
At sa salitang hayop, tinutukoy ko mismo ang mga kalaban ng buhay ko—sina Cedric, Alec at Troy.