Mariano Highway, 4 Km near San Isidro MC
April 01, 2015
9:03 PM
Dala-dala si Rick ngayon ng isang ambulansya. Kabilang sa loob ng sasakyan ang ilan sa mga responsable niyang mga kaklase. Isa na roon si Dindin, ang sinisisi ng lahat sa nangyari. Hinihinala kasi nilang nilagyan niya ang pagkain ni Rick ng kung ano mang klase ng sumpa na siyang dahilan ng biglaang pagliyab ng binti nito.
Ilang mga First Responders na mga Pulis ang dumating upang inspeksyunan ang naganap na insidente. Pinaalis ang mga mga taong pakalat-kalat sa eksaktong spot kung saan nagpagulong-gulong sa sakit si Rick at kinordonan ng yellow tape para wala nang makalapit pa.
Kung sinu-sinong mga kaklase ni Rick ang na-interview. Kanya-kanya sila ng teorya. May ilang naniniwalang masamang espiritu raw ang may sala, may ilan na sinisisi si Menchie dahil siya raw ang mas malapit kay Rick nang mangyari ang insidente, may ilan ding naniniwalang kalokohan lang ito ni Rick. April Fool’s Day ngayon eh, malamang prank niya lang daw iyon.
Pero kung susumahin, wala talagang nakakaalam kung ano nga ba talaga ang nangyari.
Hindi matukoy ng mga Pulis kung ididiklara ba nila itong isang krimen o hindi.
Abala ang nurse sa loob ng ambulansya sa pag-assess ng kalagayan ni Rick. Kahit tulog, nakangiwi pa rin ang mukha nito sa tindi ng sakit. Binigyan na siya ng paunang lunas, ang mga ilong niya’y tinakluban ng oxygen mask. Isang batang Police Officer, si PO2 Mario Casimbal ang sumama sa pagdala kay Rick sa ospital. Wala itong tigil sa katatanong sa tatlong estudyanteng nasa sa loob din ng ambulansya.
“Anong pangalan mo, Miss?” tanong ng pulis kay Dindin, habang nagsusulat sa kanyang notebook.
“Kuya, hindi nga po ako ang may gawa niyan!”
“Ang ulam mo lang naman ang kinain ni Rick eh,” sabat ni Joseph sa gitna ng interview. Siya itong kontrabida ng kanilang klase. Sa tuwing may problema, ang hilig niyang sumingit, makita lang ang kasiraan ng iba.
“Shunga ka ba? Kapag nakakain ka ba ng ganoong ka-anghang, masusunog ang balat mo?”
“Dindin! Joseph!” saway ni Alyssa sa dalawa, nahihiya sa harapan ng hindi makasingit sa usapan na police officer.
Nang humina ang satsatan, nagtanong muli si Casimbal, “Ano uli ang pangalan mo?”
Si Alyssa na lang ang sumagot para sa kanyang kaklase, “Dindin Benitez po, Officer.”
“Sigurado kayong walang may gawa niyan sa kanya?”
Hindi na nakapagpigil pa si Dindin, ihinarap niya ang cellphone ni Jolina na kanina pang nasa kamay niya. Naka-play roon ang video footage ng buong pangyayari. Nagpa-ikot-ikot sa loob ng ambulansya ang mga hiyaw sa sakit ni Rick na galing sa video. Makikita ang dahan-dahang parang pagdrawing ng nagliliyab na bituin sa binti ni Rick. Malinaw na walang taong gumagawa no’n sa kanya, na para bang tina-target siya ng isang masamang ispirito o kaya’y sinasaktan ng isang mangkukulam.
Inisa-isang sinilip ni Dindin ang mga kasam, waring sinasabing, Oh, naniniwala na kayo?
“Dindin,” sabi ni Alyssa, “tanging ang ulam mo lang ang kinain ni Rick at tanging si Rick lang ang kumain ng ulam mo, wala nang iba. Baka may kung anong--”
“May kung anong ano? Sumpa? May kulam doon sa ulam? Alyssa, nahihibang ka na ba? Paano ko naman ‘yon magagawa aber?”
Nagkibit-balikat na lang itong si Alyssa, pero hindi pa rin nawawala ang duda niya sa babae.
“Ganito,” sabi nung pulis. “Mayroon na kaming sample nung pagkaing sinasabi niyo. Ipe-presenta namin iyon sa Crime Lab para mas lalo pang mapag-aralan. Baka may substance roon na--”
Napapanganga na lamang si Dindin sa mga sinasabi ng kanyang mga kasama. “Ewan ko sa inyo!”
* * *
Mabilis na umaksyon ang mga tauhan ng ospital pagkarating na pagkarating pa lang ng ambulansya. Isinugod si Rick sa ER, samantalang ang mga kaklase naman niya ay naiwan sa waiting area, kasa-kasama si Officer Casimbal na siyang kausap ngayon ng isang nurse. Nagpapalitan sila ng mga detalye tungkol sa naganap na insidente.
Ang kawalan ng ideya tungkol sa kung anong nangyari ang bumabagabag kay Casimbal ngayon. Madalas siyang purihin mula sa bilis ng kanyang paglutas sa mga kaso. Pero sa sitwasyon ngayon, na kahit pa may recording sila ng insidente, dama niyang may kung anong mali.
Ilang sandali ay tumunog ang cellphone niya. “Uh, excuse me,” sabi niya sa nurse at naglakad palayo. Nang natiyak niyang wala nang makakarinig sa kanya, sinagot niya ang tawag. “Oh?”
“Ano nang lagay nung biktima?” tanong ng kapwa niya pulis sa kabilang linya.
“Wala pa ring malay. Bakit?”
“Na-interview mo na iyong tatlong kasama mo?”
“Nagawa ko na.”
“Good. Iyong iba rito, sinasabi, baka raw nasaniban iyang batang iyan kaya ganiyan. Bago pa raw sila pumunta ng Resort, hindi makausap at nakangiting parang baliw. Akala mo may sapi.”
Sinilip ni Officer Casimbal si Rick sa bintana ng ER. “Iyon nga rin ang kwento ng mga kasama ko rito,” sabi niya. “Uh, Julius, itu-turn-over na ba natin ito sa mga imbestigador?”
“Sa ngayon, hindi pa. Hindi pa natin masasabi kung krimen nga ba ito o hindi.”
“Iyong pamilya nung bata, na-inform na ba sa insidente?”
“Papunta na sina Masiglat doon.”
“Oh, sige sige.”
Iyon lang at ibinaba na ni Officer Casimbal ang tawag. Bumalik siya sa row ng upuang kinalalagyan ng tatlong estudyanteng kasama niya kanina.
“Si Nurse Cecile?” tanong niya sa tatlo.
“Bumalik po sa loob,” sagot ni Alyssa, tinutukoy ang ER sa kanilang likuran.
Umupo si Officer Casimbal sa bakanteng upuan sa tabi ni Alyssa. Nag-isip saglit ng kanyang mga itatanong at hinarap muli ang tatlo. “Mayroon bang nakaaway si Rick Pria sa inyo, na kasama niyo sa Resort?”
“Marami po,” mabilis na sagot ni Joseph. “Number one na po si Cedric, sunod si Alec at si Troy. Kanina nga po, pinagtripan nila si Rick, hinulog nila sa pool.”
Tumango-tango si Officer Casimbal sa kanyang mga nalalaman at kanya itong ni-record sa kanyang mga notes. “Ano ang madalas nilang pag-awayan? Gaano kadalas itong mangyari?”
“Ah, araw-araw po. Lagi nga po nilang binu-bully si Rick na emo raw, baliw, saka bading. Minsan nga po, nagkakasakitan sila.”
“Bading?”
Nagkatinginan ang tatlong magkakaklase at sabay na tumango.
“Mayroon ba siyang kaibigan sa inyo? Bestfriend?”
“Si Menchie Castro po,” si Alyssa naman itong sumagot.
“Menchie Castro. Kasama ba siya kanina?”
“Opo officer. Isa po siya sa mga naiwan roon sa Resort.”
Kanina’y gusto sanang sumama ni Menchie sa ambulansya, kaso isa siya sa mga naunang in-interview ng ibang officer roon, kaya hindi na niya nagawa pang makahabol sa loob ng ambulansya. Malamang ay pasunod na rin iyon ngayon sa ospital. Hindi no’n kakayanin na mawalay kay Rick, para siyang isang anino, laging nakabuntot.
Isa uling pagtunog ng kanyang celphone ang nakagimbal kay Officer Casimbal. Tumayo siyang muli at lumayo mula sa tatlong katabi niya.
“Officer,” bati niya.
“Maghanda ka na agad ng report mamaya. Bantayan mo rin ang kalagayan nung bata. Matinding kaso ito,” sabi ng nasa linya.
“Matinding kaso? Bakit anong nangyari? Anong nalaman mo?”
“May natuklasan silang patay na katawan dito. May mga forensics na ring nandito sa Pria Residence.”
“Ano?” Napakapit siya sa kanyang noo. “Paanong-- Uh, sino ‘yung--?”
“Diane Intal-Pria. Ang step mother nung batang binabantayan mo ngayon.”