Chapter Thirteen

1672 Words
San Isidro Police Department April 02, 2015 11:23 AM   “Nagbiyahe pa tayo, pwede namang kahit doon mo na lang sa sasakyan interviewin itong bata,” complain ni Andy, habang papasok sila sa kanilang interrogation room. “Hindi ako pwedeng sumuway sa protocol Andy. Ganito ang proseso ng isang formal investigation.” “Sus. Pwede namang hindi iyan sundin. Wala namang magsusumbong sa iyo.” Si Renz, ang binatang kasama nila ngayon, ay may magulong buhok, parisukat ang hugis ng baba, medyo bilugan ang pisngi pero ang buong pangangatawan ay bahagyang maskulado. Ilang parte sa mga braso niya ay may bahid ng tattoo. Ang tainga rin ay may butas, na minsan ay sinusuotan niya rin ng hikaw. Binuksan ni Homer ang pinto ng interrogation room at pumasok silang tatlo. Hawak-hawak ni Andy sa braso ang binata, ginagabayan at sinusubaybayan ang bawat pagkilos na gawin nito. Isang mesa lang ang naroroon sa gitna ng interrogation room. Air-conditioned. Nagpasalamat si Andy sa lamig. Natulala naman ang binata sa ibang klaseng atmosphere na pinasukan niya, naalala nito ang mga napapanood na eksena sa mga pelikula. “Maupo ka Renz, please,” turo ni Homer sa upuan sa kanyang harapan. Nagdalawang-isip pa sa pag-upo ang binata. Gusto niya sanang tumakbo na lang at mag-dota, kaysa sa kung anong sitwasyong kinahaharap niya ngayon. Umupo siyang iniiwasan ang tingin ng mga imbestigador. Nag-intro muna si Homer sa mga mangyayari sa interogasyong ito. Ipinaliwanag niya ang purpose ng recorder na nasa harapan nila, at isa-isa silang nagpakilala. “Renz Pria,” banggit ni Homer. Napalingon dito ang binata. “I’m sorry sa nangyari sa Mama mo, pero as part ng investigation kailangan mong maki-cooperate sa takbo ng kaso, may ilan lang kaming mga itatanong sa iyo.” Marahang tumango si Renz. Hindi pa rin nito magawang makatingin nang tuwid sa kanilang mga mata. “So, bago kami magsimula, gusto mo bang kumuha ng lawyer?” tanong ni Andy. “Lawyer?” gulat na tanong ni Renz. Tinignan ni Homer si Andy, nagpapahiwatig na, ba’t ka nakikialam? Binaling ni Homer ang tingin kay Renz, “Ikaw, kung gusto mo? Karapatan mo ‘yan.” “Ah, hindi ko alam,” mahina muna niyang sabi. “Hindi na lang.” “Okay.” May tinignan si Homer sa notes niya. “So, ilang taon ka na, Renz?” “18.” “Nag-aaral?” Iling lang ang sagot nito, na siyang sinita ni Homer. Tinuro niya ang recorder at inulit ang sinabi niya kanina sa intro na kailangan niyang bigkasin lahat ng kanyang mga sagot. “Huminto muna ako,” sagot ni Renz. “Anong madalas mong ginagawa buong araw?” “Mag-computer.” Naghintay sina Homer at Andy ng mga follow-up ngunit walang lumabas. “Iyon lang?” tanong ni Homer. “Computer lang? Buong araw?” “Ah, kumain, maligo, magbantay ng bakery.” Saglit na nagpakita ang pagka-asar sa mga mata ni Renz. “Kahapon? Nasaan ka ng mga alas-dos ng hapon?” sabi ni Homer. “Nasa bahay ako nina Chris.” “Chris?” “Christian Valdez. Taga-Barangay Depaz, medyo malayo sa bahay namin.” “So, buong araw, wala ka sa bahay ninyo kahapon?” Umiling-iling si Renz. “Wala.” Nagtinginan sina Homer at Andy. Gumawa ng tapping sound ang ballpen ni Homer sa desk. Napa-isip siya habang tinititigan si Renz. “Buong araw kahapon, wala ka?” Pinilit ni Renz na harapin si Homer. “Wala. Po.” “E kailan ang huling dalaw mo sa bahay ninyo kung wala ka kahapon?” “Mga gabi nung March 31. Nandoon ako.” “At anong oras ka umalis niyan?” “Madaling araw ng April 1.” Napapangiti sa isip itong si Homer. Ang bilis sumagot ng binata. “Eksaktong oras?” “Huh?” “Eksaktong oras ng pag-alis mo ng bahay niyo?” “Ah, 3. Mga 3:15.” “Alam ba ito ng Mama mo?” tanong naman ni Andy. Napatingin si Homer sa katabi, sumingit na naman kasi. “Hindi. Tumakas ako.” “Tumakas? Bakit?” tanong na ni Homer. “E tiyak pipigilan ako no’n. Bubungangaan na naman ako. Sisigawan na naman ako na puro na lang ako Dota.” Pinagpatong ni Homer ang kanyang kamay sa harapan niya, malapit sa bibig. “Ano pa ba ang mga pinag-aawayan ninyo?” “Iyon lang. Dota.” Nagkatinginan sina Andy at Homer. Ikinabibwisit na ito ngayon ni Renz. Pakiramdam niya ay pinagdududahan siya ng mga ito. “Wala ng iba?” tanong ni Andy. “Sila ni Rick ang madalas mag-away. Nagtataka nga ako bakit ako itong parang pinapalabas niyong may gawa no’n sa Mama ko. Nag-aaway kami, oo, pero hindi ko iyon magagawa sa Mama ko. Sure akong si Rick ang may gawa no’n. Malaki ang galit no’n kay Mama.” “Alam mo ba ang lagi nilang pinag-aawayan?” tanong ni Andy. Nag-isip-isip itong si Renz. “Halos lahat ng bagay.” “Siguro naman, may alam ka kahit isa or dalawa?” “Ahh, katamaran... laging nagkukulong sa kwarto.” Nasisiguro na ni Homer na malapit na niyang ma-corner ang bata. Nagagawa man nitong makalusot sa bawat tanong, natitiyak niyang hindi pa rin ito inosente. Una sa listahan ng kanyang ipinagtataka ay ang hindi man lang pag-iyak ni Homer sa nalamang kapalaran ng kanyang ina. Nagpakita man ito ng kalungkutan, pero alam ni Homer na sa isang binatang tulad niya, tila kulang pa ang reaksyon niyang iyon. Kung tutuusin, ang pakiramdam ngayon ng binata ay tila ba naaabala siya sa interogasyong ito, na para bang atat na atat na itong makaalis at makalayo-layo. Nabigla na lang silang tatlo nang bumukas ang pinto ng interrogation room. Isang officer ang humingi ng paumanhin. Lumapit ito at bumulong kay Homer. “Nandiyan na rin po ‘yung Justin Romero.” “Okay, good,” sabi ni Homer. “Twenty minutes, saka mo papuntahin dito.” “Yes, Sir.” Hinarap ni Homer si Renz, sinuri ang reaksyon nito saglit at kinuhanan ito ng mga contacts. “May mga forensics pa rin doon sa bahay ninyo, so hindi ka pa pupwedeng mag-stay doon. May matitirhan ka ba sa mga kaibigan mo?” Tango lang ang sagot niya. * * * Si Justine Romero ay bente-uno anyos. Malinis ang pagkaka-trim sa buhok, may kaunting bahid ng balbas, at charismatic, tipong aakalaing adonis ng paaralan kahit pa hindi naman ito gaanong sikat. Karamihan sa mga itinanong sa kanya ay kaparehas lang din sa mga tinanong kay Renz. Inalam nina Homer at Andy ang mga oras na naroroon siya sa bahay at ang oras ng kanyang pag-alis. “Baker ka na ng mga Pria for how long?” tanong ni Andy. “Dalawang taon po.” “Anong oras kadalasan ang uwi mo?” tanong naman ni Homer. Ayaw niyang pasingitin ang kasama niya. Lumalabas kasi na si Andy ang lead investigator, hindi siya. “Mga alas-diyes ng gabi.” “Gano’n din ang kasama mong si Jomel?” Tumango ang binata. Kumpara kay Renz, halatang mas kabado itong si Justin Romero. Hindi mapirme ang kanyang tingin, na tila ba meron siyang kalaban na iniiwasan mula sa labas ng silid. “May nakapagsabing umalis ka na raw ng mga tanghali, totoo ba ‘yon?” sabi ni Homer. “Opo.” “Bakit ka umuwi ng tanghali samantalang alas-diyes ang uwi niyo?” “Nainis po kasi ako noon. At ano po, para makaiwas na rin sa gulo.” Nagkatinginan ang dalawang imbestigador. Iyon ang kanina pa nilang hinihintay na detalye na pumasok sa tainga nila. “Nainis? Bakit?” tanong ni Andy. “Ilang linggo na po kasi niyang dini-delay ang sahod namin. Wala pa siyang binibigay na kahit ano. Eh iyong kapatid kong si April, nasa ospital, kailangan ng pambayad at pambili ng gamot.” “So, nag-away kayo?” tanong ni Homer. “Uh, opo. P-pero, hindi ako iyong gumawa no’n sa kanya. Hindi ko po iyon magagawa sa isang tao. Malakas ang kutob ko Sir, na si Rick ang may gawa no’n.” Bakit ba madalas nilang sisihin iyong Rick? naisip ni Homer. “Paano mo naman nasabi?” “Sinaktan ulit siya ni Diane bago siya naglayas. Hinampas sa mukha, ng... ng hawakan nung martilyo.” Napanganga si Andy sa narinig. “Bakit naman iyon gagawin ni Diane?” “Dalawa po ang dahilan. Una, pinagbintangan ni Diane si Rick na nagnakaw nung pera niya. Pangalawa, nung mabuksan namin ang kwarto ni Rick, ayun, nagwala si Diane. Tinawag-tawag niya si Rick na demonyo, halimaw. Ano na lang daw ang sasabihin ng mga bisita niya kapag nakita ang kwarto niya. Tapos isa raw siyang malaking kahihiyan.” “Matapos no’n, umalis ka na?” tanong ni Homer. “Hindi pa po. Nananatili pa po ako para bantayan ang tindahan. Mga isang oras, nagsisisigaw si Diane, pinapakuha ako ng balde ng tubig, nasusunog daw ang kama niya. Si Rick naman ay nakalayas na no’n. Isa rin palang dahilan kung bakit maaga akong umalis ay iyon nga, inutusan ako ni Diane na hanapin at dalhin sa kanya si Rick. Pero hindi na ako bumalik no’n at hindi ko na hinanap pa ‘yung bata. Umalis na lang ako para makaiwas sa gulo, sa magulong pamilya nila.” Kumatok muli ang officer na nang-istorbo kanina. Mabibilis ang mga pagkatok na iyon, na tila ba may isa na namang urgent na kailangang gawin. “Inspector!” sabi nito. “Oh?” “May nangyari sa ospital.” Noong una ay hindi malaman ni Homer ang koneksyon. Anong meron sa ospital e samantalang naririto ang mga suspek niya? Hanggang sa naalala niya iyong insidente sa pool, na ang bata nga palang nasangkot doon ay anak ng taong nasa kaso niya. “Kay Rick Pria?” “Opo Inspector, kay Rick Pria nga po. Kailangan po kayo agad doon.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD