NAGISING sina Miyaka sa biglaang pagbuhos ng malakas na ulan. Naramdaman niya ang pagkabasa ng hinihigaan nila kaya naman lumabas na silang lahat ng kani-kanilang tent habang nakapayong.
“Anong gagawin natin?” tanong ni Bettina na nakapanty at bra lang. At ang katabi nitong si Billy ay naka-brief naman.
“Bumalik na lang tayo sa van. Pack niyo na mga gamit natin!” Medyo pasigaw ang pagsasalita ni Franco dahil halos hindi na nila marinig ang isa’t isa dahil sa lakas ng ulan.
Agad namang tumalima ang lahat. Mabilis nilang inempake lahat ng gamit nila at matapos iyon ay nag-umpisa na silang maglakad pabalik ng van.
Hindi pa rin maalis ang pag-aalala ni Miyaka sa kaibigan nilang si Tanya. Kung nasaan man ito paniguradong hindi maganda ang lagay nito lalo na’t umuulan ng malakas.
Malamig ang hanging humahampas sa balat nila. Sinamahan pa iyon ng ulan kaya nanginginig na silang lahat. Matagal-tagal na rin silang naglalakad nang huminto si Franco na nasa unahan nila. Humarap ito sa kanilang lahat para sabihing mukhang naliligaw na sila. Madilim na daw kasi sa gubat at hindi na nito matandaan ang daan kung saan nila iniwanan ang kanilang van.
“f**k!” Mura ni Billy. “Dapat kanina mo pa sinabi!” galit na turan nito kay Franco sabay duro dito.
Naiinis na tinabig ni Franco ang daliri ni Billy. “'Wag mo akong maduro-duro, ha! Kayo nga ng girlfriend mo ang walang naitulong. Wala kayong ginawa kundi maglampungan!”
“Hey! Bakit naman nasama ang pangalan ko diyan?!” reklamo ni Bettina. “Naiinggit ka lang siguro because wala kang girlfriend!”
“Guys, tama na 'yan! Lalong hindi nakakatulong sa pagkaligaw natin ang ginagawa niyo!” saway ni Kathleen.
Kahit sinaway na ni Kathleen sina Franco ay patuloy pa rin ang pag-aaway ng mga iyon. Si Miyaka naman ay luminga sa paligid at may nakita siyang tila ilaw sa di-kalayuan. Hinawi niya ang basang buhok na nasa mukha niya at marahang naglakad sa direksyon kung saan naroon ang ilaw. Hanggang sa isang ngiti ng pag-asa ang sumilay sa kanyang labi. Paano kasi ay isang bahay pala ang pinanggagalingan ng ilaw na nakikita niya!
“Guys… Guys!” sigaw niya sa mga ito pero hindi siya pinansin. “Guys! May bahay!”
Napahinto at sabay-sabay na napatingin ang lahat sa kanya.
Naunang lumapit si Kathleen sa kanya. Itinuro niya ang bahay na nakita at natuwa din ito. Sinabi nito na ito iyong bahay ng mag-asawa na nakita nila kanina habang hinahanap si Tanya.
Agad silang naglakad papunta doon at kumatok. Yari sa semento at kahoy ang bahay. Dalawang palapag ngunit hindi ganoon kataas.
Isang ginang na sa tantiya niya ay nasa edad kuwarenta ang nagbukas ng pinto para sa kanila. Malaki ang pagkakangiti nito sa kanila.
“Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?” tanong nito.
“Maaari po bang makisilong kami sa bahay niyo? Ang lakas lang po ng ulan…” ani Franco.
“Mga campers ba kayo? Sige… Tuloy kayo!” Nilakihan nito ang pagkakabukas ng pinto.
Pumasok silang lahat doon. Nagpakuha naman agad ng tuwalya ang ginang sa isang lalaking kaedad din nito. Sa palagay ni Miyaka ay mag-asawa ang dalawa.
Matangkad ang lalaki at medyo malaki ang katawan. Kayumanggi ang balat kagaya ng asawa nito. Balbas-sarado at seryoso lagi ang mukha. Hindi ito katulad ng ginang na palaging nakangiti. Sa gilid ng salas ay may nakita si Miyaka na isang matandang babae na nakaupo sa tumba-tumba. Parang sobrang tanda na nito sa hitsura nito. Kulubot ang balat at halos nakakalbo na. Medyo nakakatakot ang paraan nito ng pagtingin. Parang galit palagi.
“Maraming salamat po,” ani Franco. Isa-isa sila nitong ipinakilala sa ginang.
“Ikinalulugod ko kayong makilala. Ako naman si Gilda… At ito naman ang asawa kong si Ruben!” Pagpapakilala nito sa kadarating lang na asawa nito na isa-isa silang binigyan ng tuwalya. “At iyon naman ang nanay ni Ruben na si Lola Lucresia.”
Bahagyang natigilan si Miyaka sa mga pangalan ng mga ito. Parang iyon ang mga pangalan ng ikwenento sa kanila ni Franco. Tila siya lang ang nakapansin doon dahil ang iba ay abala na sa pagpapatuyo sa kanilang mga sarili. Kumibit-balikat na lamang siya. Baka naman nagkataon lang iyon.
“May dalawang silid nga pala sa taas. Pwede niyong paghatian ang mga iyon. Kami naman ay dito sa silid sa ibaba natutulog. Ang banyo ay nasa katabi ng kusina…” itinuro nito ang kusina. “Kung sino man ang gustong maligo ay maaaring maligo doon.”
Muli silang nagpasalamat kina Gilda at Ruben. Dinulutan pa sila ni Gilda ng mainit na sopas bago sila umakyat sa itaas upang magpahinga na.
Hindi ganoon kalaki ang dalawang silid. Iisa lang ang kama sa bawat silid ngunit wala naman sila sa lugar para magreklamo. Kasama ni Miyaka sina Bettina at Billy sa isang silid habang sina Franco, Ace at Kathleen naman sa kabila.
Dinig pa rin nila ang malakas na hampas ng ulan sa dingding ng bahay at ang ugong ng hangin. Tila may bagyong paparating. Maya maya ay biglang namatay ang lahat ng ilaw. Brownout!
“OMG! Ang dilim!” Maarteng turan ni Bettina sabay yakap kay Billy. “Uhm, Miyaka, pwede bang kumuha ka ng candle kay Gilda?”
“Okay…” sagot niya.
Bumaba siya ng kama at lumabas ng silid. Nasa gitna na siya ng hagdan pababa nang makasalubong niya si Gilda na may dalang dawalang gasera. Nakangiti pa rin ito at ngayon ay medyo may kilabot na dulot ang ngiti nito. Hindi niya malaman kung bakit.
“Brownout… May bagyo yatang darating. Heto ang gasera. Tig-isa ang bawat silid,” anito.
Maingat niyang kinuha dito ang mga gasera. “S-salamat po, Aling Gilda.”
“Walang anuman. Sige na. Umakyat ka na para makapagpahinga…”
Muli siyang nagpasalamat kay Gilda bago siya muling umakyat sa kanilang silid.
-----***-----
PANAY ang baling ni Ace sa kaliwa’t kanan habang nakahiga siya sa kama. Ang lagkit kasi ng pakiramdam niya dahil sa ulan. Hinubad na niya ang suot na sando at humiga ulit ngunit ganoon pa rin ang pakiramdam niya. Sa kalikutan niya ay nagising niya tuloy ang tulog na si Kathleen.
Naiinis na siniko siya nito. “Ano ba?! Kanina ka pa! Ang likot mo, Ace!” sita nito sa kanya.
“Ang lagkit kasi ng pakiramdam ko. Saka alam mo naman na hindi ako sanay nang hindi naliligo bago matulog!” Katwiran niya.
“Edi, maligo ka! Vain!”
“Samahan mo ako.”
“Wow! Takot ka? Bakla ka yata, e. Vain tapos takot? Bakla nga!”
“Hindi ako bakla!” aniya at naiinis na tumayo.
Binuksan niya ang kabinet na naroon at nang makakita ng tuwalya ay lumabas siya ng kwarto. May gasera naman sa salas at kusina kaya hindi siya nahirapang makapapunta sa banyo. Mukhang tulog na sina Gilda dahil wala na siyang nakitang tao sa salas. Kinuha na rin niya ang gasera sa may kusina para may tanglaw siya sa loob ng banyo.
Naghubad na siya ng lahat ng damit niya pati panloob at isinampay niya iyon sa gilid ng lababo. Medyo sosyal naman pala ang banyo nina Gilda dahil may shower. Iyon nga lang luma na. Pero okay na iyon kesa sa wala. May sabon din at shampoo. Tamang-tama. Maaalis na niyon ang lagkit ng katawan niya.
Itinapat na ni Ace ang hubad niyang katawan sa shower at binuhay iyon.
Nanginig siya nang tumama sa katawan niya ang malamig na tubig. Tiniis na lamang niya at nag-shampoo na siya. Matapos iyon ay sinabon naman niya ang buong katawan.
Pinakiramdaman niya ang tubig. Medyo nagiging maligamgam na iyon.
Wow! Sosyal nga! May automatic heater! Natutuwang sabi ni Ace sa kanyang sarili.
Enjoy na enjoy lang siya sa pagligo.
Ngunit ang maligamgam na tubig ay unti-unti pang umiinit. Hanggang sa sobrang init na niyon. At nang mga sumunod na segundo ay hindi lang init ang nararamdaman niya kundi humahapdi na rin ang kanyang balat.
“Ahhh!!!” sigaw niya nang makita niyang nalalapnos na ang kanyang balat.
Mabilis niyang pinatay ang shower. Mukhang hindi na tubig ang lumalabas doon kundi isang matapang na uri ng asido.
Mangiyak-ngiyak na tinignan ni Ace ang kanyang lapos na braso. Pati ang buong katawan niya ay ganoon din. Nagtataka lang siya kung bakit asido ang lumabas sa dutsa. Sinadya ba iyon?
Dahil sobrang hapdi ng kanyang katawan ay nagtapis na lang si Ace ng tuwalya at lumabas ng banyo. Bitbit ang damit at gasera ay binuksan niya ang pinto. Ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang sumalubong sa kanya si Nestor. At lalo pa siyang nagulat nang makita niya ang itak na hawak nito.
“M-mang Ruben… Magandang gabi po…” Nakangiwi niyang bati dito dahil damang-dama pa rin niya ang hapdi sa buong katawan niya. “B-abkit po pala asido ang lumalabas doon sa shower? A-ang sakit po ng buong katawan ko. May gamot po ba kayo dito?”
“Gusto mo bang mawala ang sakit?” seryosong tanong nito.
“O-opo. May ointment po ba kayo dito?”
“Wala. Pero may paraan ako para mawala ang sakit na nararamdaman mo.”
“P-papaano po?”
“Tumalikod ka…”
“Po?”
“Gusto mong mawala ang sakit, 'di ba? Tumalikod ka.”
Nagtataka man ay sumunod na lang din si Ace. Nagsalo na ang lamig at sakit na nararamdaman niya. Matindi na ang panginginig ng buong katawan niya.
Naramdaman niya ang paglapit ni Ruben sa kanya. Mula sa kung saan ay dumating si Gilda at pumwesto ito sa harapan niya. Nakangiti na naman ito.
Hanggang sa biglang kinayod ni Ruben ang likod niya sa pamamagitan ng matalim na itak. Hindi na niya nagawang makasigaw dahil biglang tinakpan ni Gilda ang kanyang bunganga. Hindi pa ito nakuntento at pinasakan pa nito ng mga tela ang bunganga niya. Halos maduwal na siya dahil ramdam niya na umabot hanggang lalamunan niya ang mga tela. Nahihirapan na siyang huminga.
Muling kinayod ni Ruben ang likod niya at napaupo na siya sa sahig sa sobrang sakit. Umaagos na ang masagang dugo doon.
Nang tumingala siya ay nakita niya ang nakangiting sil Gilda at may pagtatanong sa mata niya… Bakit?