Kasalanan ko kung mangyayari ang mga sinabi ni Ms. Palanas. Dahil sa kagustuhan kong mapatalsik sa school namin si Dragon Lady, nagawa kong idamay ang mga kaklase ko sa galit nito.
At paano kung hindi mapatalsik ang dragon? Paano kung panigan pa rin ito ng butihin naming prinsipal? Saan na kami pupuluting lahat? Mababalewala ang lahat ng sakripisyo ko. Sa huli, magagalit lang pala sa akin ang mga kaklase ko.
Pero hindi ako naging presidente ng klase namin para lang sa wala. Sa ilang buwan na pagtuturo ni Ms. Turtle, alam ko na ang ligaw ng bituka nito. Alam kong darating ang araw na ibabagsak kami nito sa oras na labanan namin ito.
Kinapa ko ang ballpen na nakasabit sa uniform ko. Naramdaman ko ang panginginig ng mahabang katawan nito. Gumagana pa rin ang video camera nito hanggang ngayon.
Napansin marahil ni Ms. Palanas ang pananahimik ko. Marahan nitong inilapat ang isang palad sa balikat ko.
"Don't worry, Miya. Kahit iparating pa ni Ms. Turtle kay Mrs. Lord ang nangyari, nasa likod mo lang ako. I'm with you all the way. Susuportahan kita," sinserong pahayag ni Ms. Palanas. Lumapit ito sa akin at pabulong na dinagdag, "Sa totoo lang, matagal na rin akong inis sa babaeng 'yon. Panahon na siguro para matigil ang mga kahibangan ni...Dragon Lady." Napangiti si Ms. Palanas sabay takip sa bibig.
Muling nagtawanan ang lahat.
"Tama ang mga sinabi ni Ms. Palanas, Miya," sang-ayon ni Bruno. Inakbayan ako nito sa balikat sabay lapat ng kaliwang pisngi nito sa pisngi ko. Naramdaman ko ang magaspang na tekstura ng pilat nito na kumiskis sa balat ko. "Nandito lang kami sa likod mo. Alam mo 'yan. Basta huwag ka lang uutot, okay?"
"Bitiwan mo nga ako!"
Lalo pang hinigpitan ni Bruno ang pagkakahawak sa akin habang tumatawa.
"Tigilan mo nga si Miya," bulyaw ni Layla kay Bruno. "You're being annoying."
"Nagseselos ka lang yata. Alam ko namang matagal mo na akong gusto. Ayaw mo lang aminin." Kumalas ito mula sa pagkakahawak sa akin sabay lahad ng mga kamay kay Layla. "Halika, let me give you a hug. Come on, my baby girl. Come to papa!"
"Damn you," ismid ni Layla. Namula ang mukha nito at nahihiyang napasulyap kay Ms. Palanas. Nasapo nito ang bibig. "Sorry po."
Natatawang umiling lang si Ms. Palanas.
"Basta, guys, susuportahan natin si Miya kahit na anong mangyari," matatag na turan ni Nana sa lahat. "Siguradong magsusumbong si Dragon Lady sa prinsipal. God knows kung paano nito gagawing masama si Miya sa paningin ni Ms. Lord. Huwag natin hayaang magwagi si Dragon Lady, okay? Huwag tayong papayag!"
Nagsipagtanguan ang lahat, kasama na si Ms. Palanas.
Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib.
Natalo ko ang dragon. Napahiya ko ang dragon. Dragonslayer. Miya the Dragonslayer. Masarap pakinggan. Musika sa pandinig ko. Pakiramdam ko nakuha ko na ang matagal ko nang pinapangarap sa buhay. Kung pangarap ba na maituturing ang ipahiya ang isang terror teacher sa harap ng buong klase.
Habang kanya-kanya ng usapan ang mga kaklase ko, palihim akong hinila ni Ms. Palanas patungo sa silid-aklatan. Sa katahimikan sa loob at sa mala-bubuyog na ingay ng mga estudyante na nangggagaling sa labas, mistulang boses ng isang dyosa ang tinig ni Ms. Palanas.
"Be careful, Miya. I don't know, pero masama ang kutob ko."
"Ano po'ng ibig ninyong sabihin?"
Lalong sumeryoso ang mukha ni Ms. Palanas na tila ba bahagya itong na-disappoint dahil hindi ko kaagad nakuha ang ibig nitong sabihin.
"Tungkol sa ginawa mo kay Ms. Turtle. Hinahangaan kita sa tapang mo, sure, but you know what I really think? I think what you just did was a big mistake. A very bad mistake. Hindi mo pa kilala si Ms. Turtle. Siguradong gagawin nito ang lahat makaganti lang sa iyo."
Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Ramdam ko na may tinatago si Ms. Palanas patungkol kay Dragon Lady, at maaaring pareho kami ng hinala.
"S-Sa tingin n'yo po si Dragon Lady ang Killer in the Rain?" tanong ko sa mababang tinig kahit kaming dalawa lang naman ni Ms. Palanas ang nandito sa loob ng silid-aklatan. "Sa tingin n'yo siya ang pumapatay sa mga estudyante rito sa Purvil High at sa ibang karatig-eskwelahan?
Natigilan si Ms. Palanas. Nakagat nito ang labi na tila pinagsisisihan kung bakit nasabi nito ang hindi dapat sabihin sa mga estudyante. Lalo na kung ang pinag-uusapan ay ang kapwa guro nito na malinaw na paborito ng prinsipal ng paaralang ito.
"Ms. Palanas?" Agad kong hinawakan ang mga kamay nito na nasa ibabaw ng lamesa at pinisil. "Totoo po ba? Si Ms. Turtle ang Killer in the Rain?"
Nagbigay ng isang ngiti si Ms. Palanas na hindi umabot sa magkabilang tainga nito. Umiling ito.
"Hindi ko alam, Miya. Maaaring si Ms. Turtle ang Killer in the Rain. Maaaring ako. Ang prinsipal." Tumingin ito nang makahulugan sa akin. "Maaari ikaw. Actually, everyone is a suspect. But regardless, I still want you to be careful. Nakita ko na kung paanong makipagsabunutan si Ms. Turtle nang nasa high school pa lang kami. Bali man ang ilong at putok ang nguso hindi ito tumigil hangga't hindi bumabagsak ang nakaalitan niya. Tatlong buwan na na-coma ang kaawa-awang babae na kaalitan ni Ms. Turtle. She was a warfreak back then. Until now. Hindi ko alam kung ano ang kaya niyang gawin sa isang estudyante na sobrang namahiya sa kanya."
Biglang bumukas ang bintana sa tabi ni Ms. Palanas dahilan para magpasukan ang malalakas na hangin. Nagliparan ang ilang mga papel na nakapatong sa ibabaw ng bookshelf na parang malalaking confetti.
Kinilabutan ako nang madampian ng malamig na hangin ang katawan ko.
Halos mapalundag ako sa kinauupuan nang kumidlat ng malakas. Bahagyang nagdilim ang mga ilaw sa kisame na tila nagbabadya ng pagkaputol ng kuryente pero agad ring bumalik sa normal ang liwanag ng mga ito.
Nang ibalik ko ang atensyon ko, nakita kong nakatingin si Ms. Palanas sa labas ng bintana, pinagmamasdan ang maulap na kalangitan.
"Killer in the Rain," biglang anas ni Ms. Palanas. Binalik nito ang tingin sa akin. "Alam mo ba kung bakit ganito ang bansag sa killer na ito?"
Tumango ako.
"Dahil pumapatay ito ng mga estudyante, at ginagawa nito ang pamamaslang tuwing umuulan lang," sagot ko habang inaalala ang nakakagimbal na umaga na bumungad sa amin nang madiskubre ng isang estudyante dito sa Purvil High ang bangkay ng isa pang estudyante na nagngangalang Lesley Gesmundo. Natagpuan itong nakahandusay sa labas ng gate. Halos bumaligtad ang sikmura namin nang makitang nawawala ang ulo nito. Sinabi ng mga magulang nito na tumawag si Lesley sa kanila at nagsabing gagabihin nang uwi sa hindi sinabing kadahilanan. Malakas ang ulan nang gabing hindi umuwi ang kanilang anak. Napagtugma-tugma ng ilang imbestigador ang pattern ng mga pagpatay: mga kabataang estudyante na puro babae; walang bakas ng panggagahasa na nagpatibay sa konklusyon na babae din ang posibleng salarin; Nawawala ang mga ulo; At ang time of death ay hindi malayo sa oras kung kailan umulan sa lugar kung saan nakita ang mga bangkay.
At ang pinakamalakas na ebidensya na may serial killings na nagaganap at iisang tao lang ang salarin? Ang markang iniiwan nito sa katawan ng mga biktima: kulay pulang marka ng lipstick na nakasulat sa hubad na katawan ng mga biktima na nagsasabing FAILED.
"Good. At least, hindi ka ignorante kagaya ng iba. I salute you."
Muling kumidlat nang malakas.
"Ipangako mo na uuwi ka kaagad ngayon, Miya. Huwag mong hahayaang maabutan ka nang ulan." Bahagyang nagdilim ang mukha ni Ms. Palanas. "Ipangako mo sa akin. I need your word for it."
"Ipinapangako ko po."
Tumayo si Ms. Palanas mula sa pagkakaupo. Muli nitong kinuha ang dalang science textbook at nilapat sa dibdib.
"I think we should go," sabi nito sabay ngiti sa akin. "Siguro nagiging paranoid lang ako. I don't know. Ganito siguro kapag nasa mahigit kwarenta na at malapit nang mag-menopause, nagiging paranoid. Hell, masisisi ko ba ang sarili ko na mag-alala para sa kaligtasan ng mga estudyante ko? Ano sa tingin mo, Miya?"
Hindi ako tumugon. Nilapitan ko si Ms. Palanas at niyakap.