Literal na nalaglag ang panga ni Mario nang marinig ang pangalang binanggit ni Celestine. Namilog ang mga mata nito kasabay ng paghawak sa sariling dibdib na tila ba malalaglag ang parteng iyon.
"Hoy," saad ni Celestine. "Huwag ka ngang umarte na parang masisilipan ka dahil wala kang dibdib. Wala ka ring cleavage."
"Me ghed, sisteret." Tumili si Mario ngunit agad ding tinakpan ang bibig nang mapansin na paparating si Inday dala ang isang tray na naglalaman ng dalawang baso ng juice.
"As I was saying, kailangan nating mag-hire ng manikurista," pag-iiba ni Celestine ng usapan.
"Ay true, sis," tugon ni Mario na nakahalata rin sa pagbabago ng topic nila. "Kagaya kanina, punong-puno ang beauty parlor. Walang pahinga ang mga bakla!" Kinuha nito ang kalalapag lang na baso ng juice saka uminom. Tiningnan nito si Inday na naroon lang sa tabi at nakikinig sa kanilang pag-uusap.
"So, ilan ang puwede nating i-hire?" Nakatingin si Celestine sa mukha ni Mario at hindi na niya pinansin si Inday matapos niya magpasalamat sa dinala na juice.
"Naku, sis! Isa o dalawang manikurista, oks na."
Ngumiti siya. "Mas marami, mas masaya."
"E, kung puro tsismis ang atupagin? Ikaw din." Sa sobrang inis ni Mario ay pinaringgan nito si Inday. "Magpapasahod ka sa taong walang ibang alam kung hindi alamin ang buhay ng may buhay?" Inilapag nito ang hawak na baso saka muling tumingin sa kasambahay.
Wala pang isang segundo ay mabilis na naglakad palayo si Inday at pumasok sa bahay. Tumawa naman si Mario at muling tinanong si Celestine tungkol kay Edward. Waring sabik na sabik itong malaman ang lahat dahil inilapit pa nito ang upuan para makapag-usap sila ng maayos.
"So, how was your s*xcapade last night?" bulong nito sa kaniya na may halong landi at kilig. Nakangiti ito habang pumapalakpak nang mahina. "I am sure hindi ka nakatulog."
"Slight. We miss each other that much." May halong lungkot sa boses niya. "How I wish na sana hindi na natapos ang gabing iyon."
Pasimpleng pinunasan ni Mario ang ilang butil ng luha sa sariling mga mata. Naluluha siya sa love life ng kaibigan. Gusto niya na maging masaya si Celestine, pero hindi naman niya ito puwedeng pangunahan.
Walong taon na ang nakalipas simula nang makilala ni Celestine si Mario. Kapitbahay ito ng kapatid niya na si Keith at ito ang sumbungan niya noon ng mga hinanakit niya sa buhay. Simula kasi nang umalis siya sa probinsiya nila ay nagpumilit ang Kuya Keith niya na sa kanila siya tumira dahil nang mga panahon na iyon ay buntis ang asawa nito at walang makakasama sa bahay.
Pinag-aral siya ni Keith sa kolehiyo, subalit hindi siya nakatapos. Hanggang dalawang taon lang dahil hindi na nito kaya pang tustusan ang pag-aaral niya. Ilang buwan lang ang lumipas ay ipinakilala siya nito kay Daniel na kinalaunan ay ibenenta siya ng sariling kapatid. Napilitan siyang magpakasal kay Daniel dahil b-in-lackmail siya ng kapatid niya.
Sa mga panahon na iyon ay wala siyang ibang mapagsabihan ng problema kundi si Mario. Dati itong call center agent. Nag-resign ito sa kompanyang pinapasukan at nagdesisyon na pamahalaan ang beauty salon na itinayo ni Celestine isang taon matapos ang kasal kay Daniel. May dalawang branch na sa karatig-bayan ang beauty parlor ni Celestine at nagpapasalamat siya na nakaalalay sa kaniya si Mario pagdating sa negosyo na 'yon.
"Well at least natupad ang matagal mo ng hinihiling, sis. Nagkita kayong muli ni Edward sa araw ng birthday mo. Indeed, that was a great birthday gift."
Ngumiti siya.
"Mabuti at hindi nalaman ni Daniel ang tungkol sa pagkikita ninyo?" bulong ni Mario saka tumingin sa pangalawang palapag ng bahay sa pag-aakalang naroon sa terrace ang asawa ng kaibigan.
Umiling si Celestine. "He is busy with other woman. He didn't even greet me yesterday."
"What? Birthday mo kahapon. Hindi ba niya alam?"
Bumuntong-hininga siya. "You know what, Mario, I saw him with other woman yesterday, pero itinanggi niya nang makausap ko siya kanina sa cellphone. Kitang-kita ng dalawa kong mga mata nang halikan niya ang babaing iyon sa labas ng Mahogany Market."
"So sa Tagaytay ka nag-renew ng lisensiya kahapon?"
Tumango siya. Kinuha niya ang baso at uminom.
"Ang akala ko ba nasa Bicol si Edward? What is he doing here?"
"Sabi niya galing daw siya sa SSS kahapon at nagpunta siya sa Mahogany Market. Hayun nakita niya ako na nasa labas ng LTO."
"So probably pauwi na siya sa Bicol. Did he even ask you to go with him?"
Nagpunas ng luha si Celestine saka mapait na ngumiti. "He did ask me to leave Daniel and be with him."
Umaliwalas ang mukha ni Mario. "And you say yes?"
"I said no. But he gave me time to think about it. This coming Wednesday ang flight niya patungong Argentina."
"So sa Argentina na siya nakabase?"
Nagkibit siya ng balikat. "I don't know. All I know is that he is a chef in a cruise ship. That's what he told me."
"Ang layo na rin pala ng narating ng ex mo. For sure hindi na siya mamaliitin ng pamilya mo. Imagine, ha, from being a basagulero to a chef in a cruise ship. Natitiyak ko na maglalaway ang kuya mo sa kinikitang dolyares ng ex mo."
Ngayon lang sumagi sa isip niya ang panghahamak ng kuya niya kay Edward noon. Lapitin kasi ng gulo ang huli at iyon ang pinagdidiinan ni Keith sa kanilang ama. Kaya kahit okay naman sa tatay nila si Edward ay napilitan itong sumang-ayon sa kuya niya. Isa rin sa nanunulsol noon ay ang kanilang ina na napakalaki ng galit sa kaniya.
"So sa Wednesday malalaman ni Edward ang final decision mo?"
"He said he will wait for me at the airport." Bumuntong-huminga siya. "I want to see him, pero natatakot din ako na baka hindi ko mapigilan ang aking sarili ay mapa-oo ako. Mawawasak ang pamilya ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko."
"How many times do I have to tell you na sundin mo ang itinitibok ng puso mo? Hindi nagkakamali ang puso, Celestine."
"I love Edward, Mario," pag-amin niya. "Hanggang ngayon ay siya pa rin ang mahal ko. But I am not yet ready to be with him."